Bago Ang Paglalakbay

1506 Words
Bago ang paglalakbay ni Dmitri upang hanapin ang mga itinakdang magiging sidekick ng kanyang anak na si Wyatt ay nagpakitang muli si Reyna Lualhati sa kanya. Matapos niyang magpaalam kay Heroina ay agad na tinahak ni Dmitri ang daan ng kanyang pupuntahan. HIndi pa man siya nakalalayo ay isang nakasisilaw na liwanag ang bumungad sa kanya at basta na lamang siya hinatak ng isang kamay papasok sa lagusang iyon. Sa loob ng lagusang iyon ay paikot-ikot na parang hinihigop pababa si Dmitri. Maiksi lamang ang panahong inilagi niya sa loob ng portal na iyon at natagpuan na lamang niya ang sariling bumagsak sa harapan ng isang malaking puno. "Aray naman. Bakit kasi pabigla-bigla akong hinatak. Puwede namang pakiusapan nang maayos e. Sasama naman ako at hindi iyong sapilitan lang," untag nito habang inaayos ang sarili, himas-himas ang puwet. Natawa naman nang palihim ang reyna nang makita ang ekspresyon ng kanyang bisita. "Ikinagagalak kitang makitang muli, Dmitri. Kumusta ka?" Hinanap ni Dmitri ang pinanggagalingan ng boses. Palinga-linga pa siya pero wala siyang makita. Tanging ang pamilyar na puno ng Anglasya ang nasa harapan niya. "Hindi mo ako makikita, Dmitri. Hindi ako magpapakita sa iyo kahit na ako ang tagapangalaga ng bundok Anglaon," aniya. Wala namang magawa si Dmitri kung hindi ang makinig na lamang. "Ano po ang maipaglilingkod ko sa inyo, Reyna Lualhati?" Yumuko ito, kahit hindi niya nakikita ang reyna. Tanda lamang ito ng kanyang malaking pasasalamat sa pangalawang buhay na ibinigay sa kanya. "Hindi mo na kailangan maging pormal sa akin, Dmitri. Tanging boses ko na lamang ang iyong maririnig," sagot nito pero nanatili pa ring nakayuko ang panauhin ng reyna. "Ako ay nagagalak lamang na marinig muli ang iyong tinig at upang personal kang pasalamatan sana. Tanggapin mo po ang aking taos pusong pasasalamat sa buhay na iyong ibinigay sa akin," muling wika nito. "Sa pagkakatanda ko po ay tanging sa panaginip ka lamang magpapakita. Kaya, naiintindihan ko kung bakit boses mo na lamang ang aking maririnig. Ano po ang maipaglilingkod ko sa iyo, Reyna Lualhati?" "Tama ang iyong tinuran. Sa panaginip lamang ako nagpapakita sa mga mortal na kagaya mo. Pero matagal na akong naninirahan sa mundo ninyong mga tao. Alam na alam ko rin ang pinagdadaanan ng Independencia. Ang nangyayari sa bansa ninyo ngayon ang dahilan kung bakit napili kitang maging gabay at simbolo ng pag-asa sa lahat ng Independen o mga taong ang tanging hangad lamang ay maging malaya. Tama ang desisyon kong piliin ka at si Heroina bilang instrumento upang mabuo si Wyatt, na siyang magiging pinakasimbolo ng pag-asang inaasam ngayon ng buong Independencia na makuha sa kamay ni Damion Kill." Nakikinig lamang si Dmitri. Napakamaalalahanin ng reyna. Kapakanan rin pala ng buong bansa ang iniisip niya. Masuwerte siya dahil siya ang napiling instrumento niya upang maging mahigpit na kalaban ni Damion Kill. "Nababasa ko ang iyong iniisip, Dmitri. Tama ka sa iyong mga isiniwalat. Sa iyong dugo at laman sisibol ang bagong pag-asa at kahit matagal bago ito makamtan, alam kong sa huli ay magtatagumpay ka," dugtong pa ng reyna. Nakangiti lamang ito habang nakalutang at paikot-ikot lamang sa bunganga ng bulkan upang bisitahin ang kanyang mga bulaklak at halaman. "Maraming salamat po sa iyong pagtitiwala sa akin, Reyna Lualhati. Kung iyong mamarapatin po sana ay nais ko lamang pong magtanong," pinutol nito pansamantala ang susunod na sasabihin ng reyna at nagtanong. "Malaya kang magtanong, Dmitri," aniya. "Kayo rin po ba ang dahilan ng mabilis na paggaling ng aking mga sugat at pag-iba ng kulay ng mga potion na ginawa ko, Reyna Lualhati?" hindi na nakayuko nang mga oras na iyon si Dmitri. Nakaupo na lamang siya sa lilim ng puno ng Anglasya habang hinihintay ang sagot ng reyna. "Tama ang iyong hinala, Dmitri. Ako nga ang may gawa ng iyong mabilis na paghilom ng iyong mga sugat. Pinainom lamang kita ng tubig mula sa bukal, sa lawa at bunganga mismo ng bundok Anglaon nanggaling ang ipinainom ko sa iyo, maging ang pag-iiba ng mga kulay ng potion," hindi naman itinanggi ng reyna ang kapangyarihang taglay niya. Tumango na lamang si Dmitri nang marinig ang sagot. "Maraming salamat pong muli, Reyna Lualhati. Ano po ang dahilan kung bakit ko ay naririto sa iyong tahanan?" "Ikaw ay nakahanda ng maglakabay sa tatlong rehiyon ng Independencia upang hanapin ang natitirang limang nakatakdang maging sidekick at tutulong sa iyong anak na si Wyatt. Upang mahanap sila nang mabilis ay kailangan mo ng makakasama." "Kung ano po ang nais mo ay susundin ko po, Reyna Lualhati." Naghintay ng susunod na sasabihin ng reyna si Dmitri nang bigla na lamang may lumitaw na isang imahe ng lalaki sa harapan niya. "Siya po ba ang aking makakasama, Reyna Lualhati?" "Siya nga at walang iba, Dmitri." "Pero bakit nagsasalita siya ng kagaya ng mga sinabi mo?" "Dahil siya at ako ay iisa. Ito ay kawangis ko lamang, Dmitri. Sa iyong paglalakbay ay makakasama mo ako. Hindi man literal pero nasa lalaking iyan ang aking puso at isipan. Tutulungan kitang mahanap mo ang mga nakatakdang tutulong sa iyong anak." "Kung ganoon, saan po tayo magsisimula maghanap? At ano po ang pangalan nitong makakasama ko, Reyna Lualhati?" "Tawagin na lamang natin siyang Laon, mula sa pangalan ng bundok Anglaon. Ang iyong puso at isipan ang magdadala sa inyo sa kinaroroonan nila. Sa portal o lagusan kayo lamang dadaan at babalik. Kapag nahanap na ninyo ang mga bata, kusang liliwanag ang lagusan at dadalhin ni Laon ang mga bata dito sa bundok Anglaon, sa aking tahanan upang patulugin muna, bago mo sila ilipat sa The Heroina, kung saan naroon ang laboratoryo ng iyong asawa." "Masusunod po ang iyong utos, Reyna Lualhati." "Oras na ng iyong paglalakbay, Dmitri. Dalangin ko ang iyong tagumpay. Si Laon na ang bahala sa kanila. Paalala lamang na ang mga itinakda ay hindi basta-basta galing sa iisang lugar mula sa Uson, Isaya, at Indana. Manggaling sila sa isang sitwasyong hindi mo inakalang magiging tagapagligtas pala sa kasalukuyan." "Naiintindihan ko po. Maraming salamat po sa paalala, Reyna Lualhati." Hindi na narinig pa ni Dmitri ang boses ng reyna dahil pagkatapos nitong magsalita ay bumukas na ang lagusan at muling hinigop papasok at iluluwa sa unang lugar at lokasyon ng kanilang hahanapin. Sa paglalakbay ni Dmitri ay kapansin-pansin ang tingin ng mga tao habang siya ay naglalakad. Kunot din ang noo niya kung bakit. Marahil dahil kay Laon kaya siguro ganoon na lamang kung titigan siya. O baka naman sa postura o ayos ng kanyang damit. Tiningnan niya ang suot niyang puro kulay itim. Okay naman. Desente at wala namang masama sa ayos ng damit niya, maliban na lamang siguro sa kulay. Naka-hoodie pa kasi ito sa tirik na tirik na araw. Namamawis na tuloy siya. Pero hindi pa rin dahil doon kaya siya pinagtitinginan ng mga tao. Nang kakausapin niya si Laon ay doon lamang niiya napagtantong siya lang ang nakakakita. "Hindi ako nakikita ng mga tao, Dmitri," tipid ang sagot nito sa kanya. Tila basang-basa na nito ang kanyang isipan. "Kaya pala. Kanina pa pala kita kausap pero hindi ka pala nakikita ng mga tao. Napagkamalan tuloy akong isang baliw." Hindi na muling umimik pa si Dmitri. Wala na rin siyang marinig na kahit anong salita kay Laon. Tahimik lang itong nagmamasid sa paligid. Nang tila nakaramdam siya ng pagkagutom at pagkauhaw ay naghanap siya ng makakainan. Sa isang maliit na karenderya ay doon siya kumain. Kahit pa nasa modernong panahon na sila ay maka-tradisyunal o makaluma pa rin ang buhay ng mga tao. Nakasanayan na marahil nila o sadyang ayaw lang talaga nilang iwan ang simple pero masayang buhay na mayroon ang mga ito. Tinalasan na lamang ni Dmitri ang pakiramdam. Alam niyang kahit saang sulok ng Independencia ay naroon ang mga kawal, sundalo, or puwersa ni Damion Kill. Hindi siya dapat makita ng mga tao dahil baka may makakilala sa kanya at timbrehan ang pinunong si Damion Kill. "Ayaw mo bang kumain, Laon?" tanong nito sa isipan. Hindi na siya nagsasalita upang hindi siya paghinalaan ng mga taong nasa loob ng karenderyang kinakainan nila. Nasa harapang upuan naman si Laon na tahimik lamang din pero ang mga mata ay nakamasid sa mga taong pumapasok at lumalabas sa karenderya. "Hindi ako kumakain ng karne. Vegetarian ako," nagpapatawang sagot naman ni Laon sa kanya. Ngumiti lamang si Dmitri at ipinagpatuloy ang pagkain lumpiang sariwa at mga kakanin. "Malayo pa ba ang pupuntahan natin? Nandito ba sa lugar na ito ang pakay natin? O kailangan pa nating magmasid?" muling pagtatanong nito kay Laon. "Wala pang nakakalap ang katawan ko." "Radar? I mean may radar ba ang katawan mo? Ah, gets ko na. May kapangyarihan ka nga pala. Ikaw na lamang ang magmasid at ako naman ang uubos sa lahta ng pagkain ngayon. Sayang e." Isang sulyap lang ang ibinalik ni Laon kay Dmitri. Nag-pokus na lamang ito sa mga tao sa loob ng karenderya habang si Dmitri ay patuloy sa pagkain. Hindi na yatat mapipigilan ang gutom niya. Ilang saglit lang ang panahon sa Angkalon pero sa buhay ng isang mortal, mahaba ang oras at panahon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD