Ang Simula

2289 Words
NATAPOS ang paglalakbay nina Dmitri at Laon sa paghahanap sa limang makakasama ni Wyatt. Ngayon ay pansamantala munang nagpalipas ng oras si Dmitri sa tahanan ng reyna, sa bundok Anglaon. Sa bundok kasi na iyon, sa lilim ng puno ng Anglasya pansamantalang pinatulog at hinilom ang mga sugat ng mga natagpuan nilang mga itinakda. Bagama't hindi inasahan ni Dmitri na kakaibang mga bata ang makakasama ni Wyatt, naintindihan naman niya ito. Ipinaliwanag pa ito ng reyna sa katauhan ni Laon nang dumating sila kasama ang walang malay na si Seraphina. "Marahil ay nagtataka ka, Dmitri kung bakit sila ang napiling magiging kasama ng iyong anak. Tama ba ako?" inunahan na ito ng reyna kahit pa alam niyang nababasa naman nito ang katanungang naglalaro sa isipan ni Dmitri. "Tama po kayo, Reyna Lualhati. Ang buong akala ko ay magmumula sila sa mga angkan ng mga Independen na may dalisay at walang bahid ng kasamaan o kasakiman sa kani-kanilang mga puso. Ipagpaumanhin mo kung iba ang ang pagkakaintindi ko sa iyong mga tinuran." Nakayuko ito habang pinagmamasdan isa-isa ang mga natutulog at walang malay na mga kabataan. "Kung tutuusin, ganoon din sana ang gagawin ko, Dmitri. Mas pipipiliin kung hanapin ang mga taong may dalisay at walang mantsang mga indibidwal kaysa sa katulad nilang may masasamang nakaraan. Tulad na lamang ni U-ri na isang magnanakaw. Hindi siya karapat-dapat maging isa sa tagapangalaga ng potion, pero nabasa kong may malalim pa itong nakaraan sa kanyang puso," pagpapaliwanag nito nang maintindihan ni Dmitri ang lahat. "Hindi mo na kailangan pang mag-isip nang malalim dahil ako na ang bahala na maglinis ng kanilang mga puso at isipan. Sa kani-kanilang mga panaginip ay palalakasin ko sila at sa kanilang paggising ay masasaksihan mo ang kakaiba nilang mga talento at lakas." "Ako po ay sabik na makitang maisakatuparan ang mga plano mo, Reyna Lualhati. Dalangin ko sanang matapos na itong lahat nang sa ganoon ay bumalik nang muli sa normal ang buong Independencia." "Ika'y huwag mag-alala dahil kaunting panahon na lamang ay matutupad din ang pinapangarap ninyong lahat. Ngunit, nais kong ipaalam sa iyo na kumpleto na ang mga itinakdang magiging kasama ng iyong anak, pero kailangan mo ring ihanda ang iyong sarili dahil may makakalaban din silang mas malakas o kasing lakas nila. Iyon ang kailangan mong tuklasin. Kung wala ka nang katanungan ay ibabalik na kita sa The Heroina at doon sa kapsulang ginawa ng iyong asawa ay ilalagay mo sila. Sa kanilang panaginip ay lilitaw ako at sasanayin sila." Yumuko at tumango na lamang si Dmitri. Nang muli niyang tingnan ang paligid ay nasa loob na siya ng laboratoryo. Masaya naman siyang sinalubong ni Heroina at niyakap ang asawa nang mahigpit. ... SA LABORATORYO ni Heroina ay naroon ang limang kabataang natagpuan isa-isa ni Dmitri sa tatlong pulo ng bansang Independencia. Nasa loob na ang mga ito ng isang human capsule kung saan ay nakakabit sa kani-kanilang mga katawan ang oksiheno o isang uri ng aparatung may lamang miracle water upang pagalingin silang lahat. Alam na ni Dmitri ang lahat ng mangyayari, kaya hinayaan na lamang niyang si Heroina na ang gagawa ng iba pang nais na mangyari nito sa loob ng kapsula. Isinagawa na rin nina Dmitri at Heroina ang pag-inject o intubate ng bawat potion sa mga walang malay na kabataan. Ang bawat potion na kanilang isinalin ay ibinase nila sa bawat hilig at kakayahan ng mga ito. Sariwa pa sa alaala ni Heroina nang makita niya ang sinapit ng mga bata. Marami itong mga pasa at sugat. Ikinuwento naman ni Dmitri ang lahat ng tungkol sa kanyang paglalakbay pero hindi niya muna idinetalye ang plano ni Reyna Lualhati o anumang tungkol sa bundok Anglaon. "Hindi ko alam ang sasabihin ko nang una ko silang makita, Dmitri. Walang puso ang mga gumawa ng ganoon sa ka. Mahirap kalabanin ngayon si Damion Kill at sana tumalab ang mga potion na ito sa kanila nang sa ganoon ay unti-unti na nating maisakatuparan ang mga planong pagpapabagsak sa rehimen niya." "Maghintay lamang tayo, Heroina. Darating din ang tamang panahon diyan. Ang kailangan nating gawin sa ngayon ay ipanalanging epektibo itong mga potion sa kanilang katawan, gaya nang nangyari sa ating anak na si Wyatt." "Tama ka. Umpisahan na natin ang pag-i-inject ng mga potion sa mga tube." Ang potion na mula sa halaman ay isinalin kay Orchidia, basi sa pagkakakilala ni Dmitri sa batang mahilig sa halaman. Ang hangin naman ay kay U-ri, na siyang magiging tagapangalaga nito. Hilig naman ng dalagang si Laika ang tubig, kaya sa kanya ito ibinigay. Sa modernong teknolohiya naman kay Abdul-hakim, at ang panghuli ay apoy para kay Seraphina. Kay tagal ding hinintay ni Dmitri na matagpuan sila at nananalangin naman si Heroina na sana ay tumalab sa mga kabataang ito ang kanilang ekspiremento nang sa gayon ay maisakatuparan na nila ang kanilang matagal na binabalak upang pabagsakin ang diktatorya ni Damion Kill. Salamat na lamang sa reyna ng bundok Anglaon o diwata ng bundok dahil tinulungan si Dmitri na mahanap sila. Malaking bahagi rin si Laon na kahit pa tahimik ito at hindi masyadong nagsasalita, ito pa rin ang nagbuhat at nagbubukas-sara ng lagusan. Para kay Dmitri, si Laon ang lalaking bersyon ng diwatang Lualhati. Upang masigurong may magandang epekto ang mga potions sa bawat katawan ng mga kabataan, isa pang human capsule ang ginawa ni Heroina upang doon ay ipasok ang kanilang anak na si Wyatt. Bago gawin iyon ay kinausap muna ng mag-asawa ito. Kailangan nilang ipaintindi at sabihin ang dahilan kung bakit kailangan ding ipasok ang kanilang anak. "Anak, kilala mo ba sila?" tanong ni Heroina nang dalhin ito sa laboratoryo nilang mag-asawa. Titig na titig lamang si Heroina sa kanya. "Hindi po, ina," anito. May bahid ng pagtataka sa mukha ng bata pero hindi iyon masyadong pinagtuunan nang pansin ng ina. "Sila ang magiging bago mong kaibigan at mga kakamping tutulong sa iyo sa iyong misyon. Alam mo na iyon, hindi ba?" dagdag naman ni Dmitri. Sumingit na ito bago pa man magsalita si Heroina. "Opo, ama. Sinabi na po sa akin ni ina na hindi ako isang ordinaryong bata lamang," masunuring sagot naman ni Wyatt. Bagay na ikinatuwa ng mag-asawa. "Upang masigurong magiging isa rin sila kagaya mo, nais namin ng iyong ama na bigyan sila ng iyong kaunting dugo at sa loob ng kapsulang iyon ay pansamantala ka naming patutulugin. Okay lang naman sa iyon, anak. Hindi ba?" muling pagpapaintindi ni Heroina kay Wyatt. Tumango naman si Wyatt at ilang sandali pa ay kinuhanan na nila ito ng dugo. Ipinasok sa loob ng human capsule ang bata upang pansamantalang magpahinga. Pagkatapos niyon ay isa-isang isinalin ang dugo ni Wyatt mula sa maliit na hiringgilya patungo sa tube na kumukonekta sa bawat isa sa kanila. Sinigurado ni Heroina na lahat ay may dugong papasok sa mga katawan ng limang bata galing sa kanilang anak na si Wyatt. "Isang linggo. Kailangan lang nila ng isang linggo, Dmitri. Iyan ang palugit na ibibigay ko. Sigurado akong maghihilom na rin ang mga sugat nila at masisilayan din natin sila. Nawa ay magtagumpay tayo." Niyakap ni Heroina ang asawa matapos sabihin ang mga iyon kay Dmitri, habang tinitingnan isa-isa ang mga kabataang pansamantalang makakatulog nang mahimbing sa loob ng kapsula. Malaking porsyento ng kanilang paniniwala ang inilaan nila para rito. Ngunit higit na mas nangibabaw ang pananalig ni Dmtri kay Reyna Lualhati. "Nasa iyong mga kamay na po sila, Reyna Lualhati. Oras na sanang makilala mo sila sa kanilang mga panaginip." Naibulong na lamang ni Dmitri sa kanyang isipan ang nais niyang sabihin sa reyna o diwata ng bundok Anglaon. Alam niyang magtatagumpay sila. Nang mga oras namang iyon ay bumulaga sa kanila ang isang balita na naka-flash sa isang malaking projector ni Hermano. Kitang-kita ang pagkagulat ng mag-asawa sa nangyayari sa Uson. "Napapanood po ninyo live ngayon ang karumal-dumal, kahindik-hindik, at kakila-kilabot na mga nangyayari, sa pagitan ng puwersa ng armadong sundalo na hindi umanib sa hukbo ng Pinuno na si Damion Kill. At ang mas ikinagulat pa nang mga ito ay ang limang kabataang walang takot na nakikipagsagupaan sa mga kampo ng mga sundalo. Para silang mga alien o robot na hindi kayang puksain ng sinuman. Ito na nga ba ang katapusan ng buong Independencia kung itong mga batang ito ang pupuksa sa lahat ng hindi marunong sumunod sa gusto ng ating pinuno? Sa mga nanonood sa kani-kanilang mga tahanan, manalangin na lang tayo na sana ay may mga anghel na darating na kayang talunin ang mga ito. Hindi na po ito kayang sugpuin ng ordinaryong tao lamang." Hindi makapaniwala ang mag-asawa dahil hindi man lamang nagalusan ang mga kabataan o lumusot ang mga bala sa kani-kanilang katawan. Ang mas malala ay bali-bali ang mga leeg, balu-baluktot ang mga kamay at paa, at ang ibang mga sundalo ay putol ang mga ulong pinagpapaslang ng limang kabataan. Sandaling katahimikan ang namayani sa pagitan nina Heroina at Dmitri at biglang nagkatinginan ang mag-asawa. Isang katanungan lamang ang sumagi sa kani-kanilang mga isipan. Paano nagkaroon si Damion Kill nang mga kabataang iyon? Hindi alam ni Dmitri kung paano nangyari iyon. Sila na marahil ang tinutukoy ng reyna na mahigpit na makakalaban nina Wyatt. Ngunit, kailangan niya munag makakuha ng sapat pang impormasyon upang kalabanin ang mga iyon nina Wyatt. Kailangan niyang matuklasan kung sino ang nasa likod ng kakaibang kabataang sugo ni Damion Kill. Naipanalangin na lamang ng mag-asawa ang agarang paggaling at pagtalab ng mga potions sa mga kabataang kanilang sinagip, nang sa ganoon ay may oras pa sila kung saka-sakali na sumugod ang mga kabataang iyon sa Isaya. HABANG MAHIMBING na natutulog sina Wyatt at ang iba pang kabataan ay sinadya naman ni Reyna Lualhati ang mga ito sa kani-kanilang mga panaginip upang isagawa ang susunod niyang hakbang: ang linisin ang isipan at buksan ang mga puso ng mga ito na lumaban hindi lamang upang ipaghiganti ang mga mahal nila sa buhay o ang sarili, kung hindi itatak sa mga isipan nila na kailangan sila ng Independencia at mamamayan upang wakasan ang kasamaan ni Damion Kill. Sa bundok Anglaon, kung saan nagpapakita si Reyna Lualhati, na reyna ng kalikasan, dinala niya sa panaginip ang anim na kabataan. Sa kapatagan, kung saan malalanghap ang sariwang mga hangin ay ginising ni Reyna Lualhati ang lahat. "Nasaan ako?" gulat ang mukha ng batang si Orchidia. "Sino kayo?" tanong ni U-ri. Kakamot-kamot pa ito sa ulo nang hindi malaman kung nasaang lugar siya. "Anong ginagawa ko rito?" si Laika naman ay tila nainis nang mapansing nasa ibang lugar na siya. "Hindi ba dapat ay patay na ako?" ani Abdul-hakim. Marahil naalala pa niya ang huling nangyari sa kanya at sa kanyang magulang sa Heneral City. "Bakit parang wala akong maalala?" si Seraphina. Pilit naman nitong hinahanap sa isipan ang alaalang kanyang nakalimutan. "Ikinagagalak ko kayong makilala, aking mga bagong kaibigan, mga ate, at kuya. Ako nga pala si Wyatt," nakangiting sambit ng sampung taong gulang na si Wyatt. Lahat naman ay biglang napalingon sa kanya. Hindi na bago kay Wyatt ang tagpong ito dahil minsan na rin siyang napunta sa lugar kung saan nagpapakita si Reyna Lualhati, sa bundok Anglaon. "Ito ay isang panaginip. Nandito tayo ngayon sa tahanan ng reyna ng kalikasan na si Reyna Lualhati," pagpapaliwanag ni Wyatt. Ngiting-nigit pa rin ito na akala mo ay matanda na sa pakikipag-usap. "Tama si Wyatt, mga mahal kong anak. Sa inyong panaginip ay ituring ninyo akong inyong ina. Ako nga pala si Reyna Lualhati, ang reyna ng buong kalikasan dito sa Independencia. Ikinagagalak ko kayong makausap." Lahat ay nagulat at hindi makapagsalita nang masilayan ang angking kagandahan ng ina ng kalikasan. Nakangiti lamang ito sa kanila at sa hindi maipaliwanag na dahilan ay tila may sariling isip ang kani-kanilang katawan at dila upang bigyan ng respeto ang nasa harapan nila. "Batid kong may masalimuot na alaala riyan sa inyong mga puso. Alaala ng bangungot, pangungulila, pagmamalabis, at paghihiganti ang ngayon ay nakausli sa inyo. Ngunit, ang mga ito ay maliit na parte lamang ng inyong nakaraan. Ito ay unti-unting maghihilom at mapapalitan ng tunay na pagmamahal na magtutuwid ng inyong mga landas sa paghihiganti sa inyong sarili at mga mahal sa buhay. Sa inyong paggising ay mabubuhay at magsisimula ang bagong kayo."Umpisa pa lamang ng kanyang pananalita ay tila malalim na itong intindihan ng limang nakatayo sa kanilang harapan, kahit pa ng binatang si Abdul-hakim. "Kasama si Wyatt ay nais kong ikintal sa inyong mga puso ang pagtutulungan, katapatan, at dakilang pagmamahal sa mga kasama ninyo at sa huli sa bansang inyong sinilangan. Kayo ang magiging instrumento upang kalabanin ang kasamaan. Higit sa lahat, kapag napagtagumpayan ninyo ito ay kikilalanin kayo at mamahalin ng mga tao sa buong Independencia at hindi kakalimutan ang kabayanihang gagawin ninyo sa hinaharap. Ang mga sugat ninyo ay unti-unting maghihilom at sa inyong paggising, asahan ninyong gagabayan kayo nina Wyatt, Dmitri at Heroina, maging ng aking kapangyarihang ipagkakaloob ko sa inyo. Hanggang sa muli nating pagkikita, mga mahal kong anak." At sa panaginip na iyon ay binasbasan ni Reyna Lualhati ang mga kabataan ng kaniyang kapangyarihan upang magtagumpay sina Dmitri at Heroina sa kanilang misyon. SAMANTALA, abalang-abala naman sa pagsusuri ang isang siyentipikong pinagkatiwalaan ni Damion Kill upang suriin kung may natamong mga sugat ang mga kabataang bunga ng kaniyang eksperimento. Natutuwa siyang malaman na pagkatapos ng sampung taon ay nagtagumpay siyang isalin ang mga ito sa mga kabataang walang ibang nais kung hindi ang pumaslang o kumitil ng buhay. "Sinong mag-aakalang magagamit ko ang mga ito upang makilala sa buong bansa at sa buong mundo. Malapit mo nang masilayan, Dmitri ang bunga ng pagtatraydor ko." Isang nakabibinging halakhak ang maririnig sa laboratoryong iyon. Halakhak na magiging dahilan ng unti-unting pagkawasak ng bansang Independencia at kukulong sa kadiliman ng mga puso ng mga tao.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD