Isinilang ang isang batang babae sa panahong hindi na binigyang halaga ang mga kababaihan. At ito ay si Sera. Lalaki ang mas makapangyarihan kaysa sa mga babae. Nakatatak sa isipan ng mga panahong iyon na ilaw ng tahanan lang talaga ang papel ng mga babae sa kabuuan. Kalimitan sa mga ito ay hindi pinagtatrabaho kahit may kakayahan naman sila. Halos karamihan naman ay ipinapasok sa Bahay-aliwan.
Nang maging pinuno ng bansa si Damion Kill, tanging ang mga babaeng rehistrado lamang ang puwedeng maging isang aliw sa isang cabaret or club na pagmamay-ari ng isa sa mga pinagkakatiwalaan nito sa p nasa ilalim ng kanyang kapangyarihan.
Ang mga babaeng bayaran sa kalsada o kahit saan ay hinuhuli kapag nadidiskubreng hindi sila rehistrado na nagtatrabaho sa isang club. Mayaman o mahirap man ang club na iyon, kailangang rehistrado at papasa sa panlasa ng pinagkakatiwalaan ni Damion Kill ang mga babaeng aaliw sa kanila o sasayaw sa entablado. Kapag naulinigang nagsisinungaling sila, buhay ng mga ito ang kapalit. Samakatuwid, ipinapapatay nila ang mga babaeng wala sa listahan ng mga lisensyadong mananayaw sa cabaret.
Nang malaman nga ni Sol ang ordinansang iyon sa bayan ng Norte, nagpasiya siyang magpakalayo-layo. Salat na salat talaga siya sa pera. Idagdag pang hawak ni Damion Kill ang buong bansa at ang sinumang susuway sa mga utos niya ay malalagutan ng hininga, papatayin ng walang kalaban-laban, at itatapon sa kung saan, o di kaya'y ipapakain sa mga gutom na hayop sa kagubatan o karagatan. Higit sa lahat, walang makakaalam ng kanilang libingan.
Sa isla ng Rojas, sa Wanpala ay napadpad si Sol at doon niya ipinanganak si Seraphina, ang kaisa-isang anak niyang anak na babae. Ang batang naging katuwang at biyaya niya.
Si Seraphina ay lumaking walang kinikilalang ama. Walang alam kung ano ang hitsura nito at ni minsan ay hindi ito nagtanong sa kanyang ina, bagay na siya namang ikinatuwa ni Sol. Wala rin kasi siyang maisasagot. Alam niyang maraming lalaki ang nakasiping niya, kaya wala siyang alam kung sino ang totoong ama ng kanyang anak na si Seraphina. Sa madaling salita, kinalimutan na niya ang anumang ugnayan niya sa kanila.
Bata pa lamang ay nakitaan na ng kabaitan si Seraphina ni Sol. Mahilig din itong maglaro sa apoy na siya namang ikinakatakot ng kanyang ina. Literal talaga kasing apoy na nagliliyab ang kalimitang tinitingnan niya. Binalewala na lamang iyon ni Sol dahil araw-araw niya naman itong nakikita at pinangangaralan. Nang magdalaga ito, iisang pangyayari ang hindi inasahan ni Sol na babago sa takbo ng buhay ng kaniyang nag-iisamg anak.
Nagluluto siya ng kanilang tanghalian nang mga oras na iyon. Bigla na lamang may dumating na mga armadong lalaki at inutusan siyang magparehistro sa isang sikat na club sa bayan ng Rojas. Nang tumanggi Sol sa personal na kadahilanan, isang malakas na suntok sa sikmura ang kanyang natamo mula sa isang armadong lalaking pinipilit siyang magparehistro.
Nang mga oras ding iyon ay kararating lang ni Seraphina galing sa palengke at kitang-kita niya kung paano pinagmamalupitan ng hindi kilalang mga tao ang kanyang ina. Nabitawan niya ang kanyang dalang basket na puno ng mga gulay at mga iba pang sangkap, sabay takbo sa kinaroroonan ng kanyang ina. Hahatawan na naman sana ito at kinailangan niyang pumagitna.
"HUWAAGG! Huwag ninyong sasaktan ang aking ina!" sigaw ni Seraphina. Naka-open arms pa it upang pigilan ang susunod na gagawin nila sa kanyang ina.
"Sera!" nag-aalalang sambit naman ng kanyang ina. Doon na nakaramdam ng hilakbot si Sol dahil alam niyang hindi mapipigilan ang kanyang anak.
"'Yang nanay mong yan kasi, ayaw magparehistro sa bayan. Kailangan namin ng mananayaw sa club. Pero dahil dumating ka naman at sadyang likas na makinis at maputi ang iyong balat, ikaw na lang ang aming ipaparehistro. Ikaw ang hahalili sa iyong tampalasang ina. Sigurado akong magugustuhan ka ng mga boss namin," pilyo ang ngiti ng lalaking nagsalita habang sinusuri ang buong katawan ni Seraphina.
"HINDI! HINDI AKO MAKAPAPAYAG!" Bulyaw ni Sol sa lalaki at agad na itinulak ito. Isang sampal sana ang matitikman ni Sol nang muling humarang si Seraphina sa kanyang harapan.
"A-aanak," naluluhang saad ni Sol. Nakikita na rin niyang nangingilid na ang mga luha sa mata nito pero mas pinili ng anak na ngumiti sa harapan niya.
"Nay, papayag na po ako sa gusto nila basta't huwag ka lang nilang sasaktan," naluluhang saad ni Seraphina. Mahal na mahal nito ang ina at gagawin niya ang lahat mailayo lamang siya sa kapahamakan, bagay na kabaligtaran sa dapat ay gawain ng isang inang protektahan ang anak.
"Madali naman palang kausap ang anak mo e. Kay bait at kay gandang babae. Masunurin pa." Asik ng lalaki at agad na hinawakan ang kamay ni Seraphina. Nakangisi pa itong kinaladkad si Seraphina palayo sa ina.
"Sasama ako! Sasamahan ko ang anak ko. Magpaparehistro rin ako." tugon ni Sol, sabay hablot sa kamay ng lalaki at kamay ng kanyang anak.
"Kung 'yan ang nais mo, sige, papayagan kita. Mga kasama, kayo na ang bahala sa kanya. Dadalhin ko na 'tong babaeng ito kay boss." Hinila na ng lalaki si Seraphina at nabitawan ni Sol ang kamay ng dalaga. Takang-taka naman ang anak kung bakit sila pinaghihiwalay, gayong pumayag naman ang ina na magparehistro din.
"Sandali! Hindi ko puwedeng iwan ang nanay ko! Bitiwan mo ang kamay ko!" Nagpupumiglas at pilit na tinatanggal ni Seraphina ang kanyang kamay sa pagkakahawak sa kanya, ngunit mas lalo lamang itong hinigpitan ng lalaki hanggang sa magulantang ang isipan niya. Ilang hakbang pa lamang kasi ang layo niya mula sa kanyang ina ay may narinig siyang isang malakas na putok ng baril.
"Anong ginawa mo sa nanay ko? Bitiwan mo ako! Hayop ka! Wala kayong puso! Hayop! Hayop!" Pinagsusuntok at pinagpapalo ni Seraphina ang lalaki. Pilit na kinakalas ang mga kamay na nakakapit sa kanya habang nililingon ang kinaroroonan ng nagluwal sa kanya. Sa huling pagkakataon ay nilingon niya ang kinaroroonan ng ina pero hindi na iyon malinaw sa kanya. Nakatayo kasi ang mga lalaki at sadyang malayo na ito sa paningin niya.
"Nasaan ang nanay ko?" tanong niyang muli sa nakahawak sa kanya. Hindi siya sinagot pero may lumapit na lalaki at doon ay narinig niya ang sinapit ng ina.
"Boss, nagawa na po namin ang pinagawa mo. Malinis at walang nakakita," wika ng isang lalaki. Nakabungisngis pa ito habang masayang ibinalita ang ginawa. Hindi naman nakapagsalita si Seraphina. Tanging sa mga luha na lamang niya tahimik na dinamdam ang pangyayari.
"Magaling! Sige, sumakay na kayo sa sasakyan at umalis na tayo rito. Ikaw namang babae ka, sumunod ka na lamang sa utos namin. Kapag sinunod mo kami, walang mangyayari sa iyo pero kapag sinuway mo kami, magiging katulad ka rin ng nanay mo!"
Pinandilatan at pinagbantaan si Seraphina ng lalaki. Hindi na lamang siya sumagot. Bagkus ay nagpatuloy na lamang siya sa pag-iyak. Nagpatianod na lamang siya habang pinipilit ang sariling pumasok sa loob ng sasakyan. Doon na mismo pumatak ang naghahabulang mga luha sa kanyang matang kanina pa ayaw tumigil.
Pagbabayaran ninyo ng mahal ang ginawa ninyo sa nanay ko. May araw din kayo. Hintayin nimyong makatakas ako dahil gagawin ko rin ang ginawa ninyo sa nanay ko. Magbabayad kayo! Hinding-hindi ko kayo mapapatawad at gagawin ko ang lahat makuha din ang mga buhay ninyo!
Tanging sa isip na lamang sinabi ni Seraphina ang kanyang galit at paghihiganti. Gustuhin mang hindi sumunod, masasaktan at masasaktan lang din siya. Ang mas malala, kung magrereklamo siya, mapapatay lang din nila siya. Mas mainam na maging sunud-sunuran na lamang siya sa kung ano ang nais nila.
LUMIPAS ang isang buwan, isang kakaibang Seraphina na ang lumabas sa entablado. Sumasayaw ito, umiindayog, at gumigiling na ang tanging suot ay pulang bra at pang-ibaba lamang sa harapan ng mayayamang parokyano.
Makikita sa ekspresyon ng mga mukha ng mga manonood na mga kalalakihan ang paglalaway at pagtatakam na mai-table ang babaeng nasa kanilang harapan pagkatapos ng kanyang performance. Halos ayaw na kumurap ng mga ito.
Bagamat patuloy siya sa pagsasayaw, isang matalim at nanlilisik na tingin naman ang ipinupukol ni Seraphina sa lalaking nakabantay sa gilid ng entablado. Ito ang lalaking hindi kailanman niya kinalimutan dahil ito ang nagpapatay sa kanyang ina. Ilang araw na rin niyang pinaghandaan ang pag-eensayo na gumiling ng nakakaaakit sa harapan ng maraming tao kahit labag ito sa kanyang kalooban. Ito lamang ang tanging paraan upang makapaghiganti siya sa ginawa nito sa kanyang mahal na ina.
Hiyawan, sipulan, at sigawan na may kasamang iba't ibang uri ng ingay ang maririnig sa bawat sulok ng club. Aliw na aliw kasi ito sa panonood sa sayaw ng dalaga. Hindi mo kakikitaan ng anumang taba sa katawan si Seraphina habang gumigiling ito.
Sa bawat paggiling niya ay ang pagnganga ng mga kalalakihan. Sa bawat pag-indayog at pag-ikot-ikot ng kanyang katawan sa gitna ng entablado ay ang paglalaway naman ng mga nanonood sa kanya.
Natutuwa siyang makitang nasisisyahan at nasasarapan sila sa kanyang performance. Isa na nga rito ay ang lalaking panay ang pukol ng tingin sa kanya. Lumalagablab, at nag-aapoy ang entablado.
Nang matapos ang kanyang pagsasayaw ay agad siyang dumiretso sa dressing room sa likuran ng entablado at nagbihis. Huhubarin na sana niya ang kanyang pang-itaas nang biglang bumukas ang pintuan at bumungad sa kanyang harapan ang isang lalaki. Ang lalaking kanina pa nakatingin sa kanya. Ang lalaking matagal niyang inasam na mapatay.
Dalawa lamang sila sa silid na iyon. Kaagad na ni-lock ng lalaki ang pintuan at agad na binigyan ng isang napakalagkit na tingin si Seraphina. Nakuha naman nito ang ibig ipahiwatig sa kanya, kaya sinadya niyang akitin at sakyan ang bawat tinging ipinupukol niya.
Nang makalapit sa kanya, hindi na nito napigilan ang tawag ng laman. Agad siya nitong hinalikan, pinaghihimas-himas na rin ang maseselang parte ng kanyang katawan. Hindi pumalag si Seraphina. Hinayaan nitong yakapin at maglakbay ang kamay nito sa katawan niya. Kinapa-kapa rin ng dalaga ang likuran nito at napansin ang isang baril na nakasukbit sa likuran nito. Agad niya itong binunot at itinulak ng malakas ang lalaki. Itinutok ni Seraphina ang baril sa lalaki. Napaatras ito at itinaas ang dalawang kamay.
Napag-aralan na rin niyang gumamit ng baril bilang pang-depensa sa sarili. At dahil ngayon na ang pagkakataong makapaghiganti siya, sinentro na nito ang baril sa ulo ng lalaki. Ilang minuto pa ay kinalabit na niya ang gatilyo at saktong tumama ito sa ulo ng lalaki.
Hindi pa siya nakuntento, binaril niya pa ito sa dibdib hanggang sa bumulagta ito sa sahig. Nagkalat ang dugo mula sa katawan ng lalaki. Oras naman ng kanyang pagtakas. Subalit, biglang bumukas ang pinto at isang kasamahan ng lalaki sa club ang pumasok. Nagpakawala siyang muli ng isang putok ng baril at tinamaan ang lalaki. Mabilis siyang nagsuot ng damit at tumalima palabas ng club.
Kahit alam niya ang daanan palabas, hindi pa rin siya basta-basta makakaalis doon dahil maraming bantay ang may-ari ng club. At hindi nga siya nagkamali dahil may nakasunod na sa kanya. Hinahabol na siya.
"Pigilan ang babaeng iyan! Patayin ninyo siya!" dinig na dinig niya ang bawat sigaw nito habang hinahanap ang daan palabas sa demonyong lugar na iyon.
Ipinagpatuloy niya ang pagtakbo hanggang makarating sa exit sa likuran ng club. Nakalabas siya, ngunit, isang bala ang tumama sa kaliwang bahagi ng kanyang likuran. Kahit sugatan si Seraphina ay pinilit niya pa ring tumakbo at makatakas. Isang putok na naman ang kumawala at tinamaan siya sa braso. Kaya, ginamit na lamang ni Seraphina ang natitira niya pang lakas upang iputok ang baril sa kung sino man ang nagpaputok sa kanya hanggang sa maubos ang mga bala nito.
Nang mawalan na siya ng pang-depensa, doon naman bumagsak ang kanyang katawan. Bumulwak na rin ang pulang likido mula sa kanyang braso, likuran, at maging sa bibig. Kahit na ganoon ay pinilit niya pa ring gumapang pero huli na.
Magkasunod na putok ang kanyang narinig at alam niyang puno na ng bala ang kanyang katawan. Sa huling pagkakataon, naipanalangin na lamang ni Seraphina na sana may isang anghel na bumaba sa lupa upang hindi tumigil sa pagtibok ang kanyang puso kahit pa na sugatan na siya. At kapag nakaligtas siya, sisiguraduhin niyang muli siyang maghihiganti at mapapatay na niya ang mga taong walang pusong gumawa sa kanya.
Matapos ang panandaliang panalangin na iyon sa kanyang isipan, tuluyan na ngang pumikit ang kanyang mga mata. Pinagsisipa pa siya ng mga lalaki upang siguraduhing patay na ito at hindi ba gumagalaw. Nang wala na nga itong bahid o bakas ng pagkabuhay, iniwan nila ang katawan ni Seraphina na nakadapa sa lupa at bumalik sa loob ng club.
Isang estranghero naman ang nagpakita at agad na binuhat ang nakahandusay na katawan ng dalaga palayo sa club na iyon.
"Nagliliyab ang iyong puso sa galit. Katulad ng isang apoy, nag-aalab ito at kapag nagkaroon ng pagkakataon ay makikita nila ang iyong pagbabago. Sana sa iyong muling paggising, Seraphina, mapigilan mong lamunin ka ng iyong galit."