Isang Panauhin sa Kaharian ni Lihangin

1373 Words
Sakay ng isang puting ulap ay unti-unting ibinababa si U-ri sa hindi pamilyar na lugar. Nang malapit na siya sa entrada ay agad siyang tumalon. Magpapasalamat pa sana si U-ri sa ulap na naghatid sa kanya pero hindi na niya ito nakita. "Ang bilis namang umalis nu'n. Hindi man lamang ako hinintay na magpasalamat. Hindi bale na nga lang." Napakamot na lamang sa kanyang ulo si U-ri at nagsimulang maglakad-lakad. Tahimik ang lugar. Tila nasa isang malaking hugis-tatsulok siyang kaharian na walang katao-tao. Wala man lamang siyang maaninag na kahit isa sa mga nakatira rito. May kadiliman din ang lugar. Napapaligiran ito ng mga hamog na sa pagkakatanda niya habang nakasakay sa ulap ay hindi naman malungkot ang mga ito. Wala namang nagbabadyang ulan o bigat. Lagpas ulap na kasi nang mahagip ng kanyang mga mata ang paligid nito. Ang isa pang ipinagtataka ni U-ri ay kung bakit tila malamig ang simoy ng hangin sa paligid at sadyang napakatahimik pa. Kung isang normal na bata lamang siya, mas pipiliin niyang tumakbo na lamang o hindi kaya ay magtago sa isang sulok, na nangangatog ang mga tuhod sa takot habang dilat na dilat sa pagmamasid sa isang madilim at hindi pamilyar na lugar. Pero dahil may kapangyarihan naman siya ay hindi na nakaramdam pa ng anumang takot si U-ri. Sumipol-sipol pa ito at nagpasintabi, nagbabakasakaling may makarinig sa kanyang pagtawag. "Tao po? May tao po ba rito? Ako nga po pala si U-ri. Baka po puwede na po kayong lumabas at kausapin ako?" Wala pa ring makikitang anumang takot sa batang si U-ri. Muli siyang nagpatuloy sa paglalakad. Tinalasan na lamang niya ang kanyang isipan at muling nakaramdam. Kahit malamig na ay hindi naman alintana ng bata dahil sa kapangyarihang taglay nitong kahalintulad ng lamig ng hangin. "Ang sarap naman sa pakiramdam ng lamig dito. Matulog kaya muna ako rito hanggang sa may dumating na kahit isa man lamang upang ako ay batiin? Hindi naman kasi nagbigay ng instruksyon si inang Reyna Lualhati kung ano ang gagawin ko o kahit kaunting palatandaan kung saan ko ba mahahanap ang Singsing ng Pag-asa." Napabuntong-hininga ang bata nang mga oras na iyon. Kalahating oras na siyang naglalakad. Nang makaramdam ng pagod ay agad itong umupo sa pinakagitna ng kahariang iyon. Humiga muna ito habang ang isang paa ay nakataas sa isa pa niyang paa. "Matutulog na lang muna ako rito ha? Ayaw naman po ninyong makipagkita sa akin." Sinadya niyang lakasan ang kanyang boses dahil nakaramdam na rin siyang may nagmamasid sa kanyang mga kilos at mga pananalita. Kunwari ay matutulog siya kaya, ipinikit niya ang mga mata. Nang mga oras ding iyon ay ikinumpas ni Lihangin ang kanyang kaliwang kamay at hinawi ang mga maiitim na ulap at pinaarawan naman nito si U-ri. "Hay salamat. Lumiwanag na rin." Gulat na gulat naman si Lihangin nang biglang magsalita ang batang inakala niya ay nakatulog na. Muli pa sana siyang magtatago sa mga ulap na iyon ngunit huli na dahil napansin na siya ni U-ri. Hindi naman inalis ng bata ang tingin sa isang nilalang na ngayon lang niya nakita sa tanang buhay niya. Kulay pilak ang kasuotan nitong napapalamutian ng hugis patak ng ulan. Ang kasuotan nito ay lagpas hanggang sa kanyang mga paa. Sa kanyang balikat naman ay lumilitaw ang kulay araw nitong balat at nang madako ang tingin ni U-ri sa mukha nito ay lumuwa ang mga mata nito. Napapalunok-laway pa siya at hindi makapaniwala sa kulay kayumangging kaligatang kaharap niya. "Ikinagagalak kitang makilala, U-ri," taas-noo na lamang na nagsalita si Lihangin upang hindi mahalatang hindi siya nagtagumpay sa plano niyang takutin muna ang bata. "Ako nga pala si Lihangin, ang pinuno ng kaharian na kung tawagin ay Hangin." "I--ikina--ikinagagalak ko rin po kayong makilala, kamahalang Lihangin," magalang itong sumagot sa kanya, bagay na lihim namang napangiti ang diwata. "Ako po ay---" hindi na tinapos ni U-ri ang kanyang sasabihin dahil biglang nagsalita si Lihangin habang palapit nang palapit ito sa kanya. "Ipagpaumanhin mo kung agad kong pinutol ang iyong sasabihin. Alam kong ipinadala ka rito ni Lualhati. Kaya hindi mo na kailangan pang ipaalam sa akin ang iyong pakay." Tumango naman si U-ri habang ngiting-ngiti niyang pinagmamasdan ang kabuuang mukha ng diwata nang makalapit ito sa kanya. "Alam mo ba ang hinahanap mong Singsing ng Pag-asa? Alam mo ba ang ibig sabihin ng salitang pag-asa?" naging seryoso ang mukha ni Lihangin at nagbitiw ito ng tanong kay U-ri. "Ipagpaumanhin po ninyo, diwatang Lihangin. Ako po ay hindi nakapag-aral pero alam ko po ang salitang pag-asa. Kung tungkol naman po sa singsing, wala pong binanggit si inang Reyna Lualhati kung saan ko po ito matatagpuan," diretsahang sagot nito sa diwata. Nakatalikod na ito sa kanya habang ikinukumpas ang kaliwang kamay upang hawiin pa ang mga ulap at pansamantalang ilayo ang araw mula sa kanyang kaharian. "Kung alam mo ang salitang pag-asa, gusto kong marinig mula sa iyo ang kahulugan mo bago ko ibigay sa iyo ang iyong pagsubok." Napakamot pa sa ulo si U-ri pero hindi ito napansin ni Lihangin pagkat nakatalikod ito sa kanya. Tatlo hanggang apat na minuto rin ang itinagal ng pag-iisip ni U-ri bago sagutin ang tanong ni Lihangin. "Malalim po ang ibig ipakahulugan ng salitang pag-asa. Katulad ko. Walang alam tungkol sa aking pinagmulan. Namulat sa pagnanakaw. Iyon lamang kasi ang tanging paraan ko upang buhayin ang aking sarili. Mahilig akong magpalipad ng saranggola. Lagi kong inaabangan at binabantayan ang direksyon ng hangin. Kaya siguro sa akin iniatas ang kapangyarihan ng hangin ni inang Reyna Lualhati," pansamantala itong tumigil at huminga nang malalim. Sa mga oras na iyon ay humarap si Lihangin at napansin ang pagyuko ng bata. Tila nagpipigil na maiyak dahil sa sinimulang mga salita. "Kahit na ang huling alaalang mayroon ako sa aking pinagmulan ay hindi ko matandaan o maalala sa aking isipan, nagbabakasakali pa rin akong maibalik ito. Pag-asa. Iyan ang salitang nananatili sa aking puso at isipan. Kahit pa wala akong alam sa aking pinagmulan, umaasa pa rin naman ako na sana makilala ko man lamang ang aking magulang. Ang pag-asa, kahit kapiranggot na lamang ito sa aking puso noon, hindi ko naman binibitawan. Naniniwala pa rin naman ako na may awa ang Panginoon para sa akin." Lihim na napangiti si Lihangin matapos mapakinggan ang kahulugan ng pag-asa sa batang si U-ri. Kahit pa nagpipigil ito ng emosyon at nakayuko sa harapan niya habang binibigay ang kahulugan ng pag-asa ay matapang pa rin ito. Napigilan niya ang pagsabog ng emosyon sa kanyang dibdib. Napansin pa ni Lihangin ang pagpahid nito ng mga luha sa kanyang mga mata gamit ang kanyang dalawang kamay at nang iangat ang mukha ay isang nakangiting U-ri ang kanyang nakita. "Gusto kong patunayan mo sa akin na tama ang kahulugan ng pag-asa sa iyo, U-ri. Kaya isang pagsubok ang inihanda ko sa iyo bago mo makuha ang pakay mong Singsing ng Pag-asa." "Ako po ay nakahanda na po diwatang Lihangin. Pero bago po ang lahat ay baka puwede po muna makihingi ng pagkain o tubig man lamang?" Ang kaninang seryosong mukha ng diwata ay napalitan ng hagalpak sa katatawa sa mga salitang binitiwan nito. Hindi na siya nakapagpigil sa pagtawa dahil ang lakas na ng tunog ng tiyan nito. "Ipagpaumanhin po ninyo, diwata. Bata lang po akong nagugutom din." "Sige. Iimbitahan muna kita sa aking palasyo at doon ay ipapahanda ko ang lahat ng pagkain nang makakain ka bago gawin ang iyong misyon. Sumunod ka sa akin." Naunang maglakad kay U-ri si Lihangin na nagpipigil pa rin sa kanyang pagtawa. Sa kauna-unahang pagkakataon, matapos ang halos dalawa hanggang tatlongdaang taon ay muli niyang naranasan ang ngumiti. At dahil ito sa kanyang panauhin. SA BUNDOK ANGLAON naman, sa lilim ng puno ng Anglasya ay hindi rin napigilan ni Reyna Lualhati na mapatawa dahil kay U-ri. Iyon rin ang kauna-unahang pagkakataong nakita niya ang kakaibang ugali nito. Sinadya niyang gamitin na lamang ang mga ulap upang ihatid ang bata sa kaharian ni Lihangin. Hindi rin niya binigyan ng instruksyon si U-ri o kahit kaunting impormasyon man lamang sa pagsubok na kahaharapin niya bago makuha ang Singsing ng Pag-asa na nasa mga daliri lamang ni Lihangin. Ibinigay na niya ang pagkakataon kay Lihangin ang pagsasabi sa misyon nito at kung paano makukuha ang singsing.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD