Habang sinusundan ang diwatang si Lihangin ay napapanganga si U-ri sa kanyang nakikita. Ang entrada papasok sa palasyo ng kaharian ay napapaligiran ng mga matataas na puno ng Anglasya, na ang akala niya ay nasa bundok Anglaon lang makikita.
Isa hanggang dalawang metro ang pagitan ng mga punong ito habang sa gitna, sa lupang kanyang tinatapakan ay hugis kwadradong mga tabla, na sa pagkakatiyak niya ay gawa sa puno ng Anglasya. Hindi pa roon nagtatapos ang pagkamangha ng batang si U-ri.
Nang makapasok sa hugis tatsulok na entrada ng kaharian ay sinalubong siya ng nanari-saring mga diwata at engkantado. Ang iba ay binati siya habang ang iba naman ay abalang-abala sa pagdidilig sa iba't ibang uri ng halaman at mga bulaklak gamit ang kapangyarihan ng tubig at hangin at apoy.
"Like what you're seeing, U-ri?" biglang pag-iingles ng diwatang si Lihangin.
"Po?" tipid na sagot nito.
"Ipagpaumanhin mo ang salitang banyagang sinambit mo. Ang ibig kong sabihin ay nagustuhan mo ba ang nakikita mo?" pagtatama nito.
"A iyon pala po. Opo. Pero--" bigla na namang tumunog ang tiyan at hindi na naman napigilan ni Lihangin na mapangiti.
"Gutom ka na nga. Huwag kang mag-alala. Hindi na aabot sa loob ng aking palasyo ang aabutin mo. Ilang hakbang na lamang ay makikita mo na ang mga inihanda ko para sa iyo."
Nginitian ito ng diwata at kuminang naman agad ang mga mata nito. Matapos banggitin ang pagkain sa kanya ay hindi na talaga mapigilan ang pagtunog ng kanyang tiyan. Ilang beses na ito hanggang sa tumambad sa kanya ang isang mesang puno ng iba't ibang pagkain.
"Ipagpaumanhin mo kung ang mga inihanda ko sa iyo ay kaunti lamang, U-ri."
"Po? Kaunti pa po ba iyan? Napakarami po niyan. Maraming salamat po. Puwede na po ba kumain?"
"Oo naman. Para lang sa iyo lahat ng iyan."
Hindi na napigilan ni U-ri ang nakikita ng kanyang mga mata. Ang naaamoy ng kanyang ilong at ang pakiramdam ng gutom na gutom na gutom na kanina ay hindi lang basta-basta maiibsan kundi mapupuno pa.
Una niyang kinuha ang inihaw na manok na tuhog na tuhog pa at nilantakan ito. Sa kaliwang bahagi niya ay naroon ang mga prutas gaya ng mangga, ubas, at mansanas, saging at iba pa. Sa kanang bahagi naman ay mga uri ng minatamis at pampalamig gaya ng ube, taro, at buko juice. Sa gitna naman, matapos lantakan ang kalahating manok ay naroon ang kanina, inihaw na baboy, pritong isda, at iba pang uri ng lutong bahay na minsan lang niya natikman sa buong buhay niya.
Sarap na sarap naman sa panonood ang diwatang si Lihangin sa gutom na gutom na si U-ri. Gulat na gulat pa ito dahil tila walang tigil ito sa pagnguya na tila wala nang bukas at ayaw na maagawan o maubusan.
"Dahan-dahan lang U-ri. Hindi ka matutunawan niyan. Baka mabulunan ka," paalala nito.
Narinig naman ito ng bata at nakita naman niya ang pagtango nito at pagngiti ng mga mata bilang pagsang-ayon na naintindihan niya ang bilin ng diwata. Nagpatuloy ito sa pagngunguya at paglalagok ng inumin hanggang sa buto at mga tinik na lamang ang natira sa inihandang pagkain ng diwata.
"Kulang pa ba, U-ri? Gusto mo pa bang kumain?" biro ni Lihangin sa kanya matapos marinig ang sunod-sunod na pagdighay nito.
"Sorry po. Hindi na po. Tama na po, diwatang Lihangin. Solb na po ang tiyan ko. Busog na busog na po ako."
"Akala ko kasi gutom ka pa. Kung ganoon ay magpahinga ka muna saglit bago ka sumabak sa iyong misyon. Habang nagpapahinga ka ay sasabihin po ang iyong gagawin."
"Opo, mahal na diwata. Makikinig po ako."
Ang kaninang punong-puno ng pagkain na mesa sa harapan ni U-ri ay bigla na lamang naglaho sa isang kumpas lamang ng kamay ng diwata. Ilang saglit pa ay muli silang naglakad at sumunod naman sa kanya si U-ri.
Ilang saglit pa ay narating sila sa isang malawak na parte ng kahariang hugis bilog, na napapaligiran ng mga puno at halaman. Nang inangat ni U-ri ang tingin sa kalangitan ay nakita niya roon ang mga iba't ibang uri ng batong parang nag-uunahang makarating sa mga ulap.
"Ano po ang lugar na ito, mahal na diwata?" napukaw ang kuryusidad ng bata at biglang tinanong si Lihangin.
"Ito ang daan patungo sa pinakatuktok ng kaharian kung saan naroon ang isang kuweba. Kailangan mong lagpasan ang pagsubok na ito. Kailangan mong dumaan sa mga batong iyan," aniya.
"Madali lang pala," sabik namang sagot nito. Napangiti naman ang diwata pero nagpatuloy ito sa pagsasalita.
"Tama. Madali lang pag-akyat pero ang mga hugis tatsulok at ibang uri ng mga batong iyan ay hindi lang basta batong nakalutang. May sariling mga isip ang batong iyong aapakan. Kinakailangan mo ang lakas, liksi, at katatagan upang marating mo ang tuktok nito. Ang mga batang iyan ay nasa isandaan lang naman. Handa ka na bang akyatin ang tuktok ng kaharian, U-ri?" muling tanong ni Lihangin.
"Ano po? Isandaan? Marami nga pero kaya iyan. Handang-handa na po ako, mahal na diwata. Pero kailangan ko po munang gumamit ng palikuran. Mayroon po ba rito?" mabilis namang sagot ni U-ri.
Pero muli na naman siyang pinatawa ng bata dahil sunod-sunod ang pagbuga ng hangin nito. Amoy na amoy ang baho ng kinain niya kanina. Dahil malayo ang palikuran sa kinaroroonan nila ay ginamit na lamang ni Lihangin ang kanyang kapangyarihan at gumawa ng isang hugis-parihabang palikuran na may pintuan.
"Pumasok na riyan at magbawas, U-ri."
Hindi na sumagot ang bata dahil kapansin-pansin na kasi ang pagpipgil nito. Dire-diretso itong pumasok doon sa loob ng palikurang kanyang ginawa. Nawala muna saglit si Lihangin upang hayaan itong makapagbawas sa gitna malawak na parte ng kagubatang magiging daan ng pagsubok nito sa bata.
Ang hindi alam ni Lihangin, kanina pa napansin ni U-ri ang nagliliwanag at kumikislap na singsing sa palasingsingan ng diwata. Wala man siyang kakayahang malaman kung iyon nga ang singsing na hinahanap niya, pero susundin pa rin niya ang pagsubok na ibibigay ng diwata sa kanya. Tanda ng paggalang at pasasalamat na rin niya ito sa diwatang pinakain siya at pinagbawas pa.
Sa tuktok naman ng kaharian ay dumako si Lihangin at doon ay pumasok siya sa loob at gumawa ng replika o isang bato na kahalintulad ng kanyang singsing at inilagay ito sa gitnang bahagi ng kuweba. Nang matapos ilagay ang replika ng kanyang singsing ay lumabas na ito at sa labas ng kuweba ay sinigurado niyang hindi ito basta-basta mabubuksan. Dalawang malalaking biak na bato ang nilagay niya bilang harang. Hahayaan niya si U-ri na mag-sip ng paraan kung paano ito tatanggalin o kung paano makakapasok sa loob ng kuweba. Naghanda na rin siya ng mabibigat na pagsubok sa pag-akyat nito. At nang maisaayos na ang lahat ay bumalik siya sa baba bago pa matapos sa pagbabawas ang bata.
Saktong pagkabalik na pagkabalik ni Lihangin ay bumukas ang palikuran at iniluwa nito ang batang si U-ri na kumikislap pa ang mukha matapos magbawas. Nang makita siya ng bata ay agad nitong ikinumpas ang kamay at nawala ang palikurang kanyang ginawa.
Ang isang kamay naman nito ay pumitik at nagpaulan ng mga talulot ng bulaklak sa harapan ni U-ri upang matanggal ang kaunting amoy na mayroon sa kanya. Napansin naman ito ng bata at napakalapad ng kanyang ngiti nang makita ang pagbagsak ng mga talulot sa kanyang harapan. At nang amuyin ang kanyang kasuotan ay bangong-bango na ito.
"Maraming salamat po, mahal na diwata. Handa na po akong akyatin ang mga batong iyan patungo sa tuktok na sinabi mo upang makuha ang aking pakay." Yumuko pa ito sa kanya at ngumiti sa kanyang harapan.
"Kung kaya mo nang tumalon, pinapayagan na kitang simulan mo ang iyong misyon, U-ri. Dalangin ko ang iyong tagumpay sa misyong ito," binigay na nito ang kanyang basbas. "Iyong pakatandaan lamang na ang iyong kapangyarihan ay gagamitin mo lamang kung kinakailangan. Hawak ko ang kapangyarihan ng hangin at malalaman ko kung ginamit mo lamang ito sa pinakasimpleng bagay na kaya mo namang gawin nang wala ang iyong kapangyarihan. Nawa ay naintindihan mo ang aking nais na ipaabot na mensahe sa iyo, U-ri."
"Opo. Mahal na diwata. Makakaaasa po kayong hindi ko pa gagamitin ang aking kapangyarihan sa mga bagay na kaya ko naman pong lagpasan gamit ang aking kakayahan. Asahan po ninyo ang aking tagumpay," pagbibigay katiyakan nito. Napangiti naman ang diwata sa sagot nito at agad na binigyan ito ng daan upang makapagsimula.
"Gabayan ka sana ng hangin sa iyong misyon, U-ri. Huwag mong kalilimutan ang aking mahigpit na bilin sa iyo."
Tumango ang batang si U-ri at agad na tumalon nang mataas patungo sa unang batong kanyang binagsakan. Nang makatayo roon ay unti-unti itong gumalaw. Kaya agad na tumalon-talon si U-ri hanggang sa nakarating siya sa pangatlong batong unti-unting lumalayo sa kanya.