Ang Kaharian ng Hangin

1510 Words
Sa pinakatuktok at mataas na bahagi ng Tala ay may isang lumulutang na kahariang hiwalay sa palasyo ng mga imortal. Ito ay pinamumunuan ni Lihangin, na siyang diwata ng hangin. Siya ang inatasan ni Bathala na mamuno at magbigay ng buhay sa mundo ng mga mortal. Kailangan ng hangin ang mga tao kaya, hindi nag-atubiling tanggapin ni Lihangin ang responsabilidad na iniatang sa kanya. Ginawa niya ang lahat upang maging sariwa ang hanging nilalanghap ng mga ito sa kanilang mundo. Ngunit, hindi naging madali dahil sa paglipas ng maraming panahon ay unti-unting naging marumi at mabaho ang hangin saanmang parte ng Independencia. Lungkot at pagkadismaya ang naramdaman ni Lihangin nang malaman niyang halos isandaang porsyento na ng parte ng Independencia ay hindi na presko at masarap sa pakiramdam ang hangin na kanilang nalalanghap. Nanari-saring mga establisyimento na kasi ang itinayo ng mga tao o Independens at nauubos o paubos na rin ang mga berdeng parte ng buong Independencia, dahilan upang maging marumi ang hangin sa paligid ng mga ito. Nang lumobo nang lumobo ang istruktura sa bansang inalagaan niya, umusbong din ang nanari-saring plantasyon. Ang buong Uson ay naging isang rehiyon ng matataas na gusali na puro teknolohiya na ang nagpapagalaw nito. Sinubukang ayusin ni Lihangin ang mundo ng mga mortal upang kahit paano ay makalalanghap pa rin ito ng hangin. Pero tila lalo lamang siyang nadismaya. Lalo lamang kasing tumaas ang porsyento ng pagpuputol ng mga puno sa ibang parte ng Independencia, partikular na ang Uson at Indana. Sa madaling salita, tuluyan nang nilamon ng teknolohiya ang bansa at marami sa mga Independens ang nagkasakit dahil sa paglanghap ng maruruming usok kapaligiran. Sobrang lungkot ang namayani sa puso ni Lihangin nang mga panahong iyon. Kaya, naisipan niyang bumalik na lamang sa Tala upang doon na lamang magmasid sa mga nangyayari. Pero pinigilan siya ni Lualhati at ipinaalala ang kahalagahan ng kapangyarihang ipinagkaloob sa kanya. "Lihangin, pumarito ka sa bundok Anglaon, sa Isaya, nang makita mong may natitira pang kagubatan na may mga puno at halaman. Pansamantala mo munang iwan ang pagbabantay sa Uson at Indana. Bakit hindi mo tingnan ang buhay na mayroon sa Isaya bago ka magdesisyon?" Minsan na ring nakausap ni Lihangin si Reyna Lualhati. Kaya napapaisip din siya noon na bisitahin ang Isaya. Nang mapapadpad nga siya roon ay nasaksihan mismo ng kanyang mga mata, narinig ng kanyang mga tainga, at nalanghap ng kanyang ilong ang sariwang hanging naroon sa kabundukang bahagi ng Isaya na kung tawagin ay Anglaon. Matataas ang mga puno na naroon. Berdeng-berde ang mga damuhan sa paligid. Sariwang-sariwa at malinaw na malinaw ang mga tubig sa paligid nito. Nanari-sari rin ang mga halaman at bulaklak na tumutubo roon. Walang polusyon at sadyang hindi masakit sa ilong kapag nilalanghap ang hangin. Kaya ganoon na lamang ang tuwa ni Lihangin. Doon sa bundok na iyon ay muli silang nagkita ni Lualhati at binigyan siya ng diwata ng pagkakataong alagaan ang natitirang mabeberdeng bahagi nito nang sa ganoon ay magiging masaya pa rin siyang gawin ang kanyang responsabilidad. Ipinaalala at binigyan din siya ng inspirasyon sa mga salitang binitiwan ni Lualhati sa kanya. "Huwag mong dibdibin ang mga nangyayari sa Uson at Indana, Lihangin. Darating ang panahon na babalik din ang lahat sa dati. Kung hindi man sa buong Independencia, sigurado akong mananatiling sariwa at mabeberde ang Gawahon, sa paanan ng bundok at sa buong Anglaon." "Ang ibig po ninyong sabihin ay may pag-asa pa rin ba?" "Tama ang pagkakaintindi mo, Lihangin. May darating at uusbong na mga taong tutuligsa at pupuksa sa kasalukuyan upang linisin ang Independencia. At alam kong kasama sa paglilinis ng mga ito ay ang mismong ginawa ng mga namumuno rito." "Ako'y nananabik, Reyna Lualhati sa mensaheng iyan. Dalangin kong sana sa madaling panahon ay muli kong mararamdaman ang kahalagahan ko sa mundo ng mga mortal." "Darating at darating tayo riyan, Lihangin. Huwag kang panghinaan nang loob na maghintay sa pag-asa. Ikaw ang simbolo ng pag-asa ng buong hangin sa Independencia. Kaya nararapat lamang na alagaan mo ang iyong sarili at maging masaya kahit pa unti-unti na tayong hindi pinahahalagahan ng mga tao. Malakas pa rin ang paniniwala kong darating ang panahong muli tayong ngingiti at sasaya." ILANGdaang taon na rin nang huli niyang marinig ang mga katagang iyon mula sa reyna ng kalikasan sa bundok Anglaon. At sa mga panahong iyon ay ginugol ni Lihangin ang kanyang mga oras sa pagpapanatili ng hangin sa paligid ng bundok at sa buong Isaya. Tanging ang Isaya lamang ang nanatili sa kabihasnan kung ikukumpara ito sa rehiyon ng Uson at Indana. Sa bundok ng Anglaon, sa Gawahon, sa Isaya, namalagi si Lihangin. Nang lumipas ang halos tatlongdaang taon ay nagdesisyon muna itong umalis at bumalik sa Tala. At doon nga sa Tala ay binigyan siya ni Bathala ng isang kahariang kanyang permanenteng tirahan. "Dahil sa iyong pagmamahal sa elemento ng hangin, ikaw, Lihangin ay ginagantimpalahan ko ng isang kaharian. Sa tuktok ng Tala, hihiwalay ang hugis triyanggulong lupa, at magiging iyong permanenteng tirahan. Mananatili ka pa ring diwata ng hangin habang naghihintay ng pagkakataong makabalik sa mundo ng mga mortal. Iyong pakatatandaan na kahit wala ang mga tao, mabubuhay at mabubuhay pa rin tayo bilang mga diyos, diwata, diyosa, o engkantado at engkantada dito sa Tala. Isang regalo din ang nais kong ibigay sa iyo." Matapos ang pagbibigay ng gantimpalang iyon kay Lihangin ay agad na inabot sa kanya ni Bathala ang isang singsing. Ikinagulat ito ni Lihangin nang isuot ito sa kanyang palasingsingan. "Iyan ang Singsing ng Pag-asang ipinagkakaloob ko sa iyo, Lihangin. Iyong pakaingatan iyan at huwag kailanman iwawala. Pag-asa ang mayroon ka sa iyong puso at ito ang hindi kailanman mababago sa iyo. Kaya karapat-dapat lamang na sa iyo ko ibigay ang singsing na ito. Ito ay nagmula sa aking palasingsingan. Isang regalong kailangan mong ingatan dahil darating ang panahon na may papalit sa iyo at alam mong ikaw lamang ang nakakaalam kung karapat-dapat ba siyang maging iyong kapalit bilang tagapangalaga ng Singsing ng Pag-asa." "Lubos po akong nagpapasalamat sa iyo, Bathala sa napakagandang regalong ipinagkaloob mo sa akin. Asahan po ninyong hindi ko kayo bibiguin. Ang pag-asang mayroon pa rin ako sa aking puso ay hindi ko bibitiwan. Ang singsing na ito ang magiging simbolo ng pag-asa hindi lamang sa buong Tala kundi pati na rin sa buong Independencia. Naniniwala pa rin akong darating ang panahong mapupunta ito sa mabuting kamay na siyang papalit sa akin pagdating ng itinakdang panahon." "Ikinagagalak kong marinig iyan sa iyo, Lihangin. Tanggapin mo ang aking basbas mula ngayon hanggang sa iyong pagtanda." ISANG HINDI MALILIMUTANG pangyayaring dumating sa buhay ni Lihangin ang makadaupang-palad sa bibihirang pagkakataon si Bathala nang makabalik siya sa Tala. At nang marating nga niya ang tuktok ng Tala ay doon unti-unting umangat ang hugis-triyanggulong lupa na ang tulis o dulo nito ay nakaturo sa ibaba. Sa loob ng dalawangdaang taon ay tahimik ang kaharian ng Hangin, na ang pangalan ay mula lamang sa kanya at sa kapangyarihan nito. Araw-araw, gabi-gabi ay nagbabantay siya at nakamasid sa buong Tala at maging sa Anglaon at ibang bahagi ng Independencia. Hindi rin niya inaalis sa kanyang palasingsingan ang singsing at nanatili ito nang mahabang panahon. Nang kanyang makita mula sa Kaharian ng Hangin ang nangyari sa Irina Arena hanggang sa pagligtas ni Lualhati sa isang mortal, at paggawa ng mga potion na kasama ang elemento ng hangin, hindi siya nangialam. Pinagkatiwalaan niya ang reyna sa mga plano nito at ngayong hinihingi na sa kanya ang tulong hinggil sa isang batang biniyayaan ng kapangyariha ng hangin ay handa na siyang bigyan ito ng pagsubok. Kung karapat-dapat siyang maging tagapangalaga ng hangin, nasa kanyang mga kamay ang pagdedesisyon. "Lihangin, muli tayong magkakausap pero sa isipan lamang. Ako ay hihingi ng tulong mula sa iyo upang bigyan ng pagsubok ang isang mortal na bata na makuha ang Singsing ng Pag-asa mula sa iyo. Ikaw ang magtatakda kung natatangi nga siyang biyayaan ng iyong kapangyarihan at kung nakatakda na ngang ikaw ay papalitan." "Kay tagal na panahon na rin, Reyna Lualhati at sariwa pa rin sa aking isipan ang mga katagang iyong binitiwan. Dahil din sa pag-asang kumakapit pa hangganga ngayon sa aking puso, kaya ako tumagal. Ramdam ko na rin naman ang pagtanda kahit pa hindi kumukulubot ang aking mga balat. Kaya sisiguraduhin kong ang batang iyon ay karapat-dapat na maging tagapagmana ng aking kapangyarihan at ng singsing na ipinagkaloob sa akin ni Bathala." "Masaya akong marinig mula sa iyo iyan, Lihangin. Dalangin ko ang tagumpay ng batang si U-ri, kahit pa isa siyang batang hindi dapat biniyayaan ng aking kapangyarihan. Alam kong alam mo na rin ang nakaraan ng batang iyan. Kaya ibinibigay ko na sa iyo ang pagkakataong bigyan siya ng matinding pagsubok." "Makakaasa po kayo, Reyna Lualhati. Handa na po ang Kaharian ng Hangin upang salubungin si U-ri at naghihintay na po ang pagsubok sa kanya." Matapos ang pag-uusap na iyon ay pansamantalang ginawang madilim ni Lihangin ang buong paligid ng kaharian bilang pagsalubong sa batang si U-ri. Ito ang unang pagsubok na ibibigay niya sa batang biniyayaan ng kapangyarihan ng hangin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD