Nang mga oras na iyon ay nanonood lamang si Lihangin sa baba habang ang batang si U-ri naman ay binilisan ang pagtalon mula sa pangatlong batong kinatatayuan nito.
Kapansin-pansin na rin ang pag-ikot at paglilipat-lipat ng mga batong kanina lang parang mga estatwang nakapatong at nakalutang sa alapaap. Unti-unti na ring kumakapal ang mga ulap kaya hindi agad makapag-isip nang maayos si U-ri.
Magkagayunpaman ay mabilis naman agad itong tumalon nang mataas at lumundag-lundag nang lumundag hanggang sa nakakakakahati na siya. Tumagal din halos ng kalahating minuto ang pagtatalon nito marating lang ang ika-singkwentang batong tinapakan niya.
Pansamantala muna siyang magpapahinga sa batong kinatatayuan niya nang bigla itong nahati at naiwan ang isang paang nakatayo lamang. Walang magawa si U-ri kundi ang tumalong muli. Kagaya nang napagkasunduan ay hindi niya ginamit ang kanyang kapangyarihan.
"Naubos na yata ang mga kinain ko sa katatalon. Kailangan kong kumain mamaya matapos ang misyong ito."
Kahit na walang kapaguran na ang ginawa nito ay nakaramdam agad ito ng pagkagutom. Sinong hindi mapapagod sa katatalon at mababawasan pa ang laman ng tiyan niya. Muling nagpalundag-lundag si U-ri hanggang sa naabot na niya ang ika-walumpo at siyam na bato.
Gaya nang ikaw-limampung batong inapakan niya ay nahati na naman ito at muntik na siyang ma-out balance at mahulog. Mabuti na lamang at napakaliksi niyang bata at agad na nakita ang isang batong papalapit sa kinatatayuan niya at doon ay lumipat ito.
Dahil sampung bato na lamang at mararating na niya ang tuktok, wala nang inaksayang oras si U-ri. Kahit pa tagaktak na ang pawis sa kanyang mukha at basang-basa na rin siya ay nagpatuloy ito sa paglundag hanggang sa tumigil siya sa ika-sandaan at doon ay agad na dumapa at nagpahinga.
KAHIT pa nasa ibaba lamang si Lihangin ay nahahawi naman ng mga ulap ang mga batong nilulundagan ni U-ri nang hindi niya napapansin. Tanging siya lamang ang nakakakita sa tagumpay na ginawa nito. Lihim namang napangiti ang diwata sa naunang pagsubok na nilagpasan ni U-ri at hinihintay na ito ng pangalawang pagsubok na kailangan niyang malampasan.
PANANDALIAN man ang pahingang ginawa ni U-ri ay sapat na iyon upang buhayin ang nawala niyang lakas. Nang tumayo ito ay doon naramdaman ni U-ri ang lamig at sariwang hanging dumadampi sa kanyang mga balat at naaamuy ng kanyang ilong.
Presko at sadyang napakabanayad ng hanging naroroon sa tuktok ng bundok na kanyang naabot. Nang buong puso niyang niyakap ang hanging naroroon sa paligid niya ay nagbigay ito ng panibagong katatagan sa kanya sa misyong kailangan niyang matapos.
"Maraming salamat sa hanging naririto at muli akong nabuhay ng loob upang magpatuloy sa susunod ko pang pagsubok makuha lamang ang pakay kong Singsing ng Pag-asa."
Iilan lamang sa mga salitang binitiwan ni U-ri sa kanyang isipan matapos ang pansamantalang pamamahinga nito. Agad siyang naglakad at hinanap ang kuwebang tinutukoy ng diwata sa kanya. Ilang saglit pa ay natagpuan niya ito. Malapit lamang ang kuwebang iyon ilang metro ang layo mula sa isang matarik at mataas na bangin.
Nang makalapit ay napansin nito ang dalawang magkadikit na batong nakaharang sa kuwebang kailangan niyang pasukin. Napakamot siyang bigla sa kanyang ulo at agad na nakapangalumbaba dahil sa nakita.
"Mukhang mahihirapan akong matanggal ang mga batong ito kung hindi ko gagamitan ng kapangyarihan."
Muli siyang nag-isip nang malalim at nang mahagip ng kanyang paningin ang nakasabit sa kanyang katawan na isang maliit na sling bag, agad niyang tiningnan ang laman nito.
"Bakit ngayon ko lang napansing may bag ako?" usisa nito sa sarili at muling hinalungkat ang laman nito.
Nang matanggal ang lahat ng lamang naroon sa loob ng bag ay napansin niya ang isang hugis triyanggulong paputok at isang lighter. Palipat-lipat ang mata nito sa mga bato at sa paputok na hawak niya. At nang malaman ang mismong gamit nito ay doon siya napangiti.
Dahil may isang mahabang pisi ring nasa loob ng bag, iyon ang kanyang ginamit at itinali ito ang paputok bago inilagay sa pagitan ng dalawang malalaking mga bato. Bago sindihan ang mga iyon ay sinigurado niya munang sapat ang mga paputok na nakuha at nakita niya sa loob ng kanyang bag. Tatlo lamang ang mga iyon kaya siniguro niyang sapat na iyon para mapasabog sa gitna ng dalawang naglalakihang mga bato.
Ang pising kanina ay itinali niya sa mga paputok ay kanyang sinindihan at agad na tumakbo papalayo mula roon. Tinakpan niya agad ang kanyang tainga at ilang sandali pa ay sunod-sunod na pagsabog ang nangyari dahilan upang magkapira-piraso ang malalaking bato. Ang pira-piraso nito ay gumulong-gulong sa ibang bahagi habang ang iba naman ay gumulong pababa.
Pero walang alam si U-ri na ang mga gumulong na mga bato ay lumutang lamang sa labas na inakala niyang babagsak paibaba. Nang makita ang kinalabasan ng pagsabog na iyon ay tuwang-tuwa si U-ri na makita ang maliit na lagusang kasyang-kasya ang kanyang katawan papasok sa loob ng kuweba. Nagmadali siyang pumasok sa madilim kuwebang iyon.
Gamit ang lighter na ginamit niya kanina, naglakad siya sa loob at doon sa pinakagitna ay nakita niya ang isang nagliliwanag na bagay. Nang makalapit ay nasilaw siya sa kumikinang na bagay na paikot-ikot at lumulutang sa gitna. At nang kanya itong hawakan, lalo itong nagliwanag at nasilaw ang batang si U-ri. Ang liwanag ding iyon ang naging dahilan upang maalala niya ang huling nangyari sa kanya.
...
"Wala na pala akong kakainin dito. Bababa na muna ako sa bayan nang makakuha ng pagkain."
"Si U-ri! Nandito si U-ri! Mga kasama, dakpin natin siya. Bilis."
"Humanda sa akin 'yang U-ri na yan. Lagi na lang akong tinatakbuhan."
"Papatayin ko talaga ang batang 'yan. Simula nang maging magnanakaw sa ating bayan 'yan, nawalan na tayo ng mga kustomer. Humanda ka ngayong bata ka. Mahuhuli ka rin namin."
"Bilis! Bilisan ninyo! Baka makawala na naman ang salot sa barangay natin."
"Hinding-hindi siya makakatakas sa atin! Mga kasama tayo na at lumabas!"
"Akin na ang saranggolang yan!" Singhal ng lalaki sa bata.
"Ako ang gumawa nito. Pinaghirapan ko itong gawin tapos kukunin niyo na lang? Hindi ko ito ibibigay sa inyo!"
"A ganun ha? Mga kasama hawakan ninyo siya. Suntukin natin at sipain nang sipain!"
"HOY! Mga pangit na nilalang!"
"At sino ka naman? Kuya ka ba niya? Huwag mong pakialaman ang plano namin!"
"Boss, si U-ri yan. Ang matinik na magnanakaw sa ating barangay."
"Ikaw pala si U-ri. Ikaw ang magnanakaw sa bayan ng Anaw, 'di ba? Kung gayon, malaking pabuya ang naghihintay sa amin kapag nahuli ka namin. Kaya, interesado kami sa iyo at pinakakawalan na namin ang batang iyan. Mga kasama, sugurin si U-ri!"
"Magaling ka, U-ri. Pinahanga mo ako. Ngayon ako naman ang kalabanin mo!"
...
"Sa wakas at nagising ka na rin, U-ri. Nagugutom ka na ba?"
Isang nakangiting mukha ang kanyang nakita at napansing wala na siya sa bundok o sa loob ng kuwebang kanina lamang ay pinasok niya.
"Mahal na diwata, paano po ako napadpad dito?" tanong nito habang unti-unting bumabangon mula sa pagkakahiga sa malamig at maberdeng damuhan.
Tumingala pa muna si U-ri sa kalangitan upang pagmasdan kung naroroon pa ang mga nakalutang na mga bato. Wala na nga ang mga iyon at kulay puting mga ulap na lamang ang iyong makikita. Hindi na rin makita ang bundok kung saan siya nanggaling. Marahil natatakpan na iyon ng mga ulap.
"Ang bundok na iyong inakyat ay isang ilusyon lamang na aking ginawa, U-ri." Lumingon ang bata kay Lihangin at nakinig sa susunod nitong sasabihin. "Isa lamang itong ilusyon na likha ng kapangyarihan ng hangin."
"Kung ganoon ang singsing na naroon sa kuweba sa bundok na iyon ay hindi totoo at isa lamang iyong pagsubok sa akin, mahal na diwata?" pagkukumpirma nito sa diwata.
"Tama ang iyong tinuran, U-ri. Gaya nga nang sinabi ko isa lamang iyon sa mga ilusyong ginawa ko para subukan ang iyong liksi, tatag, at bilis sa paghahanap ng paraan kung paano mo lalampasan ang mga iyon," pagpapatuloy nito.
"At ang singsing po ba ay 'yang suot po ninyo sa inyong kaliwang palasingsingan, mahal na diwata?"
Nang mga oras na iyon ay hindi inasahan ni Lihangin na mabubuko siya o matutunton ang kinaroroonan ng Singsing ng Pag-asa. Kaya naman, ngumiti ang diwata sa kanya at nagpatuloy sa pagpapaliwanag.
"Isa kang matalinong bata, U-ri. Kahit pa wala kang matandaan sa iyong kapanganakan kasama ang iyong tunay na magulang at naging isang batang makati ang mga kamay ay mayroon ka namang busilak na puso. Tama ka. Ito nga ang tunay na Singsing na Pag-asa na hinahanap mo. Walang sinuman ang nakaaalam ng tungkol dito maliban na lamang kay Lualhati."
Nakangiti ang batang si U-ri at napatalon pa ito sa tuwa nang marinig mula sa diwatang si Lihangin na nasa mga daliri nito ang tunay na singsing na magdadagdag ng kanyang tunay na kapangyarihan.
Hindi naman maitago ni Lihangin ang saya sa batang kausap niya. Kaya nang mga oras ding iyon, habang suntok-suntok pa ni U-ri ang hangin ay isang desisyon na ang kanyang napagpasiyahan. At ito ay ipagkaloob na sa bata ang singsing na iniregalo ni Bathala sa kanya na iningatan niya nang napakatagal na panahon.