"Yesha, why don't you greet and introduce yourself?"
Sa halip na magsalita ang batang babae ay nagpakawala ito ng isang malamig na hangin sa paligid nina Heroina. To the rescue naman si Sera at bahagya niyang pinainit ang katawan nina Wyatt at ng iba pa.
"Nice. May isa palang may kapangyarihan ng apoy sa inyo. Iyon nga lang ay hindi mo makakalaban ang kapareho mo. Si Yesha na muna ang haharap sa iyo. Ikaw na ang bahala sa kaniya, baby Yesha ko. Walang sinuman ang puwedeng makialam sa laban ng dalawa," may diin at pagbabantang sabi nito sa harapan ni Heroina.
"Hoy, babae. Bago mo sabihin iyan, bakit hindi ka muna magpakilala?"
Kanina pa nagpipigigil at nagtitimpi si Heroina sa inis sa babaeng walang pangalan. Hindi pa rin kasi nito sinasabi kung sino siya.
"Oops. Nakalimutan ko nga palang ipakilala ang aking sarili. Ipagpaumanhin mo, Heroina. Ako nga pala si Madel, ang kanang kamay ni Damion Kill."
Biglang natigilan si Heroina nang marinig ang pangalang iyon. Tila hinahanap ng kaniyang utak kung saan niya narinig ang pangalang iyon.
"Matunog ba ang pangalan ko?Malamang hinahanap ng utak mo kung saan mo narinig ang pangalan kong ito. Hindi balae, huwag mo na munang alamin. Kung okay ka na, baka pu-puwedeng simulan na natin ang showdown!"
Humalakhak pa ito na tila siya ang mas may karapatang mag-ingay sa harapan ng kanyang mga bisita. Napaghahalataang mas excited pa itong manood ng laban ng batang babaeng sa pagkakaalam niya ay kontrolado nito.
Hindi na umimik si Heroina. Gustuhin man niyang huwag pahintulutang makipaglaban ang mga bata dahil kagigising lamang ng mga ito ay hindi niya magawa dahil manganganib ang buhay nila. Ang mas malala ay pipilitin pa rin sila ni Madel na lumaban. Nag-iisip pa rin siya nang mga oras na iyon nang makita niya ang pagdaan ni Sera sa harapan niya upang magboluntaryong lumaban. Masyado na kasing maginaw sa labas dahil sa kapangyarihang ibinubuga ni Yesha sa paligid. Kulang na lamang ay maging yelo ang buong kapaligiran. Hindi rin matukoy kung hanging o tubig ang kapangyarihang mayroon siya.
Wala na ring magagawa si Heroina. Sa halip na pigilan ay pinagsabihan na lamang nitong mag-ingat "Mag-iingat ka, Seraphina. Baka hindi kayanin ng katawan mo ang kapangyarihan ng kalaban dahil kagigising mo lang."
Binigyan nito ang dalaga ng isang tapik sa balikat bago tumungo sa harapan ng kalaban. Lumingon ang dalaga sa kaniya at ngumiti. Bago hinarap si Yesha ay sinigurado muna ni Sera na nasa tamang init ang paligid ng mga kasama niya nang sa ganoon ay hindi sila maaapektuhan ng kapangyarihan ng kalaban.
Sa malawak na hardin ng The Heroia, sa Aliza ay magkaharap ang dalawang babaeng may magkakaibang kapangyarihan. Isang itinakdang may kapangyarihan ng apoy at isang dalagitang hindi pa matukoy ang pinagmulan ng kapangyarihan nitong lamig na palutang-lutang na ngayon sa ere. Naghihintay na lamang ng pagkakataon upang salakayin siya.
Nang makitang pumagitna na ang makakatunggali ay bumaba sa ere ang batang si Yesha at hinarap ang nakatatandang dalaga sa kaniya. Walang ekspresyon ang mga mata nito kung hindi puro galit. Mata sa mata ang titigan. Walang gustong kumurap at wala ring gustong maunang sumugod.
Kaya ang huli na ang naunang sumugod sa dalagang si Sera at panay ang pagpapalipad nito ng mga bagay sa paligid niya at itinatapon ito sa katunggaling si Seraphina. Ang mga puno at halaman sa paligid ay binubungkal at nililipad ng hangin. Nanggagalaiti naman si Heroina sa galit nang mga oras na iyon.
"Hoy! Yesha! Wala akong sinabing sirain mo ang kapaligiran ko. Itigil mo ang pagsira sa mga puno at halaman!" sigaw nang sigaw si Heroina nang mga oras na iyon habang si Wyatt at Puti naman ay pinipigilan siya.
Upang hindi sila matatamaan ng lumulipad na bagay sa paligid ay pansamantalang gumawa ng pananggalang na mula sa hangin si U-ri. Napansin ito kaagad ni Heroina at nakita ang nakalutang at tila naka-yoga position pang nakapikit sa loob ng pananggalang na iyon si U-ri.
Bago atakihin ang kalaban ay tiningnan muna ni Sera ang kinaroroonan ng mga kasama at napangiti nang makitang nasa loob ang mga ito ng isang pananggalang.
Si Yesha naman ay nagsimula nang ihagis at ibato sa harapan ng dalaga ang mga bagay na lumilipad. Iwas naman nang iwas si Sera sa mga matutulis at mabibigat na bagay na itinatapon sa kanya. Pero sadyang mabilis ang galaw ng mga kamay ni Yesha. Hindi na niya ito basta-basta lang maiiwasan. Kailangan na rin niyang gamitin ang kapangyarihan niya.
Hindi niya gustong masaktan ang katunggali pero wala na siyang pagpipilian kundi ang isa-isa na lamang itong sunugin. Habang abala naman sa panununog si Sera ay hindi niya namalayan ang pagsulpot ni Yesha sa kanyang harapang at sinuntok siya sa sikmura. Napaatras ang dalaga at napaduwal. Hindi niya namalayang kontrolado din pala ni Yesha ang kapangyarihan niyang atakihin siya at susulpot sa harapan niya.
Hindi pa roon nagtatapos ang panununtok ni Yesha dahil kaliwa at kanan itong sumisipa at nanununtok sa kaniya habang tinatapos niya ang pagsusunog sa mga bagay na bumabagsak sa kanya. Nagagawa namang ilagan ni Sera ang dalagita. Nang matapos ang pag-iiwas sa mga bagay na lumulipad ay paanay na ang sangga at ilag nito sa bawat sipa at suntok na pinapakawalan ng batang gawa yata sa bakal ang mga kamao at metal ang mga paa.
Bahagyang napaatras si Sera nang bigla na lamang lumitaw sa harapan niya ang isang maliit na ipuipong unti-unting lumalaki sa kaniyang harapan. Napapagitnaan na si Sera ng ipuipong iyon hanggang sa makulong siya nito sa loob.
"Sera!" sigaw ni Heroina. Pinipigilan naman siya ng anak na si Wyatt na huwag mag-alala dahil malalagpasan din ito ni Sera. Ngumiti pa ang anak sa kanya at inalo siya. Pero naroon pa rin sa isipan ni Heroina na mag-alala.
"Magtiwala po tayo sa kakayahan ni Sera, ina. Kaya niya pong pigilan iyan."
Pinakalma pa lalo siya ng anak. Tinitigan na lamang ni Heroina si Wyatt na kanina lang ay nagsasalita pa sa kaniya pero ngayon ay seryosong nakatitig na sa kinaroroonan ni Sera. Bahagya pang lumingon si Heroina sa iba pa at napansin ang seryosong mukha ng mga ito at itinuon ang atensyon sa naglalaban.
"Magaling, Yesha. Talunin mo na siya!"
Nakakainsultong halakhak ang binibitiwan ni Madel habang naka-shade pa itong nakaupo sa isang maliit na upuan, na akala mo ay nagpi-picnic lang sa karagatan. Sinamaan na lamang ng tingin ni Heroina si Madel at ibinaling ang atensyon sa labanan. Naroon pa rin ang pag-aalala nito hindi lamang kay Sera kung hindi pati na rin sa batang si Yesha.
"Wala talagang puso iyang babaeng iyan. Hindi na naawa sa bata. Alam kung bahagi lamang siya ng kanyang mga plano at sana huwag isang ekspirimentong kikitil sa buhay ng mga inosenteng sibilyan."
Naiwaksi na lamang pansamantala ni Heroina sa isipan ang mga katagang iyon. Alam niyang bunga lamang si Yesha ng isang plano at may kinalaman pa rin ito sa pinakakinaiinisan niyang tao, si Damion Kill. Muli, ay ibinalik niya ang tingin sa dalawang naglalaban sa harapan niya, na ngayon ay mas lalong nag-aalala sa nakakulong na si Seraphina.
Pataas nang pataas at palaki nang palaki ang ipuipong pilit na tinatakasan ni Seraphina nang mga oras na iyon. Wala muna siyang ginagawa kung hindi ang hayaang mapagod si Yesha sa pagkontrol ng ipuipong nilikha niya sa kaniya.
Nang mapansin ang biglaang pagsusuka nito ng dugo ay doon na isinagawa ni Sera ang balak niyang makalabas. Pumikit ito at pinagdikit ang dalawang palad. Ilang saglit pa ay lumabas sa katawan nito ang maliliit na bolang apoy.
Nang maramdaman niyang palaki nang palaki ang apoy at nilulukob na nito ang katawan ng ipuipo, doon na magkasabay na itinaas ni Sera ang dalawang kamay at sumabog ang malaking ipuipo. Malakas ang pagsabog na iyon dahil tumilapon ang batang si Yesha sa mismong paanan ni Madel. Dismayado naman ang mukha ni Madel at hindi makapaniwalang natalo ang kanyang bata.
"Baging, kunin mo si Yesha at ipasok sa loob ng sasakyan nang magamot ko. Ikaw na rin ang susunod na haharap sa kanila."
Agad na inutusan nito ang isang batang mabilis na humaba ang isang kamay. Isang matangkad at may kapayatang binata ang inutusan niya at ipinulupot ang mga kamay sa katawan ni Yesha. Nang maipasok sa loob ng sasakyan ang walang malay na katawan ng batang babae ay bumalik siya sa harapan nina Heroina.
Sinalubong at inalalayan naman ni Heroina si Sera matapos ang nakakapagod na paglalaban ng dalawa. Kahit hindi ito kakikitaan ng panghihina ay alam ni Heroina na nasaktan din ang dalaga.
"Mabuti naman at nanalo ka, Seraphina. Halika at magpahinga ka muna sa tabi ko."
Nang mga oras na iyon ay tinanggal na ni U-Ri ang pananggalang. Kahit hindi pa nakakapagsalita si Sera ay naramdaman naman nito ang pag-aalala sa kaniya ni Heroina. Isang matamis na ngiti na lamang ang iginanti ng dalaga bilang pasasalamat sa pag-aalala nito.
"Ako na po muna ang haharap kay Baging, ina." Napalingon naman agad si Heroina nang magsalita ang anak nitong si Wyatt at boluntaryong labanan ang bagong kalaban.
"Ako na po ang bahala, Wyatt," bigla namang sumulpot sa pagitan ng dalawa ang ka-edaran nitong si U-ri, na hawak ang kapangyarihan ng hangin. Kung kanina lang ay tahimik itong pinoproteksyunan sila, ngayon ay seryoso naman itong nagpaalam sa kanila upang harapin si Baging.
Hindi naman nakaimik ang mag-ina nang kusa na itong naglakad sa harapan ni Baging. Kung katawan lang ang pagbabasihan ay parehas lang ang hulma nito pero matangkad naman ng mga dalawang pulgada si Baging kay U-ri. Isang mahilig sa pagpapalipad ng saranggola at isa namang may galit sa halaman ang maghaharap ngayon.
LINGID SA KAALAMAN nina Heroina ay pinanonood pala ni Damion Kill sa loob ng laboratoryo ni Madel ang nangyayari sa The Heroina, sa Aliza sa Isaya. Dismayado rin ang mukha nito nang matalo si Madel. Napapakuyom na lamang ito ng kaniyang kamao habang nakaupo sa kanyang paboritong upuan. Isa na namang tagisan ng kakayahan at kapangyarihan ang kaniyang susunod na masasaksihan, kaya kinalma na lamang niya ang sarili at muling nanood.
SA loob naman ng kulungan ay wala pa ring malay si Dmitri Matapang. Hindi niya tuloy nakita ang paggising ng mga bata at ng kaniyang nag-iisang anak na si Wyatt. Wala rin siyang alam na nagsimula nang maglaban ang ilan sa mga ito.
"Ikaw na ang bahala, Baging. Doon na lamang kita sa loob ng sasakyan panonoorin. Nawa ay matalo mo siya nang hindi ako mapahiya. Tama na ang titigan ninyong dalawa at simulan na ang laban!"
Hindi lumingon o sumagot si Baging sa mga salitang binitiwan ni Madel sa kanya habang ang huli ay pumasok na muna sa loob ng sasakyan, na isa palang maliit na laboratoryo upang tingnan ang kalagayan ng natalong si Yesha.
Tahimik namang nagmamasid si Heroina sa posibleng kalalabasan na naman ng bagong laban sa kanyang harapan. Kahit pa kampante itong matatalo ni U-ri ang kalaban, hindi pa rin mawala sa kanyang isipan ang pinakadahilan kung bakit pinaglalaban ni Madel ang mga bata. Bigla ring sumagi sa isipan ni Heroina ang posibilidad na baka kinopya ni Madel ang mga potion ng kanyang asawang si Dmitri.