Ang Bangis ng Hangin

1593 Words
MATAPOS ang mahabang tititigan ng dalawa ay naunang lumapit si Baging patungo sa harapan ni U-ri. Ang mga mata nito ay puno ng galit. Nanlilisik at nagpipigil nang kalabanin si U-ri. Bago magsimula ang laban ay lumingon muna si U-ri sa kinaroroonan ng kaniyang mga kasama, partikular na kay Heroina. Ngumiti ito sa kanya at ganoon din siya. Sa isang kindat lang ni U-ri ay nagawa niyang ikulong sila sa loob ng isang malaking bula. Ito ang kanyang natatanging paraan upang walang kahit na sinuman ang matamaan, masaktan o masugatan sa labang kanyang sisimulan. May pagkamangha at may pagkagulat naman ang mukha ni Heroina sa nakikita niya. Hindi niya inakalang muling magpapakitang gilas si U-ri sa kanya. Ang buong akala niya ay tanging paglutang lang ang kaya niya at paggawa ng pananggalang na kagaya ng ginawa ni Hermano sa buong The Heroina. Sa kauna-unahang pagkakataon, ang pangalawa sa mga ekspirementong binuo nila ni Dmitri ay nagpapakita na rin ng kapangyarihan nito sa kanyang harapan. Naibulong na lamang ni Heroina ang nais na sabihin sa kanyang isipan. "Kung sana ay narito ka, Dmitri, sigurado akong magiging mas masaya ka pa sa akin dahil sa wakas ay nagtagumpay tayo sa ating ginawang ekspiremento." Bago harapin ang kalabang si Baging ay nasilayan pang muli ni Heroina ang pangngiti ng batang pinagkalooban ng kapangyarihan ng hangin sa kaniya, bagay na nagpataba sa kanyang puso at nagbigay ng kasiguraduhang nasa mabuti siyang kalagayan at matatalo niya si Baging. At nang humarap na nga si U-ri kay Baging pumailanlang na ito at tinawag ang hangin. Mabilis din naman ang pagkilos ng kalaban kay U-ri at nagawa siyang pigilang maka-angat sa himpapawid. Pumulupot bigla sa kaniyang mga paa ang mahahabang baging na nagmula sa mga kamay nitong humahaba nang humaba at mahigpit na nakapulupot. Ilang sandali pa ay agad nitong iwinasiwas si U-ri na parang trumpong agad na binitiwan. Ilang beses siyang ibinagsak nang paulit-ulit at pababa sa lupa Makailang ulit din siyang inilampaso at hinahampas ng kanyang mga daliri ang buong katawan nito. Parang latigong pinaghahataw nito ang katawan ni U-ri nang mga oras na iyon. Bigla na namang nakaramdam ng kaba at takot si Heroina sa loob. Gustuhin man niyang sumigaw o umalis para pigilan ang laban ay hindi niya magagawa. Hindi makakilos si Heroina dahil sa pananggalang na nakaharang sa kanila. Alaalang-alaala na ito nang inakbayan siya ni Wyatt. "Huwag kang mag-alala, Ina, pagkatiwalaan po natin si U-ri. Hayaan po ninyo siyang makipaglaro sa kalaban." Pagkarinig ng mga salitang iyon ay tila napukaw ang kuryusidad sa mga mata ni Heroina mula sa kaniyang anak. Kaya imbes na matakot ay tumango na lamang siya at hinayaan niya ang sarili na manood sa mga susunod pang mangyayari. SAMANTALA, aliw na aliw naman at nakabungisngis si Damion Kill sa loob ng laboratoryo habang pinapanood ang nangyayari. Ganoon din si Madel na kahit abala sa paggamot sa sugatang si Yesha sa loob ng sasakyang kanyang ginawang maliit na laboratoryo ay nakangiti ring pinapanood ang magandang palabas. Nagpatuloy sa paghataw at paghagupit si Baging kay U-ri habang ang huli ay hindi pa rin makapuntos sa kalaban. Mahigpit pa rin kasi ang pagkakapulupot ng baging na kamay nito sa kaniya, dahilan upang hindi siya makakuha ng tiyempo upang magamit ang kaniyang kapangyarihan. Kaya pinag-isipan niyang mabuti ang kanyang gagawin. Kahit na puro galos at mga sugat na ang natatamo ni U-ri ay wala naman itong pakiramdam. Nang ibagsak siyang muli sa lupa ay bumaon ang katawan nito, pitong talampakan ang lalim mula sa kinabagsakan niya. Doon ay nagawa nang tanggalin ni Baging ang kaniyang kamay. Sa pagkakataon ding iyon, kahit sugatan at lasog-lasog ang katawan ay hindi man lamang nakaramdam ng panghihina si U-ri. Kung normal na tao lang siya ay bali-bali na ang mga buto nito at hindi na kailanman makatatayo pa. Salamat na lamang sa pagsasanay niya sa Bundok Anglaon at sa kapangyarihang ipinagkaloob sa kanya ng reyna. Ngunit iba si U-ri dahil nagawa pa nitong makatayo at pumailanlang mula sa ilalim na kinabagsakan nito. Nang makalabas sa hukay ay isa na naman sanang baging na kamay ang dadapo at huhuli sa kaniya, pero maagaap siyang nakagawa ng isang harang at bumalik lamang sa kalaban ang ginawa niya, na parang isang lastikong tumilamsik pabalik sa katawan nito. Nagalit si Baging at paulit-ulit nitong hinahataw ang kaniyang mga kamay na baging habang ang huli ay panay na ang sangga sa mga baging nito. Iwas na ito nang iwas at ilag nang ilag upang hindi siya matamaan. At nang huling dadapo ang mga kamay nito sa magkabilang bahagi ng kaniyang katawan ay doon na lumikha ng isang hugis gunting na hangin si U-ri. Isang malaki at matibay na gunting na gawa sa hangin na kayang pumutol ng isang malaking ugat ng puno o kahit na anong bagay na matitigas. Sa isang palakpak lang nito ay agad na pinuntirya nito ang mga kamay ni Baging. Sa kasamaang palad ay nagawang maputol ng malaking gunting na iyon ang baging na kamay ni Baging, ngunit lalo lamang itong dumoble at triple pa ang naging kapalit dahil si Baging ay unti-unting lumalaki at naging isang malaking puno ng nara. Ang mga baging na kamay nito ay naging matitigas na sanga ng kahoy at pinaghahampas si U-ri. Hindi nakapaghanda si U-ri sa kapangyarihang ipinakita ng kanyang katunggali. Napahanga pa siya sa kakaibang lakas nito. Kaya tumilapon siya. Hindi pa nakuntento si Baging sa paghagupit sa kanyang katunggali at nagawa pa niyang igapang ang mga ugat nito papunta sa kinaroroonan ng pabagsak pa lamang na katawan ni U-ri. "U-ri!" Sigaw nang sigaw na sa loob ng nakaharang na bula na iyon si Sera. Alam ni Sera na apoy lamang ang makapupuksa sa kalaban pero hindi niya puwedeng pakialaman si U-ri sa plano nito. Nakahandusay naman na tila nanghihina na si U-ri nang mga sandaling iyon habang ang mga ugat at sanga ay unti-unti siyang inaangat at sinasakal. Tinangkang gamitin ni U-ri ang kapangyarihan niya gamit ang kaniyang mga kamay pero hindi niya magawa dahil nakapulupot ang mga sanga at baging sa mga ito. Lalo lamang siyang sinasakal. Lalo lamang humihigpit ang pagkakapulupot ng mga ito sa kanyang leeg at buong katawan. "Magaling, Baging. Ganiyan nga. Saktan mo lang siya nang saktan. Higpitan mo lang nang higpitan ang pagkakapulupot at pagkakasakal sa kaniya hanggang sa maramdaman niya ang sakit. Ipanalo mo ang laban na ito, Baging!" Dinig na dinig sa sa labas ang boses ni Madel na nagsasalita sa maliit na mikroponong naroon sa loob ng sasakyan habang si Heroina naman ay hindi na mapakali at ramdam na ramdam na rin ang unti-unting pagkawala ng bulang nakaharang sa kanila. "Isa lang ang ibig sabihin nito. Humihina na ang kapangyarihan ni U-ri," bulong nito sa kanyang isipan. Lahat ay walang kakurap-kurap na nakatitig lamang sa susunod pang mangyayari. Hindi rin sila puwedeng tumulong dahil labag ito sa napagkasunduan. Kaya ang tanging magagawa na lamang nila ay ang magtiwala kay U-ri at sa kapangyarihang ipinagkaloob nito sa kanya. Kapos na kapos na sa hininga si U-ri nang mga sandaling iyon. Pero napakalakas pa rin ang loob niyang magagawa niyang matalo ang kalaban. Ngunit ramdam na ng kaniyang katawan ang panghihina. Nang kusa na sanang bibitaw ang kaniyang katawan ay isang tinig ang kanyang narinig sa isipan. "Anak, U-ri. Huwag kang panghinaan ng loob. Gamitin mo ang kapangyarihan ng init sa iyong katawan upang lumikha ng nagbabagang hangin. Huwag mong hayaang mawalan ng saysay ang pag-eensayo mo sa aking tahanan. Mahal na mahal kita, anak. Kayong lahat ay may likas na kakayahang kayo lamang ang nakaaalam." Ang tinig na iyon na nagmula sa diyosa ng kalikasan na si Lualhati ang nagbigay ng lakas kay U-ri upang ilabas ang init na nagmumula sa kanyang katawan. Pinakalma niya muna ang kaniyang buong katawan. Pumikit ito at malalim na huminga habang nag-uusal ng pasalamat sa reyna ng Anglaon. "Maraming salamat po, Reyna Lualhati. Makaaasa po kayong matatalo ko si Baging." Mula sa malalim na paghingang iyon ni U-ri ay ang unti-unting pag-usbong ng init na nanggagaling mula sa loob ng kanyang katawan. Ang hangin na nakapalibot sa kaniya ay unti-unti ring umuusbong at sumisingaw na parang isang kumukulong tubig sa bukal. Nang mga oras na iyon ay ramdam ni Baging na nasusunog na ang mga ugat niya at sanga sa init na kanyang nararamdaman. Mas kinapalan pa at hinigpitan pa niya ang pagkakapulupot sa katawan ni U-ri. Sinubukan niyang huwag pansinin ang init na nakakapaso na sa kanyang mga ugat. Nang masipsip na ng buong katawan ni U-ri ang init mula sa kaniyang katawan na dumaloy sa lahat ng mga ugat niya, saka lamang niya iminulat ang mga mata at buong puwersang binuga ito sa harapan ni Baging. Nabitawan ng kalaban si U-ri at mabilis siyang lumipad upang ipulupot sa katawan ng puno ang mga ugat at baging nito. Nang maitali na ang mga ito ay hinila niya ito paitaas hanggang sa maabot niya ang mga puting ulap. Mula sa ulap na iyon ay binitiwan niya si Baging at bumulusok ito nang mabilis pabababa, pabagsak sa lupa. Si U-ri naman ay palutang-lutang na ang katawan nang mga sandaling iyon at bago pa panawan ng ulirat ay nagawa pa niyang magpasalamat sa diyosa sa kaniyang isipan. "Muli ay maraming salamat, Ina, mahal na diyosang Lualhati." Sa mga oras na iyon ay kusa nang bumigay ang katawan ng binatilyo at kagaya nang nangyari kay Baging, bumulusok din ito nang mabilis pababa. Pero bago ito tuluyang bumagsak sa lupa ay isang hugis banyerang tubig na kasing laki ni U-ri ang nilikha ni Bahandi at doon ay sinalo ang kasama.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD