Nagsimula na ngang maglakabay si Dmitri upang tuklasin at alamin ang dahilan kung bakit naging malalakas ang mga batang napanood niya sa telebisyon.
Kamakailan lang kasi ay ginamit sila ni Damion Kill upang magpakitang gilas sa harapan ng mga nanood sa Irina Arena. Hindi niya inakalang masasaksihan niyang muli sa hindi kalayuan mula sa kaniyang kinatatayuan ang isa na namang karumal-dumal na sinapit ng mga ito sa kamay ng namumunong pinuno ng Independencia.
Ang mga batang iyon ay hindi basta-basta ordinaryong bata lamang na biniyayaan ng isang malakas na kapangyarihan. Sa tingin niya ay magiging mahigpit na katunggali ng kaniyang anak na si Wyatt at ng mga ibang mga bata ang mga batang iyon. Iyon marahil nga ang tinutukoy ni Reyna Lualhati bago niya nilisan ang bundok Anglaon upang dalhin sa The Heroina ang mga batang itinakda.
Pansamantala muna niya ulit na iniwan ang responsabilidad sa pagbabantay sa mga kapsula sa ilalim ng The Heroina sa Aliza, sa kaniyang mahal na asawang si Heroina. Mahigpit naman siyang pinaalalahanan ng asawa na mag-iingat sa anumang patibong sa paligid niya, lalo pa at napakaraming panganib na ang nakaabang sa kahit saang sulok ng Independencia.
Maingat na maingat naman si Dmitri sa kaniyang paglalakbay upang hindi siya makalikha ng anumang pagsisiyasat sa mga kampo ni Damion Kill. Maging ang paglitaw niya sa mismong pinangyarihan ng krimen sa Irina Arena ay napakaingat din. Kahit mabigat sa kalooban niyang iwang inilibing na naman sa mismong Arena ang mga bangkay ng pinatay ng mga batang iyon ay wala siyang magagawa. Kailangan niyang tuklasin kung saan itinatago ang mga bata at kung paano sila naging malalakas.
Nilagyan na lamang niya ng kolorete ang kaniyang mukha gaya ng paglalagay ng mahahabang balbas at pekeng mahabang buhok. Suot niya rin ay gutay-gutay na damit na pinahiran ng balat ng mga dumi ng saging, at amoy ng malansang isda, at dugo ng mga karne ng baboy. Paraan niya ito upang hindi siya paghinalaan na isang espiya.
Nang makarating kasi ang sasakyang kapsula sa isang tagong lugar, malapit sa palasyo ng Independencia ay napansin niya kaagad ang pagsulpot ng napakaraming mga militar sa paligid. Kalat na kalat silang nagmamasid at tinitingnan ang lahat ng madadaanan ng mga ito. Mabuti na lamang at hindi siya pinapansin sa kaniyang ayos na parang isang pulubi o baliw na pakalat-kalat sa kalsada. Isang nakakadiri at hindi kailangang pagtuunan nang pansin ang tingin ng mga ito sa kanya, bagay na nakahinga naman siya nang maluwag.
Sa labas ng palasyo ay nagmasid-masid pa siya. Paikot-ikot siya roon. Paroon at parito. Nginingitian ang mga guwardiya habang ang ilan ay naiinis na sa kanyang presensya. Tumagal din ng ilang oras ang kaniyang pagbabaliw-baliwan. Ilang beses na nga siyang sinisita at tinataboy ng mga nakabantay doon pero nagpatuloy lamang siya sa kaniyang pagpapanggap. Nang mahagip ng kaniyang tingin ang isang kotse at nakita ang mukha ng nakasakay roon ay natigilan siya. Pamilyar at kilalang-kilala niya ang mukhang iyon. Hindi siya maaaring magkamali sa hitsura nito.
"Magandang umaga po ma'am Madel." Bati ng isang guwardiya sa nagngangalang Madel. Hindi naman siya sinagot ng huli. Tumango lamang ito at isinara ang bintana ng sasakyan.
Sinundan lamang ng tingin ni Dmitri ang sasakyan at nang makapasok ito at bumaba ang nasa loob, nakumpirma nga niyang si Madel iyon. Kahit malayo siya ay alam ni Dmitri na ibang Madel na ang nakikita niya nang mga oras na iyon. Mukhang sopistikada na ito at mataas ang katungkulan. Ibang-iba nga sa nakilala niyang laboratory assistance niya sa bundok, sa Gawahon.
Kailangan niyang masundan ang babae upang alamin kung ano ang nangyari sa kaniya at kung may kinalaman siya sa bagong mga batang ginagamit ni Damion Kill na pumaslang sa mga mahihinang Independens o may mas malalim pang dahilang kaya ito nagbago.
"Hoy baliw! Kanina ka pa paikot-ikot dito ah! Alis! Lumayas ka rito. Baka mahawa pa kami ng kabaliwan mo at madumihan pa kami! Alis!" kanina pa siya naroon pero ngayon lang siya kinakaladkad paalis sa labas ng palasyo, palayo sa gate.
"Bawal ka rito. Doon ka sa madumi. Palasyo ito ng Pinuno ng Independencia."
Napapakamot na lamang sa ulo kunwari si Dmitri at sumunod.
"Bakit ko ba kinakausap ang isang baliw na ito. Baka pati ako mahawa talaga." Napailing na lamang ang isang guwardiya at tinalikuran ang nagpapanggap na marungis at baliw na si Dmitri. Nang makalayo na siya sa kanila at hindi na siya nakikita ay agad siyang nag-isip ng paraan kung paano makapupuslit sa loob ng palasyo at hanapin si Madel.
Paroon at parito na siya nang ilang beses nang biglang may rumihestro sa kaniyang utak. At iyon ay ang dumaan sa likuran. Tinahak ni Dmitri ang hindi pamilyar na likuran ng palasyo at doon ay may nakita siyang isang maliit na lagusan. Bago ito pumasok ay sinigurado muna ni Dmitri na walang may nakasunod o nakakita sa kaniya. Nang masiguradong walang tao sa paligid ay agad siyang pumasok ss maliit na lagusan na iyon.
SAMANTALA, sa loob ng palasyo ay dumiretso si Madel sa kaniyang pakay. Hindi sa opisina ng pinunong si Damion Kill ang pupuntahan niya kung hindi sa kaniyang laboratoryo. Mula sa loob ng kaniyang silid bilang isang siyentipiko ay tumayo siya sa harapan ng isang pader na may malaking kabinet. Hinanap ng kaniyang mga kamay ang isang maliit na pindutan doon at dahan-dahang bumubukas ito. Isang pintuan ang naroon at pumasok si Madel. Habang pababa nang pababa ay unti-unti namang sumasara ang pinto at isa-isa namang nagliliwanag ang hagdanan sa bawat mga hakbang nito.
Mahabang spiral stairway pala ang naroon patungo sa kaniyang laboratoryo. Nang makarating sa ilalim ay doon nakangiting tiningnan ni Madel ang natutulog na mga bata sa loob ng kapsulang kaniyang ginawa. Napagod marahil ang mga ito sa pagpapakitang gilas sa nakaraang pasabog ng pinuno sa Irina Arena. Natutuwa siyang nagtagumpay ang kanyang ekspiremento.
Pinagmasdan muna niya ang mga ito at naalala ang kaniyang nakaraan na kasama ang matalik na kaibigang si Dmitri. Sariwa pa lahat sa kaniyang isipan ang ginawa niyang pagtaksil dito. Siya ang sumira sa laboratory. Siya rin ang gumawa ng kaparehong potions. Alam na alam nito kung paano magpanggap sa harapan ng dating itinuring niyang kaibigan. Isang malaking kahangalan para kay Dmitri na maniwala sa kanyang pagpapanggap.
Napapailing na lamang siya kapag naaalala niya iyon. Wala na siyang magagawa pa dahil gusto niyang kilalanin din siya ng lahat bilang isang magaling na siyentipiko sa larangan ng pagsisiyasat. At ang paggawa ng duplikasyon sa mga potions na kanilang pinagpagurang pareho ni Dmitri ang dahilan kung bakit siya nawala sa Gawahon at tinanggap ang offer ni Damion Kill na maging kanang kamay nito. Walang alam ang pinuno na buhay pa si Dmitri. Iyon ang sikretong nanatiling tago sa kanyang isipan.
Hindi niya ipinaalam ito dahil gusto ni Madel na magtuos sila pareho sa larangan ng siyensya. At ang nasa harapan niya ngayon ay bunga ng kaniyang ginawa. Limang mga kabataan ang nakuha niya sa tatlong pulo ng Pilipinas at dinala sa kaniyang laboratoryo upang maging kaniyang ekspiremento. Nahirapan siya sa umpisa pero hindi naglaon ay nagtagumpay naman siya. Tuwang-tuwa ang kanyang mga mata nang makita ang mga ito sa telebisyon, sa loob ng kanyang laboratory. Napanood niya kung paano naging killers ang mga bata at nais niyang makita pa ni Dmitri ang ibang kakayahan ng mga ito. Alam niyang anumang oras ay magsasaliksik ito tungkol sa mga batang tuklas niya.
"Ako'y nagagalak na makita kang muli, Dmitri. Alam kong sabik na sabik ka nang malaman kung sino ang nasa likod ng kasamaan ng mga batang buong Independencia ay alam ang kanilang ginawa. Tingnan lang natin kung hindi ka pa lumabas sa lungga mo. Matatalo din kita, Dmitri Matapang. At sisiguraduhin kong ang kabutihan mo ay babagsak sa kamay ng isang kasamaan!'
Hindi napigilan ni Madel ang humalakhak. Sa loob ng maliwanag na laboratoryong iyon ay dumadagundong ang kaniyang tinig. Para kay Madel ay walang sinuman ang makapipigil sa kaniyang mga plano. Magtatagumpay at magtatagumpay siya sa paraang gusto niya. Malakas ang kapit niya sa pinuno at kapag kailangan niya ng back-up ay isang tawag lang niya ito sa opisina ni Damion Kill.
HABANG tumatawa si Madel ay natigilan naman si Dmitri dahil umaalingawngaw sa loob ng lagusan ang halakhak na kaniyang naririnig. Hindi rin niya makakalimutan ang tinig na iyon. Alam niyang boses ito ni Madel.
Kaya sinundan niya ang pinanggagalingan ng tinig at wala nang inaksayang oras. Kahit madilim ay nagawa pa rin ni Dmitri na makita ang dinaraanan sa tulong ng singsing na suot niya. Sinadyang gawan ito ni Heroina ng liwanag nang hindi nalalaman ng ibang tao. Napakalaki talaga ng pasasalamat niya sa asawa dahil kahit wala siya sa tabi nito ay nagagawa pa rin siyang tulungan. Sa mga imbensyong ginawa ni Heroina ay tinutulungan pa rin siya nito.
Nagpatuloy si Dmitri sa paglalakad hanggang sa makita niya ang isang maliwanag na lagusan sa pinakaloob nito. Nang siyasatin ang lagusang iyon ay tumambad sa harapan ni Dmitri ang limang malalaking kapsulang may lamang mga bata. Ang mga batang napanood niya sa telebisyon. Ang mga batang naging kaanib ng kasamaan. At ang mukha ng babaeng matagal niya ring nakasama sa Gawahon bilang isang siyentipiko. Isang babaeng ang buong akala niya ay hindi na niya muli pang masisilayan.