Habang mahimbing pang natutulog sa human capsule ang anim na itinakda, napagpasiyahan ni Reyna Lualhati na manatiling magpakita sa mga bata sa kanilang mga panaginip.
Ito ay upang sanayin pa ang kanilang puso at isipan sa pakikipaglaban, emosyonal at pisikal. Sisiguraduhin ng reyna na lahat sila ay magiging ganap na mandirigmang tutulong upang puksain ang itinakdang mahigpit nilang makakalaban.
Kaya naman, magiliw silang sinubaybayan ng reyna upang hasain pa ang talas ng kanilang isipan, galing sa paghawak ng kani-kanilang mga sandata, kontrolin ang kani-kanilang mga kapangyarihan, at higit sa lahat ay ilabas ang natatangi at nakatagong talento sa kanila nang magtagumpay silang lahat sa kani-kanilang misyon.
Siya na rin mismo ang maghahanda sa kanila at gagawa ng mga patibong kung paano nila malalampasan ang mga pagsubok sa kani-kanilang mga harapan. Ito ang maging hudyat ng kanilang pagsasanay.
HABANG hinihintay naman na magising ang mga bata ay nagpasiya naman si Dmitri na pansamantalang muling magpaalam sa asawa upang tuklasin at alamin ang pinagmulan ng kapangyarihan ng mga kabataan na may kakaibang kakayahang pumaslang ng mga ordinaryong mamamayan. Hindi siya patatahimikin ng kanyang utak dahil may parte sa isipan nitong may kumopya ng kanyang likhang mga potion.
"Ikaw na muna ang bahala rito, mahal ko. Alam kong naiintindihan mo kung bakit ko ito gagawin."
"Huwag kang mag-alala, mahal ko. Kaya ko silang proteksiyunan. Ang inaalala ko lamang ---" hindi na natapos pa ni Heroina ang nais na sabihin dahil binigyan siya ng asawa nito ng isang halik. Panandalian man ito pero para kay Heroina, pangalawang beses pa lamang niya itong natikman. Halik na punong-puno ng pagmamahal ng isang lalaking una at huli niyang inibig sa tanang buhay niya.
"Huwag kang mag-alala. Kaya ko na ang sarili ko. Kaya ko nang ipagtanggol ang dating ako sa mga kalaban at makakasagupa ko. Ikaw kaya ang nagturo sa akin. Kaya, iwaksi mo na sa iyong isipan, mahal ko ang iyong mga agam-agam. Pangako, babalik ako," pagbibida nito kay Heroina. Bagama't may punto naman siya dahil sinanay na rin si Dmitri ng kanyang asawa lalo na sa paghawak ng pana at sibat, iwinaksi na lamang sa isipan ng asawa ang takot at pangamba.
Hindi na nagawa pang sumagot ni Heroina. Niyakap na lamang ito nang mahigpit at pinalaya ang asawa mula sa kanyang mga bisig. Sinundan na lamang niya ito nang tingin hanggang sa makasakay ito sa time capsule at naglaho na parang bula.
SAMPUNG taon ang nakararaan nang mangyari ang m*****r sa Irina Arena, isa na namang nakatakdang pagpaslang sa harap ng bantayog ng pambansang bayani ang nais gawin ni Damion Kill.
Kasama ng kaniyang pinagkakatiwalaang gabinite ay naroon siya upang ipakita sa mga tao na walang sinuman ang makabubuwag sa kaniyang pinaplanong layunin o pagpapatalsik sa kaniyang rehimen. Walang karapatan ang mga ordinaryong mamamayan o walang kapangyarihan na pakialaman siya o pangaralan siya sa lahat ng ipinapatupad niya.
Walang kaalam-alam ang mga naroon na may binabalak nga ang kasalukuyang pinuno. Ang alam at akala ng mga tao ay isa lamang palabas o pagpapakitang gilas ng kaniyang mga hukbo ang kanilang mapapanood. Nagkamali sila.
Naroon kasi sa gitna ang lima sa mga kabataang hindi pa nakikita ng karamihan at sa harap ng halos isang libong tao, iniharap ito ng pinunong si Damion Kill. Akala ng karamihan ay nagpapakitang-gilas lamang ang mga ito dahil sa kakaibang talentong kanilang tinitingnan.
May batang nakalutang at nakatulog sa ere. Mayroon namang naglalakad sa loob ng kumukulong tubig na may nagliliyab na apoy sa ilalim. Isang katawang nasa loob ng isang malaking tipak ng yelo, isang batang akala mo ay naka-cosplay na kulay putik, kung saan ay tanging mga ugat ng puno lamang ang nakatakip sa buong katawan.
Isang nakakatakot naman na nilalang na may mahahabang kuko sa mga kamay at paa at puno ng mga balahibo sa katawan, at isang imahe ng cyborg o robot na halos lahat ng katawan ay may nakausling mga maliliit na baril ang nasisilayan ng mga naroroon sa Irina Arena.
Sa umpisa ay manghang-mangha pa ang mga nanonood. Ngunit, nang magsalita na si Damion Kill, doon na nataranta at binalot ng takot ang mga tao.
"Palibutan ang lahat nang naririto. Huwag ninyong hayaang may isang makatakas o makalalabas!" sigaw ni Damion Kill habang inuutusan ang mga kampo niyang paligiran ang mga Independens.
Lahat ay nagulat at napalingon nang isa-isang tumatakbo ang mga armadong kalalakihan at kababaihan sa direksiyon nila. Muli, ay nagsalita ang pinuno.
"Relaks. Mga mahal kong kababayan, wala kayong dapat na ipag-alala. Ako ang inyong mahal na pinuno ng bansa. Nais ko lamang na masaksihan ninyo ang natatagong talento ng aking mga bagong experimento. Ihanda ang camera at ako ay magsasalita sa buong Independencia. Lahat ng mga nanonood sa kani-kanilang mga tahanan, mula Uson, Isaya, at Indana, makinig kayo!"
Ramdam na ramdam sa buong paligid ang tensyon. Walang gustong gumalaw, maliban sa pangininig ng kanilang katawan o pangangatal ng kanilang mga bibig. Lahat ay parang mga tau-tauhan o manikang nakatayo lamang at naghihintay ng utos mula sa mataas ang kapangyarihan.
"Mga minamahal kong mamamayan. May inihanda akong palabas para sa inyo. Ito ay regalo ko na rin sa mga taong gustong patalsikin o kalabanin ako. Alam naman ninyong mali ang kalabanin ako, hindi ba? Nawa ay magustuhan ninyo."
Uson, Isaya, at Indana ay nakatutok sa kani-kanilang mga tahanan sa susunod na mangyayari. Nang lumipat na ang camera sa gitna, sa harapan mismo ng bantayog ng pambansang bayani, sa mga kakaibang nilalang, doon na nagsimula ang sigawan, hiyawan, iyakan, at kakila-kilabot na palabas.
Nagising ang batang natutulog at nakalutang sa hangin. Pumailanlang pa ito hanggang sa malayo na niyang natatanaw sa itaas ang mga nasa paligid niya. Nang palutang-lutang na ito sa ere ay bigla siyang may ibinulong sa hangin at pumikit. Gulat na gulat naman ang lahat ng nasa loob ng Irina Arena ay biglang lumutang-lutang. Lalo lang tuloy lumakas ang iyakan at sigawan ng mga tao sa takot.
Ang sumunod na nangyari ay hindi nila inasahan. Nagkaroon ng mahihinang lindol, at lumabas ang mga ugat-puno sa ilalim ng lupa. Kitang-kita sa telebisyon ang paghaba ng mga kamay ng isang batang akala nila ay cosplay ang kasuotan. Pero iba pala dahil ang totoo ay pumulupot ito isa-isa sa katawan mga tao.
Patuloy ang paghikbi, pagsigaw, at pagmamakaawa ng mga taong nakalutang pa rin dahil sa sakit at higpit ng pagkakapulupot ng mga ugat sa kani-kanilang mga katawan.
"Maawa po kayo."
"Please po."
"Anong kasalanan naman sa iyo ha?"
"Wala kang puso, Damion Kill. Hindi ka nararapat sa puwesto mong iyan!"
"Aaaaaah!"
Natigil lamang ang kanilang mga sigaw nang isa-isang tumama sa kani-kanilang mga katawan ang mga bala na nagmumula sa isang cyborg o robot na kanina lamang ay hindi gumagalaw.
"Nag-e-enjoy ba kayo sa palabas ko, mga mahal kong mamamayan?"
Hindi maubos-ubos ang tawa, halakhak, at sigaw ni Damion Kill habang pinagmamasdan ang ginagawa ng mga kabataang iyon sa mga tao. Para lamang siyang nanonood din ng paborito niyang pelikulang p*****n. "Ngayon, tingnan natin ang huling mangyayari!"
Biglang nabiyak ang malaking yelo at nagising ang isang naroon sa loob nito. Nagsisigaw ito at lumabas ang mga maliliit na yelo sa kaniyang bibig. Isa-isa niyang binalot ng yelo ang mga katawan ng walang malay nang mga tao.
Ang huling nasaksihan ng mga nanonood sa telebisyon ay ang pagliliyab ng isang nilalang habang nakatayo sa kumukulong tubig. Ilang saglit pa ay agad itong bumuga ng apoy at isa-isang tinunaw at niliyaban ang mga katawan ng tao hanggang sa silang lahat ay naging abo.
Tumigil ang krimen. Tumayo si Damion Kill at muling humarap sa camera. Pumalakpak. Nagsisigaw sa galak. Sarap na sarap sa pakiramdam na makitang natapos na ang kanyang inihandang palabas.
"Tapos na ang palabas. Ang sinumang gustong maging bahagi ng aking palabas ay inaanyayahan kong pumunta sa aking tanggapan. Ang nagnanais naman na makipaglaban o maghamon sa aking mga tsikiting, malugod ko kayong tatanggapin. Ngunit, ngayon pa lamang ay pinaalalahanan ko na kayo, na sa oras na hamunin ninyo ako, hindi ko kayo hahayaang mabuhay pang muli dito sa ating mundo."
Nagpatuloy ang mala-demonyong halakhak ni Damion Kill. Iyak nang iyak ang ilan sa mga nanood sa telebisyon. Ang iba sa kanila ay galit na galit at nagmumura. Nanggigiil. Nagtitimpi. Subalit, karamihan ay napayuko na lamang, napailing, at nanalangin na sana may dumating na saklolo upang matigil na ang kasamaan. Na sana may tatayo at handang kalabanin si Damion Kill at puksan ang mga nagsisimula na namang maghasik ng lagim.
LINGID sa kaalaman ng pinuno, naroon na si Dmitri at nagmamasid. Ngunit, walang nakakakita sa kaniya dahil suot niya ang isang invisible cloak na gawa ng kaniyang asawa. Litaw-litaw sa mga mata nito ang nagliliyab na galit. Sa mismong harapan na naman niya kasi ginawa ni Damion Kill ang pamamaslang. Sariwa pa sa alaala ni Dmitri ang pagpatay nito sa parehong lokasy.
Mas nakokontrol na niya ang galit at mas nangingibabaw pa rin ang awa at pagmamahal ni Dmitri sa mga inosenteng taong pinaslang na naman ng walang pusong si Damion Kill.
"May araw ka rin, Damion Kill. Pagsisihan mo ang lahat ng kasamaang ginawa mo. Hindi ko hahayaan pang maghari ang mundo ng kasamaan sa mundo ng mga inosenteng nilalang dito sa buong Independencia. Maghintay ka lang."