Ang m*****r Sa Irina

1551 Words
Matapos i-anunsiyo ng live sa buong Independencia ang pagiging Pinuno niya ay inutusan ni Damion Kill ang tagapangasiwa na palitan na sa pangalan niya ang nakalagay sa dokumentong nagpapatunay na siya na ang bagong halal na Pinuno ng Independencia sa taong 2022-2028. Sa takot na mapasama siyang masawi sa mga namatay na sibilyan, at mga mambabatas, sinunod ng tagapangasiwa ang utos ni Damion Kill at pinalitan nga nito ang pangalang nakalagay sa nauna ng dokumentong ginawa niya. Nanginginig pa ang mga kamay ng tagapangasiwa at pawis na pawis pa ito nang gawin iyon. Kulang na lamang ay panawan siya ng ulirat. Wala rin siyang magagawa kundi ang sumunod na lamang pagkat buhay niya rin at ng kaniyang pamilya ang nakasasalalay. Para naman sa mga manonood at natitirang mga tao sa mismong Irina Arena, ang eksenang kanilang natunghayan ay hindi kailangang palampasin. Isang anunsiyong magbibigay sa kanila ng takot, poot, at higit sa lahat paghihiganti, na hanggang sa kanilang isipan na lamang nila magagawa pansamantala, pagkat wala silang kakayahang labanang bagong upong Pinuno ng Independencia. Kahit laylay naman ang kani-kanilang mga balikat nang mapagtantong wala silang kapangyarihan ngayon upang labanan kung sakali si Damion Kill, malakas pa rin naman ang kanilang pananalig at pananampalataya kay Bathala. Ipinanalangin na lamang nila sa Diyos na sana ay walang susunod pang trahedyang mangyari. Na sana ay wala nang dugo pang dadaloy at buhay na mawawala. Pumailanlang naman ang isang sarkastiko at nangungutyang halakhak sa ere nang tumawa si Damion Kill sa lahat ng taong pinalilibutan ng kanyang mga accomplice, na kung tawagin ay mga Indenpenden. Lingid sa kanyang kaalaman, mayroon palang isang taong matagal ng gustong takasan ang kanyang kasamaan. Ito ay ang kanyang kanang kamay na si Dmitri. Matagal na siyang alalay ni Damion Kill. At sa loob ng napakahabang panahong kanyang iniukol upang siya ay pagsilbihan, ngayon lamang nagkatotoo ang kanyang hinalang isa pala siyang mabangis na lobong nagtatago ang kasamaan sa balat ng isang maamong tupa. Isang malaking buwayang naghihintay lamang ng pagkakataong sumugod at kainina isa-isa ang kanyang mga kalaban. "Dmitri! Inuutusan kitang patayin mo ang natitirang kaanak ni Juan Miguel Angelo at ang buong pamilya ni Dimaguiba." May diin ang pagkakasabi nito sa kaniya at ma-otoridad ang utos ni Damion kay Dmitri. Nagulat ang kanang kamay nito nang marinig mula sa kanya na patayin ang pamilya ng pinaslang niyang uupo sanang pinuno ng Independencia. Hindi niya inaasahan ang utos na iyon sa kanya. Hindi niya alam ang isasagot. Hindi niya rin alam kung ano ang dapat na tamang sundin. Kabaligtaran ang sinasabi ng puso sa utak niya. "P-pero, Damion," protesta ni Dmitri. Nag-aalangan na ito at tila nakaramdam na ng matinding kaba nang mga oras na iyon. Hindi na niya alam ang gagawin pa. Uusigin pa siya ng kanyang konsensya kapag nagkataon. "Gusto kong patunayan mo ngayon sa harap ko at ng maraming tao rito, Dmitiri, na ako, si Damion Kill, ang tanging sasambahin mo sa ngalan ng bala at dugo bilang bagong pinuno ng bansa. Kung hindi mo susundin ang utos ko, buhay mo ang magiging kabayaran. Itutumba kita ora mismo sa harapan ng mga natitirang tao dito at sa mga nanonood ngayon sa kani-kanilang mga tahanan," pagbabanta ni Damion kay Dmitri. Pawis na pawis na siya. Naghahalo na ang pawis at amoy sa kanyang kili-kili nang mga oras na iyon. Basang-basa na ang kanyang mga palad. Isang Glock 17 semi-automatic pistol ang ibinigay sa kanya ni Damion Kill, na lalo pang nagpakaba sa kanya. Pilit siyang umiiling na huwag itong tanggapin. Nang i-abot ang baril kay Dmitri, kapansin-pansin ang panginginig ng kanyang mga kamay. Hindi dahil sa takot siyang pumatay kung hindi dahil natatakot siya sa magiging reaksyon ng mga taong nanonood sa Irina Arena at sa kani-kanilang mga telebisyon. Ito rin ang kauna-unahang pagpatay na gagawin niya. Pinipigilan siya ng kanyang konsensya na huwag sundin ang utos ni Damion Kill. Walang ibang sumasagi sa isipan niya kundi ang huwag gawin ito. Wala siyang karapatang kumitil ng buhay ng tao. Tanging Diyos lamang ang nakakaalam kung kailan sila mamamatay. "Damion, isa akong siyentipiko at bihasa sa siyensya at teknolohiya. Ang pagpatay ay labag sa kalooban ko at maging sa harap ng Diyos at ng maraming tao. Kung papatayin ko ang natitirang pamilya nina Angelo at Dimaguiba, sa tingin mo ba ay matutuwa ang buong Independencia? Sa tingin mo makukuha mo ang kanilang simpatiya kapag naupo ka na sa palasyo bilang Pinuno? Sa tinging mo rerespetuhin ka pa nila pagkatapos nitong mga ginawa mo?" Nangangatal man ay pilit na nagsalita si Dmitri sa harap ni Damion. Ipinaglaban niya ang gusto niyang maisiwalat sa harapan nito nang walang pag-aalinlangan. Naipanalangin na lamang din niya sa isipan na sana ay lamunin na siya kaagad ng lupa at maglaho upang huwag nang pilitin pa siyang iputok ang baril sa natitirang pamilya ng napaslang niyang sina Angelo at Dimaguiba. "Pinahanga mo ako, Dmitri. Magaling ang iyong katwiran. Subalit, ngayong araw na ito, hindi na puso ang susundin ko kung hindi utak. Hindi uunlad ang bansang gagawin ko kung hindi ko paiiralin ang aking utak. At dahil utak na ang gagawin kong puso, wala na akong pakialam sa iyo. Mga kawal, patayin ang natitirang buhay na nandito. Ako na ang bahala sa tagapangasiwa. Kailangan muna niyang ibigay sa akin ang titulong ako na ang bagong Pinuno ng Independencia. Kayo na ang bahala sa lahat ng mga naririto. WALA KAYONG BUBUHAYIN NI ISA SA KANILA. NAIINTINDIHAN NINYO? DITO RIN NINYO SILA ILILIBING UPANG MAGSILBING LEKSYON SA MGA LALABAN SA AKIN! Uumpisahan kong iputok ang bala sa iyo, Dmitri!" Pagkatapos ng usaping iyon at lehitimong pagbibigay ng otoridad sa kanyang mga kanib na paslangin ang lahat ng nasa Irina Arena ay magkasunod na putok ang pinakawalan ni Damion at tinamaan ng ilang beses sa iba't ibang parte ng katawan si Dmitri. Bulagta ito sa entablado habang ang mga mata ay nakatingin sa alapaap. Bago panawan ng ulirat ay naipanalanging na lamang ni Dmitri na sana ay may papagitna upang sila ay tulungan. Iyak. Sigaw. Hinagpis. Pagmamakaawa. Iilan lamang sa mga iyon ang maririnig mo sa buong sulok ng Irina Arena. Ang mga nagtangkang makipaglaban ay hindi nagtagumpay dahil lahat sila ay pinaulanan ng bala, ng saksak, ng suntok, ng tadyak, at kung anu-ano pang uri ng pagpaslang. Ang puting kalsada, ang mabeberdeng damuhan at magagandang mga bulaklak ay naging pula sa agos ng mga dugong dumanak sa arenang iyon. Patuloy lamang sa pagbabaril ang mga kawal ni Damion habang siya ay tawa nang tawang naglalakad sa gitna pasakay sa kanyang helicopter upang iwan sa kamay ng kanyag mga kaanib ang pamamaslang at paglilinis sa kanyang ginawang kasalanan. Pagkatapos silang patayin ay isa-isa ring naghukay ang mga kawal nito upang ilibing sila. Sumapit ang gabi at tanging liwanag lamang ng mga poste ang maaninag mo sa paligid. Tahimik na ang buong paligid ng Irina Arena. Kasabay ng pag-ihip ng malamig na hangin ay ang unti-unting pagpatak ng malakas na ulan. Nakikisabay at nakikidalamhati ito sa nangyaring m*****r. Walang dumating na tulong. Lahat ay nakatikim ng mga basyo ng bala, saksak, tadyak, tadtad, at tarak sa mga kawal ni Damion Kill. Kumulog at kumidlat nang mga oras na iyon. Isang signos na maging ang langit ay hindi natuwa at nagluluksa rin sa ginawang kalapastanganan ni Damion at ng kanyang mga kawal sa kawangis na mga anak ng Diyos. Sa bawat patak ng ulan ay maririnig mo ang pagdaloy ng mga dugong mula sa mga inosenteng tao. Bata man o matanda. Babae man at lalaki. Mahirap man o mayaman, pulang-pula ang buong arena. Mistulang pulang sapa ang mga tubig na patuloy sa pag-agos sa bawat kalsada at kanal na madadaanan nito. Habang abala ang ibang kawal sa paghuhukay at pagtatapon ng mga patay sa lupang naging libingan nila, isang bangkay naman ang hindi nila napansing humihinga pa at ito ay si Dmitri. Dahan-dahan itong tumayo at bumangon mula sa pagkakahiga. Kahit tadtad pa ng bala ang kanyang katawan, nagawa niyang igapang ang sarili na hindi napapansin ng ibang mga kawal. Patuloy siya sa paggapang hanggang sa mawala sa paningin niya ang mga ito at marating niya ang kalsada malayo sa pinangyarihan ng krimen. Nang pinilit ang sariling tumayo patawid sa gitna ng kalsada, isang hindi inaasahang taxi ang bumangga sa kanya. Nagpagulong-gulong siya sa kalsada habang ang taxi naman na bumangga sa kanya ay mabilis na umalis. Ni hindi man lamang nito tinangkang tulungan siya. Naiwan si Dmitri na lalong nakaramdam ng sakit at panghihina ng katawan. Nang ipipikit na niya ang kanyang mga mata, isang nakasisilaw na liwanag ang tumambad sa kanya at natagpuan na lamang nito ang kanyang sarili na akay-akay ng isang nilalang. Gustuhin man niyang idilat pa ang mga ito upang pagmasdan ang anyo ng nagligtas sa kanya ay hindi na niya magawa. Nilamon na siya dilim at hindi nagpatianod na lamang sa kahinaang nararamdaman niya hanggang sa tuluyan nang bumigay ang katawan niya sa panghihina. "Kailangan mong mabuhay, Dmitri. Ikaw ang kailangan ng mga Independen upang tulungan silang makaahon mula sa pagkakalugmok. Sa iyo magsisimula ang wakas at simula ng pagbabago." Tangan-tangan ng nilalang na iyon ang katawan ng walang malay na si Dmitri habang unti-unting lumalayo ang kanilang repleksyon mula sa Irina Arena. At sa isang iglap, isang maliwanag na portal ang lumabas at nilamon ang nilalang na iyon na tangan-tangan si Dmitri.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD