10 Years Ago in Isaya, Oksidental bago ang sinapit ni Dmitri sa kamay ni Damion Kill ...
Sa isang laboratoryong tinawag na Dmitri's Laboratory, doon nanirahan ng sampung taon ang siyentipiko. Nagsasaliksik na siya buhat pa noong taong dalawampu at labinlima. Ang laboratoryong iyon ang kanyang naging sangtuaryo upang tuklasin ang iba't ibang elementong nanggagaling sa kalikasan katulad na lamang ng hangin, tubig, apoy, halaman, hayop, at maging ang modernong teknolohiya. Isa iyon sa mga bagay na nais niyang pag-aralan upang makabuo ng pagkakakilanlan sa larangan ng siyensya.
Bagama't kulang siya sa mga kagamitan, hindi iyon naging hadlang sa kanyang pagnanais na magsaliksik pa ng mga bagay na makatutulong sa pag-unlad ng bansa at palawakin pa ang kanyang naipong kaalaman. At isa sa kanyang malimit na pag-aralan ang mga potion. Kaya ganoon na lamang ang pagnanais niyang makagawa ng mga potions na mula sa apoy, tubig, hangin, halaman, hayop, at modernong teknolohiya.
Hindi rin naman siya nag-iisa sa pagsasaliksik at pagtuklas ng makabagong kaalaman sa liblib na lugar ng Isaya, Oksidental. Katuwang niya sa kanyang pagsasaliksik si Madel. Isa ring siyentiko at isang lab specialist na naging kanang kamay ni Dmitri sa kanyang laboratoryo sa Gawahon, Iktoria, Oksidental. Si Madel rin ang kanyang mga mata at tainga sa loob at labas ng Isaya. Sa tuwing ipinapatawag si Dmitri ni Damion Kill para sa isang misyon ay si Madel ang naiiwan sa laboratoryo niya sa Gawahon, Iktoria.
Bagamat dalawa lamang silang nagtatag ng laboratoryong iyon, palaisipan naman kay Madel kung ano talaga ang tunay na pakay ni Dmitri sa lugar na iyon, maliban sa pagtuklas o pag-aaral ng mga elemento ng kalikasan. Magkagayunpaman, buo pa rin ang tiwala ni Madel na para sa ikabubuti ito ng bansa at hindi para sa pansariling adhikain lamang ni Dmitri. Alam niyang malayo ang Uson sa Isaya pero pursigido itong manatili roon. At iyon na nga, sa loob ng sampung taon ay nagawa nina Dmitri at Madel ang planong mga potion mula sa kalikasan at modernong teknolohiya.
Sa paggawa ng potion na mula sa mga hayop, dinayo pa ng dalawa ang Indana upang kumuha ng dugo ng Agila na isa sa pinaka-endangered animal sa bansang Independencia. Inihalo rin nila sa dugo ng agila ang dugo ng phyton na mula sa Agaytay, at maging ang mga dugo ng aso at pusa.
Sa potion naman na mula sa tubig, kumuha sila ng samples nito mula sa ilog, batis, parang, at maging sa karagatan. Inihalo rin nila ang mga ito upang gawing isang potion.
Sa hangin naman, ikinulong nila sa isang maliit na vial ang fog o moist nito na mula sa kapatagan at karagatan.
Sa mga halaman, kinuhanan nila ng katas ang bawat halamang matatagpuan nila sa paligid ng laboratoryo maging ang lupang kinatitirikan ng mga ito na may tumutubong mga bihira at malapit na ring maubos na uri ng mga halaman na pinaghalo-halo rin nila Dmitri at Madel.
Sa apoy naman, kahit mapanganib ay inakyat ni Dmitri ang Bundok Anglaon na isa sa tanyag at aktibong bulkan sa Independencia sa Isaya, upang makakuha ng lava nito. Kumuha rin sila ng maliliit na molten rock mula sa lava at magma ng bulkan.
Sa huling potion na kanilang ginawa, tinunaw nila ang bawat metal, chips, at iba pang uri ng mga hindi na nagagamit na mga gadgets na makikita nia, kasama na rito ang mga baril upang gawing potion mula sa modernong kagamitan ng teknolohiya.
Nang matapos nilang paghaluin ang mga ito sa tig-isang test tube, inilagay nila ito sa isang aparato. Ang ibang elemento ay tinunaw muna bago ilagay sa isang aparato na katulad ng isang Fibertec 1023 equipment kung saan may anim na maliit na vial sa taas at sa ibaba nito.
Sinigurado rin nila Dmitri at Madel na nasa tamang level ng heat ang pagpapakulo at pagtutunaw sa bawat elements na kanilang ginawa sa loob ng aparatung iyon hanggang sa mapagtagumpayan nga nilang gawin ito at itinago sa isang silid na may tamang init at pressure.
Walang pagsidlan ang kaligayahan ng dalawa nang magtagumpay sila sa paggawa ng mga ito. Hihintayin na lamang nila ang tamang pagkakataon upang maisagawa at mai-test nila ito sa isang bagay. Ipinanalangin nila pareho na sana ay tumalab ang mga potions iyong upang sa huli ay kilalanin ang kanilang mga gawa at makilala rin sa huli silang dalawa bilang isang siyentipikong matagal nang kinalimutan ng mga Independen.
SA KASALUKUYAN...
Nanaginip si Dmitri na nasa isang tagong lugar siya. Isang malawak, patag, at puno ng naglalakihang kahoy ang nasa paligid niya. Bihira lamang ang napapadpad sa lugar na iyon at alam ni Dmitri na tila nakapunta na siya sa lugar na iyon Napagtanto rin niyang pamilyar talaga ang lugar na iyon dahil mula sa ibaba ay kitang-kita mo ang Bulkang Anglaon na napapaligiran ng mapuputing mga ulap. Malapit lang ang lugar na iyon sa kaniyang laboratoryo. At nagtataka siya kung bakit nasa gitna siya ng matataas na puno at mabeberdeng damuhan. Sa kanyang pagmuuni-muni ay isang nakasisilaw na liwanag ang lumitaw sa kanyang harapan. Naisangga at naitakip na lamang niya ang kanyang mga braso dahil hindi kinaya ng mga mata niya ang liwanag na nanggagaling dito.
Ang kanyang dalawang braso ang nagsilbing pananggalang sa sinag na nagmumula sa kanyang harapan. Nang unti-unti itong naglaho ay iminulat ng buong-buo ni Dmitri ang kanyang mga mata. Isang matangkad na babaeng may koronang gawa sa olive sa kanyang ulo, at nakasuot ng puti't nakasisilaw na damit na gawa sa brilyante at ginto ang nakangiti sa kanyang harapan. Animo'y nakakita si Dmitri ng isang napakagandang engkantada. Sa kauna-unahang pagkakataon sa kanyang buhay ay nakakita siya ng isang diwata.
"Ikinagagalak kitang makilala, Dmitri. Ako si Reyna Lualhati. Ako ang tagapangalaga ng kalikasan sa buong Independencia. Sa paanan ng bundok Anglaong ito ako madalas na nananahan," pagsasalita niya. Hindi nakaimik si Dmitri. Natulala siya sa angking kagandahan ng isang Reyna, maging ang pananalita nito ay tila makaluma. Malalalim pero madaling maintindihan.
"Ito ang kauna-unahang pakikipagkita ko sa tao pero sa panaginip mo lamang ako makikita, Dmitri. Nais ko lamang ipabatid sa iyo na simula pa lamang ito ng iyong misyon," saad niya habang ang kausap ay tila nagulat at bumalik sa wisyo matapos marinig ang kanyang huling sinabi.
"A-anong misyon po ang ibig ninyong sabihin?" nagtatakang tanong ni Dmitri. Kunot ang noo nitong naghihintay sa isasagot ng engkantada.
"Ang lipulin at puksain ang pamahalaan ni Damion Kill na mula sa taong ito ay magiging masalimuot at magiging marahas. Magiging alipin ang mga tao sa kanyang kasakiman at adhikaing maging Diyos ng bansang ito. At ikaw ang tanging taong alam kong makapipigil sa kanya. Naniniwala akong sa iyong eksperimento ay makalilikha ka ng isang malakas at makapangyarihang nilalang na lulupig at magwawakas sa kasamaang ipinupunla na ngayon ni Damion Kill." pagpatuloy ni Reyna Lualhati. May otoridad at diin ang bawat mga salitang kanyang binitiwan. Sa Dmitri naman ay naguguluhan pa rin.
"Ano po ang ibig ninyong sabihin? Ako'y di hamak na ordinaryong tao lamang na nilikha ng Diyos dito sa mundo." wika ni Dmitri. Muli, ay nagbato ito ng isang matalinhagang tanong na alam niyang masasagot ng diwata.
"Ang iyong puso ang nagsasabi kung papaano mo magagapi ang iyong mga kalaban. Bibigyan lamang kita ng pagkakataong maisakatuparan iyon. Gusto kong ipabatid sa iyo na isa kang taong may busilak ang puso at alam ng Maylikha ang sinasabi ng puso mo. Ang pagmamahal mo sa bansa at sa buong sambayanan ang magsisilbing tulay mo upang magtagumpaya sa iyong misyon. Sa iyong binhi rin manggagaling ang isang batang lalaking tatawagin mong Wyatt. Ang ibig sabihin ng pangalang Wyatt ay Dakilang Mandirigma. At ang mga potions na ginawa mo ang magsisilbing kapangyarihan ng iyong anak kasama ang anim pang mga taong gagabayan mo. Ang anim na taong ito ay hahanapin mo at sila ang tatawagin mong Underground Superheroes na pupuksa sa kasamaan nila Damion Kill." dagdag ni Reyna Lualhati. Taas ang noo pa nito habang binibigkas ang mga matatapang na mga saita.
"Pero... wala namang kapangyarihan ang mga potions na ginawa ko, mahal na Reyna. Hindi ko pa nasusubukang gamitin o ipatak man lamang ang mga potions na iyon sa isang bagay, halaman, hayop, o tao. At paano ninyo po masasabing manggagaling sa akin ang Dakilang Mandirigma?" sunod-sunod na tanong ni Dmitri kay Reyna Lualhati na nakangiti lamang sa kanya habang ibinabato ang mga ito.
"Hindi ako magpapakita sa iyo kung hindi kita matutulungan. Sa paggising mo mula sa mahimbing na pagkakatulog, masisilayan mo ang paghilom ng iyong mga sugat. Matutuklasan mo rin ang pag-iiba ng kulay ng mga potion mong ginawa. At ikaw ang gagawa ng paraan kung ano at kung kanino mo susubukan ang mga potions na iyon. Payo ko lamang sa iyo na kapag natuklasan mo na, huwag kang panghihinaan ng loob na turuan silang makipaglaban at ang babaeng magiging iyong kabiyak ang magsisilbi ring gabay upang turuan ang iyong anak sa pakikidigma. Madali mo ring mahahanap ang anim pang magiging kaagapay ni Wyatt dahil kusa silang lilitaw sa mga lugar na pupuntahan mo. Nawa'y magtagumpay ka."
"San-d-sandali lang! Marami pa akong gustong itanong sa iyo. Mahal na Reyna!" Hinabol nang hinabol ni Dmitri si Reyna Lualhati pero bigla na itong naglaho sa kanyang harapan. Naalimpungatan naman si Dmitri at tuluyan nang nagising sa mahabang pagkakatulog. Bumungad sa kanyang harapan ang nag-aalalang mukha ni Madel. Inisa-isa niya ring tingnan ang galos at mga sugat sa kanyang katawan. Wala na nga ang mga ito. Naghilom na. Marahil, gawa iyon ni Reyna Lualhati. Kung totoo man ang nasa panaginip niya, kailangan niyang tuparin ito alang-alang sa kanyang minamahal na Perlas ng Silanganang tinatawag na Independencia.