Ang Simula

1567 Words
Nagising si Dmitri na nasa ibang lokasyon na siya. Nakahiga pa ito sa isang malawak na kapatagan, sa ilalim ng isang malaking puno ng Anglasya na sa mismong paligid lamang ng Anglaon ito makikita at mabubuhay. Iyon ang pinakamatandang punong makikita sa Anglaon. Sa lilim ng puno ng Anglasya ay bumangon si Dmitri at inalala ang nakaraan, kung paano siya napadpad sa bundok na iyon. Nang kusang rumihestro sa kanyang utak ang mga nangyari sa Irina Arena ay hindi niya namalayan ang pagpatak ng kanyang mga luha. Wala siyang magawa para kalabanin si Damion Kill. Sa mismong harapan niya nakitang nakahandusay ang mga bangkay at katawan nina Dominador Dimaguiba, ang dating pinuno ng Indenpendencia, at ni Juan Miguel Angelo, na siya sanang bagong papalit dito. Wala na rin siyang maalala matapos siyang barilin ni Damion Kill nang ilang beses at nang magkamalay pa nga siya ay tambak na tambak na sa kanyang harapan ang mga labi ng mga inosenteng taong pinatay ng mga walang pusong kaanib ni Damion Kill sa buong Irina Arena. Walang natirang buhay, maliban sa kanya na pinilit na gumapang upang makalayo doon. Nang masagasaan siya ng isang sasakyan sa gitna ng kalsada ay isang nakasisilaw na liwanag ang tumambad sa kanyang harapan at bago tuluyang mawalan nanag malay ay nakita pa niyang binuhat siya ng misteryosong nilalang na iyon. Ang lugar kung saan malayo niyang natatanaw ang lawak nito ay siya marahil tahanan ng tumulong at nagligtas sa kanya. Sa panaginip lamang kasi niya ito nakita. At tama nga ang sinabi nito sa kanya na kapag nagising na siya ay maghihilom ang mga sugat sa kanyang katawan. Magaang-magaan ang pakiramdam ni Dmitri matapos ang mahabang panahong pagkakatulog nito sa lilim ng puno ng Anglasya. Nag-inat-inat pa ito at siniguradong wala na siyang nararamdaman na anumang kirot o sakit sa katawan. Masiglang-masigla pa siyang iwinasiwas sa hangin ang kanyang mga kamay at sinipa-sipa ito gamit naman ang kanyang mga paa. "Kung totoo man o hindi ang panaginip kong iyon, lubos akong nagpapasalamat, Reyna Lualhati sa iyong busilak na puso, sa pagtulong sa isang ordinaryong taong katulad ko. Hindi man malinaw sa akin ang mga sinabi mo ay alam kong may plano ka. Sana ay marinig ko pang muli ang buong katotohanan sa likod ng mga sinabi mo. Muli, maraming salamat po, diwata." Lumuhod at yumuko pa ito sa harapan ng matandang puno ng Anglasya nang limang beses bago nilisan ang bundok, pababa sa Gawahon. Matapos ang ilang araw na pagpapahinga sa kabundukan ng Anglaon ay nagdesisyon si Dmitri na bumalik sa kanyang laboratoryo. Ilang milya lamang din pala ang layo ng lugar sa kinaroroonan ng laboratoryo niya kaya naman, nagpasiya siyang maglakad-lakad na lamang muna. Modernong-moderno ang siyudad ng Aynila kaysa sa siyudad sa Isaya, Oksidental. At kahit nasa mundo na ng modernisasyon ang bansang Independencia, may mga parte pa rin nito na hindi kailanman naaabot ng modernisasyon. Mas pinili pa rin ng mga taga-Isaya na huwag iwan ang nakaugalian at nakasanayang mga tradisyon gaya na lamang ng pagtatanim ng palay, tubo, at mais, at iba pang mga gulay at halaman. Isa sa ayaw iwan ng kabihasnan ay ang Gawahon sa Isaya, Oksidental kung saan siya nagtatago. Mayayabong at berdeng-berde pa rin ang mga damuhan. Sariwang-sariwa pa rin ang malalanghap mong mga hangin. Maging ang tubig sa parang at batis ay malinaw na malinaw pa. Manamis-namis at malayo sa polusyon. Ang hangin doon ay nakaparesko pa at hindi maiitim. Napapasinghot na lamang si Dmitri sa hanging dumadampi sa kanyang buong katawan. Kulang na lamang ay magpatangay siya rito. Nang marating ang kinaroroonan ng laboratoryo ay napansin niya ang mistulang pagbabago ng ayos ng mga kagamitan sa loob. Wasak na wasak at basag na basag ang ibang kagamitang pang-laboratory niya, gaya ng mga vials at salamin. Punit-punit pa ang mga papel kung saan niya isinusulat ang mga nagawa niyang pananaliksik sa mga potions. Ang mga ibang potions na kanilang unang tinesting ay nabasag at nagkalat ang mga likido sa sahig. Kinabahan si Dmitri sa nakitang ayos ng kanyang laboratoryo. Magkahalong pagtataka at takot ang kanyang naramdaman. Pagtataka kung paano natuklasan ang kanyang laboratoryo. Takot dahil hindi niya alam kung pati ang anim na potions na kanilang ginawa ni Madel ay baka natangay rin nga mga ito o iyon marahil ang sadya nila. Pero ang mas ikinabahala ni Dmitri ay si Madel dahil nag-iisang babae itong iniwan niya sa laboratoryo. Hinanap niya si Madel sa buong laboratoryo pero hindi niya ito nakita. Sa pagkakaalam niya tatlong araw pa lamang ang nakararaan nang huli silang magkita nito at doon sa bundok Anglaon ang huli nilang pagkikita. Napadpad si Dmitri sa kuwartong laging tambayan ni Madel. Gulo-gulo rin ang silid na iyon. Nagkalat din doon ang mga lab gown, at iba pang equipments Tuluyan na sanang lumukob ang kalungkutan sa isip ni Dmitri nang mapansin niya ang isang storage box na may nakapatong na isang puting papel sa ibabaw nito. Kinuha iyon ni Dmitri at binasa ang nakasulat. Sir, Ipagpaumanhin po ninyo ang nangyari. Isang grupo ng mga armadong lalaki ang pumuslit at nakaalam sa ating laboratoryo. Kung paano nila natunton, palaisipan din ito sa akin. Kaya, minadali kong isulat ang tungkol dito. Huwag po kayong mag-alala, ang storage box na inyong nakikita ngayon sa aking mesa ay naglalaman ng anim na potions na pinaghirapan nating matapos. Kayo na po ang bahalang mag-test sa mga ito. Dalangin ko pong isang araw ay magkrus ang ating landas at kwentuhan niyo po ako sa naging tagumpay ng iyong pagsasaliksik. Kailangan ko na pong umalis at lumayo pansamantala upang iligaw ang mga taong alam kong gustong siyasatin ang laboratoryong ilang taon din nating pinaghirapan. Mag-iingat po kayo. Huwag po kayong mag-alala dahil wala pong makakaalam ng inyong lihim at ng iyong pagkabuhay. Madel ... Hindi namalayan ni Dmitri ang pagpatak ng kanyang mga luha sa papel na kanyang binabasa. Galing pala ito kay Madel at doon nalaman niya ang buong pangyayari. Nagpapasalamat na rin siya rito dahil nagawa niyang itago ang mga potion na kanilang pinaghirapan. Naipangako na lamang niya sa sarili na magkikita rin silang muli ni Madel at ikukuwento niya ang pagiging successful ng kanilang potion na ginawa. Sa ngayon, kailangan niyang bumaba sa bayan upang maghanap ng isang lugar na gagawin niyang panibagong laboratoryo at sisimulan ang pag-tetest. ... Six months later Isang araw sa nagkukumpulan at abalang siyudad ng Colod City, isang palaboy-laboy na Dmitri ang namataang naglalakad na parang nawawala ito sa pag-iisip. Dala-dala at akap-akap pa rin nito ang isang storage box. Isang grupo naman ng mga bandido ang humarang sa dinaraanan nito at pilit na inaagaw sa kanya ang storage box. Mahigpit na mahigpit naman ang pagkakahawak nito sa kanyang gamit. Hindi niya ito binitiwan. Kaya naman, pinagsusuntok-suntok at pinagtatadyakan na siya ng mga ito. Hindi naman lumalaban si Dmitri. Ayaw niyang ibigay ang pinakaimportanteng bagay ng iniingatan niya lalong-lalo na sa mga taong halang ang bituka at ganid sa pera. "Pati ba naman pag-aari ng isang taong palaboy-laboy na sa daan ay aangkinin pa ninyo?" Isang boses ang naulinigan ng lahat, maging ni Dmitri. Nang magawi ang tingin ng mga bandido sa nagsasalita, pilit na iniangat ni Dmitri ang kanyang ulo. Isang matangkad na babaeng may kulay pulang kapa na may nakasukbit na pana at sibat sa kanyang likuran ang naaninag niya. "At sino ka para kalabanin kami ha? Hindi mo ba kilala ang pinuno namin?" asik ng isang bandido. "Tch. Wala akong pakialam kung sino kayo lalong-lalo na ang pinunong pinagsisigawan mo," kontra naman nito sa mga bandido. "E, kung sabihin ko sa iyo na isang taong nasa mas mataas na katungkulan sa bansang ito ang pinuno namin, aangal ka ba?" Taas ang noong supla ng isang lalaki. "Ang dami ninyong satsat! Kahit pangulo pa siya ng Independencia, wala akong pakialam. Kapag ordinaryong taong walang kalaban-laban na ang pinuntirya ninyo, hindi ko kayo patatawarin!" matapang na usal nito sa mga bandido. "Matapang ka ha? Hindi porke babae ka, igagalang ka namin. Mga kasama, sugurin siya!" utos ng isa sa mga bandido. Isa-isang nakipaglaban ang mga bandido sa babae. Ngunit bigo silang tamaan siya. Maliksing katulad ng isang mandirigmang ninja kung siya ay gumalaw. Nang hindi siya tinamaan ng kahit anong suntok at sipa ng kanyang kalaban, siya naman ang nagpakitang gilas. Gamit lamang ang kanyang kamao at lakas ay naiwasiwas niya ang kanyang mahabang lubid at tinamaan sa mukha ang isang kalaban. Sumunod ay ang pag-amba nito ng suntok sa isa pa at pagtadyak sa isa pang kalaban nang akmang sisikuhin siya. Napaatras at napa-aray sa sakit ang kanyang mga katunggali. Muntik na rin siyang matamaan ng lumilipad na patalim papunta sa kanya pero agad niya itong naiwasan. Gustuhin man niyang huwag gumamit ng pana at sibat, wala na siyang ibang paraan dahil inunahan na siya. Kaya, isa-isa niyang pinana ang mga ito. Sinadya niyang tamaan sila sa braso, at sa binti upang maitakas niya ang biktima. "Kailangan na nating umalis dito. Halika na!" Mulagat si Dmitri sa kanyang nakita. Hindi niya akalaing ang isang babaeng katulad niya ay magaling makipaglaban. Tinalo niya ang mga kalalakihang muntik nang kumitil sa kanyang buhay. Habang hawak-hawak si Dmitri ng babaeng hindi pa niya nakilala, kahit man lang ang pangalan nito ay nakaramdam siya ng kasiguruhan at kakaibang pintig na nagmumula sa kanyang puso. Ang simpleng paghawak sa kanyang kamay ang naging mitsa ng bolta-boltaheng kuryenteng unti-unting dumaloy patungo sa matagal ng natutulog nitong puso.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD