Sa isang bayan sa siyudad ng Tagay, sa probinsya ng Uson, ay may masayang pamilyang naninirahan malapit sa isang aktibong bulkan na kung tawagin ay Bulkang Agay.
Dahil isang lawa ang pagitan ng kanilang kumunidad at napapaligiran ng mga mataas na puno at mga halaman, sila ang kahuli-hulihang pamilyang nanirahan sa Agay.
Ang mag-asawang ito ay likas na masiyahin at punong-puno ng pagmamahal sa kalikasan. Biniyayaan sila ng isang malusog at napakabait na batang lalaking pinangalanan nilang Baging.
Bata pa lamang kasi ito ay mahilig na siyang maglambitin sa mga punong hindi naman gaano kataasan malapit sa kanilang bahay. Agaw-pansin din ang hilig nito sa mga puno at iba pang halaman. Pero mas nakahiligan niya ang paglalaro ng mga ugat ng punong nakalambitin minsan sa likuran ng kanilang bahay.
Nang mag-edad siyam na taong gulang si Baging ay nagpasiya itong mamundok. Nagpaalam ito sa kanyang magulang at pinayagan naman ng huli dahil wala na rin namang mga taong naninirahan sa maliit na kumunidad na iyon. Ito ay sa kadahilanang takot na sila sa paggigising ng bulkang Agay.
Gaya nga ng kalimitang sinasabi ng magulang ni Baging sa kanya na mag-ingat palagi sa tuwing aalis o may pupuntahan ay sinusunod naman nito. Pilyo nga lamang kung minsan dahil mas pinipili nitong dahilan ang mamundok kaysa ang sabihing maglalakwatsa lang at maglambitin sa mga kakahuyan, gamit ang mga baging sa puno.
"Mag-iingat ka, Baging ha? Umuwi ka nang maaga dahil ipagluluto kita ng paboritong mong adobong kangkong at sitaw," bilin ng kanyang ina. Tumango naman si Baging at hinalikan ito sa pisngi.
"Sundin mo ang nanay mo ha? Umuwi ka nang maaga. Maraming mga mababangis na hayop sa kakahuyan. Baka hindi ka makakauwi," pagbibiro naman ng kanyang ama, na napansing kaagad ring siniko ng ina.
"Opo, ama, ina. Mag-iingat po ako at uuwi nang maaga dahil naghihintay ang aking adobong sitaw at kangkong."
Nagmano ito sa ama at tumalikod na. Tinahak ang daan paakyat mula sa paanan ng bundok. Tumatalon-talon pa ito at sumisipol habang umiikot at sumasayaw patungo sa kanyang patutunguhan.
Mamumundok siya hindi dahil may kailangan siyang kunin o hanapin roon kundi gusto lamang niyang maglaro sa duyan na nakakabit at nakalambitin sa ilalim ng pinakamataas na puno na naroroon na kung tawagin at Balaging. Iyon ang pinakamatandang punong kanyang natuklasan nang minsang naligaw siya sa kagubatang iyon.
Pero ngayon ay alam na alam na niya ang daan papunta sa punong iyon na ginawan niya ng duyan upang pahingahan kapag tapos na siyang maglambitin na parang si Tarsan.
ANG HINDI ALAM ni Baging ay iyon na pala ang huling araw na makikita niya ang kanyang magulang. Ilang oras lamang ang nakalilipas ay binisita ang mga ito ng mga grupo ng kalalakihang inutusan ng isang mayamang pamilya sa bayan na halughugin ang kumunidad na iyon at siguruhing wala na ngang naninirahan pa sa paanan ng bundok Agay.
"Wala na rin naman tayong mapapala dito. Bakit pa tayo bumalik? Mukhang tanga lang tayo kapag wala naman tayong makitang natitirang taong naninirihan dito," reklamo ng isang lalaking payat at puro mababangis na hayop ang nakaukit na tattoo sa kanyang katawan.
"Reklamo ka naman. Bayad ka na hindi ba? Sumunod ka na lang. Mauna kang maglakad!" Hinila naman siya ng isang mataba at maiksi ang pising lalaking kanina pa inis na inis sa mga ibinubulong at inirereklamo nito.
Wala namang magawa ang payat na lalaki kundi ang sumunod kaysa makatikim siya ng isang hagupit ng suntok mula sa matabang lalaking kinaiinisan din niya. Palibhasa kasi ay salat din ang mga ito sa salapi at anumang utos o raket ay papatulan nila.
Hawak ang mga kagamitan kagaya ng bolo o itak, lubid, shotgun, at mga pamalo ay isa-isa nilang pinagtatabas ang mga nadadaanan nilang mga talahib. Matagal na panahon na rin kasi nang huli itong tirhan ng mga tao. Hindi nga lamang sila sigurado kung mayroon pa ngang natitirang taong naninirahan sa lugar na ito.
Isang oras ang nakalipas ay may napansin silang tila umuusok sa bandang gitna ng kakahuyan.
"Mukhang jackpot tayo ngayong araw na ito," aniya ng matabang lalaki at agad na tinipon ang mga apat pang kasama upang sabihin ang plano.
"Sabay-sabay tayong pumaroon at gusto kong malinis ang pagkakasagawa ng aking plano. Naintindihan ba ninyo?"
"Ano po ba kasi ang plano bago kami umoo?" biglang singit ng payat na lalaking nakasagutan nito kanina.
"Tumahimik ka na lang payatot ka. Puwede ba? Makinig! Ang sabi ni boss, wala tayong ititirang buhay kung tao man ang naroon sa direksyon na pupuntahan natin. Ibig lamang sabihin niyon ay kapag nanlaban, wala tayong magagawa kundi patayin na lamang. Kung pumayag na man sila ay hindi rin naman natin sila papayagang makaalis sa lugar na ito," seryoso itong nakatingin sa nakikinig na payatot at nagpatuloy.
"Susunugin natin ang bahay. Kapag nanlaban, paslangin. Walang ititirang buhay. Ililibing din natin sila sa kung saan sila nakatira. Kaya, humayo na tayo at mamaslang!"
Maingay man ang mga boses nila nang mga oras na iyon ay hindi naman ito abot sa bahay ng ama at ina ni Baging. Ang siyam na taong gulang na bata naman ay nakarating na sa kanyang paboritong lugar at nagsimulang maglambitin nang maglambitin. Magtatanghaling tapat na nang mapagod siya at umupu sa paborito niyang duyan. Iidlip na sana siya nang mga oras na iyon nang may marinig siyang tatlo hanggang putok. Nagmula ito sa kinaroroonan ng kanilang bahay.
Agad na bumaba ng duyan si Baging at mabilis na tumakbo pababa. Hindi inalintana nito ang dumadausdos na dinaraanan, makarating lamang sa bahay nila. Pawis na pawis na ito nang tumigil siya sa harapan ng kanilang bahay.
Nagliliyab sa apoy ang loob. Hindi mapigilan ang pagkalat nito pagkat gawa lamang iyon sa pawid at kawayan. Hinanap ng kanyang mata ang magulang niya at nakita itong pero hindi niya ito makita. Nagpalinga-linga pa siya sa bakuran nila at napansin ang dalawang hugis-lambak na puntod na may nakatusok na kahoy na gawa sa krus.
Hindi na napigilan ni Baging ang umiyak. Dalawang katatapos lamang na hukayin at ginawang libingan ang nasa harapan niya. Napaluhod pa ito at pilit na hinuhukay ang lupa. Iyak nang iyak ang batang si Baging. Kung hindi lang sana siya umalis ay baka kasama rin niya ang ama at inang nakalibing.
Sa isang siyam na taong gulang na batang si Baging ay unti-unting sumibol ang galit sa kanyang puso. Imbes na pumirmi na lamang sa harapan ng puntod ng kanyang magulang ay agad nitong binunot ang hugis-krus na kahoy at tumakbo patungo sa dalampasigan. Alam niyang hindi pa nakakalayo ang mga salaring pumaslang sa kanyang magulang.
Hawak-hawak niya rin sa kanyang kaliwang kamay ang isang matibay at mahabang baging na kanyang paboritong laruin. Nang marating ang dalampasigan ng lawa ay doon nakita niyang malayo na ang mga salarin. Nakasakay na ang mga ito sa isang maliit bangkang de-motor. Hindi na rin nila maririnig pa ang hiyaw niya.
Hiyaw nang hiyaw at sigaw nang sigaw ang batang si Baging nang mga oras na iyon sa harap ng lawa habang ang mga luha ay patuloy sa pagpatak na parang wala nang bukas.
Nang maubos ang mga ito ay siya namang pagdating ng isa na namang bangkang may sakay na isang babae at mga kalalakihang may malalaking bukas. Nanlilisik naman ang mga mata ni Baging nang makita ang mga dumating. AT dahil hindi niya alam kung sila rin ang nakita niyang pumalaot na kanina na pumatay sa kanyang mga magulang, ay doon na inilabas ng bata ang kanyang galit.
"Wala kayong puso! Pinatay ninyo ang ama at ina ko!" sigaw nito nang marating na ang pangpang at nakatayo na ang babae sa harapang ng batang si Baging.
"Mukhang hindi ko na kailangan pang hanapin ang batang hinahanap ko. Kusa na itong humarap sa akin." Tumawa ang babae pero hindi ito pinansin ni Baging. Agad niyang inihataw ang baging na hawak niya na tatama sana sa katawa ng babae, pero nahawakan ito ng isang malaking lalaki.
Hindi naman natakot ang bata at agad na tumakbo sa harapan ng lalaki at tinusok ang binti nito gamit ang kahoy na krus. Agad na pinalibutan ng iba pang kasamahan nito ang bata at binuhat.
"Matapang kang bata ka. Bagay na bagay sa iyo ang tawaging Baging. Ikaw na ang hinahanap ko para sa aking ekspiremento. Akin na ang injection nang maturukan na ang batang itong kanina pa maingay at nang makaalis na tayo sa lugar na ito. Naiinitan na ako."
Agad na inabot sa kanya ng isa na namang lalaki ang injection at kaagad na itinurok ito sa batang si Baging na hindi mapigilan ang galit. Napasigaw pa ito sa sakit nang bumaon ang matulis na bagay sa kanyang leeg at tuluyan na itong nawalan ng ulirat.
"Kargahin na ang batang iyan at umakyat na tayo sa bangka. Naiinitan na ako rito. Ang skin ko mangingitim na. Magagalit sa akin ang mahal ko nito. Buhatin na ninyo ako!"
Binuhat ng dalawang lalaki ang babae upang hindi ito mabasa ng tubig-alat, paakyat sa bangka. Nauna nang umakyat ang isang lalaki at doon ay inalalayan nito ang babae at kinarga rin pagkatapos ang batang walang malay. Ilang saglit pa ay pinaandar na ang bangkang iyon paalis sa paanan ng bulkang Agay.