Mabilis ang pangyayari. Napakabilis ring makaalis nina Madel kasama ang mga sugatang alaga niyang mga bata. Sobrang bilis rin ng pagkakadukot niya kay Heroina at pagkawalan nang malay niya.
Tatlong beses nang natalo si Madel kaya napagplanuhan na lamang niyang kidnapin si Heroina. Napapansin din pala kasi nito ang pag-aalala ng babae sa mga batang tumalo sa kanyang mga ekspirimento.
...
"Alam kong sa pangatlong pagkakataon ay matatalo na naman ako at alam ko ring napapanood ito ni Damion Kill. Kailangan kong mag-isip ng paraan kung paano ako makagaganti kay Heroina. Tama! Siya. Bibihagin ko si Heroina nang sa ganoon ay mag-panic silang lahat!"
...
Kanina lamang niya iyon napagplanuhan sa isipan niya. Pasalamat na rin siya at naka-imbento din siya ng isang maliit na kapsulang ginawa niyang sasakyan, na kayang maglaho ng parang bula at mabilis magpakita sa lokasyong nananaisin nilang puntahan. At nagtagumpay si Madel sa planong iyon. Kahit pa natalo siya nang pangatlong beses, tiyak naman ang panalo niya kay Damion Kill. Matutuwa itong makitang may isa na naman siyang bihag.
SA LABAS ng palasyo ay lumitaw ang sasakyang kapsula at lumabas mula roon ang sasakyan nina Madel. Sa isang malaking tunnel ito dumaan hanggang sa makarating ito sa laboratoryo, kung saan naroroon at naghihintay ang pinunong si Damion Kill, na hindi maipinta ang mukha sa tatlong beses na pagkatalong nakita niya.
Kanina pa kuno na kunot ang kanyang noo at hindi mapakali sa pagkatalong tinamo ng kampo niya. Inip na inip na rin kasi itong makita si Madel upang tanungin kung bakit hindi tinapos ang pakikipagtunggali sa iba pang mga bata.
Pagkababa mula sa sasakyan ay sinalubong si Madel ng mga tauhan nito at isa-isang ibinaba ang tatlong sugatan at walang mga malay na mga bata. Isang hindi masayang mukha naman ang napansin niya at agad niya itong niyakap at hinalikan sa pisngi. Tila estatwa namang hindi gumagalaw si Damion Kill. Pinanlisikan pa niya si Madel matapos siyang halikan.
"Ipagpaumanhin mo, mahal. Hindi ko nagawang bigyan ka ng isang masayang pagsalubong dahil tatlong beses akong natalo," aniya sa malambing na tinig.
"Care to explain why you stop the fight with the other kids?" hindi pa rin nagbabago ang ekspresyon nito. Batong-bato kung siyasatin niya si Madel. Hinihintay ang kanyang sasabihin.
"Well. I did that on purpose. There was something in those kids na hindi ko mawari kung bakit mas malakas pa sila kaysa sa mga alaga ko, mahal. Upang hindi na madagdagan pa ang pagkatalo ko ay nag-isip ako ng ibang paraan. At iyon ang ipapakita ko sa iyo. Isang espesyal na regalong magugustuhan mo." Hinalikan niya muna sa labi si Damion Kill bago inutusan ang mga tauhan nito na ibaba ang bihag.
Tumango naman ang kaharap pero naroon pa rin ang inis at pagkadismaya sa kanyang mukha, bagay na pinipigilan lamang niyang hindi magwala o magalit nang todo. At nang makita ang huling lumabas na wala pa ring malay na si Heroina, lalo lamang siyang nainis sa sorpresa ni Madel.
"Sino naman iyan? Huwag mong sabihing siya ang mahal na asawa ni Dmitri?" siniguro muna niyang tama ang hinala niyang hinuli niya ang asawa ng kaniyang mahigpit na kalaban. Lumapit pa ito sa walang malay na babae at siniyasat. Nagbabakasakaling tama ang kanyang iniisip.
"Tumpak, mahal ko. Siya si Heroina. Ang nag-iisang mahal na asawa ni Dmitri."
Isang nakalolokong ngiti naman ang sumilay mula sa labi nito nang marinig ang kumpirmasyon mula kay Madel. Nakahinga naman nang maluwag si Madel nang masilayan ang bahagyang pagngiti ni Damion Kill sa sorpresa.
Tumango ito bilang tanda ng kanyang pagsang-ayon sa nagawang plano. Agad na inutusan niya ang mga tauhan na ipasok na ito sa loob ng kulungan kung saan ng kulungan ni Dmtri.
Sinundan nila pareho ito nang tingin at agad na naglakad sa kulungan kung saan naroon ang dating kanang-kamay niya. Nang makapasok sa loob ng laboratoryo ay ibinalik ni Madel ang mga bata sa loob ng malaking kapsula upang pansamantalang magpagaling.
Sa kulungan naman kung saan naroon si Dmitri ay gulat na gulat ito nang makita ang pamilyar na mukha ng asawang buhat-buhat ng isang lalaki patungo sa kinaroroonan ng kaniyang selda.
"Heroina? Heroina! Anong ginawa mo sa kaniya ha? Damion! Madel!" Sigaw ito nang sigaw sa loob habang nakatali pa rin ang mga kamay at paa.
Nang buksan ni Madel ang selda at ipinasok sa tabi niya ang mahal na asawa ay isang nakalolokong ngiti ang iginawad sa kaniya nina Damion Kill. Matapos maihiga sa tabi niya si Heroina ay ikinandado na ito agad ni Madel at humalakhak sa harapan niya.
"Anong pakiramdam mo ngayon, Dmitri? Hindi ka ba masaya na magkasama na kayo ng iyong mahal na asawa? It's a reunion that you need to celebrate inside that cell, right?" May pang-uuyam na sabi ni Damion sa kaniya. Tumawa lang si Madel sa tabi nito na tila masayang-masaya sa kanilang pagkikita. Hindi niya inakalang magugustuhan ng kanyang mahal ang kanyang sorpresa.
"Kapag nakawala talaga ako rito, Damion. Kahit pinuno ka pa ng Independencia ay babangasan ko ang mukha mo!" Galit na galit ang mukha ni Dmitri at panay ang bitiw nito ng mga masasakit na salita sa harapan ng taong kinasusuklaman niya.
"Matatakot na ba ako, Dmitri? Paano ka naman makalalabas riyan e nakakulong ka nga 'di ba? Ang galing mo na ngayong magpatawa, Dmitri. Natatawa ako sa joke mo," nagkunwari pa itong tumawa sa harapan nito habang pilit na tinatanggal ang mga tali sa kamay at paa niya mula sa loob ng selda.
"Makalalabas ako rito, Damion! Tandaan mo iyan!"
"Kung iyan ang sabi mo, hihintayin ko ang araw na iyan. Pero bago iyan, asikasuhin mo muna ang walang malay mong asawa. Maiiwan namin muna kayo."
Kulong-kulo na ang dugo ni Dmitri nang mga oras na iyon at sadyang hindi lang siya makakilos dahil parehong may tali ang kaniyang mga kamay at paa. Nang mawala na ang dalawa sa kinaiinisan niyang mga tao ay niyugyog-yugyog nito ang asawa gamit lamang ang kaniyang mga tuhod at siko.
"Heroina! Mahal, gumising ka. Mahal!"
Paulit-ulit niya itong niyuyugyog-yugyog. Dumapa na rin ito upang bulungan sa tainga. Nang hindi pa rin gumigising ay kinagat na lang niya ang tainga nito dahilan upang maalimpungatan ito at naghihiyaw sa sakit. Nagkauntugan pa ang dalawa nang magising ito.
"Dmi? Dmitri?"
"Oo, mahal. Ako ito si Dmitri?"
Agad na niyakap ni Heroina ang nawalay na asawa dahil siya lang ang walang mga tali sa mga kamay at paa nito. Kinalagan na rin nito si Dmitri matapos ang maiksing yakapan na iyon. Nang matanggal ang mga nakatali sa kaniyang kamay at paa ay si Dmitri naman ang yumakap sa mahal na asawa.
"Anong ginagawa natin sa seldang ito?" tanong ni Heroina matapos kumalas sa pagkakayakap sa asawa.
"Nahuli ako ng mga tauhan ni Madel, mahal ko," aniya.
"Si Madel? Yong babaeng..." muling inalala ni Heroina ang nangyari kanina bago siya nagising sa loob ng selda kasama na ang asawang si Dmitri.
At mulagat siya nang mapagtantong dinukot nga pala siya. Pero hindi niya inakalang dadalhin siya ni Madel sa seldang ito.
"Ang babaeng iyon! Makakatikim talaga sa akin iyon kapag nakalabas ako rito! Gigil niya ako! Argh!" Napapasabunot na si Heroina nang maalala ang walang pusong ugali ni Madel. Natawa na lang si Dmitri dahil ang amazona niyang asawa ay nagising na naman na parang tigreng galit na galit sa nag-alipusta sa kanya.
"Si Damion at Madel ang may pakana nang lahat, mahal."
"Si Damion Kill nandito? Nasaan?"
"Umalis na muna. Pero alam kong babalik din iyon at magkikita rin kayo. Ano na ngayon ang mangyayari sa mga bata? Paano na sila? Nagising na ba sila, mahal?"
Sunod-sunod ang mga tanong na pinakawalan ni Dmitri sa asawa habang nakaupo silang pareho sa maliit na seldang iyon. Tinitigan naman ni Heroina ang asawa at bahagyang ngumiti at sinagot ang tanong ng asawa.
"Nagising na ang anak natin, Dmitri. Ang mga bata ay nagising na rin bago pa sumulpot ang hitad na si Madel na iyon."
"Kung ganoon ay may nangyari sa The Heroina bago ang paggising ng mga bata?"
"Oo. Ako lang sana ang haharap sa mga militar na pinadala ng Damion Kill na iyon upang sirain ang kaisa-isang tagapagmana sa akin ng aking ama. Handang-handa na ako nang makalabas sa laboratoryo at iniwan ang pangangalaga sa mga bata kay Hermano nang biglang lumitaw si Puti."
"Ha? Sinong Puti, mahal? Iyong alagang ahas ba ng anak natin ang tinutukoy mo?"
"Oo. Siya nga. Si Puti pero hindi isang ahas kundi isang batang babaeng kasing edad lamang ng ating anak na si Wyatt."
Manghang-manghang nakikinig si Dmitri sa kuwento ni Heroina sa kaniya. Mula sa paglitaw ni Puti at ang pakikipaglaban nila pareho sa mga armadong militar hanggang sa paggising ng mga bata at nakipagsukatan ng lakas at kapangyarihan sa mga batang ekspiremento ni Madel.
"Kung ganoon. Tama nga ang sinabi ni Madel na gumawa siya ng duplicate na mga potions na pareho sa ginawa ko. Tanging siya lang ang at ako ang nakaalam ng lihim ko. At siya rin ang dahilan ng inakala ko ay nilusob ng mga gerilya ang laboratoryo ko sa Gawahon, Iktoria. Ginamit niya pala ito sa mga bata."
"Wala talagang puso ang babaeng iyon, mahal. Pero natalo siya ng tatlong beses. Natalo ni Sera si Yesha. Tinalo naman ni U-ri si Baging, at ang panghuli ay alam kong natalo ni Bahandi si Yelo. Ang pagsalpukan ng kanilang mga kapangyarihan na parehong mga tubig ang dahilan kaya sumabog ito at nagawa akong hulihin ni Madel nang hindi namin namamalayan."
"Quota na talaga ang dalawang iyon sa kasamaan. Pati mga inosenteng bata ay hindi man lamang pinatawad! Ginamit pa niya sa kasamaan ang mga potions ko. Humanda talaga sila kapag nakalabas tayo rito, mahal!"
At sa loob ng seldang iyon ay nangako ang mag-asawa na gagawin nila ang lahat makaalis lamang sa poder ng mga kalaban.
SA LOOB ng laboratoryo, sa pinakatagong lugar ng The Heroina ay naroon si Wyatt. Nakaupo sa harapan ng tatlong mga kasamang nasa loob ng kapsula upang pansamantalang magpahinga at paghilumin ang mga sugat sa katawan.
Hindi sana sila makapapasok kung hindi sinabi ni Hermano na kailangan ng passcode. At ang passcode lamang na may karapatang makapasok sa loob ay sina Dmitri at Heroina. Mabuti na lamang at pumayag si Hermano na i-scan na lamang ang kanyang mata upang malaman kung match sa magulang niya.
Iyon na rin ang natitirang paraan niya upang makapasok sila sa loob. Ilang beses sinubukan ni Hermano na-i-match ang kabuuan, partikular na ang mata ni Wyatt hanggang sa na-i-register din sa wakas at nakapasok sila.
Ngayon ay dinadamayan siya ni Puti na tahimik lang na nakaalo sa kanya habang iniisip ang paraan kung paano mahahanap ang kanyang inang kinuha nang walang paalam sa kanya ni Madel. Hindi niya puwedeng basta na lamang balewalain ang magulang na nagpalaki at nagmahal sa kanya nang walang labis at walang kulang.
"Ipagpaumanhin mo kung hindi man lamang namin napansin ang pagdukot kay Heroina kanina, Wyatt."
Inangat ni Wyatt ang kanyang ulo at nakita si Abdul-hakim na inaalo din siya. "Okay lang po ako, kuya Abdul-hakim. Mahahanap din po natin sina ama at ina. Sana nasa mabuti lamang silang kalagayan."
"Huwag kang mag-alala, Wyatt. Hahanapin ko ang kinaroroonan ng iyong ina."
Nabuhayan naman ng loob ang bata nang marinig ang mga salita ni Hermano. Sumilay na ang mga ngiti nito at biglang niyakap si Abdul-hakim.