THIS is embarrassing. Hindi ko talaga ini-expect na mag-aalsa-balutan ako nang wala sa oras. Aaminin kong masama ang loob ko dahil medyo naging inconsiderate si Mrs. Samson. I was trying to pay the one month delay on rental fee dahil iyon lang ang kaya ng pera ko pero, hindi talaga siya pumayag. Kahit anong pakiusap ko ay matigas siya sa desisyon niyang bakantehin ko na ang kama at may nakausap na raw siya sa bagong uupa.
Wala na akong nagawa kundi ang magsimulang mag-empake imbes na iyakan ko pa ang sitwasyon ko. Mabuti na lang at hindi ako makalat at hindi rin naman masyadong marami ang gamit ko. Natapos ko ang pag-eempake sa loob lang ng isang oras. Humingi ako ng tulong para maibaba sa lobby ang mga bagahe ko at saka ko tinawagan si Liza. But unfortunately, her phone’s not attended.
Nakakaawa at nakakahiya ang sitwasyon ko pagkatapos ay bigla pang susulpot si Enrico. Hindi ko alam kung tama na sumama ako sa kaniya pero, kung hindi ko ginawa, saan kaya ako pupunta gayong hindi ko ma-contact si Liza?
Malayo-layo na ang itinatakbo namin nang lingunin ko siya.
“Ano palang ginagawa mo sa labas ng dorm kanina?” tanong ko na siyang bumasag sa katahimikan sa loob ng kotse ni Enrico. “Sinadya mo bang pumunta para makita mo mismo kung paano mawalan ng tutuluyan?”
“Nonsense. But it’s up to you if you want to believe it. Ang tanong ko ang sagutin mo, Naya. Bakit hindi mo binanggit sa akin ang tungkol sa problema mo kaninang nasa opisina kita? You would not be in this situation had you told me about your problem.”
“And why do you think should I tell you about my problem?” balik ko sa kaniya. “Isang problema ko lang ang idinudulog ko sa’yo pero, ayaw mo naman akong pabigyan.”
“Naipaliwanag ko na ang tungkol d’yan. No need to bring it up.” Sinulyapan niya ako. “Naya, you should have told me about this. Ang hirap sa’yo, bata ka pa ang taas na ng pride mo.”
Natahimik ako at hindi nakasagot. Maybe he’s right. Pero pride na lang ang meron ako at ayokong pati iyon ay mawala pa.
“Saan ka pupunta kung sakaling hindi ako dumating?”
Nilingon ko siya. Even in his side view, hindi maitago ang kagwapuhan niya.
“I was trying to call my best friend. Malapit lang sa university ang village kung saan siya nakatira kaya iniisip kong baka pwede akong makituloy muna sa kaniya hanggang sa makahanap ako ng bagong malilipatan.”
“Bakit hindi ka sa dorm ng university tumutuloy? Masyado ba silang mahigpit kaya ayaw mo roon?”
“No. It’s not that. Actually, sa university dorm ako nag-stay noong unang taon ko sa college. Nalakihan ako masyado sa bayad sa room and boarding kaya naghanap ako ng pwede kong lipatan kung saan mas makakatipid ako.”
“At pumayag ang Ninong mo?”
“Yes. Pero hindi ko sinabi ang totoong reason. I just told him na may mga kaibigan ako sa ibang dorm kaya gusto kong lumipat.”
“Ipinaalam mo na ba sa kaniya ang nangyari sa’yo?”
Nilingon ko siya. Umiling ako. “Ayokong malaman niya. Ayokong makadagdag pa ang tungkol dito sa mga problema ni Ninong Marty.”
Hindi na kumibo si Enrico. Nanahimik na lang din ako sa aking inuupuan at itinuon ang tingin sa aming dinadaanan.
Hindi na ako nagulat nang makita ko ang bahay ni Enrico. Sa higanteng gate pa nga lang niya ay halos malulula na ako. Pagpasok namin ay dalawang naka-unipormeng kasambahay ang agad sumalubong.
“Magandang gabi, Senyorito Eric! Magandang gabi rin sa’yo, Ma’am!” bati sa amin ng mas nakakatanda.
“Siya si Naya Robles. Bisita ko siya rito sa mansion.”
“G-good evening po sa inyo,” bati ko. Tumango naman ang matanda. Hindi maitago ang pagtataka sa mukha nito habang tinitingnan ako.
“’Nay Thelma, pakihanda na lang ang magiging kwarto ni Naya.”
“Sige, Senyorito,” sagot ng tinawag na Nay Thelma. Binalingan nito ang kasama. “Ihanda mo ang pangalawang kwarto sa left wing. Magpatulong ka na kay Poleng para mas mabilis kayong matapos.”
“Opo, Nay Thelma,” sagot ng mas batang kasambahay at agad umalis para sundin ang iniutos dito.
“Maya-maya pala ay narito na rin ang maghahakot ng mga gamit ni Naya. Pakibilinan na lang ang mga katulong na sila na ang mag-akyat.”
“Sige, Senyorito. Maghahanda rin ba ako ng hapunan ninyo?”
Imbes na sumagot ay nilingon ako ni Enrico. “Kumain ako sa office bago umalis kanina. Sasamahan na lang kita habang kumakain.”
Gabing-gabi na para sa hapunan pero, hindi ako tumanggi. “S-sige,” maiksing sagot ko. Ang totoo ay wala pa akong kinakain mula kaninang hapon.
Iginiya ako ni Enrico sa dining room ng mansion. Hindi ko napigilang igala muli ang aking paningin sa paligid. Everything about the room screams of luxury. Puting-puti ang mga dingding maliban lang sa glass walls sa kabilang panig ng kainan. Hanggang doon ay granite ang aking tinutuntungan. Elegante at komplikado ang designs nang matatayod na chandeliers. Ang fourteen-seater long table na yari sa matigas na uri ng kahoy at napipinturahan ng puti ay may mga nakaadornong bulaklak sa gitna. May nakahanda na ring mamahaling dining set at kumikinang ang mga kubyertos.
Ipinaghila ako ni Enrico ng silya. Komportable at high-backed ang upholstered na mga upuan. Nakita kong pumwesto siya sa kabisera, sa bandang kaliwa ko. At ilang sandali pa ay nasa harapan ko na ang mga pagkaing inihanda ni Nay Thelma.
“Salamat po,” sabi ko sa matanda. Ngumiti naman ito sa akin bago salinan ng tubig ang aking baso.
“Kumain ka na.” Narinig kong sabi ni Enrico.
Hindi na ako nahiya. Naglagay ako nang kaunti sa aking pinggan. Ayokong magpakabusog nang husto dahil dis-oras na ng gabi. Nagsimula agad akong kumain. Halos mapapikit ako sa sobrang sarap ng ulam na inihanda ni Nay Thelma. Kung hindi lang gabing-gabi na ay gusto ko sanang dagdagan ang kanin ko.
“Nay Thelma, pahingi ako ng kape,” utos ni Enrico sa matanda. Tumingin ako sa kaniya kaya nalaman kong pinanonood pala niya ako. Nakadama ko ng hiya.
“H’wag mo akong intindihin, Naya. Just enjoy your food.”
Hindi ako nakasagot. Ninguya ko ang laman ng bibig ko at saka binalingan ang aking pagkain. Dinahan-dahan ko nga para mabusog agad ako at hindi ako matuksong kumuha ng panibago.
Maya-maya pa ay bumalik si Nay Thelma na dala ang kape na hiningi ng amo. Tinanong din niya ako kung may iba pa akong gusto.
“Wala na po. Salamat po sa inyo. Masasarap po ang mga pagkain.”
Ngumiti ang matanda. “Mabuti naman at nagustuhan mo. Maiwan ko na kayo ni Senyorito.”
Pag-alis ni Nay Thelma ay itinuloy ko na ang pagkain. Sinimulan namang inumin ni Enrico ang kaniyang kape.
“Stay here, Naya.”
Nahinto ako sa akmang pagsubo nang marinig ang sinabi ni Enrico. Kumakabog ang dibdib na nilingon ko siya.
“Hindi mo kailangang maghanap ng ibang matutuluyan. Bukas ang bahay ko para sa’yo. You can stay here as long as you want.”
Isinubo ko muna ang nasa tinidor ko bago umiling kay Enrico. Kinuha ko ang table napkin at nagpahid ng bibig.
“Kapag nalaman ni Ninong, magagalit siya.”
He leaned on the table. “You don’t have to tell him. Kung nagawa mong itago sa kaniya ang tungkol sa pagpapaalis sa’yo sa dorm, bakit hindi ang pagtira mo rito?”
“May oras na binibisita ako ni Ninong Marty dito sa Manila. Paano ko sasabihin sa kaniya na hindi na ako sa dormitoryo nakatira kundi sa mansion ng taong naglagay ng pangalan niya sa blacklist?”
Napailing si Enrico. “Here you go again. You can always find an opportunity to bring up the issue of your godfather. Naya, may hiwalay tayong usapan tungkol diyan. Sagot mo lang ang kailangan ko at aalisin ko sa blacklist ang pangalan ng Ninong mo.”
Hindi na naman ako nakasagot. Kinuha ko ang baso ng tubig at uminom na lang. Pagkapahid ko ng bibig ay nagpaalam ako kung pwede na akong magpahinga.
“Tapos ka na ba? Or maybe you just lost your appetite after I offered you to stay here?”
“H-hindi naman sa gano’n. Ayokong isipin mo na ungrateful ako. Hindi ko minamasama ang pag-aalok mo sa akin na rito tumira pero, hindi gano’n kadali ‘yon. Hindi kita kilala, Mr. Laxamana.”
“Natatakot ka ba sa’kin? Iniisip mo ba na may gagawin ako sa’yo?”
Natigilan ako sandali bago mabilis na umiling. “H-hindi…”
“Naya, I don’t know you either. Pero maniwala ka, gusto kitang tulungan sa lahat ng problema mo.”
“Pero may kapalit?” dagdag ko.
Narinig ko ang marahang pagbuntung-hininga ni Enrico. Pinagmasdan niya ako. Halos mailang ako sa klase ng titig na ibinibigay niya sa akin.
“M-magpapahinga na ako…” sabi ko sabay iniiwas ang mga mata. Nagulat ako pagtayo nang hawakan ni nang mainit na palad ni Enrico ang aking braso. Binundol ako ng kaba habang nakikipagtitigan sa kaniya.
“Dalawang araw," wika niya.
Nagusot nang bahagya ang mga kilay ko. Naalala ko ang pinag-usapan namin kanina. Binigyan niya ako ng dalawang araw para pag-isipan ko ang magiging sagot ko.
"H-hindi ko nalilimutan, Mr. Laxamana."
"Good. And I suggest you also stay here for two days, Naya. Makakatulong sa pagdedesisyon mo kung makakasama mo ako sa loob ng mga araw na iyon. Kapag hindi mo pa rin tinanggap ang proposal ko, ako na mismo ang maghahatid sa’yo sa kung saan mang lilipatan mo.”