“IBIG mong sabihin, may palagay kang pakana rin ito ni Marty Pedeglorio?” tanong sa akin ni Isaias nang mapagsolo na kami nito sa mesa.
Ako na yata ang huling bisitang dumating sa bahay niya. Iilan na lang ang taong nadatnan ko at karamihan ay mga kapwa niya abogado.
Kausap ko kanina ang misis niya at dito ko iniabot ang regalo ko para sa wedding anniversary ng mag-asawa.
“I can only assume. Hindi kasi ako naniniwalang hindi alam ni Pedeglorio na pinuntahan ako ng inaanak niya para pakiusapang alisin siya sa blacklist at bigyan ng recommendation sa ibang kompaniya. Sigurado ako na inutusan niya si Naya.”
“What will you do then?”
Nagtaas ako ng mga balikat. “Pinag-iisipan ko pa. Although I’m interested with Naya’s offer,” sagot ko at saka uminom sa baso ng brandy na hawak ko.
Tumawa si Isaias sa pagtataka ko. Nag-angat ako ng tingin sa kaniya.
Matagal ko nang kaibigan si Isaias. Malaki ang agwat ng aming edad pero, maraming bagay kaming pinagkakasunduan. Para siyang nakatatandang kapatid at pangalawang ama sa akin.
“May nakakatawa ba sa sinabi ko?” takang-tanong ko.
Umiling-iling siya pero, hindi nawala ang ngisi sa mukha.
“Wala naman, Eric. I am just wondering why you did not accept the deal kung ganoong interesado ka pala sa offer ni Naya?”
“Hindi gano’n kadali ang magdesisyon, Isaias. Kailangan kong pag-isipan ang hinihiling ng batang babaeng ‘yon.”
Tumawa ulit si Isaias. “But I think you should watch closely on Naya.”
Lalong nagsalubong ang mga kilay ko. “What? Why should I do that?”
“Hindi mo ba naisip na maaaring makatulong sa’yo si Naya para makakuha ka ng ebidensiya laban sa mga taong pinaghihinalaan mong may kinalaman sa pagkamatay ng iyong Papa?”
Hindi ako sumagot. Nakatuon lang kay Isaias ang tingin ko.
“Matalino ang kaaway kaya dapat maging mas matalino ka,” nakangiting wika nito at itinaas sa akin ang baso ng alak niya. “Cheers!”
Alas onse na ng gabi nang magpaalam ako kay Isaias. Dumaan muna ako sa home office ko at ni-review ang ilang importanteng dokumento. I was reviewing a financial report nang biglang pumasok sa isip ko ang sinabi ni Isaias. Pagkatapos noon ay dumaan din sa imahinasyon ko ang mukha ng inaanak ni Marty Pedeglorio.
Umiling ako. I quickly banished the image of the girl in my head. Itinuon ko ang buong isip ko sa aking ginagawa.
Ala una na nang lumabas ako ng office at nagpasyang matulog. Sa gabing iyon ay napanaginipan ko ulit si Papa. It was the second time eversince I discovered that his death was intentional. In my dreams, he was screaming my name and asking for my help. Nagising akong pawis na pawis gayong malamig sa aking kwarto. Bumangon ako at lumabas sa balkonahe. This nightmare would continue. At hindi ako matatahimik hangga’t hindi ko napapanagot ang may kagagawan sa pagkamatay ng ama ko.
Maaga akong pumasok sa opisina kinabukasan. Tinawagan ko ang kilala kong private investigator. Isaias could be right. Baka makatulong sa akin kung babantayan ko ang kilos ni Naya.
“Yes, Mr. Laxamana?”
“Levi, may ipagagawa ako sa’yo. Gusto kong manmanan mo si Naya Robles. Inaanak siya ni Marty Pedeglorio. Ayon sa log book ng secretary ko, naka-enroll siya sa West Hills University. I need an immediate result, Levi. Tawagan mo ako para sa labas na lang tayo magkita.”
“Sige, Mr. Laxamana. Ako na ang bahala.”
Ibinaba ko na ang cellphone ko at naupo na. Ipinagpatuloy ko ang pagre-review sa financial reports ng mga kompaniyang nasa ilalim ng Laxamana Group. Pumasok naman maya-maya si Connie upang ipaalala sa akin ang meeting ko sa ilang executives.
“Sir Eric, tumawag po pala sa akin si Miss Belle. Hindi raw po kasi kayo sumasagot sa tawag niya kahapon.”
“Anong kailangan niya?” Ang pangalawang asawa ni Papa na si Florabelle Smith Laxamana ang tinutukoy nito.
“Ipinapasabi lang po niya na pauwi na siya next week. Gusto rin daw niya kayong makausap so I set an appointment for her. You’ll have a meeting with Miss Belle on Thursday at two o’clock in the afternoon.”
Napaangat ang tingin ko kay Connie at agad nagsalubong ang aking mga kilay.
“Who told you that I want to talk to her?”
Natigilan si Connie. “S-Sir? E-eh... Sir, hindi ba’t ibinilin mo sa akin na kahit sinong gustong kumausap sa’yo, bigyan ko ng appointment? Ginawa ko lang po ang bilin mo and besides, stepmother mo po si Miss Belle.”
“Cancel her appointment with me. May importante akong gagawin sa araw at oras na sinabi mo,” matigas na sabi ko.
“Pero, Sir Eric, libre ang oras mo sa-”
“Hindi mo ba narinig ang sinabi ko, Connie? Kailangan bang ulitin ko pa?”
Ilang sandaling tiningnan ako ni Connie bago ito tumango. “Narinig ko po, Sir. Sige po, tatawagan ko agad si Miss Belle.” Lumabas na siya ng opisina ko pagkatapos.
Naiiling ko namang binalikan ang binabasa kong report. Gaya ng dati, lumipas ang mga oras na hindi ko namamalayan.
Bandang mag-aalas cinco ng hapon nang tumawag sa akin si Levi. Sinagot ko agad ang tawag niya.
“Mr. Laxamana, may mga impormasyon na ako tungkol kay Naya Robles. Nandito ako sa kotse ko sa basement ng building n’yo.”
“Okay, pupuntahan kita riyan ngayon din.”
Ginamit ko ang VIP elevator pababa sa basement at hinanap ang sasakyan ni Levi. Nasa parking bay sa dulo ng basement ang kotse niya. Mabilis akong naglakad habang iginagala ang tingin sa paligid. Pagdating sa kotse ay agad akong pumasok.
“Anong nalaman mo, Levi?”
Nagkibit ito ng balikat. “Maliban sa sinabi n’yong inaanak siya ni Marty Pedeglorio, mukhang wala namang kakaiba sa estudyanteng pinasundan mo, Mr. Laxamana. She’s a typical college girl. Sa dorm siya tumitigil at umuuwi lang during sem break sa bahay nila. Nabanggit din ng kasera na ilang buwan na raw na laging delay ang bayad ni Naya sa accommodation at utility. Wala namang reklamo sa kaniya ang ilang kasamahan niya sa dormitoryo na nakausap ko. Nakakuha rin ako ng kopya ng schedule niya sa registrar’s office. Kaya kaninang alas tres ay inabangan ko ang paglabas niya at nakakuha ako ng maiksing video.”
Iniabot niya sa akin ang cellphone niya at agad nag-play ang sinasabi nitong video.
Itinutok ko ang mata ko sa screen. Nakasuot ng school uniform si Naya nang mag-isang pumasok sa mamahaling coffee shop. Wala pang dalawang minuto ay lumabas ito nang walang kahit anong dala. Pagkatapos ay naglakad-lakad si Naya at lumapit sa isang stall ng street food. Pumila ito roon at bumili ng pagkain. Tahimik na lumayo si Naya sa stall at tumayo sa isang shed. Doon nito kinain ang binili at nang maubos ay naglakad na ulit palayo. Doon na natapos ang video.
Nagusot ang noo ko. “Anong silbi ng nakuha mong video? Wala namang kakaiba sa mga napanood ko.”
Nagkibit ng balikat si Levi. “Exactly, Mr. Laxamana.” Kinuha nito ang cellphone at iniabot naman sa akin ang isang envelop.
“Nasa loob ang kopya ng birth certificate at school records ni Naya Robles kasama na ang schedule niya this sem. Kung hindi pa kayo satisfied sa mga impormasyong nakuha ko, tawagan n’yo na lang ako.”
Inilagay ko ang envelop sa panloob na bulsa ng suot kong coat. “I-send mo rin sa akin ang video ni Naya. Gusto ko ulit mapanood.” Hindi ko na siya hinintay na sumagot. Lumabas na ako ng sasakyan ni Levi at naglakad pabalik sa elevator.