LUMIPAS ang dalawang linggo. Dumating naman ang itinakdang araw ng kasal namin ni Enrico na gaganapin sa mismong living room ng mansion niya. Wala akong kahit anong pagtutol doon. It's not a big deal for me at isa pa ay itiniwala ko naman talaga kay Eric ang lahat ng tungkol sa aming magiging kasal.
Simpleng puting gown at puting sapatos ang aking suot. Sa mga kamay ko ay pabilog na bouquet ng pink at red tulips. Puting dress shirt naman na pinatungan ng coat na navy blue ang suot ni Eric. Itim na pantalon at itim din na sapatos.
Bago ang seremonya, pumirma muna isa-isa ng Non-Disclosure Agreement ang tatlo naming witnesses at ang lahat ng nakatira sa mansion, maliban lang sa amin ni Eric. Iyon ay para maisegurong kami lang dalawa ang pwedeng magsabi ng tungkol sa aming pagpapakasal sa mga taong nais lang namin pagpaalaman.
I agree to it because I know in the future, I will tell about this to my Ninong Marty. Hindi ko naman habang buhay na itatago sa kaniya na kasal na ako. I will just have to wait for the right time. Siguro ay kapag okay na ang lahat at nakabangon na si Ninong Marty sa kaniyang pagkakalugmok.
I know this may upset him. I know this may disappoint him but surely, he will understand me. Mahal na mahal ako ni Ninong Marty at kapag sinabing masaya ako sa pagpapakasal ko kay Enrico, alam kong matatanggap din niya ang naging desisyon ko. Hindi na niya kailangang malaman na inalok talaga ako ng kasal ni Eric bilang kapalit sa pag-aalis ng pangalan niya sa blacklist.
“Let’s all congratulate, Mr. And Mrs. Enrico Laxamana!” anunsiyo ng wedding celebrant matapos naming maisuot ni Eric ang aming mga singsing. Humarap kami pagkatapos sa iilang saksi na masayang nagpapalakpakan.
“Eric, you may now kiss your beautiful bride.”
Kumabog agad ang dibdib ko nang sabihin iyon ng celebrant. May maliit na ngiti si Eric habang hinahawakan ako sa magkabilang pisngi. Halos hindi naman ako matingin nang direcho nang humarap sa aking asawa.
Awtomatikong sumarado ang aking mga mata nang lumapat ang bibig niya sa bibig ko. Halos sumabog sa excitement at kaba ang puso ko nang maramdaman ko ang malambot na labi ng aking asawa. Then after a few seconds, he withdraw from our kiss. Ramdam ko ang bahagyang panginginig ng aking mga binti pagkatapos.
Muling nagpalakpakan ang aming mga witness. At ilang sandali pa ay isa-isa na silang naglapitan sa amin ni Eric upang bumati. Pinangunahan sila ni Atty. isaias Montelibano, ang matandang abogado na kaibigan ng asawa ko na kanina ko lang nakilala.
“Congratulations, Mr. and Mrs. Laxamana!” Niyakap at tinapik nito sa balikat si Eric. Pagtakatapos ay bineso naman nito ako sa magkabilang pisngi.
Isa rin si Nay Thelma sa tumayong witness. Nakangiti siyang lumapit at bumati sa amin. Niyakap din niya kami pareho.
“Maging masaya nawa ang pagsasama ninyo, mga anak.”
“Maraming salamat po, Nay Thelma!” nakangiting tugon ko sa kaniya habang tumango lang dito ang aking asawa.
Ang tanghalian sa dining room ng mansion ang nagmistulang reception pagkatapos ng kasal. Espesyal ang lahat ng mga nakahandang pagkain hanggang sa dessert para sa amin at sa mga bisita. Magkatabi kami ni Eric na naupo sa gitna. Ilang sandali pa ay nagsimula na kaming kumain.
“Where will be your honeymoon, Eric? Tamang-tama pala dahil sem break na ni Naya."
Tumingin si Enrico sa akin bago sumagot sa itinanong ng kaibigang abogado. Hindi nakaligtas sa pansin ko ang makahulugang ngiti ni Atty. Montelibano sa aking asawa.
“We haven’t talked about it. Iyas. I will have to ask my wife later.”
Ngumiti ako. Ang dami ko na agad naisip na pwede naming puntahan pero, bago iyon, kailangan ko munang makausap ulit si Ninong Marty. Baka kasi mamaya ay bigla siyang magpunta sa inalisan kong dorm at hanapin ako. Magdadahilan na lang din ako sa hindi pag-uwi sa Laguna this semestral break. Hindi kasi ako pinayagan ni Enrico.
Hindi nagtagal ay isa-isa na ring nagpaalam ang aming mga bisita. Inihatid namin sila hanggang sa pinto. Sa dining ay nagsimula na ring magligpit ng mga kasangkapan ang mga kasambahay. Tumulong sa kanila si Nay Thelma.
Tumingin ako kay Eric. “I…I’ll just go upstairs and take a shower. Medyo nabibigatan na kasi ako sa makeup ko. Uhm… ikaw? Hindi ka ba magpapalit ng damit?”
Ilang segundo muna niya akong pinagmasdan bago umiling. “Mamaya na ‘ko. Go ahead. I’ll be in in my study room. Magpahinga ka na rin. I know you’re tired.”
I feel a little bit disappointed with his answer pero, pinilit ko pa ring ngumiti sa kaniya. Tumango ako at umalis na upang umakyat sa kwarto.
Nag-shower ako at nagpalit ng bulaklaking bestida na hanggang tuhod. Tinuyo ko muna ang buhok ko bago lumabas ng kwarto.
“Miss Naya, nagbilin pala kanina si Senyorito Eric na hakutin ko raw po ang lahat ng damit at gamit n’yo sa kwarto niya.”
Napaawang ang mga labi ko sa sinabi ni Poleng. Sinalakay ang dibdib ko ng magkahalong excitement at kaba. “T-talaga? S-sinabi niya ‘yon?”
Tumawa si Poleng. “Ano naman ang nakakagulat doon, Miss Naya? Mag-asawa na kayo. Dapat lang na iisang kwarto na kayo ni Senyorito.”
Hindi ko napigilan ang mapangiti. Naisip ko na ang tungkol doon pero, hindi ko lang mabanggit kay Eric. Ayaw ko kasi siyang pangunahan. Kaya natutuwa talaga ako na naisip niyang pag-isahin na ang tulugan naming dalawa. Well, why not? This is our wedding night. Saan ba ako dapat matulog kundi sa tabi ng asawa ko?
“Uhm… s-sige. Ako na ang bahalang maglipat.”
“Miss Naya, hindi mo ‘yan kayang mag-isa.”
Umiling ako. “Kaya ko ‘to. Kaunti lang naman ang mga gamit ko. Ilalagay ko lahat sa maleta at saka ko hihilahin sa kwarto ni Eric.”
“Miss Naya, tutulungan na kita para mas mapabilis. Para pag-akyat ni Senyorito, tapos na tayong maglipat.”
Ngumiti ako. May point si Poleng. “Sige na nga. Halika, simulan na natin.”
Inilagay ko nga ang lahat ng damit ko sa malaking maleta. Ang ilang gamit ko ay sa kahon ko ipinaglalagay at siya kong binitbit habang sumusunod kay Poleng na hila ang aking mga maleta.
Iyon ang unang beses na nakapasok ako sa kwarto ni Eric. Kung malaki ang kwartong ginagamit ko, doble ang sa kaniya. Pero siempre, hindi ang sukat ng kwarto ang dahilan kaya excited akong lumipat doon.
Monochrome ang kabuuan ng silid. Puti at grey ang mga kulay ng dingding at kisame. Matitigas na uri ng kahoy ang mga furnitures gaya ng itim na coffee table at itim na side boards. Itim din ang dalawang mahahabang leatherette sofa. Grey ang carpet. Sa gitna ng kwarto ay ang Alaskan King Bed na may puti at grey na beddings. Dalawang glass pendant lights sa magkabilang gilid ng kama, puting chandelier sa itaas ng mga sofa at black and white stripes na mga kurtina na nakasabit sa malalaking glass windows. Sa tingin pa lang ay komportable na bukod pa sa ang bango-bango rin ng kwarto ni Eric.
Sinimulan namin ni Poleng ang paglalagay ng mga damit ko sa closet. May mga bakanteng space doon na marahil ay inilaan na ni Eric para sa mga damit ko. Dahil kaunti lang naman talaga ang ililipat na gamit ay natapos agad kami ni Poleng. Iniwan na rin niya ako pagkatapos.
Nakangiting nilibot ko ng tingin ang kwarto namin ni Eric. Binuksan ko pagkatapos ang pintuan sa verandah at tumayo roon. Doble rin ang sukat ng verandah ng master’s room.
Humihip ang panghapong hangin sa gawi ko at isinayaw noon ang laylayan ng aking buhok. Parang panaginip ang lahat. Ang bilis ng mga pangyayari. Kailan lang ay nagpupumilit ako sa sekretarya ni Eric na bigyan ako ng appointment dito pero, ngayon ay asawa ko na ang mailap na CEO.
Nadisturbo ang pag-iisip ko ng ringtone ng aking cellphone. Pumasok ako upang kunin ang cellphone na iniwan ko kanina sa ibabaw ng coffee table. Si Liza ang tumatawag. Dinampot ko iyon at agad na sinagot.
“Congratulations, Mrs. Laxamana!” bungad niya mula sa kabilang linya.
Napangiti ako. “Thank you, Liza. Salamat at naalala mo akong batiin. Pasensiya ka na ulit kung hindi kita na-invite. I’ll talk to Eric one of these days at sasabihin ko sa kaniya na alam mo ang tungkol sa amin.”
“Sure, Naya. But you know, it’s not really a problem. Naiintindihan naman kita. Saka kahit imbitahin mo ako, hindi rin siguro ako makakapunta dahil hindi ko pa maiwan sa ngayon si Mommy.”
Nalungkot ako nang banggitin niya ang tungkol sa Mommy niya. “I see. How’s Tita? I hope maging maayos na ang lahat between your parents.”
“She’s okay naman. Pero ‘yon nga, as much as possible, dito lang muna ako sa tabi niya lalo na ngayong sem break.”
“Tama ‘yan, Liza. Tutukan mo muna si Tita. Pero kapag may time ka, magkita tayo minsan. Magpapaalam lang ako sa asawa ko.”
Tumawa ito. “I can’t believe that you, an independent college student has turned into a submissive wife to your husband. Naya, napakaswerte na ni Eric sa’yo.”
Ngumiti ako. “Maswerte rin ako sa kaniya, Liza.”
“Of course!” sambit nito. “Anyway, I have to go, Naya. Tumawag lang ako para i-congratulate ka. I’m happy for you.”
“Thank you so much, best friend. Bye.” Maya-maya ay nawala na si Liza sa kabilang linya kaya pinatay ko na rin ang tawag.
Bumukas ang pinto ng kwarto. Nag-angat ako ng tingin sa pumasok na si Enrico. My heart drums when his eyes find me. Suot pa rin niya ang suot kanina sa kasal. Dapat yata ay ipinaghanda ko siya ng pamalit kanina bago siya umakyat?
Nakita kong hinilot ni Eric ang kaniyang batok bago mabagal na humakbang papunta sa akin. Ngumiti ako at hinintay siyang makalapit.
“Nailipat na ba ang lahat ng gamit mo?”
“Oo. Tapos na. Tinulungan ako ni Poleng.”
Natigilan siya sandali bago tumango. “Ah… nagtatanong si Nay Thelma kung anong gusto mo sa dinner.”
Bahagyang nagusot ang noo ko. “Dinner? Busog pa kasi ako, Eric. Kahit ano na lang siguro.”
Tumango siya. Akma siyang aalis nang hawakan ko siya sa kamay.
Napahinto si Eric. Nilingon niya ako at naaninag ko ang tensiyon na nakiraan sa mga mata niya.
Binawi niya ang kamay niya na hawak ko at ipinasok sa side pocket ng suot na pantalon. Nagusot ang noo ko.
“May… sasabihin ka ba? Kailangan ko ulit bumaba sa study.”
Tiningnan ko siya. Pagkatapos ay tumingin din ako sa suot niya. “Hindi ka ba magpapalit muna ng damit? Para lang mas komportable kang gumalaw.”
Natigilan siya. Niyuko niya ang kaniyang suot bago lumingon sa direksiyon ng walk-in closet.
“Ikukuha na kita ng bihisan mo,” prisinta ko at agad tumalikod.
“No.” Natigilan ako nang marinig si Eric. Nagtatakang humarap ako sa kaniya.
Nang tumingin siya sa akin ay naaninag ko na naman ang pagdaan ng tensiyon sa kaniyang mga mata. Tumikhim siya.
“It's okay, Naya. Ako na lang ang kukuha ng pamalit. Dito ka na lang muna para makapagbihis ako.” At pagkasabi noon ay tinalikuran na niya ako.