Enjoy reading!
HABANG nasa byahe ay nakatingin lang ako sa sinusundan naming puting van. Mabuti na lang at maaga kaming umalis sa resort. Dahil hindi pa masyadong traffic sa daan.
"Gusto mo bang makita ang bahay natin?" Biglang tanong niya na ikinagulat ko.
Hindi kaagad ako nakasagot sa tanong niya. Bakit ko naman gustong makita ang bahay niya? Wala na akong pakealam sa kung anong mayroon siya.
"May gusto ka bang bilhin? Nagugutom ka ba? Pwede tayong huminto saglit para makabili--"
"Kaya kong bumili ng pagkain ko. " Sagot ko na hindi nakatingin sa kanya.
"Gusto ko sanang ipaayos ang bahay niyo. Kaso tumanggi si mama Luisa. Papaaralin ko rin sana si Irish kaso ayaw rin nila," sabi niya.
"Huwag ka ng mangialam sa buhay namin, Aiden. Hindi namin kailangan ang tulong mo." Sagot ko. Nakita kong napahigpit ang hawak niya sa manibela.
Hindi na ulit siya nagsalita pa. Inabala ko ang sarili sa mga nakikita ko sa labas habang tumatakbo ang sinasakyan naming kotse.
Kung hindi ba ako sumama sa outing namin ay hindi ko ba siya makikita? Hindi ko alam kung nagsisisi ba ako na nagkita muli kami o magagalit dahil nakita ko ulit ang taong nanloko at ginamit lang ako?
Mahirap ng maniwala pa ulit. Hindi ko na kaya pang magtiwala ulit sa isang tao na minsan na akong niloko. Minsan na akong nasaktan. At ayaw ko ng maulit pa 'yon.
Pumasok kami sa isang malaking gate. Nauuna ang tatlong van habang kami ay pang-huli pa rin.
"We're here," napakurap ako at tiningnan ang isang malaking building. Ito na 'yon. Ito na 'yong matagal niya ng gusto na makuha mula sa mga magulang niya. Ang kompanya na matagal niya ng pinapangarap.
Agad kong tinanggal ang seatbelt at binuksan ang pinto ng kotse. Ganoon din ang ginawa ni Aiden.
Napatingin ako sa tatlong van na huminto rin. Bumaba roon ang mga sakay na mga kasamahan ko.
"Ma'am Anthonette!" Biglang sigaw ni Shiela pagkababa niya ng sasakyan.
Agad siyang lumapit sa 'kin.
"Kumusta? Nag enjoy ba kayo?" Bulong niya. Hindi ko siya pinansin.
Hinintay namin na makababa ang lahat sa van. Habang si ma'am Laina at si Aiden ay nag-uusap.
Tiningnan ko ulit ang malaking building na nasa harapan ko. Isa itong planta kung saan doon ginagawa ang mga body parts ng mga sasakyan.
Noon pa man ay gusto ng makuha ni Aiden ang kompanya na 'to sa mga magulang niya. At ang tanging hiling lamang sa kanya ay ang makapag asawa bago ito ibigay sa kanya.
Hindi ko akalain na ako ang gagamitin ni Aiden. Ang tanging alam ko lang noon ay mahal niya ako. Mahal niya ako kaya niya ako pinakasalan.
Hanggang ngayon ay masakit pa rin isipin.
Nagsimula na kaming maglakad papasok sa loob ng planta. Sa labas pa lang ay maririnig na ang ingay mula sa loob. Ingay na nagmumula sa mga naglalakihang machine.
Pagpasok sa loob ay mas lalong umingay. Parang nakakatakot lumapit sa mga naglalakihang machine na gumagawa ng mga body parts ng sasakyan.
Panay rin ang tingin ng mga tao na naroon.
"Grabe ma'am Anthonette, ganito pala ginagawa ang mga body parts ng sasakyan?" Mangha na sabi ni Shiela at lumapit ng kaunti sa isang machine.
"Excuse po, ma'am. Bawal po kayong lumapit sa mga machine," sabi ng isang lalaki na nakasunod sa amin.
Agad na lumayo si Shiela at parang natakot sa sinabi ng lalaki.
"Bakit po?" Tanong niya.
"Maaari po kayong maaksidente. Delikado po ang mga machine rito." Sagot ng lalaki. Kung ganoon ay nakakatakot pala talaga.
"Sorry po, kuya," sabi ni Shiela at naglakad na ulit.
Inilibot ko ang paningin sa loob ng planta. Mayroon pang second floor. Napatingin ako kay ma'am Laina at Aiden. May dumating na isang lalaki. Medyo matanda na 'yon. Nag-uusap silang tatlo at maya-maya pa ay umalis si Aiden. At naiwan na lang ay ang lalaki na kararating lang.
Siya ang nagpatuloy na nag-tour sa amin sa buong planta. Hindi ko naririnig ang pinag-uusapan nila kahit na pasigaw na 'yon.
Halos isang oras din ang tinagal namin sa pag-iikot. Pati ang mga opisina ay pinasok pa namin.
At ang huli naming pinuntahan ay ang canteen ng planta. Hindi masyadong kalakihan. Mayroong sampong lamesa na may anim na upuan.
Sabi ng namamahala ng canteen ay rito raw kami kakain ng umagahan. Agad na umupo ang mga kasamahan namin. Kaya ganoon din ang ginawa namin ni Shiela. Ilang sandali lang ay agad ng pinamahagi sa bawat lamesa ang mga pagkain.
Sa totoo lang, sobra-sobra na 'tong ginagawa ni Aiden. Hindi ba siya malulugi sa ginagawa niya? Lahat ay libre.
"May iba pa po ba kayong gustong kainin, ma'am?" Napatingin ako sa babae na nagdala ng mga pagkain sa lamesa namin. Sa 'kin siya nakatingin habang nagtatanong. Ako lang ba ang tatanungin niya?
"W-wala na, salamat." Sagot ko at ngumiti sa kanya. Agad naman siyang ngumiti at umalis.
Inilibot ko ang aking paningin sa loob ng canteen. Kami lang ang narito. Kumakain.
Napatingin ako sa kapapasok lang sa canteen. Isang babae na may katandaan na. Sa malayo pa lang ay kilala ko na kung sino 'yon. Ang mama ni Aiden. Si tita Maryen. Kasama niya ang lalaki kanina na sa tingin ko ay manager.
Agad akong kinabahan. Hindi pwede na makita ako ni tita Maryen dito. Ano na lang ang iisipin niya?
Yumuko ako ng kaunti para hindi makita ang mukha ko. Kausap niya ngayon si ma'am Laina. Mabuti na lang at hindi ko kasama sa iisang mesa ang principal.
"Ma'am, sino 'yon?" Bulong ni Shiela sa 'kin. Ang tinutukoy niya ay si tita Maryen na kausap ang principal namin.
Paano kung pupuntahan niya ang bawat lamesa? Paano na? Hindi pa ako handa na magkausap kami. At mas lalong hindi pwede na malaman ng lahat na narito na kilala ako ng mga Sarmiento.
"Ma'am, pupunta lang ako sa banyo," paalam ko at pasimpleng tumayo at mabilis na naglakad palabas ng canteen.
Hindi ko naman talaga alam kung saan ba ang banyo nila rito. Ang gusto ko lang naman ay makalayo roon. Para hindi ako makita ni tita Maryen.
Para akong batang naliligaw sa loob ng malaking building. Hindi ko na alam kung saan na ba ako. Kung nasaan ba ang exit? At kung nasaan nga ba ang banyo? Gusto kong bumalik na sa canteen pero baka naroon pa si tita Maryen. Hindi ko pa naman nabawasan ang pagkain na binigay sa amin. At medyo gutom na rin ako.
"Where are you going?" Napalingon ako nang marinig ang boses ni Aiden.
"N-nasaan ang banyo rito?" Pasigaw kong tanong sa kanya dahil sa ingay sa paligid.
Mas lalo pa siyang lumapit sa 'kin. Hindi ba niya narinig ang tanong ko?
"Saan dito ang banyo?" Sigaw ko ulit. Kumunot lang ang noo niya na para bang hindi niya maintindihan ang tanong ko. Damn it!
Nagulat ako nang inilapit niya ang mukha niya sa mukha ko. "Hindi kita marinig,"
Itinapat niya ang kanyang tainga para marinig niya ang sasabihin ko.
"Ang sabi ko, saan dito ang banyo!" Sigaw ko.
Hindi siya sumagot. Sa halip ay hinawakan niya ang kamay ko at hinila ako sa kung saan. Umakyat kami sa hagdan kaya unti-unting nawawala sa pandinig ko ang ingay na mula sa baba.
Saan niya ba ako dadalhin? Wala bang banyo sa baba? Paano 'yon? Aakyat pa ang mga tauhan niya rito sa second floor para umihi?
Inilibot ko ang aking paningin sa paligid. Mayroong mga pintuan na magkatapat. Agad akong huminto sa paglalakad kaya huminto rin siya at nilingon ako.
"Wala bang banyo sa baba?" Tanong ko.
"Para lang sa mga machine operator ang banyo sa baba. At halos lahat ng naroon ay mga lalaki," sagot niya.
Pero meron din namang mga babae na naroon. Saan sila umiihi?
"May mga babae din naman. Saan sila umiihi kung ganon?" Tanong ko.
"May sarili din silang banyo. Pero para rin sa kanika 'yon." Sagot niya.
"Doon na lang ako. Okay na sa 'kin 'yon." Sagot ko.
"No. Marumi ang banyo sa baba. Kaya halika ka na," sabi niya at hinila ulit ako. May nakakasalubong pa kami na sa tingin ko ay sa office nagtatrabaho.
Pumasok kami sa isang pinto. At tumambad sa 'kin ang isang malawak na opisina.
"Doon ang banyo ko." Sabi niya sabay turo sa isang pinto. Ibig sabihin ay opisina niya 'to.
Agad akong naglakad papunta sa pinto na itinuro niya. Pumasok ako roon. Hindi naman kalakihan ang banyo niya. Sakto lang.
Saglit lang ako sa loob ng banyo. Agad din naman akong lumabas. Kailangan ko ng makabalik sa canteen at baka hinahanap na ako roon.
Nakita ko si Aiden na nakaupo sa sofa. Nang makita niya ako ay napatingin siya sa 'kin.
"Thank you. Kailangan ko ng bumalik sa canteen." Paalam ko. Agad siyang tumayo at lumapit sa 'kin.
"Papunta na rito si mama. Sinabi ko na meron akong ipakikilala sa kanya." Nagulat ako sa sinabi niya. Kaya nga ako umalis sa canteen dahil sa mama niya.
"Kailangan ko ng bumalik sa canteen, Aiden." Taranta kong sabi ar akmang bubuksan na ang pinto nang may nauna ng nagbukas mula sa labas. At tumambad sa 'kin ang kanina ko pa iniiwasan. Si tita Maryen.
"Hija," halatang nagulat siya nang makita ako.
"G-good morning po," bati ko sa kanya. Nagulat ako nang niyakap niya ako.
"Kailan ka pa dumating?" Napakunot noo ako sa tanong niya. Dumating? Saan? Dito sa San Miguel?
"N-noong isang a-araw lang po," sagot ko at ngumiti sa kanya.
"God. Finally you're here. Namiss kita, hija. Ibig sabihin ba nito ay matutuloy na ang matagal ko ng pinapangarap na apo?" Nakangiti niyang sabi.
Napatingin ako kay Aiden. Naguguluhan na rin ako kung bakit ganito ang sinasabi ni tita Maryen sa 'kin.
"Just wait, ma. Kakauwi lang ng asawa ko rito sa San Miguel. Marami pa siyang ginagawa." Sagot ni Aiden.
"Ganon ba? Mabuti pa ay umupo muna tayo. Marami pa kayong ikukwento sa 'kin." Sabi ni tita at hinila ako para maupo sa sofa.
Masama kong tiningnan si Aiden na ngayon ay umupo sa tabi ko. Kailangan ko ng bumalik sa mga kasamahan ko.
"Hija, bakit hindi ka man lang nagpaalam sa 'kin na pupunta ka pa lang Amerika? Ang akala ko ay nakipag hiwalay ka na kay Aiden," tanong niya na ikinagulat ko. Ano ang sinabi ni Aiden sa mama niya?
Hindi niya sinabi ang totoong nangyari kung bakit ako lumayo. Amerika? Sinabi niyang pumunta ako ng Amerika.
"Ma, sinabi ko na sa 'yo noon hindi ba? Na biglaan ang pagpunta niya roon. Dahil nasasayangan siya sa scholarship na binigay sa kanya." Si Aiden ang sumagot.
Scholarship? Nagsinungaling siya kay tita Maryen. Bakit?
"I know, son. Pero kaya mo naman siyang paaralin. Binigay na namin ng papa mo ang kompanyang ito. Pero okay na rin dahil narito na ulit ang asawa mo." Nakangiting sabi ni tita Maryen.
"Masaya ako dahil bumalik ka na, hija. Sana ay magampanan mo na ang pagiging asawa mo sa anak ko. I need to go. Pumunta rin sana kayo sa bahay. Bye, hija." Paalam niya at humalik sa pisngi ko. Agad akong tumayo nang tumayo siya.
Pagkalabas ni tita Maryen ay agad kong tiningnan ng masama si Aiden.
"Bakit hindi mo sinabi ang totoo sa mama mo?" Tanong ko.
"Dahil babawiin nila sa 'kin ang kompanya," seryoso niyabg sagot. Sabi ko na nga ba. Kompanya lang ang gusto niya. Ginagamit niya lang ako.
"Bakit ayaw mong ipakilala si Meghan bilang bago mong asawa? Tutal ang gusto lang naman nila ay makapag-asawa ka." Pinipigilan kong hindi umiyak sa harap niya. Naiiyak ako sa galit.
"Baby--"
"Tapos na tayo, Aiden. Pirma mo na lang ang kulang para tuluyan na tayong maghiwalay bilang mag-asawa. Kung gusto mong manatili sa 'yo ang kompanya na 'to ay si Meghan ang gamitin mo. Huwag ako. Dahil ayoko na." Pagkatapos kong sabihin 'yon ay agad na akong lumabas ng opisina niya.
Bumaba ako ng hagdan at mabilis na naglakad papunta sa canteen. Nakita ko si Shiela na panay ang tingin sa paligid. At nang makita ako ay agad siyang lumapit sa 'kin.
"Saan ka galing? Ang tagal mo naman mag banyo." Bulong niya. Lumapit kami sa lamesa kung saan ako kanina nakaupo.
"Hinanap ko pa kasi ang banyo." Sagot ko. Naroon pa rin ang pagkain ko. Habang ang mga kasama ko sa lamesa ay ubos na na kanilang pagkain.
Parang nawala bigla ang gutom ko dahil sa nangyari. Nawalan na ako ng gana kumain.