Malakas na umaalingawngaw ang tawanan nilang magkakaibigan na sumasabay sa malakas na tugtog na sa himpapawid ay pumapailanlang sa loob ng nasabing bar. Nasa kay Giordano ang buong atensyon nila, mali nasa kanyang leeg na mayroong mga pantal na kulay pula. Sa dilim ng gabi ay nakuha pa nilang mapansin iyon ng mga mata ng kaibigang may sa mata ng lawin. Hindi man aminin ng binata sa mga ito kung ano ang nangyari doon, sa tawanan palang nila ay alam niya ng alam na alam na ng mga tropa kung ano ang ginawa niya para makakuha nito. Sa mga titig pa lang ng mga ito ay dama niya na ang mga kalokohang kanilang naiisip, sa tunog pa lang ng mga tawanan nitong nang-aalaska na sa kanya.
“Anong nangyari diyan?” tanong ni Zach na may ngising kakaiba sa kanya, “Umamin ka nga sa amin, Gior.”
“Kailangan pa bang tanungin iyan?” si Roch na pabirong binatukan ang katabi nitong si Zach, “Galing siya ng pugad, ano pa bang aasahan mo diyan?”
“Malinis ang budhi at walang bahid ng dungis?” dugtong ni Maximo sa litanya ni Roch.
“Ano bang sinasabi niyo diyan?” pa-inosenteng tanong ni Giordano sabay lagok sa baso ng kanyang alak, nag-iwas siya ng tingin nang tinitigan siyang muli ni Octavo bago ito umiling. Ibinaling niya ang mga mata sa dance floor na puno na ng halos ay mga kabataang lango na sa espirito ng alak, sumasayaw at nagpapadala sa malakas na tugtog at ingay. “Walang ganyanan mga bro.” natatawang sambit niya sabay tingin ulit sa kanila nang mapansin niya ang mga paninitig pa rin ng mga ito sa kanya, “Alam niyo na iyon.”
“Sabihin mo muna sa amin anong nangyari sa leeg mo,” si Maximo na nakisali na rin sa kalokohan ng iba, “Bakit parang may kumagat at nasarapan diyan sa balat mo sa leeg, leeg ba ng manok iyan?” sinundan niya pa iyon nang malakas na halakhak na animo nakikipagkumpetensya sa malakas na musika.
“Wala—”
“Anong wala? Gusto mo bang bilangin namin iyan at itanong sa eksperto?” si Pariston na seryoso.
Malakas silang nagtawanan sa tinuran nito, hindi nila alam na aabot pa sila sa eksperto nang dahil lang dito. Bagay na unti-unting ikinakapikon ni Giordano at ikinakangitngit niya ng loob. Pakiramdam niya ay parang ang lala at sama ng kasalanang kanyang nagawa sa likod nila. Alam niya na ganito na sila sa loob ng maraming taon, kaya lang minsan ay hindi niya maiwasang mapikon sa mga pinagsasabi ng kanyang mga tropa ukol sa mga ganitong bagay; na sa bandang huli ay pipiliin rin namang kalimutan na lang.
“Aminin mo na!” sigaw pa nila na nakaagaw na sa pansin ng ibang naroon, nasa table lang sila malapit sa dance floor at wala sa VIP room na madalas nilang gawin ng mga nakaraan nilang pagpunta sa mga bar. Napagkasunduan nila iyon ngayon na makihalubilo sa mga tao na parang isang normal lang rin sila na mga mamamayan. “Aminin mo na!” ilang beses pa nilang inulit iyon nang inulit na isigaw sa harapan niya.
Kaagad na namula ang mukha ni Giordano sa labis niyang hiya sa mga nakakarinig sa kanila. Vocal siya sa mga kaibigan pero minsan may mga pagkakataon na mahirap magsabi ng kanyang mga napagdaanan. Kaya sa halip na iparating sa mga ito ay minamabuti nalang niyang sarilinin ang mga bagay na iyon, at kapag solve na saka niya ito babanggitin sa kanila. Katwiran niya ay tapos na, nagawan na niya ng paraan agad. Hindi na nila kailangan pang mamroblema at isipin ang mga bagay na pagkukulang naman niya. Lumaki siyang hindi nakadepende sa kung kaninuman, kagaya ng kanyang kapatid ay mayroon din siyang sariling desisyon at paninindigan sa buhay. Madalas na hindi humihingi ng saloobin ng ibang tao pero marunong naman siya makinig ng mga payo at magtimbang ng mga ito. Ganun sila pinalaki ng mga magulang, may kaibigan man na pwedeng hingan ng advice sarili pa ‘ring desisyon niya sa huli ang lahat.
“Gusto niyo ba talagang malaman?” kwelang pagsakay niya sa mga kalokohan nila, nagtawag ng waiter si Maximo upang muling umu-order ng bote ng Whisky at Jack Daniel na naubos na nila sa kakaunting panahon pa lang ganun sila kalakas lumaklak ng alak. Hanggang tumawag na rin si Octavo ng isa pang waiter upang mag-order naman ng kanilang pulutan na kisap-mata lang rin na namamalagi sa kanilang lamesa. Sanay na sila doon, at wala iyong problema pagdating sa pera, katwiran nila nagtratrabaho sila upang sa huli ay mayroong gastusin na matatawag na pinaghirapan nila. Nang umalis ang waiter ay itinuloy ni Giordano ang kanyang naudlot na litanya kanina, “Love mark iyan mula sa aking kasintahan.”
Kaagad silang natigilan ng ilang minuto sa tinuran ni Giordano, ilang saglit pa ay malakas na naman silang bumubunghalit ng tawa sa naging kasagutan ni Giordano sa kanila. Naiiling nila itong tiningnan. Hindi inaasahan na papatusin nito ang kanilang pang-aalaska sa kanya. Saglit pa silang nagkatitigan.
“Pinaganda mo pa talaga ang tawag diyan,” hindi maawat sa pagtawa na turan ni Jason, hindi niya magawang inumin ang laman ng baso nang dahil dito, “Kissmark iyan, bro, kissmark!”
“Love mark iyan kasi puno ng pagmamahal,” pakli ni Roch na namumula na ang mukha nang dahil sa pagpipigil nito ng halakhak, “May haplos at kasamang pagmamahal kaya tanggapin niyo na lang ito.”
“Pinaganda niya lang—”
“At least siya vocal, hindi mo kagayang may ebidensya na puro tanggi ka pa.” pagputol dito ni Roch.
“Hoy ano iyan?” si Octavo na tiningnan nang masama ang dalawa, “Umayos kayong dalawa.”
Muli silang nagkatawanan.
“Hindi pa kayo sanay sa dalawang iyan?” si Pariston na gumagala ang paningin sa dance floor.
Hindi na nagsalita pa si Giordano na namumula na ang mukha sa hiya hindi man nila iyon nakikita. Mas lalo niyang piniling huwag magsalita nang pagtulungan na siyang gisahin ng anim sa sarili niyang mantika. Kung kanina ay kakampi niya pa si Roch, ngayon ay inaalaska na rin siya nito. Balimbing ang lalaki, naisip niyang naiiling. Wala siyang naging palag at hindi niya na tinangkang magdahilan pa sa kanila. Halos lahat naman ay nagigisa oras na malaman nilang galing saila sa pakikipagkita sa mga partner nila. Hindi na sila bata at understood na rin iyon sa kanila. Kung saan-saan pa dumako ang kanilang usapan, hanggang umabot iyon sa negosyong port na itatayo ni Roch at sa araw na kikitain niya ang investor nito sa Resort ni Giordano. Patuloy na lumalim ang gabi kasabay ng lalo pang pagdagsa ng mga tao sa loob ng bar, tumayo si Roch at Zach na nag-aya ng makihalubilo sa mga tao sa dance floor upang sumayaw at magpatanggal ng tama ng alak sa kanilang katawan. Umiling si Giordano, ayaw niya sa ideyang iyon kaya naman gaya ng dating gawi ng mga talipandas niyang kaibigan, naiwan siya sa kanilang table, kapiling angmga bote ar kaharap ang mga baso ng inumin nilang mga alak.
“Giordano, ayaw mo ba talang sumayaw?” naulinigan niyang sigaw ng mga kasamahan na nasa gitna na, automatic siyang lumingon at umiling sa tumwag sa kanya. Umiling siya nang matagpuang si Maximo ito.
“Ayaw ko, kayo nalang.” pagtanggi niya sa alok nito, may ibubuga naman siya sa pagsasayaw, ayaw niya lang talagang sumasayaw. Gawin niya man iyon, ilang beses lang at bilang pa sa mga daliri niya sa kamay. “Enjoy lang kayo diyan!” taas niya ng baso ng kanyang alak.
Kilala siya ng mga itong maarte, ayaw na ayaw niyang madikitan ng sinuman sa kanyang balat, kung kaya naman iwas siya sa nais ng mga ibang kaibigan. Masusuka lang rin siya kapag kakaiba ang amoy nito. Bagay na iniiwasan niyang mangyari tuwing magtutungo sila ng ganung klaseng lugar. May ilang mga babaeng lumapit sa kanya at nagtangkang makipagkilala, kung nangyari ito sa ibang kaibigan niya baka makipag-usap sila. Ngunit iba si Giordano namimili siya ng mga babaeng kakausapin at sasamahan, kung dati ay nagagawa niyang hindi mamili ngayon ay nagbago na iyon. Bukod sa mayroong na siyang fiancee, hindi na rin siya hayok o uhaw sa tinatawag nilang hilaw na laman. Kuntento na siya sa anong meron ito.
“Sorry, I am getting married soon.” pagtanggi niya hindi pa man siya inaaya sa dilim ng kausap.
Walang nagawa ang mga babae kung hindi ang iwan siya, ang ilan sa kanila ay kilala si Giordano dahil sa katauhan nito at kapag sinabi nitong ayaw niya ay wala na silang magagawa pa sa naging desisyon nito. Tumunog ang cellphone nito habang nagmumuni-muni siya at nakatingin sa mga sumasayaw na ilaw. Pangalan ng nobya ang lumabas doon, nakangiti niya iyong binasa at pinasahan pa ng ilang ulit na tingin.
Hon:
Goodnight Hon, enjoy your night in the city. Matutulog na ako, I love you and stay safe.
Tumayo si Giordano mula sa lamesa at nagpalinga-linga sa paligid, humahanap siya ng kaibigan na pwede niyang paalaman ng kanyang gagawing saglit na paglabas at saglit na pagtawag sa fiancee.
“Maximo!” sigaw niya na kaagad natabunan ng panibagong tugtog na pumalit sa natapos na. “Maximo!”
“Bakit Giordano?” sulpot ni Octavo sa kanyang likuran, halatang galing ito ng banyo nang dahil sa tumutulo pa nitong patak ng tubig sa kamay, nang lingunin niya ito ay malawak siyang ngumiti dito.
“Lalabas lang ako saglit, tatawag lang ako kay Chanel.” turo niya sa hawak niyang cellphone.
“Sige,” tugon ni Octavo na agad nakuha ang nais niyang mangyari, “Huwag mo kaming tatakasan!”
Pagak na tumawa si Giordano sa huling sinabi nito, isang tapik sa balikat ang kanyang ginawa sa kaibigan bago siya humakbang palabas ng maingay, madilim at puno ng mga taong umiinom sa bar na iyon. Sa parking lot ng kanyang sasakyan siya nagtungo, sumandal siya sa katawan nito habang tinatawagan ang numero ng kanyang fiancee. At habang ginagawa niya iyon ay lumilobot naman ang kanyang mga mata sa entrance at exit ng bar. Pinagmamasdan at kinikilala ang mga labas-pasok ditong mga tao.
“Hon?” pagal at inaantok na sagot ni Chanel sa kanyang tawag, “Tapos na ba kayong uminom?”
Kagat-labi at maliit na ngumiti sa kawalan si Giordano nang marinig ang boses ng kanyang fiancee.
“Hindi pa, bago pa lang kaming nagsisimula.”
“Aah, o sige. Enjoy ka lang diyan, matutulog na ako dahil maaga pa call time namin bukas.”
“O sige, after lunch ang sky diving ko sa Batangas.”
“O sige, tawagan mo nalang ako bukas at kapag hindi ako busy ay sasagutin ko.”
“Alright, sleep tight at mag-iingat ka bukas.”
“Oo, ikaw rin. I love you.” Anitong tunog naglalambing sa kanya ang tinig.
Muling ngumiti si Giordano sa kawalan, bahagya siyang tumingala sa langit na wala ni isang bituin. Nakakapanibago iyon sa kanyang mga mata, lumaki siya sa Zambales kung saan ito ay probinsya. Sanay siyang makakita ng mga bituin, buwan at sa sariwang hangin. Ganundin sa kanyang Resort, marami siyang natatanaw na bituin lalo na kung nasa rooftop siya ng kanyang magarbong tahanan doon.
“I love you too,” hugot niya at hinga nang malalim sa kakaiba at agarang pakiramdam ng pangungulila.
“Goodnight.” muling saad ni Chanel bago namatay ang tawag.
Hindi pa pumasok si Giordano ng bar at bumalik ng kanilang lamesa, nag-stay pa siya doon habang ilang beses niyang ini-scroll ang kanyang contacts. Pabalik-balik iyon sa numero at pangalan ng pamilya niya. Isang desisyon ang kanyang binuo habang nakasandal pa rin sa katawan ng kanyang sasakyang dinala.
“Giordano?” sagot ng kanyang kapatid pagkatapos nitong sagutin ang kanyang tawag.
“Kuya Hughes...” usal niya na hindi maitago ang pangungulila sa kanyang kapatid.
“Oh, napatawag ka? Nasa club ka ba sa mainland?” tanong nito dahila narinig na nito ang ingay sa paligid, “Kailan ka lumuwas? Nandito sa Zambales sina Mom and Dad, hindi ka nagsabi ng maaga.”
“Ayos lang Kuya, saglit lang rin naman ako dito at kanina ako dumating bago magtanghali.” tugon niya na inihaplos ang isang palad sa kanyang buhok na ginulo ng hangin, “Babalik rin ako kaagad sa Resort.”
“Kailan ka babalik doon?”
“Sa isang araw, patungo akong Batangas bukas para mag-sky diving.”
“Hindi mo pa rin talaga tinitigilan ang hobby na iyan?” tanong nitong naging seryoso na ang tinig, “Ilang beses na kitang binalaan ‘di ba, na delikado ang bagay na iyan. Paano kung maaksidente ka, Giordano?”
Pagak na tumawa si Giordano sa mga salitang binitawan ng kanyang nakakatanda at nag-iisang kapatid. Una pa lang ay tutol na ito sa kanyang pagtalon sa matayog na himpapawid. Para sa kanya ay purong kalokohan lang iyon at pagpapasikat na malakas siya at kaya niyang gawin ang lahat nang dahil dito. Ang hindi niya maintindihan ay iyong kakaiba at hindi maipaliwanag na pakiramdam kapag nasa himpapawid.
“Palagi naman akong nag-iingat,” bagkus na makipagtalo ay naisagot na lang nito, narinig niya ang malalim na paghinga ng kapatid, hindi na ito nagsalita pa. “Si Mom at Dad?” kapagdaka ay tanong niya.
“Wala dito, may pinuntahan silang salu-salo sa bayan.”
“Ah sige, paano Kuya babalik na ako sa mga kaibigan ko sa loob.” paalam niya na sa kapatid nang wala na itong masabi pa sa kanya, “Pakisabi nalang kay Mom at Dad bukas na tumawag ako sa’yo ngayon.”
“O sige, mag-iingat ka bukas sa lakad. Huwag magpakalasing para naman bukas ay may matino kang pag-iisip.” anitong sinundan ng malakas na pagtawa na bumulabog sa labis na tahimik nitong paligid.
Sinabayan ni Giordano ang malakas nitong pagtawa, wala na rin siyang maisip na sagot sa kapatid.
“Sige, tatandaan ko iyan.” mabilis na tugon niya sa kapatid, “Parang pangbababae mo lang rin naman iyan Kuya, hindi mo maiwasan at hindi kayang pigilan.” banat niyang lalo nilang ikinatawa nang malakas.
“Gago ka talaga Giordano!” palatak ng kanyang kapatid na lalo niya pang ikinabunghalit ng tawa.
Tuluyan nang namatay ang tawag ni Giordano sa kanyang kapatid. Ilang saglit pa ay humakbang na siya papasok sa loob ng bar na kanilang inuukupa. Halos mapapikit at mapailing ang binata nang madatnan niya ang table nila na mayroon ng mga hindi kilalang babae. Katabi ng kanyang mga kaibigan maliban kay Octavo at Maximo na kagaya niya ay naiiling lang din sa kalokohan ng iba niyang mga kaibigan.
“Ganyan talaga kapag wala pang commitment,” usal ni Giordano habang nauupo sa kanyang bangko.
Nagpatuloy sa pagtanda ang natutulog na gabi. Nakihalubilo pa siya sa mga kaibigan na nagkaroon na ng sariling mga mundo kasama ang mga babaeng nasa kandungan na nila. Panaka-naka ang sulyap niya sa walang imik na si Octavo, ganundin kay Maximo na halatang may mga bagay na tumatakbo sa kanilang nabla-blangkong mga isipan. Ilang beses siyang tumikhim upang ang agawin ang atensyon ng mga ito.
“Maaga akong pupunta sa hotel,” ilang minuto pa ang lumipas ay sambit niya. Sapat na iyong marinig ng mga kaibigan at ng mga babeng nakikisama sa kanilang lamesa na puno na ng mga boteng wala ng laman. Nilingon siya ng mga ito dahilan upang mapangisi siya sa kawalan, “Sa umaga ko na naisip na mag-sky diving, para sa hapon ay makabalik na ako at makasama ko sa gabi ang fiancee na aking mahal.”
“Gusto mo na namang sumisid bago ka umuwi sa Isla.” si Octavo, hindi iyon patanong kung hindi isang statement, “Wala ka bang sawa diyan? Hindi ka pa ba nauumay, Giordano?”
Sinamaan siya ng tingin ni Giordano, pabiro iyon pero ang kalahati ay halatang totoong emosyon niya.
“Ang mga ganong bagay ay hindi pinagsasawaan, hindi ba Zach?” natatawang tugon ni Giordano na tinanong pa ang isa sa kanila na pusikat na babaero, “Palibhasa matagal ka ng walang nadidiligan.”
Malakas silang nagtawanan nang dahil doon, hinagisan pa siya ni Octavo ng gamit ng tissue na tumama pa sa kanyang mukha. Kaagad na rumehistro sa kanyang mga mata ang labis na inis nang dahil sa ginawa nito. Walang imik siyang tumayo, dahilan iyon upang matahimik ang lamesa na kanilang inuukupa dito.
“Hoy, bakit naman sa mukha?” reaksyon ni Maximo na palipat-lipat sa kanilang dalawa ng mga mata.
“Oo nga, sensitibo iyan pagdating sa kalinisan.” si Pariston na naiiling sa reaksyon nila.
Umiling si Octavo, para sa kanya ay biro lang naman iyon. Lumagok siya ng alak, nararamdaman na niya ang tensyon na pumapagitan at bumabalot sa kanilang lamesa. Mabilis namang kausap si Giordano.
“Pasensiya na—”
“Ayos lang,” pagputol sa kanyang sasabihin ni Giordano, humugot ito ng wallet at kumuha doon ng isang card niya, “Kayo na muna ang bahala sa card na ito, pwede niyong limasin ang laman kung gusto niyo.” pagbibiro nitong tinapik pa ang isang balikat ni Octavo, napanganga naman ang mga kaibigan sa reaksyon nito, hindi sila sanay sa kabaitan ngayon ni Giordano. “Paano? Una na ako.” saludo pa nito.
Sinundan ng tingin ng mga kaibigan ang paglayo ni Giordano sa lamesa nila. Hindi pa rin makapaniwala sa reaksyong kanilang nakuha mula dito. Kung sa ibang araw, naghisterikal na ang takot sa germs nilang kaibigan at nagsisigaw na dahil sa galit. May panahon na naiintindihan nila ito, at may panahon na hindi.
“Hoy, bro anong nakain mo?!” sigaw ni Maximo sa kanyang paglayo.
“Mali, dapat ay anong natikman mo, Giordano?!” si Roch.
Tumigil sa paghakbang palayo ang binata at humarap sa kanila.
“Mga ungas!” bulalas niya sabay taas ng kaliwang middle finger sa kanila.
Umani iyon ng malakas na tawanan pa na sumabay sa panibagong tugtog na maingay sa lugar. Tuluyan na siyang tumalikod at lumabas sa naturang club. Wala namang magawa ang mga kaibigan sa gawi nito.