Kabanata 3

2008 Words
“SAAN kayo galing?” bungad ng ina ni Soledad na si Donya Juana. “Diyan lamang sa labas, Mama. Nanood kami ng rondalla at mga palaro sa bukid,” sagot ni Soledad. “Kumain na ba kayo ng tanghalian?” “Hindi pa po.” “Kumain na kayo at tumulong kayo sa pag-estima ng mga bisita ng inyong papa,” utos nito. “Oho.” Kasama ang kanyang nakakabatang kapatid na babae na si Dolores at ang pinsan na si Ising. Nagtungo sila sa kusina at doon kumain. “Kilala ba ninyo ang makisig na lalaking iyon?” tanong pa ni Soledad. “Sino doon?” tanong ni Ising. “Maraming simpatikong binata kanina doon sa palaro. Ang hirap tukuyin ng sinasabi mo,” sabi naman ni Dolores. “Iyong binatang nakahuli ng biik, si Badong!” Biglang sumimangot ang dalawa at umiling. “Kilalanin mo na ang lahat maliban doon,” sagot ni Dolores. “Kung ako sa’yo ay lalayo na ako ngayon pa lang kung ayaw mo na lumuha sa bandang huli,” segunda ni Ising. “Bakit naman?” nagtatakang tanong ni Soledad. “Kilala iyon si Badong dito sa San Fabian bilang Pabling. Halos lahat ng babae dito sa atin bayan, basta maganda ay siyang nililigawan. Pero kahit kailan ay walang sineryoso, sa huli ay palaging umuuwing luhuan ang mga pobreng dalaga.” “Siya nga ba?” hindi makapaniwalang sagot ni Soledad. “Totoo, ate. Kaya kung ako sa’yo, huwag mo na lamang siyang intindihin.” “Pero minsan ang mga babae na rin kasi mismo ang humahabol kay Badong,” sabi pa ni Ising. “Palibhasa’y simpatiko, guwapo at malakas ang dating sa mga kababaihan kaya’t hinahabol kahit saan.” “Mahirap ipagkaila ang katotohanan. Totoo naman napakakisig ng isang Bartolome Mondejar. Hindi lamang ‘yon, mabait, masipag, at matulungin pa,” sang-ayon ni Dolores. “Talaga? Ano ba ang trabaho niya?” “Sila ang may-ari ng isa sa pinakamalawak na palayan dito sa San Fabian. Bukod doon ay pumapasok din siya sa talyer sa bayan.” “Hindi na nakakapagtaka na maraming babae ang nahuhumaling sa kanya. Nakita ba ninyo ang kanyang katawan? Aba’y matipuno at halatang batak sa trabaho,” sabi pa ni Soledad sabay buntong-hininga. “Sandali nga, ikaw nga ay umamin sa akin. Huwag mong sabihin gusto mo rin siya, Dadang,” sabi ni Ising. Maang na napalingon si Soledad sa pinsan. “Hindi!” mabilis na tanggi niya. “Medyo nahihiwagaan lamang ako sa kanya dahil kanina ko pa naririnig ang ibang kababaihan na pinag-uusapan siya,” paliwanag pa ni Soledad. “Pero mag-iingat ka, Ate. Sa tono ng kanyang pananalita ay tila may gusto sa’yo si Badong. Nakita at narinig n’yo naman ang kanyang mga sinabi.” “Oo nga, kaya huwag kang magpapaloko sa kanya. Lumayo ka hangga’t maaga pa.” “Bukod riyan, nakalimutan n’yo ba? Ako ay may kasintahan na, si Arnulfo.” Bahagyang sumimangot si Ising. “Ano bang kasintahan ang pinagmamalaki mo? Kung talagang mahal ka ng lalaking iyon dapat ay narito na siya. Aba’y kahapon ka pa dumating pero hanggang ngayon kahit anino niya ay hindi man lang nakikita dito,” naiinis na sabi ng kaibigan. “Abala lang naman siya.” “Ate Dadang, sinasabi ko naman sa’yo eh, hiwalayan mo na ‘yan. Saka ilang beses ko nang nababalitaan na may ibang babae ‘yan dito sa San Fabian.” “Tama, kahit iyong mga kaibigan ko ay sinasabi rin na madalas nilang makita si Arnulfo na may kasamang ibang babae.” “Alam ko na nag-aalala lamang kayo sa akin. Ngunit ipanatag ninyo ang inyong kalooban sapagkat maayos naman kami. Madalas kaming nagsusulatan kapag nasa Maynila ako. Isa pa, pinagkasundo na kami ng mga magulang niya at nila mama at papa. Hindi niya maaaring baliin ang napag-usapan na,” sabi pa ni Soledad. “Mahal mo ba siya?” tanong pa ni Ising. Natigilan si Soledad at huminga ng malalim. “Mabait naman siya at pinapakisamahan ko ng mabuti. Magkasundo naman kami, kaya ayos na rin siguro iyon.” “Ay, hindi mo nga mahal,” sabi naman ni Dolores. “Ang mahalaga ay ang usapan ng papa at pamilya ni Arnulfo.” “Basta, huwag mong sabihin hindi ka namin binalaan kapag pinaiyak ka niya,” sabi pa ni Ising. Mayamaya ay dumating ang kanyang mga kaibigan na si Nena at Perla. “Dadang, dadalo pa kayo sa sayawan mamayang gabi?” tanong ni Perla. “Hindi ako sigurado, depende kung ako’y papayagan ng Papa at Mama,” sagot niya. “Sayang naman kung hindi, aba’y masaya doon. Iyon ang pinakahihintay ng lahat ng mga taga-San Fabian tuwing Kapistahan,” sabi pa nito. “Siya nga naman, Dadang. Isa pa, naroon ang mga binatang makikisig na tiyak ay susuyo sa’yo. At tiyak na darating doon ang kasintahan mo na si Arnulfo,” paliwanag pa ni Nena. “Sige, titignan ko kung papayagan ako mamaya.” “Gandahan mo ang bihis ha?” Ilang sandali pa ay dumating ang kanyang ama. Agad tumayo si Soledad at Dolores saka nagmano dito. “Mano ho, Papa,” sabi pa ni Soledad. “Papa, maaari po ba kaming pumunta sa sayawan mamayang gabi? Pihadong naroon ang mga kaibigan namin,” pagpapaalam ni Dolores. Nagdududa silang nilingon ng ama saka nag-alis ng suot na sombrero. “Baka naman kaya kayo pupunta ay dahil sa mga binatang naroon,” sabi pa nito. “Naku hindi ho!” mabilis na tanggi ni Soledad. “Sige, basta alas-otso uuwi na,” mahigpit na bilin nito. “Oho.” “Oh, kumpadre! Narito ka na pala, pasensiya na kung napaghintay kita. Kagagaling ko lamang sa bahay ng Alkalde,” baling nito sa bisita nilang kaibigan nito. Masayang bumalik sa hapag-kainan si Soledad at ang kapatid na si Dolores. “Oh, anong sabi?” pag-uusisa agad ni Ising. “Pumayag si Papa!” Impit silang nagtilian dahil sa tuwa. Matagal siyang namalagi sa Maynila dahil doon siya nag-aaral ng Kolehiyo. Marami siyang mga sandali at mga okasyon na nakaligtaan. Labis din siyang nangulila sa mga kaibigan na kaytagal na hindi nasilayan. Kaya habang bakasyon ay gustong ibuhos ni Soledad ang oras sa kanyang pamilya at mga kaibigan. MATAPOS maligo ay agad na nagbihis si Badong. Matapos magsuot ng pantalon ay dumungaw siya sa bintana at tumanaw sa malawak nilang bukirin. Nang umuwi na puno ng putik, agad niyang binigay sa ina ang napanalunan biik, bagay na labis nitong kinatuwa. Ayon pa sa ina ay aalagaan nitong mabuti ang biik at palalakihin at gagawin inahin. Nawala sa kanyang ina ang isipan nang mula doon sa puwesto ay natanaw niya ang malaking bahay ng mga Mariano. Ang bahay kung saan nakatira si Soledad. Bumuntong hininga siya kasabay ng pagbalik sa kanyang alaala ng magandang mukha nito. “Napakaganda,” mahinang usal niya. Iniisip pa lamang ang dalaga ay nagagawa na nitong pabilisin ang pintig ng kanyang puso. Hindi akalain ni Badong na mas maganda pa ang dalaga sa malapitan. Dahil doon ay tila ba lalo siyang nabighani dito. Lalong nahulog ang kanyang damdamin sa dalaga. Para bang nais niyang makita ito araw-araw. Iyon nga yata ang sinasabi nila na pag-ibig sa unang tingin. Alam ni Badong na marami na siyang babaeng niligawan. Marami na rin siyang naging nobya at hindi na magagawa pang itanggi na marami na rin babae ang lumuha dahil sa kanya. Ngunit sa lahat ng babaeng dumaan sa kanyang buhay. Ngayon lamang siya nakaramdam ng ganoon. Simula kahapon mula nang nakita ito ay hindi na siya natahimik pa. Hanggang sa gabi ay walang ibang laman ang kanyang isipan kung hindi si Soledad. Kaya pinangako ni Badong sa kanyang sarili na gagawin ang lahat mapalapit lamang siya sa babaeng unang bumihag sa kanyang puso. Mayamaya ay naputol ang kanyang pag-iisip nang marinig ang boses ng kanyang kaibigan na si Pedro. “Aling Selya, nariyan ho si Badong?” “Nasa loob at katatapos lang maligo.” Agad nagbihis ng pang-itaas si Badong at nagmamadaling pumanoog mula sa ikalawang palapag ng kanilang bahay. “Halika na, Badong! Pumunta tayo ng bayan! Naghihintay na si Abel at Marcing! Mamaya pa naman ang sayawan eh.” “Sige, sandali lang at may kukunin ako.” Nagmadali siyang pumunta sa likod bahay kung saan may mga tanim ang kanyang ina na mga iba’t ibang klase ng mga bulaklak. Pumitas siya ng labindalawang piraso ng mga bulaklak. Inaayos na lamang niya iyon nang biglang lumabas mula sa likod na pinto ang kanyang ina. “Badong!” malakas na sigaw ng ina. Mabilis siyang tumakbo palayo kaya naman hinabol siya ng ina hawak ang walis tingting. “Lintik ka! Kaya pala nauubos ang bulaklak ng mga pananim ko ikaw ang kumukuha!” galit na galit na sabi ng nanay niya. “Inay naman eh, para bulaklak lang. Tutubo rin naman ulit ‘yan!” “Ipamimigay mo na naman ‘yan sa mga babaeng pinopormahan mo! Halika dito at nang makita mo ang ibibigay ko sa’yo!” Mabilis na kumaripas ng takbo palabas ng bakuran si Badong nang habulin siya ng kanyang ina. “Bilisan mo Pedro! Andyan na si Inay!” tumatawang sabi ni Badong habang nagmamadali sa pagsakay ng bisikleta. Bago pa maabutan ng ina ay mabilis na silang nakalayo. “Ikaw talaga, ginalit mo na naman si Aling Selya!” “Kumuha lang naman ako ng bulaklak eh.” “Teka, para kanino ba ‘yan?” tanong pa nito. Bago pa masagot ni Badong ang tanong ng kaibigan ay namataan na niya ang isang pamilyar na mukha. “Ising! Hoy Ising!” tawag niya sa kakilala. Ang isa sa mga babaeng kasama ni Soledad kanina. Nang lumingon ito sa kanyang gawi ay sumimangot ito. Agad siyang lumapit sa babae. Mabilis na bumaba ang tingin nito sa bulaklak na kanyang hawak. “Parang alam ko na,” sabi nito. Inabot niya ang mga bulaklak dito. “Salamat,” sabi pa ni Ising saka sadyang pinapungay ang mga mata. Ngumisi si Badong. “Ay hindi para sa’yo ‘yan, para ‘yan kay Soledad. Baka naman puwede mong ibigay sa kanya para sa akin.” Tumaas ang kilay nito. “Aba’t inutusan mo pa ako! Saka mataas pa sikat ng araw ay nanliligaw ka na! Instik ka ba?” “Hindi pa naman ako nanliligaw. Gusto ko lamang ibigay sa kanya ‘yan dahil nasabi ko sa kanya kanina na bibigyan ko siya ng bulaklak sa halip na ‘yong biik.” Pinaningkitan siya ng mga mata ni Ising at direktang tinuro ng hintuturo nito sa mukha niya saka nagpameywang. “Hoy Badong, binabalaan kita ah. Huwag mong liligawan ang pinsan ko! Kilala kita! Alam ko na marami kang kasintahan!” Gulat ang bumakas sa kanyang mukha sa narinig mula dito. “Aba Ising, usap-usapan lamang ‘yan ng mga chismosa natin kapitbahay. Wala akong nobya!” mariin niyang tanggi. “Hindi ako naniniwala! Isa pa, may nobyo na si Soledad. Si Arnulfo. Iyong binatang anak ng may-ari ng pinakamalaking pamilihan diyan sa bayan!” Nakaramdam ng pagkadismaya si Badong. May munting pag-aalalang umahon sa kanyang damdamin. Ngunit hindi niya hinayaan ang sarili na mapaghinaan ng loob. “Eh ano, nobyo pa lang naman. Hindi pa naman asawa eh,” sa halip ay nakangising sagot niya. Sunod-sunod na pumalatak si Ising at umiling. “Talaga nga naman, itong si Bartolome.” “Manood ka, Ising. Liligawan ko si Soledad at mapapasagot ko siya. Mahirap kalabanin ang tunay na pag-ibig.” “Ikaw? Alam ang tunay na pag-ibig? Baliktad na ba ang ikot ng mundo ngayon?” panunudyo pa sa kanya nito. “Sandali lang, mamaya ba pupunta kayo sa sayawan?” pag-iiba na niya ng usapan. “Oo naman,” sagot ni Ising. “Mabuti kung ganoon. Basta ha, ibigay mo ‘yan sa kanya. Bukas ililibre kita ng meryenda!” sabi pa niya habang palayo sakay ng bisikleta. “Oo na, sige na!” Masaya ang bawat pedal ni Badong palayo sa bahay ng mga Mariano.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD