BAGO pa man pumutok ang liwanag ay abala na sa pagluluto ang mga kababaihan sa bawat tahanan para sa ihahanda sa bawat hapag-kainan. Bisperas pa lang ng Kapistahan ng San Fabian ngunit abala na ang buong bayan para sa selebrasyon kinabukasan. Ang mga tao sa kanilang bayan ay nasasabik na sa mga nakahandang palaro. Samantala ang mga kabinataan at kadalagahan ay nasasabik naman sa sayawan bukas ng gabi.
“Inay! Tignan ho ninyo itong nabili ko!” masaya at malapad ang ngiti pagpasok pa lang niya sa kanilang bakuran.
Agad lumabas ng bahay ang kanyang ina.
“Bisikleta?”
“Opo. Nang sa gayon ay mabilis akong makarating sa kung saan ako paroroon.”
“Aba’y magkano naman ang bili mo riyan?”
“Bente pesos lang ho!”
“Bente pesos? Ang mahal naman!”
“Mura na ho iyon inay, nangailangan lang ‘yong kasama ko sa talyer ng pera kaya binenta sa akin ito.”
“O siya sige, tutal naman ay may bisikleta ka na. Humayo ka doon sa palengke at ibili mo ako ng mga kulang ko pang sahog sa niluluto ko!”
Biglang napasimangot si Badong. “Inay naman, pusturang pustura na ako eh, papupuntahin n’yo ako sa palengke?!” reklamo niya.
“Eh ano naman ngayon? Mababawasan ba p*********i mo kapag namalengke ka?! Lintik na ‘to!” sermon sa kanya ng ina.
“Ang sabihin mo Kuya, nahihiya ka sa mga babaeng makakakita sa’yo! May balak ka na naman pumorma sa mga babae mamaya!” pambubuking sa kanya ng kapatid na Isagani.
“Hindi ah! Tumahimik ka nga riyan!” saway niya sa kapatid.
“Anak, aba’y alas-nuwebe pa lang ng umaga pero nakagayak ka nang pang-sayawan. Bukas pa ng alas-sais ng gabi ‘yon,” natatawang panunukso sa kanya ng ama.
“Ang itay naman oh,” sagot niya saka nahihiyang napakamot sa batok.
Dahil sa sinabi ng ama ay pinagtawanan din siya ng mga kapatid.
“Ikaw nga Bartolome, tigil-tigilan mo ang panloloko mo sa mga babae! Kapag ikaw ay napikot ewan ko na lang sa’yo,” sermon ulit sa kanya ng ina matapos sabihin ang mga pinapabili nito.
“Inay hindi naman ho ako nanloloko ng babae! Masama ho bang pahalagahan ko ang ganda ng mga kababaihan. Aba’y binibigyan ko lamang sila ng pabor, oh, nais nilang makuha ang pansin ko, binibigay ko lamang,” katwiran niya.
“Huuu! Hindi daw!” kontra ng kapatid niyang si Marciana.
“Pahalagahan… tignan ko lang kung hindi mo ikuskos ‘yang tumbong mo sa lupa kapag ang walis tingting ang lumagapak diyan!”
Namilog ang mga mata ni Badong saka mabilis na umatras.
“Inay naman oh, binata na ako namamalo pa rin kayo!”
“Hala sige na’t pumunta ka na sa palengke!”
“Oho.”
Nakasimangot at bagsak ang balikat na lumabas ng bakuran si Badong dala ang kanyang bisikleta. Sumakay siya roon at dahan-dahan pinaandar iyon.
“Badong!” tawag sa kanya ni Abel ang kanyang kababata at kapitbahay.
“Aba, Abelardo! Kailan ka pa nakabalik dito? Kumusta ang Maynila?”
“Ayos naman, kagabi lamang ako umuwi.”
“Binalita ng Nanay mo sa amin na permanente ka na daw dito? Hindi ka na babalik doon?”
“Oo, eh naisip ko mas mainam na dumito na lang ako at magtayo ng maliit na negosyo. Hinahanap-hanap ko ang buhay dito sa probinsya. Sandali nga, napansin ko parang mukhang biyernes santo ang mukha mo.”
“Nasermunan na naman ako nila inay tapos dumagdag pa ang mga kapatid ko at tinutukso ako.”
“Hoy! Badong! Abel!”
Kapwa sila napalingon at nakitang parating ang dalawa pa nilang kaibigan na sila Marcing at Pedro.
“O, saan ang tungo ninyo?”
“Diyan sa bayan, nautusan kami ng inay.”
“Ako rin, may kailangan bilhin sa palengke.”
“Sige Abel, mauna na kami.”
“Bukas daw ay maraming palaro, sumali tayo ha? Magaganda daw ang mga papremyo ah!”
“Oo sige!”
Paalis pa lang sila nang mapalingon sa isang magarang awto na pumasok sa malawak na bakuran ng malaking bahay ng Gobernador ng San Fabian na si Leonardo Mariano o mas kilala sa tawag na Don Leon.
“Bisperas pa lamang ng Piyesta ngunit panay ang dating ng mga bisita diyan sa bahay ni Gobernador,” sabi ni Abel.
“Siya nga?” sagot naman ni Pedro.
“Hindi iyon nakakagulat, tiyak na maraming kaibigan mayayaman ang nakikipiyesta sa kanila.”
“Ang balita ng inay ay may mga galing pa daw ng Maynila,” sabi naman ni Marcing.
Napahinto sila sa pag-uusap nang matanaw na bumukas ang pinto ng awto na
kapapasok lamang doon. Tila bumagal sa pag-usad ang mundo nang mula sa loob ay bumaba ang isang napakagandang binibini. Isang kagandahan na ngayon lamang nakita sa tanan ng kanyang buhay. Natulala si Badong at mabilis na tumibok ang kanyang puso nang masilayan ang kagandahan nito. Sa bawat paglipas ng sandali ay mas lalong dumadagundong sa lakas ang kanyang dibdib. Lalong nagwala ang kanyang damdamin nang sumilay ang ngiti sa labi nito na labis nagpatingkad sa ganda ng dalaga.
Tulala pa rin na bigla niyang hinablot ang damit ng kaibigan saka niyugyog ito.
“Abel… abel… sino ang magandang dalaga na iyon?” tulala pa rin na tanong ni Badong.
“Ano ba ‘yong kamiseta ko baka mapunit!” saway sa kanya.
“Sagutin mo muna ako, sino ang dalaga na ‘yon?”
“Naku… ‘yan ka na naman! Halika na! Baka makagalitan ka na naman ni Aling Selya!” sa halip ay sabad ni Pedro.
“Nakita ka na naman ng bagong popormahan mo, halika na!” yaya sa kanya ni Marcing saka halos itulak siya paalis.
Huminto siya sa paglalakad at muling humarap sa kaibigan.
“Pakiusap, sabihin n’yo sa akin kung sino ang dalagang iyon. Kung hindi ay hindi ako makakatulog mamayang gabi,” pagmamakaawa ni Badong.
Marahas na bumuntong-hininga si Pedro sabay iling.
“Anak ni Don Leon, ang Gobernador.”
“Teka, anong pangalan niya?”
Saglit na nag-isip si Marcing. “Hindi ko alam eh,” sagot nito.
“Ikaw, Pedro? Alam mo?”
“Hindi ko alam, nakalimutan ko na dahil hindi naman dito naninirahan iyang anak ni Don Leon. Ang alam ko’y sa Maynila iyan nag-aaral. At huwag mo nang tangkain na lapitan o ligawan dahil malilintikan ka talaga kay Gobernador,” sabi pa
ni Pedro.
Walang nagawa si Badong kung hindi ang umalis at iwan ang natatawang kaibigan nila. Habang sakay ng bisikleta at unti-unting papalayo ay hindi pa rin mawala sa kanyang isipan ang pinakamagandang babae na nakita sa tanan ng buhay niya.
ARAW ng kapistahan. Maaga pa lang ay marami na silang mga panauhin. Lalo lamang dumami ang mga nakikipiyesta sa kanila nang sumapit ang pananghalian. Ang kanyang mga kaibigan ay pumaroon na para kumain. Ang mga kamag-anak nila na naninirahan sa karatig probinsya ay dumayo sa San Fabian para mamyesta.
Sabay-sabay napalingon sila Badong maging ang mga kapatid at mga bisita nang marinig nila ang malakas na musika mula sa labas.
“Aba’t mukhang nagsisimula na ang rondalla, halina kayo’t manood tayo!” sabi ng kanyang ina.
Nagmamadali silang lumabas. Si Badong ay tumakbo pa palabas ng bahay. Doon sa gitna ng kanilang kalye nakapuwesto ang mga musikero na dala ang kanilang mga gitara, laud, octavina, mandolo, at bandurria. Nang magsimula ang mga itong tumugtog, nagsimula na rin ang mga mananayaw. Ang mga manonood ay sinabayan ng palakpak ang saliw ng musika mula sa rondalla. Ang ilan pang nanonood ay nakisayaw rin.
Natigilan si Badong nang muling masilayan ang babaeng nakita niyang dumating sa bahay ng Gobernador. Ang kagandahan nito ay kasing ganda at tingkad ng araw at mga bulaklak. Ang mga ngiti nito ay tila lalong nagbigay ng liwanag sa paligid. Hindi na naalis ni Badong ang tingin sa dalagang marikit nang makisayaw din ito. Pakiramdam niya ay nahuhulog ng mas malalim pa sa dagat ang kanyang damdamin habang lumilipas ang mga sandaling pinagmamasdan ito.
Hindi pa man tapos ang rondalla ay dumating ang kaibigan niyang si Abel na humahangos.
“Badong, mag-uumpisa na ang mga palaro sa bukid!” sabi ni Abel paglapit sa
kanila.
“Siya nga? Halina’t manood tayo, bilis!” mabilis na yaya ni Badong sa mga kaibigan. Habang tumatakbo palayo ay panay ang lingon sa misteryosang dalagang bumihag sa puso niya.
Pagdating sa bukid ay naabutan nila ang mga isang buko na kumikintab dahil sa langis. Ilang binata ang sumali sa palaro kasama na si Pedro at Abel. Tawanan, at sigawan ang narinig sa buong bukid habang nanonood sila sa larong agawan buko. Sumusunod sila sa mga kalahok kapag napapalayo ang mga ito kakahabol sa buko. Nagtatawanan silang dalawa ni Marcing kapag nadadapa at napapahiga sa lupa ang mga kalahok lalo na ang dalawa nilang kaibigan. Sa huli ay nanalo si Pedro at nag-uwi ng sampung piso bilang gantimpala.
“Ang daya naman nitong si Pedro eh, nasa kamay ko na inagaw pa,” reklamo ni Abel.
“Huwag kang mag-alala, hahatian naman kita sa gantimpala eh,” nakangiting sagot nito.
“Siya nga?”
“Oo!”
“Salamat! Isa ka ngang tunay na kaibigan!”
Natuon ang kanilang atensiyon sa lalaking namamahala ng palaro.
“Ang susunod naman natin palaro ay palosebo! Ang magwawagi ay may gantimpala na sampung piso at isang kaban na bigas. Sino ang nais na sumali?”
Halos sabay-sabay silang napalingon kay Marcing. “Hoy, ikaw sumali ka! Magaling ka umakyat sa puno ng buko eh!” pang-eenganyo ni Badong.
“Siya nga naman!” sang-ayon ni Abel.
“Sige, sayang din ang bigas,” pagpayag ni Marcing pagkatapos ay naghubad ng pang-itaas na damit.
“May sasali pa ba?” tanong ng namamahala.
“Ako ho!” malakas ang boses na prisinta ni Marcing sabay taas ng kamay.
“Oh, pumarito ka!”
Nang magsimula ang palosebo ay pinanood nila ang bawat kalahok, kipkip ang dalangin na sana’y manalo ang kaibigan. Sa limang sumali sa palaro, pangatlo si Marcing. Ang dalawang naunang sumubok ay bigo na makarating sa dulo ng kawayan.
“Galingan mo, Marcing!”
Bago umakyat ay siniguro ni Marcing na puno ng lupa ang kamay nito. May langis ang kawayan na aakyatin nito, dahilan para maging mas mahirap na akyatin ang kawayan at abutin ang pinakadulo niyon.
Nagsimula silang sumigaw at palakpakan si Marcing para lalong lumakas ang loob nito. Gayundin ang iba pang manonood. Naging mahirap para kay Marcing na umakyat dahil sa langis na nilagay sa kawayan. Sa tuwing dumudulas ito pababa ay muli nitong sinusubukan. Hanggang sa ilang sandali pa, sa kabila ng hirap sa pag-akyat. Sa wakas ay narating ni Marcing ang dulo at nakuha ang bandera na nakalagay doon.
Nagtalunan silang magkakaibigan nang makitang nagwagi ito. Pagbaba ay pinalakpakan ang mga ito ng nanonood. Tuwang-tuwa si Marcing nang iabot sa kanya ang gantimpala.
“Ang susunod naman natin palaro ay habulan ng biik! Sino ang gustong sumali?”
Natigilan si Badong nang lumingon sa kanya ang tatlong kaibigan.
“Oh, bakit?”
“Sumali ka na!”
“Ayoko nga, nakita ninyo na nakapostura ako eh!”
“Sige na, sumali ka na!”
“Ayoko sa—”
Wala sa kanyang plano na sumali sa mga palaro. Ngunit natigilan si Badong nang makita ang dalaga na bumihag sa kanyang damdamin. Tumikhim si Badong, sabay taas ng kamay habang hindi inaalis ang tingin sa magandang dalaga.
“Ako ho!” prisinta niya bagay na kinagulat ng mga kaibigan.
“Oh, ang akala ko ba ayaw mo?” gulat na tanong ni Abel.
Hindi sumagot si Badong. Sa halip ay patuloy lang siya nakatingin sa magandang dalaga na iyon.
“Kaya naman pala biglang nagbago ang isip ng ating kaibigan. Pihadong gusto lang na magpasikat sa bagong dalagang iyon,” tudyo ni Pedro.
“Ano ba ang pangalan ng dalaga na iyon?” tanong pa niya.
“Hindi rin ko alam eh, hindi ba’t matagal akong nanirahan sa Maynila basta ang alam ko lang anak siya ni Don Leon,” sagot ni Abel.
“Kaibigan, kung ako sayo ay kakalimutan ko na ang binabalak ko,” natatawang payo sa kanya ni Marcing.
“Hindi puwede, pakiramdam ko ay nabihag na niya ang aking puso.”
“Nabihag? Huwag mo nga kaming lokohin, kahit kailan ay hindi ka nagseryoso sa babae!” panunukso ni Pedro.
“Hindi ako nagbibiro! Totoo ang sinasabi ko!” giit niya saka muling lumingon sa dalaga.
Bumilis ang pintig ng puso ni Badong nang lumingon sa kanyang gawi ang dalagang kanina pa tinitignan at nagtama ang kanilang paningin. Nakita niya itong palihim na ngumiti saka bumawi ng tingin at lumingon sa mga kasamang babae. Lalong bumilis ang pintig ng puso ni Badong. Lalong nagliwanag ang paligid nang sumilay ang magandang ngiti nito sa labi.
“Badong, tinatawag na ‘yong mga kasali!” sabi sa kanya ni Marcing.
Doon niya inalis ang tingin sa dalaga.
“Pumarine ka,” sabi ng lalaki.
Agad siyang humakbang sa bakod kung saan puno ng putik at nasa loob ang isang biik. Pagkatapos ay naghubad siya ng pang-itaas. Habang naglalakad sa gitna ay nagsalubong ang tingin nilang dalawa ng dalaga. Nahuli niya itong nakasunod ng tingin sa kanya kaya lihim na ngumiti si Badong dito.
“Ang sino man makakahuli sa biik ay may pagkakataon na maiuwi ito at sampung piso bilang gantimpala.”
Nang magsimula ang palaro. Agad nakipaghabulan si Badong sa biik. Hindi alinatana kung nagkakabanggaan sila ng mga kalaban. Nariyan tatalunin niya ang biik ngunit makakatakbo ito. May mga pagkakataon naman na hawak na ito ng kalaban pero mabilis niya itong tatabigin kaya nabibitiwan nito ang biik. Determinado siyang manalo, hindi dahil sa biik at pera kung hindi gusto niyang makuha ang pansin ng dalaga.
“Badong, bilisan mo! Lundagin mo na!” narinig niyang sigaw ni Pedro.
Sinunod niya ang kaibigan, nang makalapit sa biik ay bigla niya itong nilundag kaya lalong naputikan ang katawan niya. Nagsigawan ang mga dalaga nang magtalsikan ang mga putik. Napatingala si Badong habang hawak ng maigi ang biik. Doon niya lang napagtanto na nasa harapan pala niya ang magandang dalaga na kahapon pa gumugulo sa kanyang isipan. Agad siyang ngumiti at pilit na bumangon saka humarap sa dalaga.
“Paumanhin binibini, tila yata at narumihan ang iyong magandang kasuotan,” sabi pa niya saka tinignan ang suot nitong baro’t saya.
“Huwag mo akong alalahanin, hindi naman ako narumihan.”
“Mabuti kung ganoon.”
“Binabati kita, ang galing mong humuli ng biik,” sabi pa nito.
“Maraming salamat. Ngunit may isa pa akong nais na hulihin eh,” sagot pa niya.
“Ano naman iyon?”
“Ang iyong puso.”
Natawanan at kinantiyawan sila ng mga naroon. Samantala ang babae ay napangiti lang at namula ang magkabilang pisngi.
“Hay naku, Badong! Umiral na naman ang pagkabolero mo! Tigilan mo nga si Soledad!” saway sa kanya ng isang may edad na babae.
“Soledad, napakagandang pangalan. Ako nga pala si Badong,” sabi pa niya.
“Kinagagalak kitang makilala Badong,” sagot nito.
“Gayundin ako.”
“Hoy Badong, hindi mo ba ibibigay kay Soledad itong biik?” tanong sa kanya ni Perla, ang kapitbahay nila at isa sa babae na kasama nito.
“Aba’y hindi, iuuwi ko ito sa aking inay,” mabilis na sagot niya.
Nakita niya ang biglang pagpalis ng ngiti ni Soledad na para bang nadismaya ito at napahiya. Tumikhim siya at patuloy lang na ngumiti sa dalaga.
“Hindi nababagay ang biik sa kanya. Dahil mas nais kong ibigay ay mga bulaklak na kasing tingkad ng kanyang ganda.”
“Hoy Badong, tama ka na! Umuwi na tayo!” saway sa kanya ng mga kaibigan.
“Nandito na ‘yong gantimpala mo!”
“Sige, mauuna na ako,” paalam niya sabay tingin muli kay Soledad.
“Hanggang sa muli, Soledad. Pinapangako ko na muli tayong magkikita,” sabi pa niya dito.
Isang matipid at nahihiyang ngiti ang sinagot nito sa kanya. Habang naglalakad ay hindi mapatid ang ngiti sa labi ni Badong.
“Soledad… Soledad… iyon pala ang kanyang pangalan, napakaganda,” bulong niya habang naglalakad.
Sa kanyang pag-uwi ay dala ang pag-asa na hindi iyon ang una’t huli nilang pagkikita ng dalagang Soledad ang pangalan.