Kabanata 4

2476 Words
“ISING, tignan mo ang aking kasuotan, bagay ba?” tanong ni Soledad. “Aba’y oo! Napakaganda mo,” nakangiting puri nito sa kanya. Huminga siya ng malalim at hindi nawawala ang mga ngiti sa labi na muling sinipat ang sariling repleksiyon sa salamin. Nang mga sandaling iyon ay naghahanda na silang mga kadalagahan sa pagpunta sa sayawan. Isang kulay pulang bestida ang na may disenyong mga bulaklak ang sinuot ni Soledad kaya naman mas lalong tumingkad ang maputing balat nito. Nakaayos ang kanyang buhok na nilagyan pa niya ng magandang pang-ipit na sa Maynila pa nabili at sandalyas sa mga paa. Manipis lang ang kolorete sa kanyang mukha. Ayon nga sa kanyang ina, hindi nababagay kay Soledad ang makapal na kolerete dahil mestiza na siya. Muling napangiti si Soledad nang pumasok sa kanyang isipan si Badong. “Tiyak na naroon siya sa sayawan mamaya, magugustuhan kaya niya itong bestida ko?” pagkausap pa niya sa sarili. Mayamaya ay bigla siyang natigilan nang mapansin na si Badong ang kanyang iniisip sa halip na ang nobyo na si Arnulfo. Mabilis niyang pinilig ang ulo at inayos ang takbo ng isip. Nang masiguro na maayos na ang kanyang itsura, umalis na siya sa tapat ng salamin. Ngunit natigilan nang makita ang mga magagandang bulaklak na nasa isang babasagin na plorera. Tila may kumiliti sa kanyang puso nang maalala kung kanino galing ang mga iyon, walang iba kung hindi kay Badong. Hindi pa niya nakakalimutan kung paano pumasok ang pinsan na si Ising sa kanyang silid dala ang mga ito. Unang tingin pa lang sa mga bulaklak ay para nang dyamante na nagningning ang kanyang mga mata. Alam niyang mali dahil may nobyo na siya ngunit hindi naiwasan ni Soledad na makaramdam na labis na tuwa nang sabihin ni Ising kung kanino galing ang mga iyon. “Ate, anong gagawin mo kapag naroon din mamaya sa sayawan si Arnulfo?” tanong sa kanya ni Dolores. “Ano pa ba ang aking gagawin? Wala! Saka tiyak na naroon din ang mga kaibigan niya.” “Eh paano kung lapitan ka ni Badong? Tiyak na naroon din siya.” “Lalapitan lang pala eh, wala akong nakikitang masama doon. Magpapasalamat ako sa mga bulaklak na bigay niya.” “Hindi kaya magselos si Arnulfo?” Umikot ang mata ni Ising at sumimangot. “Ang kapal ng kanyang mukha para magselos, gayong siya itong napapabalitang may ibang nobya na taga-kabilang bayan,” sabi pa ni Ising. Bumuntong-hininga si Dolores at lumapit sa kanya. “Talaga bang susundin mo ang nais nila papa na magpakasal kay Arnulfo? Alam natin na hindi mo siya mahal at pinagkasundo lang sa iyo.” Malungkot na ngumiti si Soledad. “Wala naman akong magagawa, ‘di ba? Hindi ko maaaring baliin ang gusto ng papa.” “Ang tanong eh, kaya mo ba talagang magpakasal sa lalaking hindi mo naman mahal?” tanong pa ni Ising. “Siya nga, ate. Bihira nga kayong magkita ni Arnulfo dahil nasa Maynila ka.” Pilit siyang ngumiti. “Minsan nama’y nagkikita kami sa Maynila sa tuwing lumuluwas siya.” Naputol ang pag-uusap nilang tatlo nang mula sa labas ng silid ay narinig ang marahan katok sa pinto. “Pasok,” sagot ni Soledad. Nang bumukas ang pinto ay dumungaw ang kanyang ina. “Soledad, nariyan si Arnulfo. Halina’t lumabas ka.” “Susunod na ho,” sagot ulit niya. Nang makalabas ang ina ay saka sila nagkatinginan. “Oh, iyan na nga siya,” bulong pa ni Ising. Tumikhim si Soledad pagkatapos ay saka hinanda ang sarili bago tuluyan lumabas. Nang pumunta sa sala ay naabutan niya doon ang kasintahan na kausap ang kanyang ama. Halos sabay na napalingon ang mga ito habang siya ay papalapit. “Oh, narito na pala si Soledad.” Agad nagliwanag ang mata ni Arnulfo nang makita siya. “Magandang gabi, Soledad.” Kimi na ngumiti siya sa binata. “Magandang gabi din naman sa’yo. Hindi mo nabanggit na susunduin mo ako.” “Naisip ko lamang na nais ko na ako ang unang makakita sa kagandahan mo bago pa mabighani ang ibang kalalakihan sa’yo,” sabi pa nito. Walang sigla o kahit anong reaksyon na tinignan lamang niya ito at hindi na sumagot pa. Mayamaya lang ang lumabas na rin si Dolores at Ising. Nang iumang nito ang braso, agad nakuha ni Soledad ang ibig nitong ipahiwatig. Humawak siya sa braso nito at sabay silang naglakad. “Kumusta ka na, mahal ko?” tanong nito habang titig na titig sa kanya. “Mabuti naman.” “Pasensiya ka na kung hindi ako agad nakapunta dito para dalawin ka. Nabalitaan ko ang iyong pagdating ngunit ako’y natali sa aking trabaho.” “Walang ano man ‘yon, naiintindihan ko.” Bahagyang nailang si Soledad nang mapansin na habang naglalakad ay hindi inaalis ni Arnulfo ang tingin sa kanya. “Mas makakabuti na tumingin ka sa iyong nilalakaran dahil baka ikaw ay madapa.” Natawa ito at umiling. “Pasensya ka na ngunit hindi ko lang mapigil ang aking sarili na busugin ang mga mata sa iyong kagandahan.” Isang ngiti lang ang sinagot doon ni Soledad. Kinapa niya ang sariling damdamin. Sa dami ng magagandang papuri sa kanya ni Arnulfo. Wala siyang maramdaman na ano man kasiyahan sa kanyang puso. At kung paano siya tignan nito ay pagka-ilang ang kanyang nararamdaman. Hindi siya komportable sa mga tingin na binibigay nito pakiramdam ni Soledad ay hinuhubaran siya ni Arnulfo sa isipan nito. Ilang sandali pa ay dumating na sila sa sayawan. Marami nang tao ang naroon at nagsasayawan. Maraming mga kabinataan at kadalagahan ang nagsasayaw na sa gitna. Hindi pa man din nagtatagal na naroon sila ay may ilang lalaki na ang lumapit kay Dolores at Ising at inaanyayahan ang dalawa na sumayaw. Nang makapili na ang dalawa ng makakapareha sa pagsayaw, lumingon pa sa kanya si Dolores. “Maiwan muna kita,” nakangiting sabi nito. “Sige,” sagot niya. Sa karamihan ng tao, kusang umikot ang kanyang paningin sa paligid na tila ba may hinahanap ang mga iyon. Napukaw lang ang kanyang pansin nang hawakan ng kasintahan ang kamay. Kasunod niyon ay pinatugtog ay isang mabagal na kanta. “Halina doon sa gitna at tayo’y sumayaw,” anyaya sa kanya ni Arnulfo. Hindi siya sumagot, sa halip ay ngumiti lang at tumayo nang hilahin nito. Nang makarating gitna, muling nakaramdam ng pagkailang si Soledad nang maramdam na humawak si Arnulfo sa kanyang beywang at bahagya siya nitong hinila palapit. Agad iniwas niya ang tingin nang tila sadyang nilapit ang mukha sa kanya. “Sadyang napakaganda mo, mahal ko,” sabi nito. Huminga ng malalim si Soledad at lakas-loob na sinalubong ang tingin nito. “Siya nga ba? Ngunit tila hindi pa rin sapat ang tinutukoy mong kagandahan ko para tumingin ka pa sa iba.” Kumunot ang noo nito at bahagyang nagulat saka natawa. “Hindi ko maintindihan ang sinasabi ko.” “Nakarating sa akin ang balita na may iba ka raw kasintahan na taga kabilang bayan.” Tumawa na naman ito. “Kalokohan, walang katotohanan ang mga iyon, Soledad. Wala akong ibang ginagawa kung hindi ang magtrabaho, nang sa ganoon ay mabigyan kita ng magandang buhay kapag tayo ay kinasal na,” mariin tangi nito. “Hmp, hindi ako naniniwala.” “Mahal ko, ikaw lang ang babae sa buhay ko. At hindi na ako makapaghintay na pakasalan ka,” sabi pa nito. Muli ay ngiti ang sinagot niya. Sa kabila ng mga sinabi nito, wala pa rin maramdaman na kakaibang saya sa puso si Soledad. Nang kabigin siya ni Arnulfo palapit at yumakap ito sa kanya ay hindi siya tumanggi pa. Hanggang sa dumako ang paningin sa isang lalaki na nakatingin din sa kanya sa mga sandaling iyon. Walang iba kung hindi si Badong. Kumabog ng malakas ang kanyang dibdib. Ang puso niya ay bumilis ang pintig na para bang sasabog iyon ano man oras. Kakaibang saya at pananabik ang kanyang naramdaman ngayon. Sa mga sandaling iyon ay may kasayaw din itong ibang babae. Ngunit ang mga tingin ay sa kanya napako. Ang mga tingin nito ay tila kayraming nais sabihin. Mga tingin na nangungusap at puno ng hindi mapangalanan emosyon. Nakaramdam siya ng lihim na pagseselos sa babaeng kasalukuyan nasa bisig nito. Gusto rin niyang maramdaman kung ano ang pakiramdam kapag nakulong sa yakap ng isang Bartolome Mondejar.  HINDI na inalis pa ni Badong ang tingin kay Soledad sa oras na dumating ito doon sa sayawan. Sa dami ng babaeng pilit na kinukuha ang kanyang pansin, sa dami ng magagandang dalaga doon. Nangunguna at walang kaparis ang kakaibang ganda ni Soledad. Ang nangungusap at kumikinang na magandang pares ng mga mata nitong tila nilulok sa isang mamahaling dyamante. Ang matangos nitong ilong at ang mapula nitong labi. Maputi ang balat nito at mestisahin bagay na namana nito ama nito na halong ibang lahi. Ayon sa kanyang ina ay Amerikano daw ang ama ni Donya Juana at ang ina nito’y Pilipino, habang purong Pilipino naman si Don Leon. Tama lang ang taas ni Soledad para sa kanya na abot hanggang baba niya. Isa pa sa napansin niya dito ay ang maganda at itim nitong buhok. Sa tuwing pinagmamasdan niya ang dalaga ay para siyang nakatingin sa isang anghel na bumaba mula sa langit. Ngunit nadurog ang kanyang puso nang makitang may kasama itong lalaki. Nabanggit na ng pinsan nito na may kasintahan na ito. Ngunit hindi akalain ni Badong na magkasama itong darating doon. Ang plano na lapitan si Soledad para makasayaw buong gabi ay hindi niya magawang isakatuparan. Nang makitang sumayaw ang dalawa, nagyaya si Badong ng isa sa mga babae doon pagkatapos ay sadyang pumwesto malapit kay Soledad at sa nobyo nito. At doon lihim niyang pinagmasdan ng malapitan ang ganda nito. Kaya laking tuwa ni Badong nang makita siya nito at gumanti ng tingin. Makalipas ng ilang sandali, nang matapos ang kanta ay bumalik na sa puwesto ang dalawa. Kaya gayundin ang ginawa ni Badong. “Uupo na tayo agad? Sayaw pa tayo!” dismayadong sabi ng babaeng nakalimutan na niya ang pangalan. “Ha? Ah… sige mamaya, magpapahinga muna ako,” pagdadahilan niya. Nang makabalik sa mga kaibigan ay tumingin ito sa kanya. “Paano mo malalapitan? Eh mukhang may nakabantay.” “Kukuha ako ng tyempo,” sagot ni Badong. “Paano?” Parang umaayon naman sa kanya ang pagkakataon nang lapitan ng mga kaibigan ang kasintahan ni Soledad. Mayamaya ay lumingon ito sa babae at may sinabi, pagkatapos ay umalis ito. Lumingon si Badong kay Ising na masayang nakikipagsayaw, hindi kalayuan mula sa kanilang puwesto. “Ising!” tawag niya dito. “Bakit?” Sumenyas siya na lumapit ito at sumunod naman ang babae. “Gumawa ka ng paraan, dalhin mo si Soledad sa gitna. Gusto ko siyang makausap,” sabi pa niya. “Sige, akong bahala,” sagot nito pagkatapos ay may nilapitan mga grupo ng kalalakihan. Ilang sandali pa nilapitan ng mga ito ang nobyo ni Soledad. Lihim siyang napangisi nang makitang naiwan mag-isa ang babae. Ngunit lalapitan pa lang ni Badong si Soledad nang biglang may humarang sa kanya na isang babae. Natigilan siya ay napakunot ang noo. Pilit na inaalala ang pangalan nito sa kanyang isipan. “Imelda!” kunwari’y masayang bungad niya dito. Ngunit sa halip na ngumiti ay nagsalubong ang kilay nito. “Anong Imelda?! Milagros ang pangalan ko!” galit na singhal nito sa kanya. Natikom niya ng mabilis ang bibig saka ngumisi mayamaya. “Ah tama, Milagros! Pasensya na Milagros! Masyado akong naging abala nitong mga nakalipas na araw kaya nawaglit sa isip ko ang pangalan mo,” pagdadahilan ni Badong. “Anong atin?” “Anong anong atin?! Nakalimutan mo na?! Nangako ka sa akin hindi ba? Sabi mo’y paroroon tayo sa kabilang bayan para mamasyal!” “Si… sinabi k-ko ‘yon? Ke-kelan?” nagkandautal na tanong niya. Nataranta si Badong ng biglang mangilid ang luha nito at nalukot ang mukha na tila ba iiyak na ito ano man sandali. “Sinasabi ko na nga ba’t kinalimutan mo na eh! Siguro may ibang babae ka na naman ano?!” Sasagot pa lang sana siya nang biglang mapalingon. Ganoon na lang ang panlalaki ng kanyang mga mata nang makita na palapit ang dalawa pang babae. Kung tama ang pagkakatanda niya, ang isa ay si Rosa, ang isa sa tindera sa karinderya sa bayan kung saan madalas siyang kumakain. At ang isa naman ay si Gloria… at hindi na maalala ni Badong kung saan nga ba sila nagkakilala nito. “Badong!” “Bartolome!” sabay na sigaw ng dalawa. Lalong nataranta ang binata at hindi alam kung saan pupunta. Nang tumingin sa kinauupuan kanina ni Soledad, mas lalo siyang nataranta nang makitang wala na ito doon. Mabilis siyang lumingon sa buong paligid at hinanap ng kanyang paningin ang dalaga. “Nasaan na ‘yon?” tanong pa niya. “Mabuti at narito ka, ang akala ko ba sabi mo’y kakain tayo sa labas noong nakaraan linggo?” tanong ni Rosa. “Ha?! Ah oo nga!” sagot lang ni Badong habang hinahanap pa rin si Soledad. “Badong, ang sabi mo sa akin ay sabay tayong pupunta dito sa sayawan?” Natigilan siya at napatingin sa tatlong babae sa kanyang harapan. “Mga binibini, paumanhin sa inyo, ngunit kailangan ko nang umalis dahil may hinahanap ako na kailangan makita agad.” Kumunot ang noo ni Rosa. “Anong hinahanap mo?” “Ah… ano…” utal na sagot niya habang pilit na naghahanap ng idadahilan sa babae. Napatingin siya sa isang sulok nang makitang may pusa roon. “Pusa!” bigla niyang bulalas. “Na… nawawala ang pusa ko! Kailangan ko hanapin!” sagot niya sabay ngisi. “Ano?!” “Sige ha? Rosalinda, Divina, Isadora! Maiwan ko na kayo!” sabi pa niya sa tatlo saka nagmamadaling tumalikod. “Sabi nang Milagros ang pangalan ko!” malakas na sigaw sa kanya nito. Hindi na lumingon pa si Badong saka mabilis na tumakbo palayo. Nang makita si Dolores ay hinila niya ito sa gilid. “Nasaan si Soledad?” tanong nito. “Hmp, kanina lang tatlong babae ‘yong kaharap mo ngayon ay kapatid ko naman ang hinahanap mo!” sa halip ay sagot nito. Huminga siya ng malalim. “Wala ‘yong tatlong ‘yon! Mas importante sa akin si Soledad, kaya nasaan na siya? Nais ko siyang makausap!” Nagkibit-balikat ito. “Ewan ko kung nasaan siya, kanina lamang ay nariyan lang siya,” sagot nito. “Si Soledad ba?” tanong ni Ising paglapit nito. “Nakita ko umalis kasama si Arnulfo, ‘yong kasintahan niya.” Hindi na sumagot pa si Badong at mabilis na lumabas ng sayawan. Hinanap niya ang dalaga. Bahala na kung magpang-abot sila ng nobyo nito. Basta hindi niya maaaring palagpasin ang gabing iyon nang hindi ito nakakausap.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD