"Hi, Jamaica! Ano iyan? Assignment mo?" masayang sabi ni Valentina nang lumapit siya sa dalaga.
Napatingin naman sa kaniya ang sampung taong gulang na si Jamaica. "Opo, ate Valen. Nga po pala, ganiyan po ba talaga ang boses ninyo?" tanong nito sa kaniya.
Mabilis namang tumango si Valentina. "Oo... ganito talaga ang boses ko. Bakit mo pala naitanong?"
"Magkaparehas po kayo ng boses ni mommy..." wika ni Jamaica sabay yuko.
Napansin ni Valentina ang biglang pagiging malungkot ng batang si Jamaica kaya naman mas nilapitan niya ito at hinaplos ang buhok. Tumingin naman sa kaniya ang batang ito.
"Na- miss bigla ang mommy mo?" tanong niya kay Jamaica.
Agad naman itong tumango. "Opo. Sobrang miss na miss ko na. Gusto ko na nga pong magkaroon ng mommy dahil hindi ko mapigilang mainggit sa kaklase ko na may mommy sila. Ang saya- saya nilang tingnan. Napapayuko na lang ako sa tabi. Sinabi ko nga po kay daddy na mag- asawa na siya ulit eh. Iyong katulad lang din ni mommy kaso ayaw naman po niya..."
"Hayaan mo muna si daddy mo. Syempre, mahal na mahal niya ang mommy mo kaya ayaw niya pang mag- asawa ulit. Kasi ang gusto niya, siya lang ang nasa puso niya. Pero huwag kang mag- alala, makakahanap din ang daddy mo ng babaeng mamahalin niya. At iyon ang magiging mommy mo. Bago mong mommy na mamahalin kayong dalawa ng daddy mo..." nakangiting sabi ni Valentina kay Jamaica.
Ngumiti na si Jamaica. "Sige po. Naintindihan ko na po. Hindi ko na po pipilitin si daddy. Pero hindi ko talaga maiiwasang malungkot. Pero ayos lang po dahil naniniwala ako na magkakaroon ulit ako ng bagong mommy!"
"Oo naman. Huwag mo lang madaliin si daddy. Ano, tapos ka na ba diyan sa assignment mo? Gusto mo bang tulungan kita?" wika ni Valentina sabay kuha ng notebook ni Jamaica.
Namilog ang mata ni Jamaica. "Talaga po? Super thank you po, ate Jamaica!" masayang sabi nito at ganadong nagsulat.
Hindi alam ng dalawa na nakikinig sa kanilang usapan si Simon na nakatago sa isang tabi. Bumuntong hininga siya dahil naaawa siya sa kaniyang anak na si Jamaica. Ramdam niya ang lungkot nito ngunit hindi naman niya matuturuan ang puso niya at mapipilit na magmahal kaagad. Pasimple niyang sinulyapan si Valentina na nakikipagtawanan at kulitan sa kaniyang anak. Hindi niya namalayan na nakangiti na pala siya habang tinitingnan sina Jamaica at Valentina.
Kinabukasan, sumama si Valentina sa eskwelahan ni Jamaica dahil ni- request iyon ng bata. Tuwang- tuwa si Jamaica at close na close na kaagad silang dalawa ni Valentina.
"Ate Valen... puwede po bang sumama ka ulit sa pagsundo sa akin? Please...." nakangusong sabi ni Jamaica.
Ngumiti naman si Valentina. "Okay sige. Pero kapag may gagawin ako, baka hindi ako makasama, ah?"
"Hala sige na! Iwanan niyo na po muna ang gawain ninyo. Ako na ang bahala magsabi kay daddy. Pero hindi naman po iyon magagalit kahit na hindi niyo muna tapusin ang gagawin ninyo eh. Please ate Valen... sumama ka po sa pagsundo sa akin dito mamaya, ha?" pagpupumilit ni Jamaica.
Natatawang tumango naman si Valentina dahil naisip niya na kung hindi niya pagbibigyan ito, baka magtampo naman ito sa kaniya at hindi na siya nito pansinin.
"Okay sige. Sasama na ako sa pagsundo sa iyo. Galingan mo sa klase, ha? Sige na... pumasok ka na sa room mo," malambing na sabi ni Valentina.
"Yehey! Salamat po ate Valen! Sige po gagalingan ko! Bye ate see you later!" kumakaway na sabi ni Jamaica bago ito pumasok sa kaniyang classroom.
Bumuntong hininga naman si Valentina bago naglakad na patungo sa sasakyan ni Simon na naghihintay sa kaniya kanina pa. Alanganin siyang napangiti nang magtama ang kanilang mga mata. Bigla siyang kinabahan na hindi niya alam kung bakit. Itinuon niya ang kaniyang mata sa kalsada nang paandarin na ni Simon ang sasakyan.
"Ahm... sir... gusto po ng anak niyong si Jamaica na sumama po ulit ako dito sa pagsundo sa kaniya. Ayos lang po ba iyon?" halos pabulong na sabi ni Valentina sabay tingin kay Simon.
"Okay sige. Walang problema..." sagot naman nito nang hindi tumitingin sa kaniya.
Ibinaling na lang muli ni Valentina ang tingin niya sa kalsada at hindi na umimik pang muli. Ewan niya ba pero hindi na niya alam ang sasabihin niya.
Mabait si sir Simon pero hindi ko maiwasang maramdaman sa kaniya na may pagkamasungit siya na ewan. Mabait na masungit? Ewan hindi ko na alam! Nauubusan ako o hindi ko alam ang sasabihin ko kapag magkalapit kami!
"Napansin ko ang pagiging close ninyong dalawa ng anak ko kahit na saglit ka pa lang na nagtatrabaho sa akin. Mukhang sanay na sanay kang mag- alaga ng bata?" wika ni Simon na hindi man lang tumitingin sa dalaga dahil nakatuon ang paningin niya sa kalsada.
Napatingin si Valentina kay Simon bago pinilit na natawa. "Ay opo. May kapatid po kasi ako na kailangan talagang alagaan kaya po sanay akong mag- alaga..." tanging nasabi niya sabay kagat labi.
Ano ba naman iyan! Hindi ko na alam kung paano ko pahahabain ang sasabihin ko!
"Oh I see. At nagustuhan ka naman kaagad ng anak ko dahil kaboses mo kasi ang mommy niya. Parehas na parehas. Kaya siguro naging close kayo kaagad dahil na- miss niya ang mommy niya."
"Ah... siguro nga po," ani Valentina na pinaglalaruan ang kaniyang daliri.
Naging tahimik na sa pagitan nilang dalawa hanggang sa makabalik sila sa bahay. Nakahinga naman nang maluwag si Valentina nang magsimula na siyang magtrabaho sa bahay. Hindi niya alam sa kaniyang sarili kung bakit siya kinakabahan o tila kinakapos ng hininga kapag nandiyan lang sa tabi si Simon. Siguro dahil naiisip niya na baka mainis ito sa kaniya kapag may mali siyang nagawa. At iyon naman ang iniiwasan ni Valentina dahil ayaw niya talagang nagkakamali.
Pagsapit ng tanghali, sumama muli si Valentina sa pagsundo kay Jamaica. Pero hindi na si Simon ang naghatid sa kaniya sa eskwelahan nito dahil naging busy na ito. Tuwang- tuwa naman ang batang si Jamaica nang makita niya si Valentina.
"Thank you po, ate Valen dahil sumama ka sa pagsundo sa akin!" masayang sabi nito nang makita siya.
"You're always welcome, baby. Halika na sa kotse. Para makauwi na rin tayo kaagad," aniya sabay hawak sa kamay ng bata.
PAGSAPIT NG GABI, HINDI NA NAMAN MAKATULOG SI VALENTINA KAYA NAMAN NAISIPAN NIYANG lumabas muli at magpahangin. Kumuha siya ng upuan at saka naupo sa malawak na garahe ng bahay ni Simon. Tumingala siya at pinagmasdan ang bilog na buwan. Sa isip niya, hinihiling niya na sana dumating ang araw na maiangat niya sa hirap ang kaniyang pamilya. Maiparanas man lang niya sa kaniyang ina ang kaginhawaan ng buhay bago ito mawala sa mundo.
"Hays... sana naman yumaman na ako soon! Ayoko namang mag- asawa ng ibang lahi na matandang mayaman! Hindi ko kaya!" sabi niya sa kaniyang sarili.
Sa isang tabi naman, nakatingin sa kaniya mula sa terrace ng kuwarto nito si Simon. Pinagmamasdan lang siya nito. Ang maganda niyang mukha.
Hindi ko alam ang nangyayari sa mga mata ko pero nagiging maganda yata ang babaeng ito sa paningin ko...
Mariing napapikit si Simon at naisipan na lang na mahiga na sa kaniyang kama at matulog. Ipinikit niya ang kaniyang mata upang makatulog na ngunit hindi niya magawa.
"Argh!" bulyaw niya sabay tayo.
Huminga siya nang malalim at muling sumilip sa baba. Nandoon pa rin ang dalagang si Valentina at nagmumuni- muni. Napapikit ng mariin si Simon bago naisipang bumaba upang puntahan ang dalaga. Ayaw niya ng isip niya na puntahan ito dahil hindi naman niya alam ang sasabihin niya dito. Ngunit nagulat na lang siya sa kaniyang sarili ng matagpuan niya ang saril niyang nasa likuran na pala ang dalaga.
Tumikhim siya kaya naman napatingin sa kaniya si Valentina at nagulat ito nang makita siya. "S- Sir? B- Bakit po?" kabadong tanong nito.
Napaawang naman si Simon at saka natawa ng pilit. "Ahm... hindi kasi ako makatulog pa... puwede bang maupo dito sa tabi mo?"
Napakurap ng ilang beses si Valentina dahil hindi niya inasahan iyon. "O- Opo s- sige po..." nauutal niyang sabi.
Hayop na puso ito! Wagas kung tumibok! Bakit ba ako nagkakaganito kapag nagkakalapit kami ni sir Simon?