"Ma, ang ganda naman pala sa lugar na ito!" masayang sabi ni Valentina nang makapasok siya sa kaniyang magiging kuwarto.
Tipid namang ngumiti ang kaniyang ina. "Oo, anak dahil mabait sa mga kasambahay niya si sir Simon. Hindi niya itinuturing na iba ang kaniyang mga kasambahay at tauhan. Mabait siya sa mabait. Kaya dapat magiging maayos ka sa lahat ng gagawin mo dito. Dapat tapat ka, anak. At alam ko namang ganoon ka dahil napalaki ko naman kayo ng tama."
Mabilis namang tumango si Valentina. "Opo naman mama. Tapat po tayo. Hinding- hindi po ako gagawa ng ikapapahamak natin dito. Hinding- hindi po ako mangingialam ng gamit na hindi sa akin."
Bumuntong hininga si Cristy at saka naupo sa kama ng kaniyang anak kung saan seryoso ang kaniyang mukha. May bahid naman ng pagtataka sa mukha ni Valentina kaya naman naupo siya sa tabi ng kaniyang ina.
"Mama? Ayos lang po ba kayo? Bakit bigla po yata kayong naging seryoso diyan? May problema po ba?" takang tanong ng dalaga sa kaniyang ina.
Diretso ang dalawang mata ni Cristy na tumingin sa anak bago niya ito hinawakan sa kamay. "Anak... mukhang kailangan ko ng magpahinga sa pagtatrabaho dahil matanda na rin ako. May sakit ako, anak. Nakaraang buwan ko pa nalaman. Sumasakit kasi ang tagiliran ko at nalaman ko na may tama na ang kidney ko. Sabi sa akin ay may bukol na doon na kailangang tanggalin. Kailangan akong operahan, anak...." naluluhang sabi ni Cristy sa kanyang anak.
Tila binuhusan ng malamig na tubig si Valentina sa inamin ng kaniyang ina. Kaagad niyang niyakap ng mahigpit ang kaniyang ina kasabay ng pagpatak ng kaniyang luha.
"P- Pasensya na po, mama kung nagtatarabaho ka pa kahit may sakit ka na at matanda na.... Hindi ko alam na may ganiyan ka na pa lang sakit. Ako na lang po muna ang magtatrabaho dito para makaipon ng pambayad mo sa ospital, mama..." lumuluhang sabi ni Valentina.
"Huwag ka ng umiyak pa, anak. Gagaling din ako kapag natanggal na ang bukol na ito sa akin. Kakausapin ko na lang si sir Simon tungkol dito... Huwag ka ng umiyak pa diyan dahil ganoon talaga ang nanay. Gagawin ang lahat para sa kaniyang anak na hangga't kaya pa ng katawan, kayod lang..." nakangiting sabi ng kaniyang ina.
Ipinaalam kaagad ni Valentina ang tungkol sa sakit ng kaniyang ina at nagulat naman si Simon nang malaman niya ito.
"Ako na po muna ang gagawa sa trabaho po ni mama. Kailangan niya lang po talagang maoperahan para po humaba pa ang buhay niya, sir..." naluluhang sabi niya sa biyudong si Simon.
Tumikhim ito. "Huwag kang mag- alala, sagot ko na ang lahat para sa mama mo. Naging mabuting kasambahay sa akin ang mama mo at matagal na rin siyang nanilbihan sa pamilya ko kaya ako na ang bahala sa kaniya. Basta ayusin mo lang ang trabaho mo dito at maging tapat ka lang sa akin, wala tayong magiging problema dito," wika ni Simon sa dalaga.
"Opo, sir... makakaasa po kayo. Gagawin ko po ng maayos ang trabaho ko. Maraming salamat po, sir..." maluha- luhang sabi ni Valentina.
Tuluyan na ngang umuwi sa kanilang bahay si Cristy upang ihanda ang kaniyang sarili para operation na magaganap sa kaniya. Taimtim namang nagdadasal si Valentina para sa kaligtasan ng kaniyang anak. Wala namang problema sa gastusin si Cristy dahil sinagot na ito ni Simon. Kaya naman ginagalingan ni Valentina sa kaniyang trabaho upang makabawi siya sa kabutihan ni Simon.
"Bago ka lang din ba dito?" tanong ni Angela kay Valentina.
"Oo... apat na araw pa lang akong nagtatrabaho dito. Nagkasakit na kasi si mama at kailangang operahan kaya ako na muna ang pumalit sa kaniya. Okay na rin ako dito dahil mabait ang amo natin at libre pa tayo sa lahat. Tapos may benefits pa kapag nagkasakit tayo," sabi naman ni Valentina na abala sa paghuhugas ng plato.
"Oo nga eh tapos ang guwapo pa! Hindi mo aakalaing nasa 40's na ang edad! Ako kahapon lang nagsimula dahil matanda na rin iyong pinalitan ko at umuwi na ng kanilang probinsya. Bale dalawa pala tayong bago dito. Iyong yaya naman ni Jamaica ay bata- bata pa naman ..." sabi naman ni Angela na naglalampaso sa kusina.
"Alam mo, naisip ko lang... paano kaya kung ako na lang ang naging asawa ni sir Simon? Kasi may napanuod akong romance drama na iyong babae, kasambahay siya tapos nahulog iyong amo niyang lalaki sa kaniya kasi maasikaso siya! Eh ganoon pa naman ako. At saka gusto ko talaga na matanda ang lalaki para talagang solid magmahal," tila nangangarap na sabi ni Angela.
Tumawa naman si Valentina. "Mahilig ka sigurong manuod ng mga romance movie o series 'no?"
Mabilis namang tumango si Angela. "Oo sobra! Iyon ang libangan ko kapag gabi na. Bago ako matulog nanunuod muna ako ng ganoon."
Ngumisi si Valentina. "Kaya naman pala ganiyan ka eh. Kakapanuod mo ng ganoon kaya akala mo naman mangyayari sa totoong buhay. Malabo iyan. Mga kathang isip lang naman ang mga pinalalabas na iyan. Kahit sa mga nobela, mga imahinasyon lang iyan ng manunulat," pangongontra ni Valentina.
Humaba naman ang nguso ni Angela. "Ewan ko sa iyo! Panira ka naman eh! Nangangarap na nga ako ng gising!" sabi niya sabay irap.
Malakas na natawa si Valentina. "Bahala ka nga diyan. Magtrabaho na tayo. Tama na ang chika," wika nito na pinupunasan na ang mga hinugasan niya.
PAGSAPIT NG GABI, HINDI PA NAKATULOG SI VALENTINA KAYA naisipan niya munang lumabas ng bahay ni Simon at maglakad- lakad. Dinama niya ang sariwang hangin na dumadampi sa kaniyang balat. Naisip niya bigla ang kaniyang ina kaya naman mariin siyang napapikit at napadasal saglit. Dinadasal niya na sana nasa maayos na kalagayan lamang ito.
Habang si Simon naman ay naisipang tumambay sa terrace mula s kaniyang kuwarto dahil hindi pa naman siya inaantok. Tulog na ang kaniyang anak sa kuwarto nito matapos niyang basahan oto ng mga fairy tales.
Napatingin siya sa ibaba kung saan nandoon ang dalagang si Valentina na palakad- lakad. Hanggang sa nagtungo ito sa mga halamanan kung saan maraming tanim na magagandang bulaklak sa palibot ng bahay ni Simon hanggang sa likod ng kaniyang bahay. Mahilig kasi sa bulaklak ang yumao niyang asawa. At ganoon din ang dalagang si Valentina. Kaya maraming paso na may taning na bulaklak sa kanilang bahay dahil binibili iyon ni Valentina at inaalagaan.
"Mahilig ka sa bulaklak?"
"Ay bwakanang kabayo!" malakas na sigaw ni Valentina dahil sa gulat.
Mahina namang natawa si Simon dahil nanlalaki ang mga mata ng dalaga at napatalon pa ito sa gulat.
"Grabe naman po kayo, sir! Basta- basta na lang kayo lumilitaw! Akala ko kung sinong nagsalita!" bulyaw ni Valentina sa lalaki habang nakahawak sa kaniyang dibdib.
"I'm sorry... hindi ko sinasadya..." sabi naman ni Simon.
Tumikhim naman si Valentina at saka inayos ang kaniyang buhok na bahagyang nagulo. "Opo... mahilig ako sa bulaklak kaya maraming bulaklak sa bahay namin na nakalagay sa paso. Nagagandahan kasi ako sa kanila. Kahit nga po panty at bra ko, bulaklakin..." walang prenong sabi nito.
Nanlaki naman ang mga mata ni Simon. "Ha?"
Ngumisi naman ang dalaga. "Wala po.. ang sabi ko mahilig po ako sa bulaklak. Kayo rin siguro 'no? Kasi ang daming bulaklak na talagang naggagandahan dito sa bahay niyo po eh."
Mabagal na tumango si Simon. "Oo nahilig na rin ako. Pero ang yumao ko talagang asawa ang mahilig diyan... Siya halos ang nagtanim ng iba diyan."
Napatango- tango naman si Valentina at tumahimik na ang pagitan nilang dalawa. Wala naman siyang maisip na sasabihin kay Simon at nakaramdam siya ng pagkailang dahil tinititigan siya nito.
"Ah... sir matutulog na po pala ako. Good night, sir!" paalam niya dito.
"Sige. Good night.." ani Simon bago tipid na ngumiti.
Humingang malalim si Simon habang nakasunod ang kaniyang mata sa dalaga. Hindi niya alam sa kaniyang sarili ngunit magaan ang loob niya sa dalaga. Na para bang may parte sa kaniya na gustong mapalapit dito.
At ito ang unang pagkakataon na gusto niyang mapalapit sa isa sa kaniyang kasambahay.