After 5 years....
"Para po!" Malakas na sigaw ni Issa nang nasa unahan na niya ang nightclub na pinagtatrabahuhan niya.
Oo, sa nightclub siya nagta-trabaho. Pero hindi siya roon dancer o p0kpok. Dishwasher lang siya, tagahugas ng mga pinagkainan at baso.
Ganoong mga klaseng trabaho lang ang napapasukan niya dahil grade 9 lang ang tinapos niya. Lihim din siyang nakipag-usap at humingi ng tulong noon sa kaibigan niyang si Marife para makuha ang records niya sa school at maipadala sa kanya. Atleast, nakakapagtrabaho pa rin siya ng maayos ayos.
Ilang araw din siyang nagpalaboy noon sa gilid ng kalsada. Naranasan niyang magkalkal ng basura para maghanap doon ng makakain niya kahit pantawid-gutom lang niya. Naranasan na rin niyang manlimos, at oo, minsan na rin siyang nagnakaw dahil sa sobrang gutom nang nakawin ang pera niya ng kung sinong batang palaboy-laboy ring kagaya niya.
Pero dahil sa mga naranasan niya ay lalong lumakas ang loob niya, lalo siyang naging matibay harapin ang buhay kahit mag-isa lang siya. Hindi na rin siya ulit nagnakaw pa bagkus ay naghanap siya ng marangal na paraan para kumita ng pera.
Nagkargador siya sa palengke, iyong mga kaya lang niyang buhatin. Minsan ay naging barker na rin siya sa paradahan ng mga jeep. Minsan ay tagabukas at sara ng pinto ng mga customer sa isang sikat na convenience store at buti na lang ay hindi naman siya itinaboy ng mga empleyado roon, kaya inaabutan na lang siya ng barya ng mga taong pinagbubuksan niya ng pinto.
Naranasan na rin niyang magkalakal, magshine ng sapatos ng mga dumaraang tao, magtinda ng payong at kung anu-ano pa.
Iyon ang mga unang naging karanasan niya nang mamuhay na siyang mag-isa.
Mabuti na lang at sinuwerteng nakakilala siya ng isang matandang babae, mag-isa na ito sa buhay at nakatira sa maliit na barong-barong pero kinupkop pa rin siya nito. Doon na siya lalong na-inspire sa buhay niya at mas umayos naman ang buhay niya hanggang sa mapasakamay na nga niya ang mga records na kailangan niya sa dati niyang iskwelahan.
Kaya lang, sa kasamaang palad ay namatay ang matandang kumupkop sa kanya matapos lang ang isang taong pagkupkop nito sa kanya.
At ngayon nga ay mag-isa na naman siya pero sanay na siya.
May mga kaibigan naman siya sa trabaho niya pero hindi siya masyadong nakikipaglapit sa mga ito.
Malapit na rin siyang mag-isang taon bilang diswasher sa nightclub na pinagtatrabahuhan niya at balak niya ay maghahanap na siya ng mas maayos at mas ligtas na trabaho kapag nag-isang taon na siya dahil kahit papaano ay nakaipon naman siya.
Ilang beses na rin kasing may nagtangkang mambastos sa kanya sa nightclub na iyon kahit madalas ay nasa kusina lang siya. Hinihikayat din siya ng Manager doon na magsayaw daw sa stage pero matigas siyang tumatanggi palagi. Alam kasi niyang ang mga nagsasayaw doon ay nagsusuot ng malalaswang damit tapos ay unti-unti iyong huhubarin sa harap ng mga customer ng bar. Magsasayaw ng malalaswang sayaw ang mga babae sa stage tapos ay magpapa-table sila sa customer... At pagkatapos noon ay alam na niya ang susunod.
Hinding-hindi na niya gagawin ulit iyong dati niyang ginawa, kahit virtual lang iyon. At lalong hinding-hindi niya iyon gagawin sa personal kasama ang kung sinu-sinong lalaki.
"Magandang gabi!" Tipid ang ngiting bati niya sa mga katrabaho niyang nadatnan niya sa kusina.
"Mas maganda ka pa sa gabi, Rissa." Nakangiti namang bati pabalik sa kanya ng isa sa mga cook doon, si Alvaro. Binata pa ito sa edad na 39.
"Ayan ka na naman sa banat mo kay Rissa, hindi yan bebenta, boy!" pang-aasar naman ni Manong Lando, isang ring cook, kay Alvaro.
Nasa mid 40s na ito at may asawa at dalawang anak daw. 'Daw' kasi ayon lang iyon kay Malena, dishwasher ding kagaya niya. Hindi nga kasi siya nakikipagkuwentuhan masyado sa mga katrabaho niya.
Ngumiti na lang siya ng tipid sa mga ito bago siya pumunta sa puwesto niya.
Sa araw-araw na ginawa ng Diyos mula nang maging dishwasher siya sa nightclub na iyon ay daang-daang mga baso at plato ang hinuhugasan niya gabi-gabi. Bukod pa doon ang mga kubyertos pati mga kaldero at kawali, isama pa ang mga tray. Pero ayos lang, nasanay na siya. Kaysa naman pumayag siyang babuyin ng kung sinu-sinong lalaki ang katawan niya.
Minsan ay naiisip niya rin na kumusta na kaya ang Nanay Alma niya? Nagbago na kaya ito? Tumigil na ba ito sa mga bisyo nito? Nagsisisi na ba ito sa mga ginawa nito? Hinahanap ba siya nito? Nag-aalala kaya ito sa kanya at mahal pa kaya siya nito?
Ni isa man sa mga tanong na iyon ay hindi niya alam ang sagot. Umalis na rin kasi ang pamilya ni Marife sa lugar nila kaya wala na talaga siyang balitang kahit ano sa Nanay niya.
Ang huling balita lang niya noon sa Nanay niya ay tuluyan na itong pinalayas ni Aling Cora at nakitira na lang ito sa kaibigan nito pero tuloy pa rin ang pagsusugal nito. Tsk.
Gaya ng dati ay nag-focus lang siya sa trabaho niya. Noong una ay ngalay na ngalay ang mga braso niya! Pero lumipas lang ang ilang araw na paghuhugas ng sandamakmak na hugasin ay nasanay na rin siya hanggang sa mabilis na niyang nagagawa ang trabaho niya at hindi na rin siya nakakabasag ng mga baso o plato.
Pagsapit ng alas dos ng madaling-araw ay natapos na sa wakas ang trabaho niya! Nag-ligpit na siya ng maayos at nagpaalam na sa mga katrabaho niya. Si Malena na ang bahalang maghugas ng iba at magligpit dahil huli itong pumapasok kaysa sa kanya kaya hanggang alas singko naman ng madaling araw ang pasok nito sa trabaho.
Paglabas niya ng kusina ay natanaw niyang marami pa ring mga customer sa loob. Tsk. Inuumaga pa nga yata roon ang iba.
Tumalikod na siya at tuluyan nang lumabas sa nightclub pero bigla naman siyang sinalubong ng dalawang lalaki. Halatang lasing na ang mga iyon habang nakatitig sa kanya ng malagkit at ang isa ay hinawakan pa ang kanang braso niya.
"Hija.. Uuwi ka na ba? Gusto mo samahan ka na namin?" anang isa sa dalawang lalaki na siguro ay nasa mid 50s na ang edad.
Ang tatanda na pero ang mamanyak pa!
Mabilis niyang hiniklas ang braso niya mula sa pagkakahawak ng lalaki at matapang niyang sinalubong ng tingin ang malagkit na tingin ng mga ito.
Ilang beses na siyang nakaranas ng tangkang pambabastos sa kanya kaya sanay na siya, may dala siyang pang-spray sa mata at pati na rin kutsilyo. Sanay na rin siyang makipagsuntukan dahil kinailangan niya iyong matutunan noong nagpapalaboy pa siya sa lansangan.
"Miss, wag ka nang magpakipot. Magkano ba ang gusto mo? Sabihin mo lang at ibibigay namin sa'yo." Anang isa at sabay pa ang mga itong ngumisi.
Napangiwi naman siya at lalo pa siyang nakaramdam ng pandidiri nang makitang bungi ang isa.
Tinangka pa siyang hawakan ng bunging matanda at handa na sana niyang iharap sa mga ito ang kutsilyong dala niya nang bigla ay may naramdaman siyang presensiya ng isang tao sa likod niya at nang mapatingin doon ang dalawang manyak na matanda ay biglang nag-iba ang disposisyon ng mga ito. Tila biglang naging maamong tupa ang mga ito at bahagyang nagsiyuko.
"Nanggugulo na naman ba kayo?" tanong ng isang baritonong boses.
Boses pa lang pero parang ang gwapo na at ang macho... Parang may kaboses din ito pero hindi niya maalala kung sino.
"H-Hindi po, boss, may itinanong lang kami kay miss. Di ba, miss? Sige miss ha, salamat ulit. Boss." Muling yumuko ang mga ito sa lalaking nasa likod niya bago nagmamadaling tumalikod sa kanya at naglakad na palayo.
Napabuntong-hininga na lang siya at napailing.
Kahit naman walang dumating para sitahin ang dalawang lalaking iyon ay kaya naman niyang ipagtanggol ang sarili niya kung sakali.
"May ginawa ba sila sa'yo, miss? Palagi na lang gumagawa ng gulo ang dalawang iyon kaya kung sakaling ulitin nila ang panggugulo sa'yo ay isumbong mo sila—"
Natigil sa pagsasalita ang lalaki at natitigilang napatitig sa kanya ng walang kakurap-kurap nang bigla siyang lumingon dito.
Alam niya kung sino ang may-ari ng naturang nightclub na pinagtatrabahuhan niya kaya siguradong hindi ang lalaking ito sa harap niya ang may-ari.
At tama pala ang naisip niya kanina, gwapo ito at halatang malaki ang katawan.
"Ok lang, sanay naman na ako sa mga kagaya nila." Aniya nang hindi nagbago ang pagkakatulala ng lalaki sa kanya kahit ilang segundo na ang nakalipas.
Oo alam niyang maganda siya, pero sana naman hindi ganito tumitig sa kanya ang lalaking kaharap niya na parang matutunaw na siya.
Yumuko na lang siya nang bahagya rito bilang pamamaalam at agad nang tumalikod dito pero natigilan siya nang pigilan nito ang braso niya bigla. Napatitig siya sa kamay nito at agad naman siya nitong binitiwan.
"Wait.. Ahmmm... Do you work here?" Mahina nitong tanong sa kanya.
Nakipagtitigan muna siya saglit dito bago siya mabagal na tumango. Wala naman sigurong masama na nalaman nito ang totoo, tsaka malapit narin naman siyang mag resign sa trabaho.
Inayos niya ang suot niyang sombrero at siniguradong matatakpan na niyo ng maayos ang mukha niya bago siya muling tumalikod dito.
Kung sinuman ito o kung kaanu-ano man nito ang may-ari ng nightclub ay wala na siyang pakialam.
At kahit halata sa hitsura nito na may kaya ito sa buhay ay hindi siya nakaramdam ng insecurity rito. Wala naman siyang atraso rito, at mukhang mabait naman ito dahil tinulungan pa siya nito na maitaboy ang dalawang manyak na lalaki kanina.
Ngunit hindi pa man siya nakakahakbang palayo rito ay muli nitong hinawakan ang braso niya at bahagyang hinila.
Muli tuloy siyang napatingin dito pero sa pagkakataong iyon ay kinunutan na niya ito ng noo. Muli ay binitiwan naman agad nito ang braso niya.
"I'm sorry... Can I get your name?"
Tinitigan lang niya ito hanggang sa dahan-dahan na ulit siyang tumalikod dito.
Kahit gaano man ito kagwapo ay hindi siya pabobola rito kung iyon man ang balak nito.