"Rissa, may nagpapabigay sa iyo!"
Taka siyang napalingon sa waitress dahil sa malakas nitong sigaw habang papasok sa kusina. Dumiretso ito sa washing area habang bitbit ang isang paper bag.
Kunot-noo naman niyang tinitigan ang paper bag bago niya ibinaling ang tingin sa mukha ng waitress na si Minda.
"Sa akin?" Taka niyang paninigurado. Bakit naman siya bibigyan ng kung ano ng kung sino?? Wala naman siyang mga matalik na kaibigan sa lugar na iyon.
"Oo nga! Sa iyo nga! Ayan, oh, nakasulat pa ang pangalan mo dito. To Rissa!" Basa pa nito sa maliit na card na kalakip ng paper bag.
"Pakilagay na lang muna diyan sa tabi." Tipid at walang excitement niyang pakisuyo kay Minda.
Kung sinuman ang nagbigay niyon sa kanya ay baka pinagti-tripan lang siya. O baka naman regalo na naman iyon mula sa isa sa mga nagpapahaging ng pagkagusto sa kanya. Kung ganoon ay may ku-komprontahin na naman siya mamaya. Ilang ulit na niyang sinabi na hindi siya nagpapaligaw at hindi siya magpapaligaw! Pero mukhang may makukulit pa rin talaga.
Nang matapos na ang oras ng trabaho niya at pauwi na siya ay nadaanan niya ang paper bag. Muntik pa niya iyong makalimutan!
Kinuha niya iyon at sinilip ang nakasulat sa card.
To: Rissa
Iyon lang naman ang nakasulat sa maliit na card, wala nang iba.
Binuksan niya ang paperbag at tumambad sa kanya ang isang maliit na box. Pero imbes na tingnan na kung ano ang laman niyon ay minabuti na lang niyang umuwi at doon na tingnan ang kung anumang laman ng box. Hula niya ay chocolate iyon. Iyon naman ang madalas na ibigay sa kanya ng mga nagtangkang manligaw sa kanya noon.
Pagkalabas niya sa club ay muntik pa niyang mabunggo ang isang lalaking bigla na lang sumulpot sa harap niya!
"Bwisit! Ano ba'ng trip mo at nanggugulat ka?!" Asik niya rito. Medyo madilim pa naman sa lugar na iyon dahil sa backdoor exit siya dumaan. Malaking bulto ang nasa harap niya pero hindi siya nakaramdam ng takot dito kundi pagkairita.
"Hi! I'm sorry if I shocked you. Pauwi ka na ba?"
Napakunot-noo siya dahil pamilyar ang boses ng lalaki sa pandinig niya. Sigurado siyang narinig na niya iyon!
"Sino ka ba? Kilala ba kita?" pormal niyang tanong dito. At least nagsorry naman ito sa kanya. Pero bakit ba kasi humarang ito sa kanya tapos nakatalikod pa ito sa ilaw? Di niya tuloy makita ng maayos ang mukha nito.
"Oh! I'm Theo! Theo Andrew Del Fierro." Maagap nitong pakilala sa kanya at umusog na rin ito ng bahagya sa tabi kung saan makikita na niya ng malinaw ang mukha nito. Inilahad din nito ang kamay para makipag-handshake sa kanya.
Bahagya siyang nagulat nang makilala ang lalaki at muntik pa siyang mapanganga! Ito iyong lalaking lumapit sa kanya nong gabing may dalawang lalaking muntik nang mambastos sa kanya!
Pero bakit ito nandoon at kinakausap siya? Nagpapapansin ba ito sa kanya??
Tinanguan na lang niya ang lalaki at lalampasan na sana ito nang muli itong nagsalita.
"Did you like it?" Tanong nito kaya taka siyang napalingon dito.
"Alin?"
"My gift. This..." anito sabay turo sa paper bag na hawak niya.
Huh! Sa lalaking iyon galing ang regalong iyon? Bakit at para saan naman kaya ang regalong iyon?
"Bakit mo naman ako binigyan nito? Tsaka di ko pa tinitingnan kung ano ang laman nito."
Hindi niya alam kung bakit nakaramdam siya ng kaunting simpatya sa lalaki nang tila may lungkot at disappointment siyang nabasa sa reaksiyon nito sa sinabi niya. Kaya imbes na ibalik rito ang ibinigay nito ay naisip niyang tanggapin na lang iyon. Wala naman siguro itong balak ligawan siya, 'di ba? Isang hamak na tagahugas lang siya samantalang ito ay halatang mayaman.
"Oh... really? It's just a friendly gift. I hope you'll like it." ngumiti ito at napansin niya ang lumabas na maliliit na biloy sa gilid ng mga labi nito.
Cute!
"Friendly gift? Gusto mong makipagkaibigan sa'kin? Bakit??" hindi niya mapigilang usisa. Ano naman ang mapapala nito sa kanya? Ano naman ang magagawa niya para rito kung sakaling maging magkaibigan nga sila? Mahirap lang siya. Isang kahig, isang tuka. Baka maging pabigat lang siya rito kung makikipagkaibigan ito sa kanya.
"Siguro dahil mukha kang mabait? That's how I see you... You look cold and tough but you have a good heart."
"Tss. Kung anu-ano ang sinasabi mo." Inirapan at nilampasan na niya ito pero humabol naman ito.
"Hey.... Is that a yes? You'll accept me as your friend?"
Humarang na naman ito sa harap niya habang may maluwang na ngiti. Lalo tuloy naging kapansin-pansin ang mga cute nitong biloy.
Inirapan na lang niya ito dahil muntik pa siyang mapangiti rito!
"Bahala ka nga sa buhay mo. Ang kulit mo. Wala ka namang mapapala sa pakikipagkaibigan mo sa akin kaya kung ako sa iyo ay hindi ko na sasayangin ang oras ko." mataray pa niyang saad bago ito muling nilampasan.
"It's fine! I want to become your friend not because I want to gain something from you. Gusto ko lang makipagkaibigan sa'yo." nakangiti na naman nitong banat habang humahabol sa kanya.
Papalayo na siya sa nightclub at papunta na sa paradahan ng tricycle pero nakasunod pa rin ito sa kanya kaya sinamaan niya ito ng tingin.
"Ihahatid na lang kita, friend, delikado nang umuwi sa ganitong oras—"
"Kapag hindi ka pa tumigil kakasunod at kakadaldal diyan ay bibigyan na kita ng black eye! Gusto mo?" Pananakot niya rito kaya bigla itong napatigil sa paghakbang.
"Hey... I'm just concerned–"
"Tss! Doon ka na bago pa kumulo ang dugo ko sa'yo." Aniya pero lihim na siyang napapangiti. Ang laki nitong lalaki at ang tangkad pero nagagawa niya itong takutin.
Pero agad din siyang sumeryoso nang maisip na hindi dapat siya makipaglapit dito. Baka kasi masanay siya sa presensiya nito sa buhay niya at hanap-hanapin na niya ang pagkakaroon ng kaibigan, ng karamay sa buhay. Mas gusto niyang wala siyang maramdaman para hindi siya masaktan.
Mabuti na lang at tuluyan na ngang tumigil sa paglalakad si Theo.
Gusto nitong makipagkaibigan sa kanya, huh! Tingnan lang niya kung matatagalan nito ang pagsusuplada niya!
Sumakay na siya sa tricycle at nagising naman ang driver na nakakatulog na sa paghihintay ng pasahero. Hindi na tataas sa lima ang mga tricycle na nandoon sa mga oras na iyon dahil alas dos na ng madaling araw. Mas mahal na rin ang pamasahe kapag ganoong oras.
Makalipas lang ang ilang minuto ay nakauwi na siya sa maliit niyang boarding house. Puwede nga niyang lakarin na lang kaso ay nangangalay na rin ang katawan niya at mas pinipili niyang sumakay para mas sigurado ang kaligtasan niya.
Bubuksan na sana niya ang pinto ng boarding house niya nang may natanaw siyang umiilaw-ilaw sa di kalayuan, sa may kalsada. Hindi na sana niya iyon papansinin pero parang nakita niya ang pagdaan ng isang kotse at parang nakita niya sa loob niyon... si Theo...?
Nagkibit-balikat na lang siya dahil baka namamalik-mata lang siya sa sobrang antok!
Pagkapasok niya sa boarding house niya ay napatingin siya sa hawak niyang paper bag, ang regalo galing kay Theo.
Inilabas niya ang maliit na kahong laman niyon at nang buksan niya ay tumambad sa kanya ang isang relo.
Huh?
Ito ang pinaka-unang beses na may nagbigay sa kanya ng hindi chocolate o bulaklak kundi gamit! Hindi lang gamit kundi mahalagang gamit!
Wala sa loob na napatingin siya sa suot niyang relo. Iyon lang ang aksesoryang suot niya dahil hindi naman siya mahilig sa mga pampagandang alahas. Mura lang ang bili niya sa relong iyon at hindi maipagkakailang luma na iyon at medyo sira na ang strap niyon.
Napansin kaya iyon noon ni Theo kaya niregaluhan siya nito ng regalo bilang pakikipagkaibigan sa kanya?
Pinagmasdan niya ang relo na ibinigay ni Theo. Simple lang iyon pero sigurado siyang mamahalin iyon base na rin sa tatak na nabasa niya sa box at naka-engrave sa mismong relo.
Tinanggal niya ang suot niyang relo at ipinalit ang relo na bigay ni Theo. Ang ganda! Waterproof pa!
Napangisi na lang siya. At least hindi chocolate ang natanggap niya at hindi nanliligaw si Theo sa kanya. Pero tingnan lang niya kung saan aabot ang pakikipagkaibigan nito sa kanya.