Chapter 1: Akilah Russo

1646 Words
1 Year Ago… MAGHAPONG NAGHINTAY SI Naarah kay Akilah sa parke na malapit sa kaniyang tinitirhan. Wala talagang dumating na Akilah. Ngayon ang napag-usapan nilang lumabas at mamasyal. Ngayon kasi ang ikatlong buwan nila ng nobyo. Ito rin sana ang kauna-unahang celebration nila ng monthsary. Mukhang nauwi na naman sa wala. Malungkot na hinayon niya ang sarili pabalik ng bahay nila. Ang bigat ng pakiramdam niya. Sunod-sunod ang kirot ng kan’yang dibdib. Pinaasa lang siya ng nobyo. Kung ayaw na nito sa kan’ya dapat sabihin nito ng maayos, hindi ‘yong ganitong pinagmumukha siyang tanga. Panay ang mura niya habang sinisipa ang madadaanang bato. Wala siyang dalang panyo kaya tanging kamay at damit ang pinangpupunas niya ng luha. Tatlong beses nang hindi siya sinipot ni Akilah. Ngayon parang gusto na niyang maniwala sa mga tsismis, mula sa mga kakalase na niloloko lang siya ni Akilah. Na hindi talaga siya mahal ng nobyo. Napangiti siya ng mapakla. Hinawakan niya ang mahabang pilat sa kan’yang kaliwang pisngi. Wala namang ibang rason para ayawan na siya ng nobyo. Iyon ay dahil sa mukha niyang may marka ng kalupitan ng ama niya. Siguro ay nahihiya itong kasama siya. Maganda naman siya, may pilat lang. Masyadong malupit ang mundo, may kaunting problema lang mukha mo, sabihin na pangit ka na. Bakit kasi hindi na lang sila tumingin sa kalooban ng tao? Siya nga pala si Naarah Fontana, labing siyam na taong gulang sa kasalukuyang taon. Anak siya ng isang tamad at lasingero, na ngayo'y nasa kulungan. Isang factory worker naman ang kan’yang ina. First year college siya noon ng tagain ng ama ang kaliwang pisngi niya. Inawat niya ito dahil sinasaktan na naman nito ang kawawang ina niya. Marami rin ang nakasaksi kaya naipakulong ng mga kapitbahay ang kan’yang ama. Siyempre, sa kagustuhan niya din. Palaging sinasaktan ng ama ang ina. At hindi niya gusto. Nasasaktan siya. Hindi rin niya alam ang pinaghuhugutan ng ama. Ang tanging sinasabi nito sa kaniya ay dahil daw sa ina kaya itinakwil ito ng totoong magulang nito. Wala siyang kinagisnang lolo at lola maging sa side ng ina niya. Wala din namang ikinuwento ang ina sa kan’ya. Ngayon nasa ikatlong taon na siya sa kolehiyo sa kursong Information Technology. Dalawang taon na lang ang kan’yang bubunuin para makapagtapos. Kakasimula pa lang ng pasukan pero parang pakiramdam niya ang bigat ng bungad sa kan’ya. Dahil siguro sa nobyo niya. Dahil kay Akilah. Nakakuha siya ng scholarship mula sa isang organisasyon noong grumaduate siya ng highschool. Kaya, miscellaneous lang ang ginagastos ng ina sa kan’ya. Pati na rin syempre ang pang-araw-araw na gastusin nila. Nasa ikatlong kanto pa lang siya nang makita ang ambulansiyang huminto sa pinakakanto. Malapit iyon sa tinitirhan nila. Kinabahan siya nang makita ang pamilyar na damit na suot ng nakahiga sa stretcher. Mabilis ang naging takbo niya papalapit sa ambulansya. Halos gumuho ang mundo niya nang makita ang ina na walang malay. Kasalukuyang nere-revive ito sa loob ng ambulansya. Pinasakay siya ng lalaki nang marinig ang kapitbahay nila na siya ang anak ng nasa loob ng ambulansya. Kung kanina ay marami siyang nailuha sa hindi pagsipot ni Akilah. Ngayon tulala na siya. Mukhang walang balak ang luha niya na lumabas. Pakiramdam niya ang bigat-bigat ng kalooban niya. Ang bigat-bigat pero parang may pumipigil sa mata niya na umiyak. Pakiramdam niya namanhid ang buong pagkatao niya. Wala siyang maramdaman. Nakatunghay lang siya sa ina hanggang sa makarating ng emergency room. Hindi rin niya maintindihan ang sinasabi nito. Basta nakatingin lang siya sa ina nang magsalita ito, hanggang sa bawian na ito ng buhay. Tumingin lang siya sa doktor nang inanunsiyo nito ang oras ng kamatayan ng ina. Kinapa niya ang dibdib. Wala siyang pakiramdam ng mga oras na ‘yon. Basta ang ginawa niya lang ay niyakap ito ng mahigpit hanggang sa kunin na ito para dalhin sa morgue. Saka lang bumuhos ang luha niya nang iuuwi sa kanilang tahanan ang inang nakasilid sa kabaong. Walang humpay ang iyak niya. Doon na lumabas lahat ng hinanakit niya sa mundo, maging sa itaas. Paano na siya ngayon? Paano na ang pag-aaral niya? Ika-apat na araw ng burol ng ina ng dumating ang buyer ng kanilang lupa at bahay. Wala na siyang nagawa dahil kailangan ng perang pambayad sa kabaong at sa pagpapalibing. Maging gastusin sa mga susunod na araw. Dalawang buwan ang ibinigay ng buyer sa kan’ya na palugit para makalipat siya ng bahay. Wala namang ibang kamag-anak ang ina, kaya inilibing din ito agad. Hindi rin dumalaw ang ama kahit na pinayagan ito ng city jail. Dahil siya na mismo ang nagbawal. Hindi niya kailangan ang presensya nito. Naghirap ang ina niya sa kamay nito ng ilang taon. Isang beses lang siya nitong sinaktan at nag-iiwan pa ng ebidensya sa mukha niya. Itinabi niya ang pera para iyon sa buong school year niya. Kung kakayanin pa niya, tatapusin niya ang isang taon pa na pag-aaral. NAPATIGIL siya sa paglalakad nang madaanan si Akilah Russo sa canteen, na may katabing magandang babae. Ngayon pa lang siya nakabalik mula sa isang linggong pagluluksa. Hindi niya alam ang pangalan ng bagong babae ng dating nobyo, pero sa mukha kilala niya ito. Criminology din ang kurso ng babae, base sa T-shirts na suot nito. Matagal na iyong nagpapansin kay Akilah pero siya ang niligawan nito. Noong una hindi siya makapaniwala na siya talaga ang nililigawan ng binata. Sinsero ito kaya napa-oo siya nito. At higit sa lahat crush niya din talaga si Akilah dahil sa angking kakisigan nito. Isa pa, mula sa mayamang pamilya ang binata. Samantalang siya, simpleng mamayan at scholar lang, na nakapasok sa sikat na unibersidad na ito sa Maynila. Tinapunan lang siya nito ng tingin saglit. Hindi na siya nagtaka na gano’n ang trato nito sa kan’ya. Masakit man na may kasama itong iba, wala na siyang magagawa. Kailangan niyang magpakatatag para sa sarili. Hindi lang ito ang lalaki sa mundo. Lalo na kung makapagtapos siya. Pangarap niyang maipaayos din ang mukha niya. Bumili lang siya ng biscuit at mineral saka nilisan ang lugar na ‘yon. Kinapa niya ang sariling damdamin na namimigat na naman. Sobrang hina niya sa ngayon, lalo pa’t kakalibing lang ng ina niya. Kapitbahay lamang ang kan’yang karamay ng mga oras na iyon. Ilang beses siyang nanalangin, na sana puntahan siya ni Akilah pero walang Akilah na dumating. Kaya ngayon kailangan na din niyang ibaon sa lupa ang pagmamahahal na inalay niya sa binata. Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan niya pagdating sa kanilang laboratory. IT Elective 3 lang naman na subject niya ngayon. Nasa first term pa rin sila. Lahat ng mga na-discuss naman noong nakaraang linggo ay nai-forward sa kan’ya ng kaklase at kaibigang si Mandy kaya malaki ang pasalamat niya dito. Mabilis na lumipas ang mga buwan. Pati gabi ay ginagawa niyang araw dahil sa pag-aaral. Kahit wala sa syllabus nila ay inaaral niya. Sa gabi siya nagbabasa ng mga libro, na hiram lamang sa library. Sa umaga naman ay laman siya ng laboratory nila para i-apply ang mga inaral. Lahat tungkol sa technology, from software to hardware. Ilang programming languages na rin ang alam niya, kaya tumutok na din siya sa cybersecurity dahil iba na ang impact ng internet sa buhay ng mga tao ngayon. Hindi lahat tinuturo sa eskwela kaya ang ginagawa niya ay self-taught. Sinasamantala niya ito dahil alam niyang hindi na siya makaka-enroll ng fourth year. May thesis pa sila no’n. Paubos na kasi ang perang naitabi niya. Wala namang ibang tutulong sa kan’ya. Oo, free tuition nga. Paano naman ang mga miscellaneous niya? Paano siya kakain? Makakapag-aral ba siya kung walang laman ang sikmura? Hindi siya mayaman. Wala ng tutulong sa kan’ya ngayon. Kaya kailangan niyang huminto pansamantala. Nakakalungkot man pero kailangang niyang tanggapin na hanggang dito na lang ang makakaya niya. Pero kung papalarin sa buhay, mag-aaral ulit siya. Last day ng second sem nila. Naipasa na din niya ang mga projects. Kasalukuyang hinihintay niya si Mandy sa corridor ng eskuwelahan. Ang bagal kasi kumilos nito. Gusto lang niyang makasama ang kaibigan kahit sa huling araw niya sa unibersidad. Hindi niya ipapaalam dito na hindi na siya mag-e-enrol. Malungkot na nakatanaw lang siya sa paa habang naghihintay sa kaibigan ng makarinig ng pamilyar na boses. “Arah,” Kahit hindi siya nag-angat ng tingin kilala niya ang boses na iyon. Hindi niya ito pinansin. Nag-angat lang siya ng paningin nang marinig ang boses ni Mandy. “Arah!” tawag ni Mandy sa kan’ya. Nang makita nito si Akilah ay hinila na siya nito. Alam na ng kaibigan ang nangyari sa kanilang dalawa ni Akilah. Narinig pa niyang tinawag siya ng dating nobyo pero hindi siya lumingon. Hanggang ngayon ay ramdam pa rin niya ang ginawa nito sa kan’ya. Ni hindi man lang siya dinalaw nito, o ‘di kaya’y nagpaliwanag man lang. Isa lang ang ibig sabihin wala naman talaga siya para dito. Nilibre niya lang ng fried noodles ang kaklase at kaibigan. Nagtaka pa ito dahil nitong mga nakaraan ay hindi naman siya nanlilibre gawa ng nagtitipid siya. May social media naman siyang ginagamit kaya hindi naman siya nalulungkot. Lagi naman itong naka-online kaya, icha-chat na lang niya kapag nagkaload ng data kung bakit hindi na siya papasok. Malungkot na kinawayan niya ang kaibigan nang maghiwalay sila. Naglakad lang siya hanggang makarating ng barangay nila. Sanay na siyang maglakad mula school nila hanggang bahay. Ginagawa niya rin iyon para makatipid. Napatigil siya sa paglalakad nang makita ang sasakyan ni Akilah sa tapat ng bahay nila. Nakasandal ang binata sa sasakyan nito. Hindi pa siya nakalipat ng bahay dahil pumayag ang napagbentahan niya sa pakiusap na tapusin ang buong school year. May naitabi naman siyang pambayad sa upa para sa tatlong buwan kung sakaling kailangan na niyang lumipat. Tatalikod sana siya nang biglang tumingin sa direksyon niya ang binata. Wala na siyang nagawa kundi naglakad palapit sa bahay nila.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD