HINDI PA MAN nakakaliko si Naarah sa palabas ng huling eskinita nang makita ang mga taong nagkakagulo.
"May mga baril!" dinig niyang sabi ng ilan.
Bigla siyang kinabahan sa narinig.
Imbes na tumuloy sa daanang iyon, umatras siya pabalik para maghanap ng matataguan pansamantala. Malayo naman na siya sa bahay nila Efren pero ‘yon lang ang daanan kasi palabas.
Kung hindi siya nagkakamali, siya at si Efren ang hinahanap ng mga ito.
Kung gano’n kabilis ang pag-locate at pagdating ng mga ito, ibig sabihin, talagang hindi biro ang organisasyong nabanggit ni Efren. Gulo ang pinasok nilang dalawa. May pera ka nga, hindi ka naman makakapamuhay ng maayos. Buti na lang, tinamad siya magtinda ngayon, ‘di sana nasayang ang mga pinamili niyang mga paninda kung iiwanan lang naman pala niya.
Ito na nga ba ang sinasabi niya kay Efren. Kung alam lang niyang makikialam ito sa mga gamit niya, 'di sana, umalis na siya sa lugar na iyon. Hindi lang niya kayang itapon ang laptop dahil may mga project pa siyang naka-save doon. Kialangan niya munang kunin ang mga file bago iyon idispatsa.
Alam niyang may itinanim ang mga ito sa computer niya. Hindi niya alam kung kailan pa. Pero baka nang araw na ‘yon din.
Lakad-takbong sumuot siya sa eskinitang nakita. Hindi na siya kilala doon dahil medyo malayo na sa kanila. Wala namang nakakaalam kung ano ang background niya, si Efren lang at ang kapatid nito na dati niyang kaklase.
Hingal na hingal siya nang makarating sa isang bahay na abandonado. Halatang inabandona na, kasi sobrang dumi. Sa kapal ba naman ng alikabok. May mga dahon-dahon din. Kahit ang bintana gano’n din.
Lumapit siya sa pintuan para itulak. Laking pasalamat niya dahil bumukas. Kaagad na pumasok siya at inilapag ang bag.
Bigla niyang na-ilock sa loob nang makarinig ng mga boses. Ilang sandali pa lang siya noon. Maingay din ang mga yabag. Mukhang papalapit sa bahay na kinaroroonan niya.
Sumandal siya sa pintuan at pinakiramdaman ang labas. Sumilip din siya sa bintana kapagkuwan. May mga baril nga na mga dala. Mukhang nakapalibot na nga ang mga ito sa buong area na iyon. Lahat ng posibleng daanan hinaharangan ng mga ito.
Napaalis siya bigla sa bintana nang mapatingin sa gawi niya ang isang lalaki. Wala itong baril pero ang mga kasunod nito ay meron. Kung hindi siya nagkakamali, may rank ito kumpara sa iba dahil nagmamando ito sa mga kasamahan.
Ilang sandali lang ay may nagsalita ulit sa labas na malakas ang boses.
“Yes, boss, nakakalat na ang tauhan natinsa buong area. Wala na siyang kawala ‘pag nagkataon,” dinig niyang sabi ng huling dumaan.
Bumilis ang t***k ng puso niya dahil sa sinabi nito. Ibig sabihin, hindi aalis ang mga ito hangga’t hindi siya nahuhuli.
“Snake?!” tawag mula sa malayo.
“Coming!” dinig niya sa labas.
Nakahinga siya ng maluwag nang wala nang marinig na boses at mga yabag. Ilang beses pa siyang nagpakawala ng buntonghininga bago naupo sa lumang sofa na naroon. Mukhang kailangan niyang magpabukas o ‘di kaya magpaabot ng gabi at mag-disguise.
Masyado ng delikado ang paligid. Sana umalis agad ang mga ito.
Kakahintay niya na umalis mga ito ay nakatulog siya na nakaupo. Nagising siya na nangangalay ang leeg. Bahayga niyang hinilot iyon para mawala ang pangangalay.
Sumilip siya sa labas kapagkuwan. Tirik na tirik na ang araw. Tumingin siya sa relong pambisig, alas dos na pala ng hapon. Kaya pala kumakalam na rin ang tiyan niya. Ilang oras din pala siyang nakatulog.
Nang maalala ang pandesal na binili kanina, kinuha niya iyon at kinain. Walang tubig kaya dahan-dahan niyang kinain. Wala ring makuhang tubig dahil mukhan nakapatay ang metro ng tubig sa labas.
SAMANTALA, gigil na napasuntok si Akilah sa pader nang marinig ang sinabi ng tauhan nila. Wala ang hinahanap nila doon. Masyadong matinik din si Magda. Ayon sa nakausap ng tauhan nila sa mismong bahay na nakitaan ng pin location nito, isang nagtitinda ng mga inihaw ang naroon, at kasalukuyang namalengke umano ito. Maaga daw umaalis. Inisip nilang baka pumuwesto lang doon ang Magda na ‘yon para ‘yon ang ma-pin na lugar. Nililigaw lang sila nito, sigurado ‘yan.
Mabilis na sumakay siya sa sasakyan nang makalabas sa lugar na iyon. Hindi niya maiwasang makaramdam na naman ng inis dahil failed na naman ang operation nila.
Nasa biyahe na siya nang makatanggap ng tawag mula sa dati niyang kaibigan. Niyayaya siya nitong umatend sa reunion nila. Pero ayaw niyang kasama ang mga ito. Ang naging nobya kasi nito ay ang kaibigan ni Naarah na si Mandy. Galit ito sa kan’ya sa ginawa niya kay Naarah kaya bihira siyang sumasama kapag nagyayaya ito.
Nagi-guilty din siya dahil hindi na nakapagtapos si Naarah. Alam niyang isa siya sa naging dahilan. Sayang, isang taon na lang sana. Sayang din dahil isa ito sa top sa klase nito noon.
“I can’t, bro.”
“Wala naman si Naarah kaya hindi ka na kukuyugin ng konsensya mo,” natatawang sambit ni Windel. “Hindi naman natin kasabay ang department nila. Saka wala ng balita sa kan’ya si Mandy. Nag-usap na rin kami na kalimutan na ang nakaraan. Kako, pinagsisihan mo na ang nagawa mo kay Naarah. Minsan lang naman ‘to, kaya pumunta ka na.”
“B-bakit wala na? ‘Di ba, magkaibigan sila?” Hindi niya maiwasang ma-curious sa sinabi nitong wala ng koneksyon ang magkaibigan.
“Yeah. Pero simula ng mamatay ang Nanay niya lumipat na siya. Hindi na rin kumontak kay Mandy.”
Napapikit siya sa narinig. Lalo tuloy siyang binagabag ng konsensya sa dating nobya.
Kumusta na kaya siya ngayon? May boyfriend na kaya? O, asawa? Sana meron na, para at least may kasama na ito sa buhay. Wala kasing kamag-anak ito kaya alam niyang binubuhay na lang nito ang sarili. Ayon din sa kapitbahay nito na napagtanungan niya dati, nabenta na nga daw ang bahay na iyon sa iba dahil nangailangan pala para sa pagpalibing ng ina nito. Kung alam niya lang, sana, nakapagbigay din siya kahit papaano. Kaso, ang laki ng galit nito sa kan’ya. Ang tangi na lang dasal niya sana nasa maayos itong kalagayan.
“Kung pupunta siya, call me, please?”
“Seryoso?”
“Yes.”
ALAS SIYETE na nang magpasya si Naarah na lumabas sa pinagtataguan. Hindi na niya nakaya ang gutom. Nakatanggap din siya ng mensahe kay Efren na nalusutan nito ang mga naghahanap sa kan’ya.
Tama nga raw siya, anito. Sila nga daw ang hinahanap ng mga ito. Kaya umalis din ito agad sa bahay nito nang masigurong wala na ang mga sumugod doon.
Suot ang hoodie jacket nang lumabas siya sa bahay na ‘yon. Hindi naman halatang aalis siya dahil bayong ang ginamit niya. Nakita niya iyon sa bahay na iyon. Isinilid niya ang bag doon na may lamang damit at mga credentials. Buti na lang nakakita siya. Kaya ligtas siyang nakalabas doon.
Dinala siya ng mga paa sa lugawan dahil sa matinding gutom na inabot. Pinaresan niya ng dalawang itlog at lugaw ang order niya. Nakaihingi lang siya ng mainit na tubig dahil bitbit pa pala niya ang kape na binili kanina. Sayang ang pera kung ibibili niya pa ng kape.
Pagkatapos kumain ay tumambay muna siya sa malapit na parkeng bukas. Nag-iisip siya kung saan puwedeng magtago. Hindi puwedeng ganito ang buhay niya. Kailangan niya lang makahanap ng lugar na puwedeng tirhan ng panghabang-buhay. Balak niyang idispasta ang laptop kapag nakuha na niya ang mga file niya na naroon.
Dinala siya ng mga paa niya sa bus terminal. Puro biyaheng probinsya ang naroon. Ayaw niya muna sa probinsya dahil hindi naman ganoon kadami ang opening ng trabaho para sa mga kagaya niya. Mahirap din ang buhay doon. Mas maganda na dito, madaling makakuha ng trabaho kung sakali. Kung hindi rin siya makahanap ng trabaho, balik sa pagtitinda ulit siya, hawak pa naman niya ang puhunan.
Dinala siya ng paa sa isang inn. Isang araw din siyang nag-stay doon bago nakakuha ng mauupahan. Isang staff ng inn na iyon ang tumulong sa kan’ya para makakuha ng apartment sa Valenzuela. Suwerte niya dahil nabanggit nitong aalis na ito sa apartment na inuuapahan nito dahil ma-a-assign na daw sa ito sa ibang branch ng inn. Bale, sasaluhin niya ang upa. Ipinakilala siya sa may-ari na kamag-anak para hindi na siya magbigay ng downpayment.
Maganda ang puwesto ng apartment kaya balak niyang magtinda na lang ng ihaw ulit. Dalawang sakay din mula Valenzuela hanggang sa supplier niya.
"Maganda at malinis talaga dito, Kaliyah," aniya habang tinutulungan ito magligpit ng mga gamit nito.
"Kaya nga kinuha ko agad ito nang makita ko ang loob. May kuwarto at sala. Hindi rin submeter kaya maganda. Halos na kaya ngayon sa mga apartment submeter sa tubig at kuryente."
"Kagaya sa inalisan ko, submeter lahat. Mas makakamura yata ako dito. Tapos maganda ang puwesto, maraming tao," komento niya.
"Totoo. Kung may pera lang ako, magnenegosyo ako. Kaso, walang magbabantay dahil nasa probinsya sila. Tapos, palipat-lipat pa ako ng branch."
“Sayang. Pero salamat talaga, huh?”
“Walang anoman, Naarah.”
Isang Linggo pa silang nagsama sa bahay ni Kaliyah bago ito lumipat na ng tinitirhan. Nakausap na rin niya ang may-ari na pupuwesto siya sa harap ng bahay niya para sa ihaw. Hindi gano’n kalaki ang bahay niya pero maganda ang harap. Puwede ngang magpatayo din ng tindahan. May nakita rin siyang for rent sa unahan kung saan may malapit na pabrika. Pero sabi ni Kaliyah, subukan niya daw muna kung papatok dito sa tapat ng bahay niya, para less gastos sa upa.
Kaagad na kinontak niya ang supplier niya. Nag-offer nga ito ng free delivery basta damihan niya ang order niya. Kung papatok, puwede pa. Pero sa ngayon, siya na lang muna ang mamimili. Saka na lang niya susunggaban ang offer nito.
Bago natapos ang Linggo na iyon, nakatanggap siya ng tawag mula kay Efren na bumalik na ito sa bahay nito. Baka daw kasi maghinala ang mga taong pumunta sa bahay nito. May umuupa na din pala sa dati niyang tinutuluyan.