Chapter 5: Her Customer

2101 Words
4 Years later… "Ate Arah, pautang daw po mamaya si Mama ng dalawang hot dog, tatlong laman at… at apat na isaw daw po," nakangiting sabi ni Jacob sa kan’ya. “Sige ba. Basta sa mga kinikita mo dito, lagi kang magtatabi, ha?” Si Jacob ay labindalawang taong gulang na anak ng kapitbahay niya. Naasahan niya ito sa pagbabantay kapag may delivery at pagtutuhog ng mga paninda. Malapit lang ang area na pinagde-deliveran niya dahil hindi niya maiwan ng matagal si Jacob sa ihawan. Kapag kaonti lang at kaya nito, ito na rin minsan ang nauutusan niya, kaya binibigyan niya ito lagi. Kapag ubos ang paninda niya, malaki ang naiuuwi nito sa bahay. “Opo. Pambaon ko din kaya ‘yan sa eskuwela. Pero kapag alam kong sobra sa amin ni bunso, binibigay ko po kay Mama.” “Galing talaga.” Ginulo niya ang buhok nito kapagkuwan. Kumuha siya sa loob ng extrang tupperware sa bahay nila para paglagyan pa ng ibang lutong inihaw. Marami kasi ang order sa kan’ya ngayon dahil Sabado. Tiba-tiba talaga kapag weekend. Napatingin siya sa kabilang bahay nang makitang inaayos iyon. Mukhang may bagong lilipat na naman. Wala kasing nagtatagal dahil maraming tulo. Maganda at higit na mas malaki sa inuupahan niya pero madidismaya ka sa mga tulo. Hindi man lang kasi magawang ipaayos ng caretaker. Sabagay, hindi naman kasi mismong may-ari ang may hawak, nasa abroad kasi. Mukhang hindi nakakarating dito ang problema. “Naku, may bagong nakakuha ng apartment na ‘yan. Mukhang may kaya, siya ang gumastos ng lahat na ‘yan. Hindi alam ni Ate kung sino, basta tinawagan lang siya ng may-ari.” Napalingon siya sa kapitbahay na papasok din sa gate nila. Parehas na silang nakatingin doon. Pitong apartment ang meron sa kanila. Pero sa kan’ya ang malaki at ang nakabukod. Malaki na para sa kan’ya dahil nag-iisa lang siya sa buhay. Sa kan’ya nakadikit ang inaayos na apartment ng kabilang lote. Bale nakapagitna ang kan’yang tinitirhan sa mga ito. “Talaga? Baka magtatagal kaya pinapaayos,” komento niya. “Baka nga.” Sinulyapan niya ulit ang apartment sa kabila bago pumasok. Mabuti at may kapitbahay na siya sa kabila, nagiging haunted na kasi. Sa tagal niya ditong nangungupahan, wala talagang nagtatagal sa apartment na iyon. Baka mamaya natirhan na ng mumu. Kagaya ng ini-expect niya, malaki ang kinita dahil sa mga suki niya tuwing weekend. Dating alas alas diyes niya ay umaabot na lang ng alas nuebe dahil pinapakyaw na ng ilang manginginom. Maaga silang nakakapagligpit. Balak niyang magpahinga ng Monday dahil tatlong linggo na siyang walang pahinga. Matutulog siya maghapon para makabawi. Tapos kinabukasan balik tinda ulit. Hindi na rin siya pagod sa biyahe dahil Dini-deliverer na sa kan’ya dahil naabot na niya ang minimum ng supplier. Konting ipon pa makakabalik na siya sa pag-aaral. Isang taon na lang naman, e. Makalipas ang ilang araw… NAPAKUNOT NG NOO si Akilah nang makarinig ng tugtog na nagmumula sa kabilang bahay. Ala-una na ng madaling araw pero ang tugtugan nito hindi pampatulog, masakit sa tainga. Para sa kan’ya, huh. Sa nakatira doon, parang hindi naman. Sinilip niya ang bintana nito, madilim naman pero bakit maingay ang tugtog nito? ‘Wag nitong sabihing pampatulog nito ang mga rap song na iyon? Naiiling na ipinagpatuloy niya ang pag-set up ng computers at tatlong monitor. Dalawa ang room ng apartment na ito na ipinagpasalamat niya. Ang isa ay magiging silid niya, at ang isa ay opisina niya. Isang buwan na ang nakakaraan nang mag-appear sa kanila ang lokasyon ni Magda, ang eskuwelahang malapit sa inuupahan niya. Isang buwan na rin siyang pabalik-balik sa lugar na iyon pero wala naman siyang nakikitang tumatambay doon dahil laging sinisita ng guard. Na-hacked na rin niya ang CCTV sa eskuwelahang iyon, wala siyang makita na tumatambay doon malapit. Kaya nga sabi niya, baka nasa paligid lang iyon, at ginamit lang ang lokasyong na-tracked nila. Naisip niyang mangupahan na lang din dito baka sakaling bumalik doon si Magda. Naiinip na si Supremo sa kan’ya. Sa ilang taong pananahimik ni Magda, hindi nila akalaing magkakaroon pa sila ng balita dito. Kaya nga pinapatutukan na ni Supremo para matapos na ang problema nito. Napangiti siya nang makitang umilaw ang telepono niya. Kaagad na tinungo niya ang mesa at kinuha iyon. Nalungkot siya bigla nang makitang hindi si Beatrice ang tumatawag. Ang pangako kasi nito sa kan’ya, lagi siyang tatawagan. At unang linggo pa lang nito sa New York, isang beses lang siyang tinawagan, at limang minuto lang din ang itinagal sa sobrang abala nito. Alas kuwatro na siya natapos. Antok na rin siya kaya mabilis lang din siyang nakatulog. Wala pang ilang minuto nang magising siya dahil sa biglang paglakas ng tugtog sa kabilang bahay. Mas malakas pala kapag nasa kuwarto niya siya nakapuwesto. Muli siyang sumilip, bukas na ang ilaw. Mukhang gising pala. May naririnig din siyang kalansing ng plato at kutsaran mukhang kumakain. Parang gusto niyang sigawan kung puwedeng hinaan ang sound nito. Mga tatlong minuto pa siya sa bintana pero wala siyang makitang lumapit doon. Bumalik na lang siya sa higaan ay pilit na pinatulog ang sarili. Paggising na lang niya siguro ito kausapin. NAPAPITLAG SI NAARAH sa sunod-sunod na katok sa may pintuan niya. Kasabay niyon ang boses ni Jacob kaya napilitan siayng bumango. Papungas-pungas na binuksan niya ang pintuan mayanaya. “Nagising po ba kita, Ate?” “Oo. Pero okay lang naman ako. Bakit nga pala?” “Eh, hindi po kasi makakadalo mamayang hapon si Mama sa meeting namin sa school dahil may trabaho siya. Puwede po bang ikaw na lang po muna? Mga isang oras lang naman daw po ‘yon. Kung hindi ka po gaanong busy.” “Gano’n ba. Sige, ako na lang. Anong oras ba?” “Ala una po.” “O, sige, ganito. Gisingin mo ako ng Alas onse y media, okay? Late na kasi ako natulog dahil nag-marinate ako ng mga paninda.” “Sige po. Gigisingin na lang po kita.” Pagkaalis ni Jacob ay bumalik siya sa higaan niya. Madaling araw kasi dinideliver ang mga karne kaya gising siya sa madaling araw tapos matutulog ng umaga na kapag natapos linisan at i-marinate. Walang eksaktong oras ang deliver kaya hindi muna siya natutulog. Sa isaw siya natatagalan dahil nililinis niya ng maigi para hindi mapait. Saktong ala una ng hapon ang simula ng PTA meeting sa eskuwelahan, na natapos ng kinse minuto bago ang alas dos. Sa bahay nila Jacob siya dumeretso para kausapin ito tungkol sa mga napag-usapan. Iniwan niya rin ang mga sinulat niyang mahahalagang bagay para alam din ng Mama nito. Pagkatapos ay umuwi din siya agad sa bahay niya. Pabagsak na nahiga siya sa higaan niya pagkapasok sa silid niya. Nakakaramdam na naman siya ng antok kaya pumikit siya. Hindi pa man siya hinahayon ng antok nang makarinig ng pagbagsak ng bato sa may sahig niya. Mabilis na iginiya niya ang sarili niya paupo. Hinanap niya ang bumagsak. Kinakabahan siya kapag mga gan’on. Epekto pa rin kasi ng pagtatago niya. Baka mamaya, nasundan siya. Pero imposible. Bakit hanggang ngayon walang naghahanap sa kan’ya? Pinulot niya ang batong nakabalot sa may papel. Tinanggal niya rin ang hood niya para mabasa ng maayos ang nakasulat sa may papel. Natatakip kasi ang mata niya dahil masyadong malaki ang gamit niya ngayon. Napakunot siya ng noo nang mabasa ang nakasulat doon. Nakikiusap itong hinaan ang speaker niya sa madaling araw dahil nakakabulabog daw siya. Sa ilang taon niya rito, wala pang nangahas na manita sa kan’ya, ang bagong kapitbahay pa lang niya. Hindi niya pansin kung kailan pa ito doon. Sabagay, ilang araw ng tapos ang ginagawa sa kabila. Inis na nireplyan niya iyon ng MANIGAS KA, at binato iyon sa bintana nito. Bumaba pa siya para sumakto sa loob ng silid nito ang pagbato niya. Mabilis din ang mga naging kilos niya pabalik sa bahay niya at isinara ang bintana. Hinawi niya rin ang kurtina para isara. Baka mamaya niyan naninilip pala ito sa kan’ya. Dahil maaga pa naman, iginiya ang sarili para matulog. Alas kuwatro siya nagising kaya nagmadali siyang bumangon para magdingas na ng uling. Late na siya sa pagtitinda. Buti na lang, inayos na ni Jacob ang mga ginagamit niyang ihawan sa labas. Mga karne na lang at presensya niya ang kulang. Si Jacob na muna ang pinagpaypay niya sa uling dahil inabala niya ang sarili sa paglista ng order. May mga nakasalang na doon at babalikan na lang kapag naluto na. Normal na sa kan’ya ang maglitsa bago magsimula. Marami na kasi siyang suki, kaya nagte-text na lang ang mga ito tapos ipapa-deliver. “Ate, ihahatid ko lang ito kila Michael.” Nagbabalot ito ng barbecue at paa ng manok. “Sige, Jacob, ako na magbabantay.” Malakas pa naman ang apoy na nagmumula sa uling kaya inabala niya ang sarili sa paglilista at pag-compute. Saka, bagong salang lang din kasi ang halos na nasa ihawan. “Ate, magkano ‘to?” Napaangat siya ng tingin nang makarinig ng tanong. Mabilis na tumayo siya at binitawan ang hawak na notebook at ballpen. “Alin diyan, Kuya?” Napaawang siya ng malabi nang mapagsino ang nagtanong. Maging ito ay gano’n din ang reaksyon. Hindi niya alam kung ilang minuto silang nagtitigan pero siya ang unang bumawi. “N-Naarah…” Paano ba niyang hindi makikilala ang kaharap, e, isa ito sa nanakit sa kan’ya. Isa rin ang taong ito nayaw niyang makita. Muli na namang nabuhay ang inis sa dibdib niya pagkakita dito. Pero hindi niya akalaing makita ito sa ganitong lugar. Saan ba ito nakatira ngayon? “Alin diyan, Kuya?” untag niya dito sabay kuha ng pamaypay. Nagkunwari lang siyang parang wala lang sa kan’ya ang presensya nito. Mas mabuti iyon, baka sabihin may gusto pa siya dito. Inis na nilakasan niya ang pagpaypay para mapunta dito ang mga abo. Napatakip naman ito ng mukha at lumayo sa harapan. Gumilid ito kapagkuwan. Wala siyang pakialam kung nagliparan na ang abo. Ang mahalaga sa kan’ya, natatamaan ito. “Arah…” Hindi niya ito binalingan sa gilid. “Anong sa ‘yo, Kuya? Pakibilisan pumili kasi may ginagawa ako. Kung hindi ka naman bibili, makakaalis ka na.” Binaliktad niya ang isaw, hotdog at manok na nakasalang, maging ang isaw na nakahilera. “A-ahm, isang hita nga ng manok at isang hotdog. Magkano?” Malaki ang tinuro nito kaya mataas din ang presyo. “85 ‘yang manok. 20 naman ang hotdog.” “Okay.” Kita niya sa gilid ng mga mata niya ang pagkapa nito sa wallet nito. Napailing siya nang makita ang isang buong isang libo. Akmang iaabot nito sa kan’ya nang magsalita siya. “Wala akong barya diyan, Kuya. Kakabukas ko lang.” “Keep the change na–” Inis na nilingon niya ito. “Almost 900 ang sukli, keep the change? ‘Wag mo namang ipahalata na mayaman ka at mahirap kami, Kuya.” Itinabi niya ang tinuro nito. “Sa iba ka na lang bumili. O ‘di kaya, umorder ka online.” “I-I’m sorry,” hinging paumanhin nito. Naghanap ito ng barya sa wallet maging sa bulsa nito pero wala itong makita. “Wala talaga akong–” “Akina, Kuya, papabaryahan ko po sa tindahan,” singit ni Jacob na bagong dating. “Jacob–” “Sige na, Ate Arah. Sayang ang kita, e.” Humarap ito kay Akilah at hiningi ang isang libo na agad din namang binigay ng binata. Wala siyang nagawa nang talikuran siya ni Jacob at tinakbo ang malaking tindahan. Meron naman siyang panukli, ayaw niya lang pagbilhan si Akilah. Napansin siguro nito na hindi niya binalik ang order nito kaya ito na ang naglagay sa gitna ng ihawan. Ginilid nito ang iba para magkaroon ng space ang inorder nito. “There,” anitong nakangiti. Hindi niya ito pinansin. Lalo lang kasi siyang maiinis kapag pinansin ito. Ibinalik niya ang sarili sa ginagawa at hinayaan itong nakatayo. Pagbalik ni Jacob ay agad na pinaabot niya ang sukli ni Akilah sabay talikod para pumasok sa loob ng bahay niya. Patapusin lang niyang maluto ang order nito saka siya lalabas ulit. Akmang isasara niya ang pintuan ng bahay niya nang may pumigil doon. Tiningnan niya kung sino ang pumigil. Gayon na lang ang pagkainis niya nang makitang si Akilah iyon. “Can we talk?” “Nasa labas ang order mo, hindi ko bitbit, kaya si Jacob ang kausapin mo doon.” Tinanggal niya ang kamay nitong nakahawak sa pintuan at malakas iyong isinara. Wala siyang paki kung masira ang pintuan, ipapagawa na lang niya kung sakali.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD