Chapter 10

1061 Words
“MAGANDANG araw ho Aling Cora.” Magaan ang pakiramdam na bati ni Aya sa kusinera na mahigit singkuwenta na ang edad. Pasado alas diyes palang ng umaga pero nagugutom nanaman siya. Kaya nagpunta siya sa kusina at naghanap ng makakain. Wala ang kanyang asawa at nasa opisina na nito. “Magandang araw naman Aya.” Ganting-bati ng matanda sa kanya. Abala ito sa ginagawang paglilinis ng mauulam nila para mamayang pananghalian. Kasundo din naman niya ang mga tauhan ng mansiyon kahit pa sabihing napakalayo ng agwat ng edad nila ng matanda. Lihim siyang nagpapasalamat dahil malawak ang isip ng mga ito. Hindi siya pinapakitaan ng maganda at nararamdaman niya ang respeto sa kanya. Hindi kagaya ng anak ng amo nila. Sa ilang araw na pananatili niya roon ay pinakitaan niya ang mga ito ng kabaitan. Ipinakita din niyang mabuti ang intensiyon niya sa napangasawa. Subalit hindi niya iniaalis sa isip na may mga taong sadyang mapaghinala. Magkagayon man ay alam niyang wala siyang ginagawang masama kay Don Martin. Wala siyang inilihim dito ng sila ay magkausap bago sila magpakasal. Nais niyang maging totoo rito habang sila ang nagsasama. “Ano ho ba ang pwede nating mameryenda riyan?” naupo siya sa isang stool at humarap sa L-Shaped table na gawa sa marmol. Nasa harap naman niya ang matanda. “Gumawa ako ng ginataang mais. Kumakain ka ba ng ganon? Sandali at ikukuha kita.” Anito at akmang iiwan ang ginagawa pero maagap na niya itong pinigilan. “Ako nalang ho Aling Cora.” Nagmamadali niyang sabi at tumayo para kumuha ng lalagyan. “Masarap po ang ginataang mais. At gusto ko po ‘yan.” Masiglang sabi niya. Ginagawa niya ang lahat para makibagay at makisama sa mga kasambahay nila. “O siya, ikaw ang bahala.” Anitong ngitian siya. “Nariyan sa kaserola. Hindi ko pa nga naiahon.” Tiningnan niya ang keserolang nakasalang pa sa lutuan pero patay na ang apoy. Pagkakita niya sa ginataang mais ay bigla siyang natakam. “Wow! Aling Cora, mukhang masarap ho itong luto niyo ah. Kunsabagay, palagi namang masarap ang luto mo. Kaya palaging napaparami ang kain ko.” “Kuuu! Ikaw talagang bata ka. Simula nang dumating ka dito ay pulos pambobola na ang ginawa mo sa akin. Pinalalaki mo ang ulo ko.” anitong nasa mukha at boses naman ang katuwaan sa mga sinasabi niya. “Aba e totoo naman po. Masarap po talaga kayong magluto.” Nag-thumbs up pa siya rito saka sumandok na ng ginataang mais. Nang makakuha ay dinala niya ang mangkok at bumalik sa kinauupuan kanina. Nagsimula siyang kumain. “Kayo po ba ay nagmeryenda na?” naalala niyang itanong ng sumusubo na siya. Medyo mainit pa ang ginataan kaya dahan-dahan pa siya sa pagkain. “Mamaya nalang ako kakain dahil medyo busog pa ako. Ano? Kumusta ang lasa ng ginataan ko?” saglit nitong itinigil ang ginagawa at hinarap siya. “The best!” muli siyang nagthumbs up. Tumawa ang matanda. “Binola mo nanaman ako. Pero sige. Tatanggapin ko ‘yang pambobola mo. Aba’y hindi ako nakakarinig ng pambobola sa mga tao rito maliban kay Don Martin bago ka dumating eh.” Siya naman ang natawa. Maya-maya pa ay kung saan-saan napunta ang kuwentuhan nila. Nang maala niya si Elijah. “Siyanga ho pala, wala po ba riyan si Elijah?” Pasimple niyang tanong pagkuwan. Napansin niyang wala yata ang binata dahil walang nanggugulo sa kanya. Simula ng dumating ito ay hindi na siya pinatahimik sa bahay na iyon. Na siguradong napapansin ng ilang kasambahay nila. “Parang nakita kong umalis kanina lang. Sinundo n’ung nobya niya ‘yata yun?” kaswal na sagot ni Aling Cora. Hindi napigilan ng isang kilay ni Aya ang tumaas. May kung ano ring pumitik sa sulok ng kanyang puso na hindi naman niya maipaliwanag kung para saan. Naisip niya ang babaeng kasama nito nang makasalubong niya ang mga ito sa hagdan. Ni hindi nga siya pinansin ng mga ito o nag-abala man lang na ipakilala ang babae sa kanya. Ipinaparating talaga nitong wala siyang lugar sa pamamahay na iyon. Naisip din niya kung ano ang maaring gawin ng dalawa habang magkasama. E ano pa nga ba? Anang isang bahagi ng kanyang utak. Naglaro sa diwa niya ang ginagawa ng normal na magkasintahan. Ngumiwi siya. Hindi dapat siya nag-iisip ng ganon. E ano kung gawin ng dalawang iyon ang naiisip niya. Sa itsura palang ng dalawa kagabi ay siguradong may ginawang ‘kababalaghan’ na ang mga ito. Normal nalang iyon sa mga ito. At bakit ba pinagkakaabalahan niyang isip ang mga ito at ang ginagawa ng mga ito. Paki ba niya? Ang dapat niyang isipin ngayon ay ang mga susunod niyang gagawin ngayong nakaharap na ulit niya si Christian. Kaya naman inalis na niya sa isip si Elijah at nag-focus siya kay Christian. Pero nainis lang siya dahil paulit-ulit na pumapasok sa isip niya ang mukha ng anak ng asawa niya. Grrr! Nakakainis! Kinukulam ba ako ng lalaking iyon? Naghihimutok niyang sambit. Nang may pumasok na mga kasambahay sa kusina ay niyaya niya ang mga itong magmeryenda. Tumanggi ang mga ito dahil marami pa raw gagawin pero pinilit niya ang mga ito. “Mamaya niyo na ituloy ‘yan. Mahaba pa naman ang araw. Tikman niyo muna itong ginataang mais ni Aling Cora. Sige kayo, baka ubusan ko kayo.” Kunwa’y pananakot niya. Nagkatinginan sina Sally at Ella na halos kasing-edaran lang din niya. “Ano pang hinihintay niyo? Arat na!” pabaklang sabi niya. Sa una ay nahiya pa ang mga ito pero nang ngumiti siya ay tumango na rin ang mga ito at nagsikuha ng mangkok. Ramdam niya na bahagya pang naiilang ang dalawa sa kanya kaya naman siya na ang lumalapit sa mga ito. Habang si Aling Cora at Manang Loring – na siyang mayordoma sa mansiyon - ay nakagaanan na niya ng loob. May isa pa silang kasambahay na mas bata pa pero wala ito dahil nagpaalam na magdi-day dahil birthday daw ng nanay nito – si Karen. Nang pumasok si Manang Loring ay biglang tumigil ang dalawa sa pagkain pero sinabi niyang magpatuloy lang ang mga ito. Sa huli ay sumabay na ring magmeryenda ang matanda. Huli nilang nakasalo sa umagang meryenda si Mang Felipe. Ang asawa ni Aling Cora at siyang hardinero nila. Hanggang sap uno ng tawanan nila ang buong kusina.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD