Chapter 6

2150 Words
MALAMIG ang hanging dumadapyo sa katawan ni Aya maging sa kanyang mukha habang mabining inililipad ang kanyang mahabang buhok. Maganda ang tanawin sa kalangitan. Ang mga bituin ay payapang nagniningning sa kalangitan. Walang indikasyon na magkakaroon ng ulan sa gabing iyon. Hatinggabi na subalit hindi pa rin siya dalawin ng antok. Nayakap niya ang sarili ng maramdaman ang hanging gabing humahaplos sa kanyang katawan kahit pa nakaroba siya. Nasa balkonahe siya ng silid nila ni Don Martin – este ng kanyang asawa na pala at nagpapaantok. Sa ikalawang palapag iyon ng malaking bahay. Mag-iisang linggo na siya sa mansiyon ni Don Martin. Hindi pa rin talaga siya sanay na tawagin o isiping asawa niya ito. Hindi niya alam kung kailan niya iyon masisimulang kasanayan. Matapos niya itong kausapin tungkol sa kanyang pagpayag sa proposal nito ay gayon din kabilis ang naging kasalan sa pagitan nilang dalawa. Hindi na raw kailangang patagalin pa anang Don dahil doon din naman daw ang punta nila. Sa ilang araw na kasama niya ang matanda ay wala siyang maipintas dito. Mabait ito at maalalahanin. At talaga namang ang lahat ng naisin niya ay ibinibigay ng asawa. Awtomatiko rin ang pagkakaroon niya ng allowance every month at binigyan na siya nito ng kung ano-anong klaseng card na puwede niyang magamit kapag may gusto siyang bilhin o pagkagastuhan. Masasabi niyang sa ginawa niyang pagpapakasal ay para na rin siyang nanalo sa lotto. Wala siyang nararamdamang guilt kahit kaunti dahil bago nangyari ang kasalan sa pagitan nila ay sinabi niya sa Don ang lahat ng nangyari sa kanya. Pati ang gagawin niyang paghihiganti sa mga taong naging dahilan ng kanyang pagkakakulong. Pinili niya ang maging tapat dito at dahil doon ay gumaan ang kalooban niya. Hindi naman ito pinasubalian ng matanda subalit sinabi nitong huwag siyang magpadalos-dalos. Nangako itong tutulungan siyang makamit ang hustisya nang hindi gumagamit ng dahas. Nagpasalamat siya rito dahil sa pagkakaroon ng malawak na kaisipan. Lalo niyang napatunayan na mabuting tao ang matanda at hindi mapanghusga sa kapwa. Wala siyang pagsisisi sa ginawang pagpapakasal dito. Kahit pa sabihing tatay na niya ang agwat ng kanilang edad ay wala siyang pinagsisihan. Mabuting tao ang matanda at alam niyang magiging maayos siya sa piling nito. Naputol ang pagmumuni-muni ni Aya nang sa minsang paglingon niya sa ibaba mula sa kalangitan ay nahagip ng kanyang paningin ang isang malaking bulto malapit sa bahagi ng swimming pool. Nakaharap ang kinaroroonan ng balkonahe sa gilid ng bahay at swimming sa ibaba. Pinasingkit niya ang mga mata upang mabistahan iyong mabuti. Ang bulto ay nasa silong ng punong nakatanim medyo malapit sa swimming pool sa bandang dulo. Nakita rin niya ang usok na nagmumula dito na tila galing sa isang sigarilyo. Malakas siyang napasinghap. Nanginig ang kanyang labi. Gayon nalang ang panlalaki ng kanyang mga mata ng maisip kung ano ang nakikita. Tutop ang dibdib na nilingon niya si Don Martin na himbing nang natutulog sa kama. Paano ba naman ay hatinggabi na subalit hindi pa siya makatulog. Tanging si Aya na lamang ang gising sa mga oras na iyon sa malaking mansiyon. Nais kumawala ang isang sigaw sa kanyang lalamunan subalit ayaw niyong lumabas. Bumukas-sara lang ang kanyang bibig. Muli niyang nilingon ang bulto subalit wala na ito sa kinaroroonan niya nito. Inatake siya ng kaba. Hinanap ng kanyang paningin ang bulto at nakita niyang papasok ang isang anino sa loob ng bahay. At base sa anino ay iyon ang nakita niya kanina. Lalong nanlaki ang kanyang mga mata sa nakita. Mabilis siyang umalis sa balkonahe at dali-daling lumabas ng kuwarto upang tingnan ang kung sino o anumang bultong kanyang nakita. Hindi na niya ginising si Don Martin dahil ayaw na rin niyang gambalain pa ang tulog nito. Ang balak na paglabas ng bahay ay nahinto ng makita niya ang aninong nasa loob na nang maluwang na sala. Nasa gitna na ito at tila ba pag-aari nito ang lugar kung maglakad at umasta. Nasa ibabang hagdan na siya ng bayuhin ng kaba ang kanyang dibdib ng makitang dire-diretso itong naglakad at ngayon ay papalapit na sa kanya. Hindi na siya nagdalawang isip. Kumawala ang tinitimping pagsigaw niya kanina pa. “Yung kapre nakapasok sa bahay!!!!” “s**t!” hindi napigilan ni Elijah ang mapamura ng marinig ang matinis na sigaw na iyon mula sa isang babae. Pag-angat niya ng mukha ay nakita niya ang bulto niyon. Nasa dulong hagdan ito sa ibaba at naghihisterya habang sumisigaw. “Stop that!” mahina subalit madiin niyang wika sa babaeng patuloy sa pagsigaw. Kung hindi niya ito pipigilan ay siguradong magigising ang buong subdibisyon. Malalaki at mabibilis ang mga hakbang na nilapitan niya ang halos naghihisterya ng babae. “Huwag kang lalapit kapre ka!” patuloy pa rin ito sa paghihisterya. Muling napamura ang binata. Ano bang akala nito sa kanya? Maligno? Lamang-lupa? Diyata’t napagkamalan pa siyang kapre. “Stop it okay! Hindi ako kapre!” marahas niyang sabi rito. Napangiwi siya ng muli itong tumili pagkatapos ay bigla itong huminto. Nag-iba ang anyo ng mukha ng dalaga na walang iba kundi si Aya. Mabilis nitong iginala ang paningin at nakita naman ang isang pigurine na nasa malapit lang at nakapatong sa isang estante. Walang pagdadalawang isip na dinampot iyon ng dalaga. Alam na kaagad niya ang gagawin nito. Mabilis ang naging kilos ni Elijah. Bago pa ito makakilos ay nahawakan na niya kaagad ang kamay ng dalagang nakahawak sa pigurine at nakita niya ang panlalaki ng mga mata nito nang marahas itong humarap sa kanya. “Stop screaming or else I’ll kiss you.” Mariin niyang pananakot dito. He didn’t intend to do it. Wala sa bokabularyo niya ang manghalik nalang basta ng isang babae lalo kung hindi niya ito girlfriend. Gusto lang niya itong takutin. Napawaang ang bibig ni Aya. Halos lumuwa na ang mga mata nito sa pagkakatitig sa kanya. Nahulaan kaagad niya ang nasa isip nito. Ang kapreng kaharap nito ay nagsasalita! Umangat ang isang sulok ng labi niya. Walang kahit sinong babae ang iisiping isa siyang lamang-lupa o kahit anong klaseng engkanto. But most women calls him a God. Dahil para raw siyang Dyos mula sa Olympus na nanaog sa lupa. And this woman fascinates him. Kahit masakit sa teynga ang tili nito. Nakita pa niya ang pagbuwelo sa susunod nitong gagawin. He didn’t want to break his rule pero sa tingin niya ay masisira niya iyon sa babaeng ito. Muli sanang kakawala ang matinis na sigaw mula sa bibig nito ng selyuhan niya ng halik ang labi nito. Na hindi rin niya alam kung bakit niya ginawa. Maraming paraan para patahimikin ito. Ang gagawing pagsigaw ni Aya ay nauwi sa pagkashock at pagkatigalgal. Something stops Elijah for a moment. Why? Because he just tasted the sweetest lips he had ever taste in his entire life. NANLALAKI ang mga mata ni Aya dahil sakop na ng kapre ang kanyang bibig. Hindi siya makapaniwala. Sa ilang sandali ay hindi siya nakakilos at itinulos nalang sa kinatatayuan. Natitigalgal siya at hindi malaman ang gagawin. Naramdaman pa niya ang sandaling paghinto nito sa paghalik sa kanya. Pero nang muling gumalaw ang bibig nito para halikan pa siya ay noon siya natauhan. Inipon niya ang lahat ng lakas at ubod lakas na itinulak ang humahalik sa kanya. “Walanghiya kang kapre ka! Ang kapal ng mukha mong halikan ako!” tumaas-baba ang kanyang dibdib habang dinuduro ito. Malakas na malakas ang kabog ng kanyang dibdib. Hindi akalaing nahalikan siya ng isang maligno. Hindi niya iyon matanggap! Hindi puwede! Pagbabayarin niya ang “kapreng” ito. Paano kapag nagkagusto ito sa kanya? Oh my goodness! Ayaw niyang dalhin siya nito sa mundo nito. Baka hindi na siya makabalik sa earth. Ayaw niyang tumira sa mundo ng mga engkanto. Hindi puwede. Kailangan na niya itong paalisin. “Sinabi ko nang hindi ako kapre kaya tumigil ka na diyan! Mabubulahaw mo ang buong bahay sa kasisigaw mo!” mariin subalit mahinahong wika ng ‘kapre’. Hinawakan siya nito sa magkabilang balikat dahilan para lalo siyang magwala. “Tulong! Tulungan niyo ako! May nakapasok na engkanto! May kapreee!!!” wala na siyang nagawa kundi sumigaw at pumikit nalang. Baka may powers ito at bigla siyang dalhin sa kung saan. “I said stop screaming or else, hahalikan ulit kita.” Narinig niyang pananakot nito. Niyugyog siya nito. “Huwag pooooo!!!” naiiyak na siya. Ayaw niyang magmulat ng mata. Dahil baka nagbago na ang itsura nito. “Tuloonnggg!!!” “Anong kaguluhan ito!?” dumagundong sa malawak na sala ang boses ni Don Martin. Noon din ay nagliwanag ang buong kabahayan. Natigil sa ere ang pagsigaw niya nang marinig ang boses ng Don. Sabay silang napatingin ng ‘kapre’ sa pinakataas ng hagdan. Naroon ang matanda na halatang nagising sa gulong nangyayari sa kanila. Nakahinga siya ng maliwanag. Akmang tatakbo na siya rito ng muli itong magsalita. “Elijah? Hijo! Narito ka pala? Anong oras ka dumating?” nagliwanag ang mukha ng matanda. “Papa!” Sambit ng kapre na ngayon ay may pangalan na. Elijah pala. At hindi pala ito kapre. Mataas lang palang tao. Ito rin pala ay anak ng Don. Ang nag-iisang anak ni Don Martin na madalas ikuwento sa kanya. Kaya siguradong tao ito. Saglit siya nitong pinaraanan ng tingin bago siya iniwan at nilapitan ang ama. Napanganga si Aya. Kung kanina ay shocked siya sa pag-iisip ng nakakatakot, ngayon ay hiyang-hiya siya sa naging asal. Diyos ko. sino ang hindi mahihiya sa pinaggagawa niya. Gumalaw ang lalamunan niya. Sunod-sunod siyang napalunok habang pinapanood nalang ang mga itong nagkukumustahan. Sa ilang sandali ay tila nakalimutan siya ng dalawa. Napayuko siya. Bigla siyang nahiya sa sarili at nakaramdam ng panlilit dahil sa ginawa. Nakakahiyang tinawag niya ang anak ng asawa na isang kapre. Tapos para pa siyang baliw kanina na tili ng tili. Ano nalang ang iisipin ng lalaking ito? Na baliw siya? Lihim niyang naidasal na sana’y lamunin nalang siya ng hagdan. Saka pumasok sa isip niya ang ginawa nitong paghalik. Ang panlalaki ng kanyang mga mata ay nauwi sa paniningkit. Naisahan yata siya ng lalaking ito. Tuloy ay nag-iba ang tingin niya dito. “Aya.” Napukaw ang atensiyon niya ng marinig ang tinig ng asawa. Nag-angat siya ng mukha. Sumenyas itong lumapit siya. Tumalima siya at nilapitan ang mga ito. halos hindi siya makatingin sa Elijah na ito nang makalapit. “Aya, ipinapakilala ko sa iyo ang unico hijo kong si Elijah. Elijah, this is Aya.” Pagpapakilala nito sa kanilang dalawa. “So, finally I met my stepmother. How are you Aya? Pardon me for not calling you step-mom or tita, I’m sure mas matanda pa ako sa iyo. And I think, mas prefer mo na tawagin kita sa pangalan mo.” Mahabang pahayag ni Elijah. Hindi nakaligtas sa kanya ang bahagyang sarkasmo sa pananalita nito. Ni hindi ito naglahad ng kamay para makipagkamay sa kanya. E di huwag! I don’t care. Nakuha na kaagad niya ang ibig sabihin niyon. Red flag Aya. Red flag. Anang isang bahagi ng isip niya. Wala siyang guilt na naramdaman bagkus ay sinalubong niya ang paningin nito. Ito ang dapat makaramdaman ng guilt dahil hinalikan siya nito. Asawa siya ng papa nito kaya dapat siya nitong igalang. At alam na pala nito ang tungkol sa kanya pero hinalikan pa rin siya. Aba… hindi tama iyon. “Mabuti naman.” Kalmado at maikli niyang sagot sa mahaba nitong sinabi at kahit gusto niya itong sampalin. “Hindi ko alam na darating ka ngayon anak.” Si Don Martin na bakas na bakas ang kasiglahan hindi lang sa tono kundi sa mukha. “Marahil ay tulog na kaming lahat ng dumating ka. Anyway, malalim na ang gabi. Bukas na natin ipagpatuloy ang kuwentuhan dahil sigurado akong napagod ang aking binata sa pag-uwi dito.” “Yeah. You should rest my dearest stepmom. Para makapagpahinga ka ng mabuti. Hindi iyong kahit gising ka pa ay kung ano-ano pa ang nakikita mo.” Anitong nakataas ang isang sulok ng labi. Nasamid siya at bahagyang napaubo. Antipatiko! Sigaw ng kanyang isip. May araw ka ring damuho ka! Ang aga-aga ng pag-declare ng war nito ah! Sa halip na simangutan ito at matapos niya itong nginitian. “Magpahinga ka na din…hijo.” ipinagdiinan niya ang salitang hijo. Tingnan ko lang kung hindi malaglag yang laway mo sa killer smile ko. Hindi nga siya nagkamali dahil nakita niyang natigilan ang binata matapos niya itong ngitian. Sino ba naman ang hindi maakit sa kanyang ngiti? Isang ngiti lang niya ay siguradong titiklop ang mga lalaki dahil sa kanyang napakagandang mukha. “Mauuna na ako sa silid natin.” Aniya sa asawa. Na tinanguan nito. Pagkatalikod niya mabilis na nawala ang ngiti niya. Nakasimangot na siya at hindi maipinta ang mukha. Narinig niyang nagpaalam na rin ang asawa sa anak nitong at sumunod na rin sa kanya. Naiwan si Elijah na nakasunod ang tingin sa kanilang dalawa ni Don Martin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD