Chapter 7

1926 Words
HINDI makakain ng maayos si Aya ng umagang iyon sa hapag. Paano ba naman? Pakiramdam niya ay nasa hot seat siya ng mga oras na iyon. Kahit hindi niya tingnan si Elijah ay ramdam niya ang tagos-tagusang titig nito. Hindi rin iisang beses niya itong nahuling nakatingin sa kanya. Pakiramdam niya ay lalamunin siya nito ng buhay. Sa harap ng komedor ay nasa sentro si Don Martin. Nakapuwesto siya katabi nito sa kaliwa nito habang si Elijah ay nakapuwesto naman sa kanan nito. Magkatapat sila ng binata kaya mas lalo siyang naiilang. Bakit ba ang sama ng tingin sa akin ng lalaking ito? Inaano ko ba siya? Siya na nga itong nagnakaw ng halik sa akin kagabi ay parang siya pa ang naagrabiyado. Naghihimutok na usal niya sa sarili. Pasalamat ka at hindi ako nagsumbong sa ama mo. Pinili niyang huwag na lamang sabihin sa asawa ang tungkol sa nangyari kagabi para wala ng maging issue. Baka siya pa ang baliktarin ng lalaki kapag nagkataon. “So hijo, kumusta naman ang paglalayag mo sa dagat?” Pukaw ni Don Martin sa katahimikang namamayani sa mga sandaling iyon. Hindi siya nag-angat ng mukha. Nanatili siyang nakayuko at nagpatuloy sa pagsupo. “It’s fine Dad, but I think I need a break sa paglalayag. Gusto ko na munang manatili dito sa bahay.” Kaswal nitong sagot. Gumalaw ang lalamunan ni Aya. Bakit sa dinami-rami ng araw na puwede itong mag-break daw sa paglalayag ay ngayon pang naroroon na siya? Nataon lang ba iyon? O dapat na siyang mag-aalala? “That’s good to hear Elijah!” masiglang sabi ng ama nito. “Masaya ako sa sinabi mong ‘yan anak. Alam mo, matagal na kitang gustong makasama dito. At mas lalo akong matutuwa kung hindi ka na aalis.” Nakangiting tinanguan pa nito ang binata. Hindi niya masabi kung nagulat ito sa sinabi ng anak. Sa tingin nga niya ay parang inaasahan na nito iyon. “Alam kong magugustuhan mo ang desisyon ko Dad. And I’m happy to hear na gusto niyo akong makasama ni Aya dito. Am I right, my dear step-mom?” sumulyap ito sa kanya bago muling nagpatuloy. Pagkarinig sa pangalan ay awtomatiko ang pag-angat ng mukha niya. Nagtama ang kanilang paningin. “H-Ha?” “I said, masaya kayo ni daddy na makasama niyo ako rito.” Pag-uulit nito sa sinabi. Bumuka ang bibig niya. Hindi. Hindi ako masaya at hindi ko gustong nandito ka. Puwede ba umalis ka na at bumalik sa kung saang lupalop ng karagatan ka nanggaling. Okay na kami dito ng daddy mo. Gusto niyang sabihin pero siyempre ay sinarili lamang niya. Masyado ng makapal ang mukha niya para paalisin ang tunay na dugong De Luna. “O-Oo naman.” Tila napipilitan lang na tugon niya. “Pero ang pinakamasaya rito ay ang daddy mo.” Sumulyap siya kay Don Martin. Tumango ito bilang pagsang-ayon. Ibinalik niya ang tingin sa katapat. Bahagyang naningkit ang mga mata ni Elijah, Hindi rin nakaligtas sa kanya ang bahagyang pagtaas ng isang sulok ng labi nito. “Well, I’m glad na kasama ka sa masaya. Ang totoo niyan daddy, pinag-iisipan ko na rin ang sinabi mo na manatili nalang ako dito. On the second thought, I think it is better kung pag-uukulan ko na rin ng kumpletong oras ang ating negosyo. Sa tingin ko ay handa na akong muling sumabak sa trabaho sa kumpanya. I know you want me to handle our business in full time. Right Dad?” Dagdag pa ni Jordan na patingin-tingin sa kanya. Gusto nang palakulin ng tinidor ni Aya ang magaganda nitong mga mata. Pasalamat ka at guwapo ka kung hindi ay kanina ko pa tinusok ‘yang mata mong tingin ng tingin sa akin. Humigpit ang hawak niya sa mga kubiyertos lalo na sa tinidor. Nang muling magtama ang kanilang mga mata ay hindi niya napigilang irapan ito. Nayayabangan siya dito. Ngayon palang ay nakikini-kinita na niyang hindi sila magkakasundo ng binata. “Alam mo bang pinasaya mo ako sa mga desisyon mong ito anak.” Tumatawa ang nangingislap ang mga matang bulalas ni Don Martin. Simula ng tumira siya sa mansiyon ay ngayon lang niya nakita ang ganitong sigla sa mga mata nito. Lihim siyang naawa sa matanda. Marahil ay sabik na sabik talaga ito sa anak nito. “Sana ay hindi na iyan magbabago pa. Gusto kong manatili ka na dito. Hindi na ako makapaghintay na magtrabaho ka sa kumpanya.” “Of course Dad! All I want for you is to be happy. Lalo pa ngayong dalawa na kaming puwede mong makatulong.” Sagot nitong bumaling nanaman sa kanya. “Hindi ba Aya? Aya nalang talaga ang itatawag ko sa iyo ha. Masyado naman kasing awkward kung tatawagin pa kitang stepmom diba?” mas maasim pa yata sa suka ang nahimigan niya sa tono ng pananalita nito. “Okay lang naman. Walang problema sa akin.” Walang gatol niyang sagot. Kahit anong itawag mo sa akin, walang problema. Basta huwag mo lang akong sasalingin at talagang uupakan kita kahit kasing taas ka pa ng kapre. Hmp! Nakipagtagisan siya ng tingin dito. Ano ba sa tingin nito? Matatakot siya rito? No way! Ilang daang pares ng mga matang mababagsik ang nakatinginan niya sa kulungan at hindi siya natakot sa mga iyon. Sa Elijah pa bang ito na maglalayag lang sa karagatan? Nang ngisihan siya nito ay tumikwas ang isa niyang kilay. Kasunod niyon ay inirapan nanaman niya ito. Malamang kung nakakamatay lang ang irap ay kanina pa ito nakabulagta. Wala na siyang pakialam kung anong isipin nito sa kakaiirap niya. Sigurado naman siyang nakakaamoy na siya ng silent war sa pagitan nilang dalawa. Ngayon palang ay maghahanda na siya. Hindi niya puwedeng iparating dito na mahina siya. Lalong hindi siya nito puwedeng i-bully. Nagkibit-balikat ito at hindi pinansin ang pag-irap niya. “Well, I’m sure, madali din kaming magkakasundo ni Aya.” Anito saka sumubo ng pagkain. “Mukha naman siyang madaling paamuhin…” makahulugang sabi nito. Lalo siyang sumimangot. Hello! Nandito lang ako sa harap mo para sabihin mo iyann. Duh! Tumango-tango si Don Martin. “I assure you son, mabait si Aya. Wala akong masabing hindi maganda sa kanya.” Papuri ng Don sa kanya. “Maalaga siya at kahit sandali palang kaming magkasama ay masasabi ko na sa iyong ako na ang pinakamasuwerteng lalaki dahil nakilala ko siya. Oo bata pa siya pero ikanga nila… age doesn’t matter diba?” tumatawang sabi nito. Na para bang hindi nararamdaman ang tensiyon sa pagitan nila ng anak nito. Kahit papaano ay tumaas ang kanyang bangko sa narinig na iyon. Inaalagaan naman talaga kasi niya ito. “Of course papa. I know hindi ka pipili ng isang babaeng hindi kagaya ni mommy.” Tumiim ang titig nito sa kanya. Tumaas ang isa niyang kilay. Anong tingin sa akin ng lalaking ito? Antipatiko! Subalit mas pinili nalang niyang magyuko ng ulo dahil baka tuluyan na niya itong mabato ng tinidor. Maya-maya ay may lumapit na isang kasambahay at sinabi na may tawag daw ang matanda sa telepono. Nagpaalam ito sa kanila at kakausapin lang daw nito ang nas akabilang linya. Importante raw kasi iyon ay hindi puwedeng paghintayin. Nahabol nalang niya ng tingin ang asawa dahil nakatayo na ito. Ngayon ay dalawa nalang siya naiwan sa hapag. Bigla ay parang may mabigat na ulap na pumaligid sa kanila. Kung kanina ay malakas ang loob niyang irap-irapan ito, ngayon ay gusto na niyang iwan ito. Nati-tense na kasi siya. At ngayong dalawa nalang siya ay mukhang handa na itong atakehin siya. “SO, kumusta ang pagiging maybahay ng daddy ko?” ang narinig niya mula sa kaharap. Bigla tuloy siyang natensiyon dahil sila na lamang dalawa. Baka hindi niya mapigilan ang sarili at masagot niya ito ng hindi maganda. Pero kinalma niya ang sarili. Huminga siya ng malalim. Hindi niya ito papatulan sa kung anuman ang sabihin nito. Bahala na si batman! “Okay naman. Mabait ang daddy mo.” Kaswal niyang sagot. Tumango-tango ang binata. “Wala pa ba kayong planong magkaanak?” May dumaan na emosyon sa mga mata nito ng tingnan niya. Hindi lang niya mapangalanan. Sandali siyang natahimik. Hindi inaasahan ang tanong na iyon ng binata. Ang totoo ay hindi niya iyon naiisip. Maya-maya’y dumiretso ng upo. “Wala pa sa plano namin ng daddy mo ang ganyang bagay.” Mabuti nalang at malamig ang lugar kundi ay pinagpawisan na siya ng malapot. “Isa pa, hindi naman siya nagbabanggit.” Hindi niya ito narinig na nagsalita. Akala niya ay hindi na ito magsasalita dahil lumipas na ang ilang sandali. Pero ng magsalita na ito ay iba na ang sinasabi nito. “Gusto kong maging prangka tayo sa isa’t-isa Aya. I want to clear all of these, gusto kong maging masaya ang daddy kaya hindi ako tumutol sa ginawa niyang pagpapakasal sa iyo but it doesn’t mean na kukunsintihin ko ang ginawa niyo. My God! Mas matanda pa ako sa iyo. Ano ang nakain mo at pumatol ka sa daddy?” naging matigas na ang pananalita ng lalaki. dismayadong-dismayado rin ang itsura nito. Inaasahan na niyang kokomprotahin siya nito ng ganoon subalit hindi sa ganoong oras. Lalong hindi sa hapag. Hindi kaagad. Ang sabi niya ay handa siya kapag nagkaharap sila ng binata subalit bakit natameme yata siya ngayon? “Elija, kung iniisip mong may masama akong intensiyon sa --- “ “Bullshit! Stop that crap Aya!” mariin nitong putol sa gagawin niyang pagpapaliwanag. Umingit ang paanan ng silyang kinauupuan niya ng bigla siyang mapaurong kahit nakaupo. Kahit mahina ang boses nito ay naroon ang diin at galit sa kanya. “I know what you want! Ang yaman lang ng daddy at ng pamilyang ito ang nais mo hindi ba? Just give your price and leave my father.” Napahumindig si Aya. Napatayo siya tutop ang dibdib. Hindi siya papayag na laitin ng lalaking ito. Tumaas ang adrenaline niya at uminit na rin ang ulo niya. “Elijah, hindi ako kagaya ng iniisip mo. Kung iniisip mong lolokohin ko ang daddy mo nagkakamali ka. Malinis ang intensiyon ko sa kanya.” Mapaklang ngumisi ang lalaki. Pagkatapos ay nang-aarok na tinitigan siya nito. “May I ask you one thing woman. Bakit ka nagpakasal sa daddy ko?” diretsong tanong nito. Naumid ang dila niya. Napalunok siya. Hindi niya alam kung ano ang tamang isagot dito. Sa totoo naman ay alam niya ang sagot subalit hindi maari. Alangan sabihin niya ang naging pag-uusap nila ni Don Martin. E di lalo itong nagwala. “Do you love my father, Aya?”seryoso at mabigat na dagdag nitong tanong. Lalong hindi niya masagot ang ikawala nitong tanong. Aminado siyang hindi niya mahal ang matanda pero alangan namang sabihin niyang hindi. Siguradong lalong mag-aalburoto ang kaharap. Bumuka ang kanyang bibig subalit walang nanulas ni kahit isang salita dito. Sarkastiko itong tumawa saka umiling-iling. “You can’t even answer that two question my dear step-mother. Sa tingin mo maniniwala akong malinis ang intension mo sa daddy ko?” mapag-akusang pahayag nito. Tuluyan na siyang hindi nakasagot dito. Malakas ang pagsalsal ng kanyang dibdib. Mabilis ang lalaki. Nakakailan na ito sa kanya subalit siya ay wala pa ring puntos. Napabalik siya ng upo nang makitang paparating na sa kinaroroonan nila ang matanda. Nagpupuyos ang loob na ipinagpatuloy niya ang pagkain kahit nawalan na siya ng gana. Gigil na gigil siya sa lalaking ito. Damn you Elijah De Luna! Akala mo kung sinong mabait kapag kaharap ang ama niya. Kung nakakamatay lang ang tingin ay tumirik na ang lalaki ngayon palang.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD