Chapter 5

1326 Words
NAPAAWANG ang bibig ng dalaga. Shocked siya. Muntik pa siyang mahulog sa kinauupuan. Ilang sandali pa siyang natulala sa matanda. Nililimi niya kung tama ang sinabi nito. Wala ba itong asawa at inaalok ako ng ganito? Tanong niya sa loob-loob. Tama ba ang kanyang narinig? Naglinis naman siya ng teynga kanina subalit parang iba yata ang naging epekto ng sinabi ng matanda. O baka naman nanaginip lang siya? Lihim niyang kinurot ang sarili subalit nasaktan siya indikasyon lamang na hindi siya nananaginip. “A-ano hong s-sinabi niyo?” alanganin ang itsura ng mukhang sa wakas ay nagawa niyang magsalita makalipas ng ilang sandali. Marahang natawa ang matanda. Marahil ay inaasahan na nito ang magiging reaksiyon niya. “Alam kong nakakabigla ang sinabi ko sa iyo Aya subalit seryoso ako. Hindi kita binibiro at lalong hindi ka nananaginip. Inaalok kitang maging asawa ko.” Bumukas-sara ang bibig niya. “P-pero…k-kasi..” kandautal niyang wika. Hindi malaman ang sasabihin. Bigla ay parang hindi rin siya mapakali sa kanyang pagkakaupo. Sa huli ay pinakatitigan niya ito ng matagal. At kahit nasa mukha nito ang kaaliwan sa nakikitang reaksiyon niya ay mukhang seryoso naman ito dahil wala siyang nakikita na indikasyon na nagbibiro ito. Umalis ito sa pagkakasandal at dumiretso ng upo. Kaswal na kaswal na ang tonong muling nagsalita. “Gaya ng sinabi ko, gusto kitang pakasalan. Matagal na akong biyudo at siguro naman ay panahon na para magkaroon akong muli ng maybahay. Ano sa tingin mo?” malumanay nitong pahayag. Lalo siyang na-shocked. Napanganga pa nga siya. Gusto talaga siya nitong gawing maybahay? Maybahay talaga? Hindi ba puwedeng sekretarya nalang nito o julalay o kahit anong trabaho na nababagay sa kanya? Maybahay talaga? Asawa? Wife? Subalit iyon nga ang narinig niya. Gusto talaga siya nitong gawing asawa. Tabingi siyang ngumiti rito. “B-baka ho nagkakamali lang kayo Don Martin. H-Hindi ho ako ang klase ng babaeng iniisip ninyo.” Umiiling niyang wika dito. Baka naman napagkamalan siya nitong mababang uri ng babae. O kaya naman kung gusto talaga nitong magkaroon ng asawa, puwede naman itong kumuha ng mas matanda sa kanya o nalalapit sa edad nito. Hindi sa anupaman pero doble na ng edad niya ang edad nito. Magaan itong tumawa. “Nagkakamali ka hija, hindi iyon ang pagkakakilala ko sa iyo.” Pinakatitigan siya nito. “Alam kong mabuti kang tao. At paumanhin subalit napaimbestigahan na din kita.” Muli ay napanganga ang dalaga sabay higit ng paghinga. “P-Pinaimbestigahan niyo ho ako? I-Ibig niyo hong sabihin ay alam niyo nang …” napapamulagat na sambit niya. Tumango-tango ang matanda. “Oo, alam kong galing ka sa kulungan subalit hindi ibig sabihin niyon na inisip kong isa kang masamang tao. Alam kong isa kang mabuting tao kaya inaalok kita ngayon.” “P-pero bakit ho ako.” Puno pa rin ng pagtatakang tanong niya. “Kung gusto niyo ho talagang mag-asawa, marami naman ho riyan na mas nababagay sa inyo. O kaya iyong medyo malapit sa edad niyo…” humina ang boses niya sa huling sinabi. Ngumiwi siya. “Pasensiya na ho ah… naisip ko lang ho kasi…” Sa tingin niya ay hindi naman ito na-offend dahil nagkibit-balikat lang ito. “Maraming rason kung bakit kita inaalok ngayon Aya. Unang-una ay alam kong mabuti kang tao. Hindi mo pagsasamantalahan ang yaman ko. Sigurado akong kapag ibang babae ay inaalok ko ngayon ay baka sinunggaban na kaagad ang proposal ko. Ikalawa, gusto ko na rin namang magkaroon ng makakatuwang sa negosyo. Ang gusto ko ay iyong bata pa para kahit mawala na ako dito sa mundo ay mayroong magpapatuloy ng nasimulan ko.” Lihim siyang nasamid. Iba yata ang naging dating niyon sa kanya. Hindi kaya gusto lang nitong magpalahi? Hindi niya napigilan ang mapaubo ng mahina ng maisip na aanakan siya ng matanda. Mabilis niyang itinaboy ang bumabangong eksena sa kanyang imahinasyon. Tumikhim siya. “Pero, meron naman ho siguro kayong anak para makatuwang ninyo sa buhay at lalo sa negosyo.” Komento niya. Lumamlam ang mukha ng matanda. Biglang nalungkot. “Iyan pa nga ang isa kong rason. Mayroon akong nag-iisang anak subalit hindi ko siya nakakasama dito sa bahay dahil abala siyang palagi sa paglalakbay sa karagatan. Iyon kasi ang hilig niya. Ang yate na yata ang tirahan niya at ang dagat ang kapaligiran niya simula ng mamatay ang mama niya. Matagal ng wala ang ina ni Elijah kaya siguro kailangan ko na din naman ng makakasama.” Kaya pala naghahanap ng mapapangasawa ang matanda, wala na ngang asawa, iniwan pa ng anak. At Elijah daw ang pangalan. Bakit naman ganon ang lalaking ‘yun? Hinayaang mag-isa ang ama niya sa malaking bahay na ito. tsk. Tsk. “P-pero baka naman ho isipin ng anak ninyong nananamantala ako. Na ako ang lumason sa isip ninyo para gawin ang inaalok ninyo sa akin.” Umiling ang matanda. “Hindi na siguro. May sarili ng buhay ang anak ko. At wala siyang pakialam sa mga ginagawa ko. Huli na siguro bago niya malaman ang tungkol sa proposal ko sa iyo.” May bahid ng pait ang tono sa pananalita nito. Nahinuha niyang baka may sama ito ng loob sa anak. Napasandal siya sa sandalan ng upuan. Hindi niya alam kung ano ang isasagot sa matanda. Gusto niyang tumanggi. Pero ayaw lumabas niyon sa bibig niya. Huminga ng malalim si Don Martin at muling sumandal. Pinagsalikop nito ang dalawang kamay sa tapat ng dibdib nito. “Bibigyan kita ng panahon para makapag-isip Aya. Hindi kita mamadaliin. At hindi rin kita oobligahin. Subalit nais kong malaman mo na maganda ang pagtingin ko sa iyo. Hindi ka magsisisi sa kung anuman ang magiging desisyon mo.” Hindi na siya sumagot pa. Ilang sandali pa ay nagpaalam na rin siya. pag-alis niya ng mansiyon ay baon niya ang isang bagay na kailangan niyang pagdesisyunan. KANINA pa siya nakatitig sa kisame habang nakapatong ang isang braso sa noo at ang isa naman ay sa kanyang tiyan. Alam niyang hatinggabi na subalit hindi pa rin siya pinapatulog dahil sa iniisip. Mahimbing na mahimbing na ang tulog ng kanyang katabing si Janet. Paano ay hindi pa rin siya makapagdesisyon kung ano ang magiging sagot niya sa proposal ni Don Martin. Puwede siyang tumanggi kaagad sa alok nito kung nasa ibang sirkumstansiya lamang. Pero may bahagi niya ang nagsasabing pag-isipan muna niyang mabuti. Sa totoo lang ay pabor sa kanya ang alok nito. Hindi na siya mahihirapanng maghiganti sa mga taong nais niyang paghigantihan gaya ng kanyang plano. Maari niyang gamitin ang pera ng matanda kapag mag-asawa na sila. Hindi na siya mahihirapan pang umisip ng paraan kung papaanong magkakapera. Grasya na ang lumalapit sa kanya. Magiging maganda ang buhay niya at magbubuhay reyna pa siya. Hindi na rin niya iisipin kung papaano siya makakapagtrabaho ng hindi iniisip ang sasabihin ng mga tao sa pagiging ex-convict niya. Magiginng sitting pretty na ang peg niya. Subalit tama ba ang gagawin niyang desisyon kung sakaling pumayag siya sa iniaalok nito? Tama bang gumamit siya ng tao para lamang mapagbigyan ang kanyang paghihiganti? Hindi! Sigaw ng kanyang isip. Subalit nais sumang-ayon ng kabilang panig. Pero anong magagawa niya kung nag-uumapaw ang paghahangad na balikan ang mga taong naging dahilan ng kanyang pagkukulong? At kung ang matanda ang makakatulong sa gagawin niyang iyon ay hindi niya palalampasin pa. O marahil tadhana na ang tumutulong sa kanya at gumagawa ng paraan para masingil niya ang mga taong may kasalanan sa kanya. Isang paghahangad sa kanyang kaibuturan ang nagsasabing pumayag na siya sa nais ng matanda. Magiging maganda naman ang kanyang buhay at hindi na siya mahihirapang pang pakiharapan ang mga taong dahilan kung bakit mayroon siyang galit sa dibdib. Saka niya na iisipin ang sasabihin ng tao o mas tamang sabihing wala na siyang pakialaman pa sasabihin ng iba. Sa wakas ay nakapagdesisyon siya. Magpapakasal siya kay Don Martin na siyang magiging kasagutan sa kanyang paghihiganti. Kapalit niyon ay pagsisilbihan niya ito ng mabuti na naayon sa pagiging asawa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD