Chapter 8

1376 Words
PAGKATAPOS ng almusal ay umakyat kaagad si Aya sa kuwarto nilang mag-asawa. Gusto niyang doon ibuhos ang ngitngit sa binatang anak ng matanda. Kung hindi kabastusan at anak ito ng Don ay sinagot-sagot na niya. Nagdeklara siya ng war sa pagitan nila. Tinawagan niya ang kaibigang si Janet upang maglabas ng sama ng loob. Sinabi niya rito ang lahat ng nilalaman ng dibdib, ang galit niya kay Elija at ang masasakit na salitang binitiwan nito upang masaktan ang kanyang pagkatao. Hindi niya napigilan ang maging emosyonal habang nagkukuwento sa kaibigan. Hiniling niya ritong magkita sila at pumayag naman ito. Pagkatapos magpaalam kay Don Martin ay gumayak na siya. Hindi niya pinansin ang aroganteng binata ng makasalubong niya sa sala. “SIGURADO ka ba sa address na nakuha mo?” tanong ni Aya kay Janet habang binibistahan ang maliit na papel na ibinigay nito sa kanya. Nakasaad doon ang isang address. “Oo naman. Kahit hindi ko masyadong close ang ex mong iyon ay kilala ko naman siya.” Nakangiting sagot nito sabay dampot ng fries. Muli silang nagkitang magkaibigan kinabukasan. Mainam nang magkita sila nito at magkwentuhan buong maghapon kaysa nasa mansiyon lang siya at hinihintay kung kailan siya pagsasalitaan ni Jordan. Mamaya pa naman ang shift nito sa trabaho kaya nakakasama pa niya ito ngayon. Schoolmate na sila noong high school palang at magkaibigan na rin. Nagkahiwalay lang sila ng magkolehiyo. Subalit hindi naman nawala ang komunikasyon nila sa isa’t-isa. Ito ang naging kakampi niya ng dumating ang isang bangungot sa kanyang buhay. Ito ang nagsilbing tagahatid niya ng balita habang nasa loob siya ng bilangguan. Ang tanging taong naasahan niya at nahingan ng tulong at napagsasabihan ng sama ng loob. At ang taong naniwala sa kanya sa kabila ng mga taong hindi naniwala sa kanya ng mga panahong iyon. “Sige. Gusto kong sa lalong madaling panahon ay makaharap ko na ang lalaking iyon.” Malamig niyang tura. “Sigurado ka ba sa desisyon mo Aya? Hindi kaya mas mainam kung pabayaan mo nalang siya at magbagong buhay ka nalang? Tutal mabait naman si Don Martin, ang asawa mo. Sigurado namang akong nagsisisi na si Christian ngayon kahit hindi natin siya nakikita.” Mahabang komento nito. “Hindi ko alam Janet.” Duda siya kung talagang nagsisisi nga ang ex niya sa ginawa nito sa kanya. “Hindi ako matatahimik hangga’t hindi kami nagkakaharap ng lalaking iyon. Gusto kong malaman niya kung ano ang pinagdaanan ko habang nakakulong ako at siya naman ang nandito sa labas. Gusto kong maramdaman din niya ang naging paghihirap ko sa loob. Habang siya ay nandito sa labas. Malaya at nagpapakasaya. Isa pa, siguro ay dapat din niyang malaman na nakalaya na ako.” Aniyang nagtatagis ang bagang. Muling naalala ang hirap na dinanas sa loob ng piitan. Umiling-iling si Janet. “Ikaw ang inaalala ko Aya. Baka mapahamak ka lang, isa pa…” hindi nito maituloy ang sasabihin dahil nag-aalangan sa magiging reaksiyon niya. Tumingin siya dito. “Anong gusto mong sabihin?” “Well…” nagkibit-balikat ito. “Hindi kaya may nararamdaman ka pa rin sa kanya?” nananantiyang tanong nito. Mapakla siyang tumawa. “Ako? Janet, sa ginawa sa akin ng lalaking iyon? Sa palagay mo may nararamdaman pa rin ako sa kanya?! Simula ng pumasok ako sa loob ay nawala ang lahat ng pagmamahal ko sa kanya. Tanging pagkasuklam at galit ang pumalit doon. At hanggang ngayon, ganon pa rin ang nararamdaman ko.” naggitiran ang mga ngipin niya. “N-naisip ko lang naman, pero sabi mo nga, wala ka nang pagmamahal sa kanya hindi ba? Kaya siguro dapat mo na ring kalimutan kung anuman ang galit mo sa kanya.” Matigas siyang umiling. “Hindi Janet. Hindi ako matatahimik hangga’t hindi kami nagkakaharap. Ipapamukha ko sa kanya kung ano ang ginawa niya sa akin. Ipapadama ko sa kanya ang lahat ng sakit.” Hindi na nagawa pang magsalita ni Janet dahil sa nakikitang galit sa kanyang mata. Para dito ay mahirap paliwanagan ang may galit sa dibdib. Sabagay ay hindi masisisi ng dalaga kung ano ang pinagdaanan ni Aya. Naiintindihan siya nito, subalit nag-aalala ito na baka kung saan humantong ang balak niyang paghihiganti. “Huwag kang mag-alala Janet. Gaya ng sinabi ko sa iyo noon, hindi ako mapapahamak. Hindi ako gagawa ng isang hakbang kung alam kong may madadamay na ibang tao. Gusto ko lang turuan ng leksiyon si Christian.” “Pero paano mong gagawin iyon?” “Paiibigin ko siyang muli.” Dinig niya ang pagpapakawala nito ng buntong-hininga pero hindi na ito nagkomento pa. At kahit ano pa ang sabihin nito, buo na ang desisyon niya. Nang mga sumunod na oras ay hindi na nila pinag-usapan ang tungkol sa dating nobyo. Pagkatapos nilang kumain ay niyaya niya itong mamili ng mga gamit. Nagulat ito ng ipamili niya ito ng mga damit. Halos ayaw pa nitong tanggapin ang mga iyon. “Naku girl. Baka naman maubos ang pera mo niyan ha. Ang dami nitong pinamili mo sa akin.” Natatawa at nahihiyang sabi nito. Isa iyon sa nagustuhan niya rito. Bukod sa tapat itong kaibigan sa kanya ay hindi rin ito abusado. “Ano ka ba? Baka nakakalimutan mo, asawa ko ang isa sa pinakamayamang tao dito sa Pinas. Huwag kang mag-aalala, hindi basta-basta mauubos ang pera ko.” pabirong sabi niya saka bumungisngis. Dahil may allowance na siya monthly courtesy of her husband ay nagagawa at nabibili na niya ang mga gusto niyang bilhin. Iba pa ang mga credit card na bigay din nito. At kaya ipinamili niya ang kaibigan ay dahil gusto niyang makabawi sa lahat ng ginawa nitong kabutihan para sa kanya. “Sige na nga. Pero sinabi mo naman na na hindi mauubos ang pera mo, baka naman puwede pang humirit sis.” Anitong ngingiti-ngiti. Minulagatan niya ito. “Hoy Janet ha! Nagiging abusado ka!” kunwa’y sabi niya pero pagbibigyan naman talaga niya ito. “E kasi matagal ko nang gustong bilhin ‘yun kaya lang ang mahal-mahal naman kasi. Dehins kaya ng budget.” Napapangusong sabi nito. “Ano ba kasi ‘yun?” curious niyang tanong. “May pabango kasi akong gustong bilhin. E kaya lang kulang lagi sa budget…” Iningusan niya ito. “’Yun lang pala eh! Siya. Halika na. Puntahan natin iyong pabango na gusto mo. Kahit sampu pa ang bilhin mo.” Tuwang-tuwang muntik pang tumalon si Janet. Umabrisyete ito sa kanya. “Wow! Ang sarap palang magkaroon ng mayamang kaibigan. Tamang-tama pala ang naging desisyon mo sis!” Nagkatawanan na sila pagkatapos. NATIGILAN sa paglalakad si Aya sa hagdan ng makita niya ang bulto ni Elijah sa kanyang daraanan. Hindi ito nag-iisa. Galing siya sa itaas at ngayon ay pababa siya ng hagdan. Gusto niyang bumalik sa loob ng kwarto subalit magiging obvious ang ginagawa niyang pag-iwas dito. Ipinasya niyang dumiretso ang lakad habang nakataas ang noo. Inihanda niya ang sarili kung sakali mang magkaroon nanaman sila ng sagutan. Hindi na siya papayag na lamangan siya ng binata. Subalit tila hindi siya nito napansin. Diretso ang lakad ni Elijah habang maaliwalas ang mukha. Kaakbay nito ang isang babaeng maganda at balingkinitan ang katawan. Subalit minabuti niyang huwag nalang itong batiin kahit pa magkakasalubong na sila. Kiber ba niya kung sabihin nitong bastos siya. E ito naman ang nagsimula ng hidwaan sa pagitan nila. Wala siyang ginagawa dito at ito lang ang nag-iisip ng hindi maganda sa kanya. Talaga nga yatang hindi siya napuna ng lalaki o mas tamang sabihing hindi talaga siya nito pinansin. Ang kasama nitong babae ay inirapan lang siya. Awtomatiko ang pagtaas ng kanyang kilay. Nang makalampas na ang dalawa ay bahagya siyang natigilan. Narinig niya ang mahinang tawanan ng mga ito. Dalawa lang ang nararamdaman niya sa mga sandaling iyon. Una, naiinis siya sa dalawa dahil pakiramdam niya ay siya ang pinagtatawanan ng mga ito. Ikalawa ay naiinis siya sa sarili, kasi ba naman naiinis siya sa binata dahil may kasama itong babae? Na siyempre ay hindi niya aaminin kahit sa sarili. Pakialam niya kung may kasama itong babae. Hmp! Kahit sampung dosena pa ang dalhin mong babae dito, wapakels ako sa iyo. Nakasimangot pa niyang sabi sa sarili. Dire-diretso na siya sa pagbaba. Hindi na niya nakita ang ginawang paglingon sa kanya ni Elijah.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD