Chapter 3

1408 Words
“UMUPO ka na muna diyan. Ano ba iyang dala mo?” wika ni Roel sa kanya pagkapasok nila sa loob ng bahay. Nanatili siyang nakatayo at sinulyapan lang ang sofa saka bumaling sa hawak na karton. “Ah, n-nagdala ho ako ng cake.” “O, bakit? Anong okasyon?” “N-natanggap na ho kasi ako sa trabaho.” Mahina niyang sagot. Nagliwanag ang itsura nito. “Talaga! Aba’y mabuti kung gayon. Naunahan mo pa si Chris ah. Tingin ko ay magiging masaya iyon pagdating niya. Akina na muna iyan at ng mahiwa.” Anitong lumapit sa kanya. Hindi niya napigilan ang mapaurong na napansin ng lalaki. Nagkatinginan silang dalawa. “Bakit?” tanong nitong ngumisi. Umiling siya. “W-wala ho.” “Alam mo Aya, napapansin ko parang mailap ka sa akin. Pero naiintindihan kita. Hindi mo pa kasi ako masyadong kilala. Alam ko namang iba ang dating ko sa mga tao. Tingin nila masama akong tao. Pero ganito lang talaga ako. At sana ay makampante ka sa akin.” Nang-eenganyong pahayag nito. Pero hindi pa rin talaga siya mapalagay. Kahit pa pinaamo nito ang itsura ay talagang iba pa rin ang pakiramdam niya rito. Kinuha nito ang kahon ng cake mula kanyang kamay. Napaiktad pa siya ng sumayad ang daliri nito sa kanyang daliri ng kunin nito ang kahon. Ang paranoid na bahagi ng kanyang isip ay sinasabing sinadya nito ang ginawa. Puwede naman kasi nitong hindi madantayan ang kanyang balat pero ginawa pa rin nito. Wala na itong ginawa pagkatapos. “Ako na munang bahala dito. Umupo ka na muna diyan habang hinihintay mo si Chris.” Anitong tumalikod na. Saka lang siya nakahinga ng maluwag ng lumayo na ang lalaki. Hindi talaga siya palagay na makasarilinan ito. Umupo siya sa pang-isahang sofa at nilibang ang sarili habang hinihintay ang kasintahan. At hindi iilang beses niyang napansin ang lihim na pagtingin-tingin sa kanya ng tiyuhin ng nobyo. Kaya naman hindi rin mawala-wala ang munting kaba sa kanyang dibdib. Bahagya din siyang alerto kung sakaling may gawin itong hindi maganda. Gayon nalang ang pasasalamat niya ng bumukas ang pinto at iniluwa niyon ang bulto ni Christian. Sumigla ang mukha nito pagkakita sa kanya. Tumayo ang dalaga at sinalubong ang kasintahan. Ibinalita niya dito ang pagkakatanggap niya sa trabaho ng pareho na silang makaupo. Maya-maya pa ay nauwi na sa kuwentuhan ang kanilang pag-uusap at sa huli ay sumali na rin ang tiyuhin nito….. KUMUYOM ang kamao ni Aya ng bumalik sa kasalukuyan ang kanyang isip. Hanggang ngayon ay malinaw pa rin sa kanya ang buong pangyayari at hindi niya iyon malilimutan hangga’t hindi nagdurusa ang totoong maysala kung bakit siya nakulong ng ilang taon sa bilangguan. Awtomatiko ang pagdilim ng kanyang mukha at pagtagis ng bagang. Bahagyang naggalawan ang panga ng dalaga dahil sa pagkakaisip sa pangyayaring iyon. Isang pangako sa sarili ang ginawa niya para sa mga taong tunay na may sala. Marahas siyang bumangon mula sa pagkakahiga ng marinig ang tinig ni Janet na nagtatawag sa kanya. Sandali niyang inayos ang sarili bago tuluyang lumabas sa kwartong iyon. MAAGA siyang gumising ng umagang iyon. Nag-ayos siya ng sarili at nagbihis ng maganda – o mas tamang sabihing mas matino kumpara sa mga isinusuot niya sa kulungan dati. Walang mag-iisip na minsan ay nakulong siya. Isang buntong-hininga ang kumawala mula sa dalaga habang nakatingin sa salamin at minamasdan ang sarili. Sisimulan na niya ang paghahanap ng trabaho sa araw na iyon. Sana ay madali kang makahanap ng trabaho. Kausap niya sa sarili. Duda kasi siya kung may tatanggap sa kanya oras na malaman na galing siya sa piitan. Hindi naman niya ugali ang magsinungaling. Pero hangga’t maaari ay hindi niya iyon babanggitin. Hindi siya masisirahan ng loob dahil lamang sa isiping iyon. Alam niyang matalino siya at hindi man sa pagbubuhat ng bangko ay nabiyayaan siya ng napakagandang mukha. Marami ang nagtangkang manligaw sa kanya sa loob ng kulungan subalit pinatigas niya ang kalooban kaya walang nangahas na lumapit sa kanya. Bago iyon ay marami ring kalalakihan ang nagkagusto at nanligaw sa kanya bago niya naging kasintahan si Christian. Isang maluwang na ngiti ang kanyang pinakawalan saka maaliwalas ang mukhang lumabas ng kwarto. NAKATINGALA si Aya sa may kalakihan din na fast food restaurant sa bahaging iyon ng Makati. Doon siya mag-aaply ngayon kahit bilang service crew o kahit cashier man lang. Hindi siya umaasang matatanggap sa mga kumpanyang nararapat niyang pasukan dahil sa tinapos niyang kurso kaya sa mga fast food restaurant muna niya naisipang mag-apply. Ang mahalaga ay magkaroon siya ng trabaho. At makapagsimula ng bagong buhay. Labas-pasok ang mga tao sa pinto larawan na maraming parokyano ang pumapasok sa loob ng kainang iyon. Muli niyang tiningnan ang address na nasa diyaryo kung saan niya nakita na nangangailangan doon ng trabahador. At upang makasigurado ay magtatanong siya sa guard na siyang nagbubukas ng pintuan sa mga taong pumapasok at lumalabas doon. Hahakbang na sana siya ng mahagip ng kanyang paningin ang isang may edad ng lalaking tutop ang dibdib. Tila hirap itong huminga at napakunot ang kanyang noo ng makitang napasandal na ito sa isang kotseng nakaparada roon. Sa itsura nito ay para itong nahihirapang huminga. Napatingin siya sa guard sa fast food subalit hindi yata nito nakita ang lalaki dahil abala ito sa ginagawa. Isa pa ay bahagyang malayo sa kanila ang lalaki. Hindi nagdalawang isip si Aya. Humakbang ang kanyang mga paa papunta sa lalaking tutop ang dibdib. Isinantabi muna niya ang gagawing pag-aaply ng trabaho. Nang makalapit ay agad niya itong binistahan. Sa tingin niya ay nasa sisenta pataas na ang edad nito. “Mama, ayos lang ho ba kayo?” tanong niya sa lalaking halatang hirap na ngang huminga. Nakita niyang butil-butil na ang pawis nito sa noo. Kagyat nalang na tumingin ito sa kanya. “H-hindi ako m-makahinga…t-tulungan mo ako..” hirap itong saad sa kanya. Humawak ito sa kanya upang kumuha ng suporta. Naramdaman niya ang bigat nito ng bahagya itong matumba. Mabilis niya itong inalalayan. Bigla siyang nataranta. Ang nangangapang kamay nito upang manatiling nakahawak sa kanya ay kinuha niya at inalalayan ang matanda ng may edad sisenta pataas. “S-sandali lang ho at hihingi akong ng tulong.” Natataranta niyang wika rito subalit humigpit ang hawak ng matanda sa kanyang kamay kaya naman hindi na siya nakahakbang. Tingin niya ay bibigay na ang matanda kaya naman napasigaw nalang siya ng maramdaman niya ang bigat ng katawan nitong sumandal na sa kanya dahil tuluyan ng bumigay. Nakakuha ng atensiyon ang sigaw niya dahilan upang makahingi siya ng tulong sa mga taong nagdaraan. Mabuti nalang at may napadaang walang sakay na taxi at mabilis na naisakay ang matanda. Dahil wala itong ibang kasama ay hindi na siya nagdalawang-isip na sumama rito papunta sa pinakamalapit na ospital. Tuluyan niyang nalimutan ang dapat ay pag-aapply ng trabaho. TAHIMIK na nakaupo si Aya habang hinihintay ang paglabas ng doctor na tumingin sa matandang dinala niya sa ospital na iyon. Kahit gusto niyang umalis ay hindi naman niya magawa. Naaawa siya sa matanda dahil wala pa yatang nakakaalam na kamag-anak nito sa nangyari. Isa pa ay baka kailangan pa siya ng doctor o mayroon pa itong mga katanungan kaya minabuti niyang manatili na muna roon hangga’t hindi lumalabas ang doctor. Napalingon siya ng bumukas ang pintuan sa emergency room at iniluwa niyon ang doctor na tumingin sa pasyente. Mabilis siyang tumayo at sinalubong ito. “K-kumusta na ho ‘yung dinala ko dito Doc?” may bahid ng pag-aalala hindi lang sa kanyang tinig maging sa kanyang mukha. Ngumiti ang lalaking doctor sa kanya na may edad na rin. “Maayos na ang lagay ni Mr. De Luna Miss. Mild attack lang ang nangyari kanina pero kung hindi naagapan na dalhin siya dito ay maaring lumala pa iyon.” Anito habang nagtatanggal ng hand gloves sa kamay. “Mabuti naman ho kung ganon.” Marahan siyang napatango. “Kung gayon ho ay puwede na ba akong umalis?” alanganin niyang tanong. Ngumiti ang doctor. “Puwede na Miss. Isa pa ay natawagan na namin ang mga kamag-anak niya. Pero hiniling ni Mr. De Luna na makausap ka muna.” “H-ho? P-pero bakit daw ho?” Nagkibit-balikat ang kausap. “Hindi ko alam, siguro ay nais niyang magpasalamat sa iyo. Sige hija, maiwan na kita riyan. Nailipat na rin siya sa kanyang kuwarto.” Iyon lang at nagpaalam na ito. Wala nang nagawa pa si Aya kundi ang tumango nalang.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD