Chapter 4

1678 Words
DAHAN-DAHANG binuksan ni Aya ang pinto kung saan nasa loob si Don Martin na naghihintay raw sa kanya. Kampante ang kanyang pakiramdam dahil sa kaalamang maayos na ang lagay ng lalaking dinala niya sa ospital na iyon kanina lang. Nais daw siya nitong makausap kaya naroon siya ngayon sa silid kung saan okupado ng taong natulungan niya. Payapa ang paghinga ng may edad ng lalaki ng mabungaran ni Aya. Nakapikit pa ito kaya naman nag-alangan siyang ituloy ang pagpasok. Subalit nagmulat ng mata ang matanda. Naramdaman marahil ang kanyang presensiya. Umaliwalas ang mukha nito pagkakita sa kanya. “Hija, halika…” anitong medyo paos ang tinig. Bahagya rin nitong iniangat ang kamay upang senyasan siyang pumasok. Isang kiming ngiti ang kumawala mula kay Aya habang papalapit sa kama ng matanda. Tumayo siya sa gilid ng higaan nito. “Ano ang pangalan mo magandang binibini?” wala ni munti mang bahid ng malisyang tanong nito ng makalapit siya. “Aya ho.” Maikling sagot niya. Marahan itong tumango-tango. “Aya, napakagandang pangalan. Kasingganda ng iyong ugali Aya. Ako nga pala si Don Martin.” Inilahad nito ang isang kamay sa kanya na mabilis naman niyang inabot saka sila nagkamay. Pagkatapos ay nagbitaw na rin sila. Hindi nakaligtas sa kanya ang salitang ‘Don’ na karugtong ng pangalan nito. Ibig sabihin ay hindi ito basta-basta at mayaman pala. “Gusto kong magpasalamat sa iyo dahil sa ginawa mo kanina. Kung hindi mo ako nadala kaagad dito sa ospital ay maaring sa morge na ako napunta. Maraming-maraming salamat sa’yo hija. Utang ko na ngayon ang buhay ko sa iyo.” Kiming ngumiti siya. “Naku. Huwag niyo hong sabihin iyan Don Martin. Wala ho kayong utang sa akin. At wala hong anuman. Kahit sino naman ho ang makakita sa nangyari kanina ay ganoon din ang gagawin. Nagkataon lang ho na ako ang nakakita sa inyo.” Nahihiyang pahayag niya. Umiling ang matanda pagkatapos ay huminga ito ng malalim. “Hindi ang lahat ng tao Aya. Masuwerte ako at ikaw ang nakakita sa akin, kung hindi ay …” Hindi na nito tinapos pa ang mga sasabihin. Pareho nilang alam kung ano ang katuloy ng mga salita nito. Napailing-iling nanaman ito. “Huwag niyo na hong isipin ang bagay na iyon. Ang mahalaga ay maayos na kayo.” Maagap niyang wika. Marahil nga ay ipinag-adyang siya ang taong naroroon kanina sa malapit kung saan ito inatake. Marahil ay nakatakda siyang tulungan talaga ito. Ngumiti ang kausap. “Maraming salamat pa rin Aya. Siyanga pala, saan ba dapat ang punta mo kanina?” pag-iiba nito ng kanilang usapan. Umayos ito ng pagkakasandal. “E…mag-aaply ho sana ako sa fastfood malapit sa kung saan kayo inatake.” Hindi niya naiwasang mabahiran ng panghihinayang ang tinig na napansin ng matanda. “Ibig mong sabihin ay may interview ka pala doon?” Tumango-tango siya na agad ding ngumiti. “Pero ayos lang ho iyon. Mas mahalaga ang buhay ng tao keysa sa interview. Siguro ho ay hindi lang talaga para sa akin ang trabaho roon.” Konsuwelo nalang siya sa sarili. Kunsabagay, ganoon lagi ang pananaw niya. Kapag may inaasam siyang bagay at hindi iyon napunta sa kanya, ibig sabihin ay hindi iyon para sa kanya. Maaring may ibang bagay na nakalaan para sa kanya. Pero iba ang sinabi ni Don Martin na nakapagpabigla sa kanya. “Napakabuti ng iyong puso Aya. Dahil diyan ay nais kitang bigyan ng gantimpala. Tanggap ka na kung anuman ang posisyong inaaplyan mo.” Ang wika nito. Napatuwid ng tayo si Aya. Bahagya ring namilog ang kanyang mga mata. “A-ano hong ibig ninyong sabihin?” “Hija, ako ang may-ari ng kainang iyon kaya kung anuman ang posisyong papasukan mo ay tanggap ka na.” nakangiting sagot nito. Umawang ang bibig ng dalaga. Hindi siya makapaniwala sa narinig. Baka naman niloloko lang siya ng kausap? Pero wala sa mukha ng kaharap ang pagbibiro. At hindi rin naman imposibleng ito nga ang may-ari ng sikat na kainang iyon dahil mayaman nga ito. Don nga hindi ba? Tila nabasa naman ng matanda ang nasa utak niya. “At huwag mong isiping niloloko kita. Totoong ako ang may-ari ng fastfood restaurant na iyon. Kaya ako nandoon ay upang bumisita roon pero hayun at inatake ako ng sakit ko sa puso.” Mahabang paliwanag nito pagkatapos ay huminga nanaman ito ng malalim. Hindi kaagad nakapagsalita si Aya. Pilit niyang inaarok kung totoo ang nangyayari sa kanya. Kung ganon ay may trabaho na siya? Totoong may trabaho na siya. At hindi na niya kailangang magpakahirap at magpunta sa mga interview at makatanggap ng rejections kapag nalaman ng mga taong galing siya sa kulungan. Diyos ko! Isa itong biyaya ng langit para sa kanya! Kahit hindi makapaniwala si Aya ay biglang nagliwanag ang kanyang mukha. “Ibig niyo hong sabihin tanggap na ho ako?” Tumango ang matanda. “Oo hija, ano bang ina-applyan mo?” Tuluyang sumigla ang itsura ni Aya. “Kahit dishwasher lang ho o kahit anong bakanteng trabaho doon. Kahit ano basta trabaho ho!” Masiglang sagot niya. “Sige hija, simula bukas ay magsisimula ka na sa iyong trabaho.” Nakangiting wika ng matanda. “P-Pero hindi niyo pa ho ako kilala. At diba kailangan ko pa hong magpasa ng mga requirements?” kambiyo niya. “Alam kong isa kang mabuting tao. At sa mga requirements naman, maaari mo naman iyong gawin habang nagtatrabaho ka. Sa tingin ko ay mukhang kailangang-kailangan mon a ng trabaho. Masasayang pa ang mga araw kung hihintayin pa nating makumpleto mo ang mga dapat ipasa hindi ba?” Sunod-sunod siyang tumango. “Maraming salamat ho Don Martin. Ipinapangako ko hong hindi koo kayo bibiguin at hindi ninyo pagsisisihan na kinuha niyo ako. Maraming maraming salamat ho!” Hindi matapos-tapos ang pasasalamat niya sa kaharap dahil sa naging desisyon nito. Naisip niyang hindi naman pala nasayang ang ginawa niya at ngayon ay heto at instant siyang nagkaroon ng trabaho. Suwerte pa niya dahil ang mismong may-ari ang kanyang nakausap. ILANG segundo na siyang nakatayo sa harap ng malaking bahay na iyon. Malaking katanungan pa rin kay Aya kung bakit siya ipinatawag ni Don Martin. Matapos ang naging usapan nila sa ospital at tinanggap siya nitong kahera sa pag-aari nitong restaurant ay masayang-masaya siya. Natuwa rin si Janet para sa kanya nang ibalita niya rito ang nangyari. Kinagabihan ay kumain sila sa labas at nag-celebrate. Mag-iisang linggo palang niya sa trabaho ng makatanggap siya ng tawag mula sa may-ari. Pinapapunta siya nito sa mismong bahay nito at nais daw siyang makausap ng masinsinan. Dahil doon ay nagkaroon siya ng malaking katanungan. Kaya naman narito na siya ngayon sa harap ng malaking mansiyon na pag-aari ng matanda. May munting kaba si Aya ng pindutin niya ang buzzer para sa doorbe sa harapan ng gate. Bumukas ang gate at bumungad sa kanya ang isang guwardiya na nakatoka doon. Tinanong kung sino siya. Sinabi ng dalaga ang pangalan maging ang pakay. Sandali siyang pinaghintay. Ilang sandali lang at pinapasok na siya ng guwardiya. Nangimi siyang itapak ang rubber shoes na suot sa makintab na marmol na sahig pagbungad palang niya sa loob ng malaking bahay. Nakakamangha ang loob niyon. Magagara ang mga muwebles at ang mga upuan ay tila ba kaysarap upuan dahil sa lambot niyon. Hindi niya alam kung saan siya banda titingin o ano ang uunahing tingnan dahil ang lahat doon ay magaganda. Kulay puti at krema ang kulay ng bahay sa loo at labas kaya lalong naging maaliwalang ang atmospera roon. Binati siya ng isang babaeng may kabataan na marahil ay isa mga kasambahay roon na para bang sadyang inaabangan siya. “Halika, sumunod ka sa akin. Inaasahan ka na ni Don Martin.” Ang wika nitong iminuwestra ang daan. Hindi napigilan ni Aya ang magmasid sa paligid habang sumusunod sa babae. Napakalaki talaga ng bahay na iyon. Ilan kayang kasambahay ang nagmimintina dito? Ang sarap sigurong tumira sa ganito kalaking bahay. Gagad ng dalaga sa sarili. Hindi naman tumagal ang kanilang paglalakad at narating nila ang library. Kumatok ang babae at saka binuksan ang pinto. “Pumasok ka na.” anitong nakangiti naman sa kanya. “Maraming salamat Miss.” Sinuklian niya ito ng mabining ngiti. NILINIS ni Aya ang lalamunan bago tumikhim. Ngayong nasa harapan na siya ng matanda ay bigla siyang kinabahan na hindi mawari. Ano ba ang nais nitong sabihin sa kanya? At bakit kaya kailangan pa talaga niyang pumunta roon? Nag-angat ng ulo si Don Martin mula sa mga papeles na tinitingnan nang marinig ang kanyang pagtikhim. Sa nakikita niya ay malakas pa ito sa kalabaw kumpara ng araw ng mangyari ang insidente. Tila hindi nga halata sa anyo nito ang tunay na edad. Matikas pa rin ang pangangatawan at masasabing guwapo. Maswerte ang asawa nito, iyon ang pumasok sa isip niya. “Magandang araw ho Don Martin.” Magalang niyang bati dito. Nag-alis ng salamin sa mata ang matanda ng tumingin sa kanya. “Magandang araw din sa iyo Aya, maupo ka.” Itinuro nito ang silyang nasa harap ng mesa nito. Magkasalikop ang kamay na sinunod niya ang utos ng matanda. Kiming umupo si Aya sa bakanteng silya saka humarap sa Don. “Kumusta ka Aya?” tanong nito ng makaupo siya. Kumpara sa una nilang pag-uusap ay medyo seryoso ang itsura nito ngayon. Malayo sa nahahapo at nakangiting itsura nito sa ospital. “Mabuti naman ho ako.” Umayos ito ng umupo. Sumandal ito at sinalubong ang kanyang tingin. Bakit kaya masyadong seryoso ang Don ngayon? Nakakakaba naman. Aniya sa sarili. Tumikhim siya. “E ano ho bang atin at gusto niyo raw ho akong makausap?” hindi na makapaghintay na tanong niya. Huminga ito ng malalim at ilang sandaling nagkaroong ng katahimikan sa pagitan nila. Ilang Segundo ang lumipas ng muli niyang marinig ang boses nito. “Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa Aya. Gusto kitang kausapin tungkol sa isang bagay na tiyak kong pag-iisipan mo.” Sinalubong niya ang tingin ng matanda. “Ano ho iyon?” “Nais kitang pakasalan.” Walang gatol nitong sambit sa kanya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD