19

3719 Words
Wala na siguro akong mahihiling pa sa buhay .  Kahit papaano ay tanggap ko na ang pagkawala ni Nanay at nagiging masaya na rin kami ni Tatay. Hinahanap namin siya paminsan-minsan pero kapag nangyayari iyon ay nagdarasal na lang kaming dalawa ni Tatay. "Bakit ka nga kukuha ng abogasya?" pangungulit ko kay Sebastian.  Nasa tambayan kami ngayon habang naghihintay ng practice para sa graduation namin. Sa sobrang panatag ko ay nairaos namin ang 4th year at ngayon ay practice na namin.  Nasa gilid ko si Mica at Olivia na parehong umiinom sa dalang pouch juice. Nakikinig lang ang mga ito sa usapan namin ni Seb.  "Para sa'yo." tipid niyang sagot.  Nanlaki naman ang mata ko sa sinabi niya. Hindi ko naman hiniling sa kanya na maging abogado siya o anuman.  "Wala naman akong sinabi na kumuha ka ng law ah!" angal ko.  Tinapunan niya lang ako ng tingin bago kinurot ang pisngi ko. "Para kapag gumawa ka ng kalokohan, ako ang magiging abogado mo at mapalaya kita kaagad." sabi niya sa akin.  Narinig ko ang mahinang tilian nila Mica at Olivia sa gilid ko. Hinampas ko naman ang braso ni Sebastian bago siya inilingan. "Ang corny naman niyan. As if, gagawa ako ng ikakukulong ko. Magbago ka nga ng profession mo!" sabi ko sa kanya tsaka siya inirapan.  Ako pa ang ginawang sangkalan para lang maging abogado siya. Ang lakas din talaga ng tama ng isang ito.  Hindi ko na ulit siya pinansin hanggang sa magpatuloy ang practice namin. Wala rin naman akong mapapala sa mga pinagsasabi niya. Consistent ang pagiging top 1 ko sa klase hanggang sa nagtapos ako ng High school. Ako ang class valedictorian, may mga offer na scholarship pero pinag-aaralan ko pa.  "Congratulations, Chari! We really think na deserve mo ang award na iyan. We are so proud of you!" nakangiting sabi nila Senyora Tamara at Senyor Santiago ng makita ko sila sa graduation namin ni Seb.  Ilang beses na umakyat si Tatay sa stage at sobrang proud siya habang sinasabitan ako ng medalya. Kung nandito lang si Nanay ay sabay pa silang aakyat sa entablado para lagyan ako ng medals.  "Maraming salamat po sa inyo, Senyor Santiago at Senyora Tamara. Kung hindi po dahil sa inyo ay hindi po ako makakapag-aral." sabi ko sa kanila. Umiling si Senyora Tamara sa akin. "Hindi sayang ang pagpapaaral naming mag-asawa sa iyo, Chari. You deserve that." nakangiting sabi niya sa akin sabay tingin kay Sebastian na nasa gilid nito.  "Congratulations din sa iyo, Sebastian." bati naman ni Tatay sa kanya.  "Maraming salamat po, Tito Fred." nakangiting sabi ni Sebastian dito.  Inanyayahan nila kami sa munting salo-salo sa bahay nila pero tumanggi kami ni Tatay. Pupunta kasi kaming sementeryo lalo na at maaga pa naman. Doon kami sa tabi ni Nanay mag-ce-celebrate ng graduation ko.  "Graduate na po ako, Nay. Para po sa inyo ni Tatay lahat ng ito." nakangiting sabi ko bago ko nilapag ang mga medalya ko sa harapan ng nicho nito.  Tinapik naman ni Tatay ang balikat ko. "Napakagaling talaga ng anak natin, Elena. Kung nakikita mo lang siya ngayon, sigurado ako na magiging sobrang proud ka rin sa kanya. " sabi ni Tatay sa akin. "Kapag nakapag-aral po ako ng kolehiyo. Sisiguraduhin ko po ulit na makakakuha ako ng mga awards para naman mas madali sa akin na makahanap ng trabaho." sabi ko kay Tatay na nakatingin sa akin.  "Basta't nandito ako sa tabi mo, anak. Huwag na huwag mong problemahin ang pag-aaral mo. Gagawin ko ang lahat para makatapos ka ng pag-aaral mo at matupad mo ang pangarap mong maging isang guro." sabi naman ni Tatay sa akin bago ako niyakap nang mahigpit.  Tungkol naman sa pag-aaral ko, at sa dami ng scholarship na mayroon ako. Hindi ko kasi alam kung kakayanin ba ni Tatay na pag-aralin pa ako. Katulad ngayong bakasyon na dapat nag-aasikaso ako para sa mga entrance exams ko sa kolehiyo.  "Ayaw mo ba talagang mag-aral?" tanong sa akin ni Micaela, isang hapon habang naglalakad kami galing sa bahay nila Olivia.  Nilingon ko siya, siya rin naman ay may pangarap mag-aral pero umayaw na lang. Mga magulang na kasi nito ang nagsabi na hindi na siya kaya pang pag-aralin.  "Gusto. Ikaw? May natanggap ka rin naman na scholarship ah. Bakit ayaw mo?" tanong ko sa kanya tsaka ko ibinaling ulit ang panangin sa nilalakaran namin.  "Sinabi ko bang ayaw kong mag-aral? Gustong-gusto ko makapagtapos, Cha-cha. Kaya lang mukhang wala na iyon sa plano nila Nanay at Tatay. Tignan mo nga at mukhang isa sila sa matatanggalan ng trabaho sa bukid," sagot niya sa akin. Medyo nalugi kasi ang bukirin ng mga Velasquez dahil sa mga peste. Hindi kayang maisalba kaagad at kailangan pa ng ilang taon bago makabangon ulit. Mas madalas tuloy na wala rin si Tatay sa bahay dahil lagi siyang kasama ng Senyora Tamara sa Maynila. May mga usap-usapan nga tungkol sa kanilang dalawa pero iniignora ko na lang.  Naniniwala ako sa Tatay ko at hindi sa mga chismis lang. Malalim ang pinakawalang buntong-hininga ni Mica. Namagitan tuloy ang mahabang katahimikan sa aming dalawa. Nagtapos lang kami ng high school ay parang hinaharap na namin ang mas malaking mundo.  Kung ang iba naming mga kaklase ay abala na sa pagbili ng mga kagamitan na gagamitin nila sa susunod na pasukan, kami mukhang malabo pa. "Dito na ako," paalam ko kay Mica pagdating sa tapat ng bahay namin.  Tumango naman siya sa akin at nagpaalam na rin.  Ako lang naman ang nasa bahay ulit. Medyo sanay na rin ako dahil busy naman talaga si Tatay at tsaka hindi na ako bata pa para alagaan. Nagsaing na agad ako at nagluto ng hapunan naming dalawa. Wala kasing natirang ulam sa carinderia ngayon dahil sobrang daming tao. Kasama ko na rin si Mica doon, isa na rin siyang taga-hugas. Mabuti na nga lang at pumayag si Manang Nora doon kasi nakikita niya rin na nahihirapan ako.  Ilang sandali pa ang lumipas, sa gitna ng katahimikan ay narinig ko ang pagbuhos nang malakas na ulan. Mabuti na lamang at wala akong sinampay na damit ngayon dahil bukas pa naman ako maglalaba. Isinara ko ang bintana para rin makaiwas sa malakas na anggi ng ulan. Tinapos ko na rin ang pagkain ng hapunan, naligo na ako at nagdesisyon na matulog na rin. Sakto naman at malamig ang panahon kaya hindi ko kailangan lakasan ang buga ng electric fan. Nakakatulog na ako ng marinig ko naman ang malakas at sunod-sunod na katok. "Chari! Chari! Andyan ka ba? Chari!" tawag sa akin ng kung sinuman.  Bumalikwas ako sa pagkakahiga. "Chari!" sigaw ulit ng kung sino. "Sandali lang po!" balik sigaw ko. Kinabit ko muna ang suot kong bra bago lumabas ng kwarto ko.   Halos madapa pa ako para lang buksan ang pintuan. Nasalubong ko kaagad ang mukha ni Kuya Elmer na isa sa mga driver ng mga Velasquez. Humahangos ito at basang-basa sa ulan.  "Kuya...bakit po?" tanong ko sa kanya.  "S...sumama ka sa akin. Yung tatay mo!" sabi niya sa akin. Agad ay parang bumundol ang kaba sa dibdib ko dahil sa sinabi niya. Kumunot ang noo ko habang nakatingin sa kanya. Wala na akong pakialam kung pantulog lang ang suot ko basta't nagmamadali akong sumama sa kanya.  Sumakay kami sa dala niyang sasakyan. Hindi ko alam ang unang salita na dapat kong itanong sa kanya. Natatakot ako sa pwedeng mangyari.  "A...asaan po si Tatay?" tanong ko, pilit kong pinapakalma ang boses ko.  Mabilis akong nilingon ni Kuya Elmer bago tinuon ulit ang tingin sa kalsada. Madulas ang daan at malakas pa rin ang buhos ng ulan.  "Hindi ko alam kung paano ko ipapaliwanag sa iyo lahat, Chari." naiiling na sabi ni Kuya Elmer.  "Handa po akong makinig, Kuya. Ano pong nangyari sa Tatay ko?" tanong ko sa kanya. Halatang nag-aalinlangan pa si Kuya Elmer pero wala rin siyang nagawa dahil pinipilit ko siyang sabihin sa akin ang totoo. "Naaksidente sila ng Senyora Tamara habang pabalik sila dito sa Trinidad. Madulas ang kalsada at nawalan ng brake ang kotse na minamaneho ni Kuya Fred. B...bumangga sila sa puno. Namatay kaagad sa eksena si Senyora Tamara," kwento niya.  Parang nawalan ako ng hininga sa binalita ni Kuya Elmer. Nag-uunahang bumagsak ang luha sa mata ko.  Ang unang pumasok sa isipan ko ay si Sebastian, kung ano ang nararamdaman niya ngayon.  "Nag-aagaw buhay naman ang Kuya Fred, Chari." dagdag pa niya. Isang malakas na hikbi ang kumawala sa lalamunan ko habang sunod-sunod at walang tigil ang luha sa mga mata ko. Totoo ba? Hindi ba ako nananaginip lang? Wala akong ibang naiiisip habang binabaybay namin ng Kuya Fred ang ospital ng Trinidad. Gusto kong maabutan ang Tatay, gusto ko siyang makita, gusto ko siyang lumaban dahil kapag nawala siya ay paano na lang ako? Tahimik akong umuusal ng dasal sa kung sinuman ang nakakarinig sa akin na huwag munang kunin si Tatay sa akin. Siya na lang ang natitirang mayroon ako. Hindi ko na alam kung kakayanin ko pa kung pati siya ay mawawala sa akin.  Pagdating namin sa ospital ay walang babala na bumaba na ako kaagad at nagmamadaling tinakbo ang Emergency room. Una kong nakita si Manang Tina na iyak nang iyak kaya nilapitan ko siya kaagad.  "Si Tatay po?" unang tanong ko sa kanya.  Mas lumuha si Manang Tina ay niyakap ako nang mahigpit. May ideya na ako sa pwedeng nangyari pero ayokong tanggapin iyon.  "Si Tatay ko po? Asaan po ang Tatay ko?" sunod-sunod na tanong ko sa kanya.  "Chari...wala na si Frederico." aniya sa akin. Animo ay may bumagsak na bomba sa akin dahil sa sinabi ni Manang Tina. Sunod-sunod ang naging pag-iling ko sa kanya.  "H...hindi. Hindi po totoo yan. Buhay pa ang Tatay ko! Buhay pa siya!" hysterical na sigaw ko.  Bakit ang bilis naman? Dinarasal ko pa lang na hintayin niya ako. Bakit wala na siya kaagad ngayon? Pumalag ako kay Manang Tina para mapuntahan ko si Tatay. "Asaan po ang Tatay ko? Asaan po siya? Tay! Andito na ako, Tay!" sigaw ko.  Hindi siguro talaga ako karapat-dapat na maging masaya dahil parehas na magulang ko ang maagang kinuha. Kakawala lang ni Nanay ngayon ay si Tatay naman. Anong kamalasan naman ito! Nanginginig ang tuhod ko at buong katawan ko habang papunta kami sa morgue. Hindi ko alam na dito ko ulit makikita ang Tatay ko.  Bagsak nang bagsak ang luha ko habang nakaalalay sa akin si Manang Tina.  Pagpasok namin sa malamig na lugar na iyon ay agad kong nakita ang isang katawan na natatabunan ng puting kumot. Lahat ng alaala sa pagkawala ni Nanay ay pumasok sa isipan ko habang nakatingin doon.  Nanghihina akong lumapit doon at dahan-dahan inalis ang kumot sa mukha. Walang tigil ang pag-iyak ko pagkakita kay Tatay na may mga sugat-sugat ang mukha at sobrang putla. "Tay? Totoo ba? Iiwan mo rin ako? Tay...gising ka na diyan, uwi na po tayo. Nagluto na ako para sa'yo." humilig ako sa dibdib niya habang hinahaplos ang mukha niya na sobrang lamig na.  "Tay..." inalog ko pa siya pero wala akong natanggap na sagot mula sa kanya.  "Gising na, Tay! Huwag niyo naman po akong iwan din." pagmamakaawa ko sa kanya. Katulad nga rin ni Nanay ay iniwan na rin niya ako. Mabuti na lamang at naroon si Manang Tina dahil naglulupasay na ako sa kaiiyak doon. Hindi ko alam ang gagawin ko. Hindi ko alam kung saan o paano ako magsisimula ngayong wala na rin si Tatay.  Ano ba ang nagawa kong masama para masaktan ng ganito? Para maging ganito ang buhay ko? Wala ba akong karapatan na maging masaya man lamang? Tulala at walang imik.  Iyan ang tamang paglalarawan sa akin habang hinahatid si Tatay sa huling hantungan niya, sa tabi ni Nanay. Sinagot ni Senyor Santiago ang gastusin para sa lamay at libing ni Tatay. Naunang inilibing ang Senyora Tamara kaya nakadalaw ang Senyor Santiago sa bahay.  Hindi ko man lang nagawang dumalaw sa kanila. Pero alam kong naiintindihan iyon ni Sebastian at ng mga Velasquez. Nawalan din ako.  Mag-isa na lang ako ngayon. Tuyo na ang mga luha ko at sobrang sakit na ng mata ko habang unti-unting ipinapasok ang pinaglagyan kay Tatay sa sementadong lalagyan katabi ni Nanay.  Kakaunti lamang ang nakisama sa libing dahil putok na putok ngayon ang usapan sa buong bayan na mayroong relasyon ang Senyora Tamara at Tatay. Nabangga raw ang mga ito dahil pinapasundan ng Senyor Santiago at sa sobrang takot ay nawalan ng preno.  Alam kong hindi totoo ang lahat ng iyon. Alam kong kasinungalingan lang ang mga iyon.  Kung hindi lang umulan ay hindi kami aalis sa sementeryo. Pagod na pagod ako dahil buong linggo akong nag-asikaso sa mga dumadalaw. Buong linggo akong walang matinong tulog. Buong linggo ko iniisip kung tama ba na mabuhay pa ako.  Wala naman ng dahilan pa para mabuhay pa.  Hinatid ako nila Manang Tina sa bahay. Gusto sana akong samahan ni Manang pero may trabaho pa ito sa mansyon. Si Micaela at Olivia ay willing akong samahan pero mas pinili kong mapag-isa. Mas kailangan kong mapag-isa. Naupo ako sa madalas tambayan namin nila Nanay at Tatay noon sa labas ng bahay. Hindi ko talaga matanggap na sobrang bilis. Parang kailan lang ay ang saya-saya pa namin. Nagtatawanan pa kami at kasabay ko pa silang kumain.  Ngayon ay wala na sila.  Nagbagsakan ulit ang mga luha sa mata ko. Ang luha na akala ko ay natuyo na.  Tumingala ako sa langit at pinagmasdan ang pamumuo ng maitim na ulap doon.  "Ang saya-saya niyo po siguro ngayon, Nanay at Tatay. Magkasama na po kayong dalawa." sabi ko habang nakatingala sa langit.  "Iniwan niyo naman ako. Bakit hindi niyo na lang ako kunin din? Para makasama ko na rin po kayo diyan."  Nanginginig ang labi at mga kamay ko habang patuloy na sinasabi iyon. Isipin ko pa lang talaga na sa mga darating na araw ay wala na sila, hindi ko matanggap kaagad. Napakahirap...napakabigat.  Ilang minuto akong nanatili na nakatingala sa langit ng may tumawag sa pangalan ko.  "Charlotte,"  Agad kong tinignan ang pamilyar na boses na iyon. Nakatayo sa harapan ng kahoy na gate namin ay si Sebastian. Malalim ang mga mata nito at malungkot ang mukha. Hindi ko man lang siya nadalaw, hindi ko man lang siya nakamusta.  Naglakad siya palapit sa akin at naupo sa tabi ko. Sa lahat ng iyon ay nakasunod lang ang tingin ko sa kanya.  Alam kaya nito ang usap-usapan na may relasyon ang Tatay ko at ang Mommy niya? Alam ko kung gaano kataas ang respeto ni Sebastian sa ama ko at sa ina niya. Siya na lang ang tanging mayroon ako ngayon.  Malungkot ang mga mata nito ng tumingin sa akin. "I'm sorry, hindi man lang ako nakadalaw kahit isang beses. " aniya sa akin.  Umiling ako sa kanya, "Naiintindihan ko. Nawalan ka rin katulad ko. Pasensya ka na rin at hindi ko man lang nagawang dumalaw sa inyo."  sabi ko sa kanya. He heaved a deep sigh before nodding. "I'm sorry for your loss too, Chari. Kung pwede lang na kunin ko yung sakit na nararamdaman mo ngayon ay ginawa ko na." sabi niya sa akin.  Ang pinipigilan kong mga luha ay nagbagsakan na ulit. Mali pala ang akala ko na natuyo na ito. Mayroon pa pala.  Iniwas ko ang tingin sa kanya at tinanaw ang daanan, "Hindi ko alam kung bakit pinaparasuhan ako ng ganito. Siguro...ang sama kong anak kaya nararanasan ko ito, Seb. Hindi siguro ako dapat maging masaya." Ang mainit na braso ni Sebastian ang yumakap sa akin. Nang maramdaman ko ang paghigpit nang yakap niya sa akin ay humagulgol ako ng iyak. Ang sakit-sakit talaga. Napakaiksi ng oras ko na nakasama ko ang mga magulang ko.  "Hindi ko man lang nagawang ibigay yung pwede kong ibigay sa kanila. Hindi man lang ako nakapagpasalamat sa lahat ng sakripisyo na ginawa nila para sa akin.  Hindi man lang nila nakita na naabot ko na yung mga pangarap ko. Bakit ganun naman? Ayoko na, Basti. Ayoko na rin mabuhay!"  Sa kanya ko nagawang masabi lahat ng iyon. Siya lang ang alam kong may kakayanan na makinig sa akin. Ang taong makakaintindi sa problema ko. Siya lang lahat iyon.  "Hush now, love." narinig kong bulong niya sabay ng mga mumunting hagod niya sa likuran ko.  Hinayaan lang ako ni Sebastian na umiyak nang umiyak sa kanya. Napagod na lang ako sa pag-iyak kaya lumayo ako sa kanya at tinitigan siya.  "Seb...huwag mo akong iiwan ah? Hindi ko kakayanin kung pati ikaw iiwanan din ako."  Alam kong makasarili ang hiling ko na iyon pero sa oras na ito ay iyon lang ang gusto ko.  Ang huwag siyang umalis sa piling ko.  Pinunasan ni Sebastian ang pisngi ko bago ako marahang hinalikan sa noo, "Babalik din naman ako kaagad para sa iyo, Chari."  May bahid ng hirap sa boses niya pagkasabi nun sa akin.  Natigil ako at lumayo sa kanya. Naguguluhan sa sinasabi niya.  "A...anong ibig mong sabihin?" tanong ko sa kanya.  Pain reflected from his eyes, "My sisters and I, will go to Spain tonight. Andito lang ako para magpaalam sa iyo." mahina niyang sabi sa akin. Ngayong natitigan ko siyang mabuti ay nakagayak na nga siya. Hapon na rin at pasapit na ang dilim, mamaya ay iiwan na rin niya ako. "B...bakit? Doon ka na ba mag-aaral?" tanong ko sa kanya.  He nodded slowly, "I can't disagree to them. It's the only way para maprotektahan kita sa mga ate ko." sabi niya sa akin.  Kumunot ang noo ko sa sinabi niya, "Protektahan? Bakit? Para saan?"  Bumuntong-hininga siya nang malalim bago pilit na hinawakan ang kamay kong inilayo sa kanya. "Nagagalit sila dahil akala nila ay totoo ang relasyon ni Tito Fred at Mommy. Ilang beses kong pinaliwanag sa kanila na hindi iyon totoo---" Itinaas ko ang kamay ko para mahinto ang iba pa niyang sasabihin. Ibig sabihin, umabot na sa kanila ang chismis tungkol sa 'relasyon' ng tatay ko at ni Senyora Tamara. "Walang relasyon ang mga magulang natin, Sebastian." pinal na sabi ko.  "I know. That's why I told them na wala nga. Hindi ako naniniwala doon--" "Hindi ka naniniwala pero iiwan mo pa rin ako?" tanong ko sa kanya.  Napahawak siya sa batok niya at pilit na pinapahaba ang pasensya sa akin. "I will do this for you, Charlotte. Ayokong puntahan ka ng mga kapatid ko dito at awayin dahil lang sa maling akala." "Pero hindi naman totoo! Wala silang relasyon, Sebastian!" malakas na sabi ko sabay tayo.  Nakuyom ko ang palad ko at halos maramdaman ko roon ang pagdurugo ng kamay ko. "Chismis lang ang lahat ng iyon! Sinabi na rin ng Senyor Santiago na walang katotohanan ang usap-usapan na iyon! Kaya bakit nagagalit sila sa akin? Wala akong kinalaman doon lalo na at hindi siya totoo!" Tumayo rin si Seb para subukan akong abutin pero umilag ako. "Sabihin mo nga sa akin, Sebastian. Naniwala ka rin sa chismis na iyon di ba? Kaya hindi mo ako nadalaw man lang?"  tanong ko sa kanya.  Tumahimik siya at hindi sumagot sa akin. I laughed sarcastically at him, "Now, nandito ka para ano? Damayan ako? Totoo ba yang pakikiramay mo sa akin?" marahas kong pinahid ang mga luha sa mata ko.  "Charlotte...allow me to explain everything." pakiusap niya sa akin.  "Explain? Sige, ipaliwanag mo sa akin para maintindihan ko. Kasi gulong-gulo na talaga ako, Seb. Ayoko na! Pagod na pagod na ako sa mga chismis na naririnig ko! Yung mga masasamang tingin sa akin ng mga tao! Lahat iyon tinitiis ko!" sigaw ko sa kanya.  Hirap na hirap ang mukha ni Sebastian habang nakatingin sa akin, "Totoo...noong una, napaniwala ako na mayroong relasyon ang tatay mo at ang nanay ko. Pero alam kong hindi talaga iyon totoo. Naunahan lang ako ng galit sa nangyari. My father explained me everything  and my hunch was right...walang ugnayan si Tito Fred at Mommy. My mom loves my father so much and I believe the same thing for your father." simula niya. Humakbang pa siya papalapit sa akin  pero ako ang lumayo.  "Nasasaktan ako dahil hindi man lang kita napuntahan kahit minsan. I can't imagine the pain you're carrying right now. Kung pwede ko lang kunin yung nararamdaman mong sakit ngayon, ginawa ko na." dagdag pa niya.  "Aalis ako dahil gusto kitang protektahan. Gusto kitang ilayo sa mga kapatid ko na hindi ko maintindihan kung saan nagmumula ang galit sa iyo. Ayokong masaktan ka nila dahil baka hindi ko alam kung ano ang magawa ko kapag sinaktan ka nila.... Hindi ko rin gusto na iwan ka, Charlotte. I really want to stay by your side." aniya, nangingilid ang luha sa mga mata nito habang nakatingin sa akin.  Napatakip ako sa bibig ko tsaka ako lumapit para yakapin siya. Halatang nagulat siya pero nakabawi rin naman siya at yinakap din ako nang mahigpit.  "I'm sorry because I will leave you for the mean time, Charlotte. Kung pwede lang kitang isama sa pupuntahan ko, ginawa ko na." bulong niya sa akin.  "Sorry din...hindi man lang kita nadamayan noong panahon na kailangan mo ako. Alam kong sobrang hirap din sa iyo yung nangyari kay Senyora Tamara. Patawarin mo rin ako, Sebastian." sabi ko sa kanya.  Naramdaman ko ang pag-iling niya at ang mas mahigpit na pagyakap niya sa akin. "Babalik kaagad ako para sa iyo. Mag-aaral akong mabuti para pagbalik ko, makasama na kita ulit. At kung handa ka ng sagutin ako...didiretso na agad kita sa kasal, Chari. Ganun kita kamahal. Mahal na mahal na mahal kita." sabi niya sa akin.  Marahan akong tumango sa kanya. "Mahal na mahal din kita, Sebastian." sabi ko sa kanya.  Natigilan naman siya sa sinabi ko bago lumayo at tinignan ako. "Anong sabi mo?" tanong niya sa akin.  Hinaplos ko ang pisngi niya bago pinilit na ngumiti, "Balikan mo ako kaagad, Attorney. Hihintayin kita sa pagbalik mo. Mahal na mahal na mahal din kita, Seb." mahina at mabagal kong sabi sa kanya.  Animo ay lumiwanag ang mukha niya pagkarinig nun sa akin. Marahan siyang tumango bago lumapit sa akin at dampian ako ng magaang na halik sa labi ko.  Mahigpit ang pagkakahawak ko sa braso niya bago niya ako binitawan at tinignan mabuti. "Intayin mo ako. Babalikan kita kaagad." aniya sa akin.  Tumango ako sa kanya bago muling yumakap.  Pati rin siya iiwanan na ako. Kakayanin ko ba na wala na sila sa buhay ko? Sana kayanin ko. Sana makaya ko. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD