20

3701 Words
Mahirap para sa akin ang magpatuloy pa sa buhay. Lagi na lang ay inuusig ako ng mga tingin ng mga tao. Akala talaga nila ay may relasyon ang Tatay at Senyora Tamara, kaya parehas na namatay ang mga iyon sa aksidente.  Dalawang buwan pagkalipas na mawala ang Tatay at Senyora Tamara pati na rin ang pag-alis ni Sebastian, ay sinubukan ko ulit humanap ng mapapasukan.  Hindi na kasi ako ulit kinuha ni Manang Nora. Ayaw man niya akong paalisin ay nababawasan ang costumers niya sa carinderia dahil nakikita ako ng mga tao doon. Naiintindihan ko naman na negosyo ang pangunahing rason niya. Pinagtatanggol pa nga niya ako sa ilang mga kumakain doon. "Pasensya ka na talaga, Chari. Kung kaya ko lang din talaga kumuha ng kasambahay ngayon ay ginawa ko na. Maliit lang naman ang bahay namin at nagagawa ko naman halos lahat ng gawaing-bahay." hinging-paumanhin ni Aling Nora sa akin.  Naiintindihan ko.  Wala naman akong dahilan para mag-rason pa sa kanya. Naging napakabuti niya sa akin at wala na akong mahihiling pa doon. Si Micaela ay naiwang katulong ni Aling Nora sa carinderia. Mabuti na rin iyon dahil nawalan na nga ng trabaho sa bukid ang mga magulang niya. Nabalitaan ko rin na mula ng mawala ang Senyora Tamara ay bumagsak na ang katawan ng Senyor Santiago. Lalo na at wala rin ang mga anak nito sa tabi nito ngayon. "Naglabasan ang sakit ng Senyor Santiago," kwento ni Manang Tina sa akin pagdalaw niya. May dala siyang mga gulay at prutas para sa akin.  "Kumusta naman po ang Senyor?" tanong ko sa kanya.  "Namimiss ang mga anak at ang Senyora. Ganun talaga." sabi ni Manang Tina. Tumango ako sa kanya. Natigil naman ito sa ginagawa at tinignan ako bago lumapit sa akin. "Nag-aalala ako lagi sa iyo, Chari. Kung pwede lang ay kunin na kita, ginawa ko na kaagad. Kailangan mo rin magpalakas, anak. Hindi pwedeng lagi kang panghihinaan." sabi niya sa akin.  Muli ay tumango ako sa kanya. Ganun naman talaga, kailangan ko maging malakas. "Kakayanin ko po." tipid na sagot ko sa kanya.  "Makakaya mo." humugot ito ng isang papel sa bulsa ng suot na damit. "Eto ang numero ko sa mansyon. Tawagan mo lang ako kapag kailangan mo ako. Nag-aalala rin ang Senyor Santiago sa iyo, anak." sabi niya sa akin. "Maraming salamat po, Manang Tina. Salamat po sa lahat." sagot ko sa kanya. Nakarating akong Oliveros para mag-apply lang ng trabaho pero hanggang doon ay tinatanggihan ako. Halos magkakalapit lang kasi ang San Rafael, Trinidad, at Oliveros. Lahat iyon ay kilala ang Senyora Tamara.  Hindi ko naman sila masisis dahil kahit anong paliwanag ko , na hindi naman totoo ang tungkol sa usap-usapan tungkol kay Tatay at Senyora Tamara ay hindi sila nakikinig.  Bahagi na rin siguro talaga ng pagkatao nila iyon. Wala akong magagawa, wala akong masisisi na kahit sino.  Tuwing gabi ay dinadalaw ako ng luha, ng lungkot, at galit. Gustong-gusto ko sumigaw at magwala pero hanggang doon lang ang nagagawa ko.  Wala rin akong balita tungkol kay Sebastian. Hindi ko alam kung excuse niya lang yung po-protektahan ako para makaalis siya at layuan ako. Wala akong ideya.  Isa akong walang kalaban-laban na mandirigma sa harap ng napakaraming kaaway.  Kung hindi lang sa tulong ni Olivia at Micaela ay baka hindi ko kayanin ang araw-araw. Kung minsan ay nagkikita-kita kami para makausap nila ako. Pero hanggang doon na lang din iyon.  Dahil pagsapit ng Hunyo ay nagsimula na ang pasukan. Si Olivia ay nag-aaral na sa Maynila samantalang si Micaela ay pinag-aral pa rin ng mga magulang sa tulong na rin ng scholarship mula sa isang mayaman sa San Rafael. Tumatanggap ako ng labada sa mga kapitbahay namin, kahit magkano na lang ay tinatanggap kong halaga basta't makakain ako at makapagbayad ng kuryente. Hindi na ako nag-abalang mag-aral pa. Dahil noong sinubukan ko na mag-enrol sa isang eskwelahan na nag-alok sa akin ng scholarship ay hindi ako tinanggap dahil sa nangyari kina Tatay at Senyora Tamara.  Hindi ko na sinubukan pa ulit.  Wala naman ng dahilan para subukan muna.  Baka sa susunod magawa ko na siya, pero hindi ngayon.  Naiinggit ako sa mga kaedad at kaklase ko kapag nakikita ko silang umuuw galing sa eskwelahan. Gustong-gusto ko rin maging katulad nila...yung masaya at puno ng kaalaman pagkagaling sa eskwelahan.  Kung minsan ay kasama pa nila ang mga magulang nila at talagang inggit na inggit ako doon.  Setyembre ay pinadaan ko lang ang kaarawan ko. Wala namang dahilan para ipagdiwang pa iyon. Anong saysay kung ako na lang ang natitirang nabubuhay sa mundo? Puro iyak lang ang nangyari sa akin habang yakap-yakap ang una at huling larawan ng pamilya namin.  Wala pa ring mensahe o liham man lang si Sebastian sa akin. Ganun ba talaga kapag nasa ibang bansa? Mahirap humanap ng paraan para makausap ang iniwan sa Pilipinas?  Isinantabi ko muna ang nararamdaman ko para kay Sebastian. Kung lagi akong aasa sa kanya ay hindi ako makakausad.  "Kumusta college?" Iyan ang unang tanong ko kay Micaela.  School break kasi nila ngayon...kumukha siya ng midwifery dahil iyon ang medyo mababa ang halaga ng babayaran at tinanggap sa scholarship niya. Bumuntong-hininga si Micaela, "Masaya naman. Nakakapagod lang dahil kailangan kong mag-aral at magtrabaho. Kailangan pagsabayin kasi." aniya sa akin.  Sa totoo lang, inggit na inggit ako kay Micaela. Nang makahanap kasi ng trabaho sa San Rafael ang mga magulang niya ay umalwa ang buhay nila. Nagkaroon ng munting selebrasyon noong debut niya na hindi ko man lang napuntahan.  Sana ganun din ako kung buhay pa ang mga magulang ko. Pero wala na rin namang silbi kung pilit kong babalikan at aalalahanin ang nakaraan.  Tipid na ngumiti ako sa kanya habang pinapakinggan ang kwento niya. Halatang enjoy na enjoy siya sa college pati na rin ang bagong buhay na mayroon ito. Hindi pa ulit nagagawi si Olivia sa Trinidad dahil sa sobrang abala ito tiyak sa eskuwela.  Pagsapit ng gabi ay naiwan na ulit ako mag-isa.  Sinubukan ko ulit maghanap ng trabaho kahit kahera man lamang. Nakarating ako sa San Isidro na dalawang oras ang layo mula sa Trinidad.  Sa malaking grocery store ay nakuha akong kahera. Kahit nakakapagod ang biyahe ay tiniyaga ko. Mukha naman kasing walang alam ang lugar na iyon sa mga nangyayari sa Trinidad. Sa isang kolehiyo malapit sa pinapasukan kong store ay nagsubok ako ng scholarship.  Natanggap naman ako kaya nagdesisyon ako na kumuha ng maliit na silid na pwedeng upahan sa San Isidro.  "Maliit lang pero okay ka naman siguro dito?" Iyon ang sabi ni Sir Mark, manager ko sa grocery store na tinutuluyan ko.  Binigyan niya ako ng pwedeng pag-stay an sa grocery store. May isang gwardya sa labas at ako ang nasa loob ng store. Sakto lang din dahil kinuha ko ang panggabi na schedule.  "Sigurado po kayo, Sir? Wala pong problema kahit mag-stay ako dito?" tanong ko sa kanya. Lumapit sa akin si Sir Mark at hinawakan ang balikat ko bago marahang pinisil iyon. "Walang problema, Alaina. Isa pa, tiyak naman na hindi ka magnanakaw di ba?" nakangiting tanong niya sa akin.  Sunod-sunod ang naging pagtango ko. "Opo! Opo! Wala naman pong problema. Maraming salamat po talaga, Sir Mark!"  Noong una ay madali sa akin. Alas-siyete ng umaga hanggang alas-kwatro ng hapon ang pasok ko, tapos ay alas-singko hanggang closing time na ako sa grocery store kasama na ang paglilinis doon.  Nakakayanan ko naman. Tuwing weekdays hanggang Sabado ay sa San Isidro ako tapos kung Linggo naman ay umuuwi ako sa Trinidad. Syempre nag-aadjust ako lalo na at second semester na ang napasukan ko. Nakakahabol naman ako, wala akong iniintindi na babayari n sa eskwelahan dahil sa scholarship ko. Wala rin akong bayarin na inuupuhan at ilaw dahil libre lang ako sa maliit na kwarto sa grocery store. Pagkain lang at sariling pangangailangan ang kailangan kong gastusin.  Nakaipon naman ako. Pinipilit ko talagang mag-ipon.  "Merry Christmas po," iyan ang bati ng huling costumer ko para sa araw na iyon. Tinignan ko ang relong-pambisig ko, alas-diyes na ng gabi. Ilan lang ako sa nanatili sa store para maging kahera. Maaga kasing umuwi yung iba dahil Pasko at gustong magdiwang kasama ang pamilya.  "Merry Christmas din po." ganting-bati ko sa kanya habang sinusundan siya ng tingin kasama ang asawa at mga anak.  Nangilid kaagad ang luha ko. Ito ang unang pasko na wala na ang mga magulang ko. Mag-isa akong magdiriwang sa araw na ito. Wala akong Nanay o Tatay na yayakapin man lang.  Pumapatak ang mga luha sa mata ko habang sinasara ang box ko. Kailangan ko pang mag-balanse ng kabuuan na kinita ko ngayong araw.  Double pay din at mayroon kaming bonus na natanggap kanina.  Halos alas-onse na ng iabot ko ang box ko kay Sir Mark. Napatigil ito at napatingin sa akin. Pinagsuot kasi kami ng Santa costume, maiksi masyado ang pulang palda sa akin na sa bawat pag-upo ko ay kailangan ko pa hilahin pababa. Gayundin ang suot kong pula na damit ay fit na fit sa akin.  "Ang ganda-ganda talaga ni Alaina. Saan ka ba ngayon? Uuwi ka ba sa Trinidad? Gusto mo bang ihatid kita?" tanong niya sa akin.  Umiling ako sa kanya. Wala namang rason para umuwi pa ako doon. Anong saysay pa? "Dito lang po, sir. Baka marami rin pong mamili bukas para naman po sa Media Noche." sagot ko sa kanya bago pirmahan ang log book.  "Merry Christmas po, Sir Mark." bati ko sa kanya bago siya tinalikuran at pumunta sa kwarto ko.  Maliit lang ang kwarto ko, literal na maliit lang. Maliit na kama at nagsasabit lang ako ng mga damit sa gilid para may paglagyan ako ng damit ko.  Pagpasok ko doon ay nagbagsakan ang luha ko. Paskong-pasko pero heto ako at mag-isa ngayon. Tinignan ko ang larawan ng pamilya namin at niyakap ulit iyon bago tahimik na umiyak. Mga nasa tatlumpong minuto rin iyon bago ako nahimasmasan at inilagay sa ibabaw ng maliit na mesa ang larawan nila Nanay at Tatay.  Inabot ko ang isang piraso ng cupcake na bigay sa akin kanina ng kasamahan ko at isang bote ng tubig.  "P...Pasko na po ngayon, Nanay at Tatay. Sana po masaya kayong dalawa diyan sa itaas." sabi ko habang inaayos ang lamesa.  Ito na ang handa ko para sa araw na ito. Hindi pa ako nag-aabalang magpalit ng damit dahil malapit na mag-alas dose ng gabi.  "10, 9, 8, 7, 6, 5, 4, 3, 2, 1..." mahinang bigkas ko sa bawat segundo na dumaan bago sumapit ang alas-dose. Muli ay nahilam ng luha ang mata ko pag-angat sa larawan nila Nanay at Tatay, "Maligayang Pasko po, Nanay at Tatay...Mahal na mahal na mahal ko po kayong dalawa." Inabot ko ang picture frame nila at niyakap iyon nang napakahigpit.  Ang tahimik na pagluha ang tanging nagawa ko habang  kumakain ng isang pirasong tinapay para sa aking Noche Buena.  Pagkaraan nun ay nagdesisyon na akong maligo sa palikuran na naroon. Madilim na ulit ang grocery store at ang mumunting ilaw lang sa aisle ang liwanag.  Mabilis ang naging pagligo ko bago bumalik sa kwarto.  Maluwag na t-shirt at jogging pants ang suot ko. Sinigurado kong naka lock ang pintuan bago ako natulog yakap ang larawan nila Nanay at Tatay.  Napaniginipan ko na kasama ko silang nagdiriwang ng Pasko sa bahay namin sa Trinidad. Si Nanay ay nagluluto ng masasarap na putahe habang katulong si Tatay, tapos ako ay masayang pinagmamasdan naman silang dalawa.  Nagbabagsakan ang luha ko habang pinagmamasdan sila. Ang saya-saya nilang dalawa. Ang bata nilang tignan. Si Nanay ay walang bahid ng sakit ang mukha habang si Tatay ay matikas at maganda ang tindig ng katawan. Nilingon nila ako tapos ay mas lumaki ang ngiti nila habang nakatingin sa akin.  Hawak nila ang isang mahabang cake , "Chari, anak, halika rito at magsalo-salo tayo ng Tatay mo." tawag ni Nanay sa akin.  Para akong hinehele sa boses ni Nanay. Ang sarap pakinggan at ang lamig sa tenga ng boses niya. "Nay..." tawag ko sa kanya. "Ano ba ang ginagawa mo diyan, Chari. Halika na at kumain na tayo. Nagluto ng espesyal ang Nanay mo ngayong Pasko. Lahat ng paborito mo ay niluto niya." nakangiting sabi naman ni Tatay.  Gumaralgal ang labi ko habang nakatingin sa kanila, "Tay..." nanginginig ang boses na tawag ko sa kanila. "Maligayang Pasko, mahal naming anak. Mahal na mahal ka namin ng iyong Tatay." sabi naman ni Nanay sa akin.  "Mahal na mahal ko rin po kayo." mahinang sagot ko sa kanila.  Ang masayang pagsasalo namin sa hapag ay biglang nawala ng maramdaman ko ang isang kamay na humahawak sa dibdib ko.  Hindi iyon panaginip dahil pati ang paghinga sa tenga ko ay ramdam na ramdam ko.  Agad akong nagmulat at nakita si Sir Mark na nasa ibabaw ko. Halatang lasing habang patuloy sa ginagawa sa dibdib ko.  Para akong tinakasan ng kulay sa ginagawa niya sa akin. "S...Sir," tawag ko sa kanya tapos ay sinubukan siyang itulak. Tumingin siya sa akin.  Hindi ko ugaling magpatay ng ilaw sa kwarto ko dahil mag-isa lang naman ako at maliit lang ang ilaw na mayroon ako. Kitang-kita ko mula sa liwanag ang pamumula ng mata niya, amoy na amoy ko rin ang alak mula sa kanya. "Ang sarap mo talaga, Alaina. Isang beses lang naman ito. Pagbigyan mo na ako." sabi niya sa akin bago bumaba para halikan ang leeg ko. Pumalag ako, "Sir! Ano po ba?! Bitawan niyo ako...Ugh!"  Isang malakas na suntok ang ginawad niya sa sikmura ko dahilan para mawalan ako ng lakas. Bumabagsak na ang luha sa mata ko at alam kong nanghihina na ako. Pero mas lumakas ang kagustuhan ko na makaalis sa kanya.  Halos masira na pala niya ang damit ko kaya nakikita ng bahagya ang suot kong bra. Hindi ko alam kung kailan niya ginawang masira iyon. Mahigpit din ang pagkakahawak niya sa kamay ko habang paulit -ulit na hinahalikan ang leeg ko. "Sir! Parang awa niyo na po! Tigil niyo po ito!" pakiusap ko pa sa kanya habang inilalayo ang mukha ko para lang huwag niyang mahalikan.  "Tangina, ang tagal kong nagnasa sa iyo tapos patitigilin mo ko? Hindi!" sigaw niya sa akin sabay sampal sa akin nang napakalakas dahilan para malasahan ko ang dugo sa gilid ng labi ko. "Tulong! Tulungan niyo ako! Sir...parang awa niyo na po! Huwag po, Sir!" sigaw ko ulit. Mabigat siya habang nakapatong sa akin pero ginawa ko ang lahat para hindi niya ako tuluyang malapastangan. Gamit ang tuhod ko, ay tinuhod ko ang maselang bahagi niya. Dahilan para mapabitaw siya sa akin at mapasigaw sa sakit. "Hayop ka!" galit na sigaw niya.  Agad ko siyang tinulak at hinampas ng unan bago nagmamadaling kinuha ang larawan nina Tatay at Nanay at ang  kaisa-isang bag na mayroon ako at tumakbo nng mabilis paalis sa lugar na iyon. "Alaina!" sigaw ni Sir Mark. "Bumalik ka dito, demonyo ka!"  Pero hindi ko siya pinakinggan. Patuloy lang ang pag-iyak ko, hindi na alintana ang nakalaylay kong damit at buhok na gulo-gulo. Nagmamadali akong nagtungo sa labasan.  Doon ay nakita ko si Kuya Jerome na gwardya namin. Napatingin siya sa akin at gulat na gulat sa anyo ko. "Anong nangyari sa iyo?" tanong niya sa akin. "K...Kuya, si Sir Mark po. Tinangka niya po akong gahasain." umiiyak na sumbong ko.  "Ano?" gulat na tanong niya tsaka nilingon ang nilabasan ko. Malakas na boses ni Sir Mark ang nagpapitlag sa amin dalawa. Tinatawag nito ang pangalan ko.  "Kuya, tulungan niyo po ako." pagmamakaawa ko sa kanya.  Hindi malaman halos ni Kuya Jerome ang gagawin niya kaya lumapit siya sa akin. "Tumakbo ka dali. Pagkanan mo dito at takbuhin mo lang ng diretso at may police station doon. Isumbong mo ang nangyari. Huwag kang mag-alala, itatago ko ang kopya ng CCTV para may ebidensya sa demonyong iyon." sabi niya sa akin. "P-ta! Alaina!" sigaw ni Sir Mark, papalapit sa amin. "Tumakbo ka na dali. Sasabihin ko sa iba ka nagpunta. Bilisan mo!" tulak niya pa sa akin.  Umiiyak na tumango ako sa kanya bago sinunod ang sinabi niya. Ang mga liwanag ng Christmas lights lamang ang tanging liwanag sa daanan pati na rin ang iba pang gising na mga tao na nag-aawitan o kaya ay nag-iinuman. "Uy chicks! Miss! Tagay tayo!" sigaw ng isang lalaki mula sa kumpol ng mga nag-iinuman. Pero hindi ko sila pinansin. Wala akong planong uminom o huminto lamang. Tumatakas ako mula sa demonyong iyon. Wala rin patid ang pag-agos ng luha sa mata ko.  Hindi ko akalain na magagawa niya iyon. Ang taas ng tingin ko kay Sir Mark, tinuring ko siyang kapatid dahil sa sobrang bait niya sa akin. Pero demonyo pala talaga siya.  Pagdating ko sa police station ay nagulat pa sila sa akin. Nagkakainan pa naman din ang mga naka duty doon. Tumutulo ang luha ko habang nakatingin sila sa akin.  Dalawang babaeng pulis ang tumulong sa akin at inalalayan akong makapasok sa loob ng station. PInaupo nila ako sa isang plastic na silya.  "T...tulungan niyo po ako, Ma'am, Sir! Parang awa niyo na po, tulungan niyo po ako." walang patid na sabi ko sa kanila habang patuloy na umiiyak.  "Ano bang nangyari, Miss? Sabihin mo at makikinig kami." anila sa akin. Inabutan naman ako ng isang babae ng towel para ibalot sa katawan ko. "Sinong gumawa niyan sa iyo?" tanong nila sa akin.  "Y...yung manager po namin, si Mark Anthony Perez po..." Hindi ko halos matapos ang sasabihin ko dahil sa sobrang panginginig ko. "Tinangka niya po akong gahasain." Bumuhos ang malakas na luha ko pati ang malakas na palahaw habang naaalala ng parang pelikula ang ginawa ng hayop na iyon sa akin.  "Sir, padala naman kayo ng tao sa scene." narinig kong sabi ng babae. "Saan ba ito nangyari, Miss?" tanong sa akin. Sinabi ko ang pangalan ng store at kung saan mismo nangyari iyon sa akin.  Mabilis naman na umalis ang mga lalaking pulis.  Ang mga babaeng pulis naman na kausap ko ay tinatanong ako sa nangyari, kailangan daw kasi nila ilagay sa record nila ang buong nangyari. "N...Nagising na lang po ako na naroon na po siya. H...hinahawakan niya po ako sa dibdib ko tapos hinahalikan niya ako. " Parang bangungot na umiikot sa utak ko yung pangyayari. "S...Sinuntok niya rin po ako dito sa sikmura ko. Sinampal din niya rin po ako. Tulungan niyo po ako, Ma'am. Hindi ko po alam ang gagawin ko po." pakiusap ko sa kanila. Marahang tumango naman sila sa akin. "Sige, ganito. Sumama ka muna sa kanya." tinuro nito ang isang pulis na babae. "Kukuha lang kami ng ebidensya sa nangyari sa iyo. Kukunan ka lang naman niya ng larawan at kung may makikita pang DNA sa katawan mo." sabi niya sa akin.  Pero nanginginig pa rin ako at hindi ko man lang magawang kumilos, "Ligtas ka na dito, Miss. Walang gagawa ng masama sa iyo." paninigurado nila sa akin.  Sumama naman ako sa babae na tinutukoy niya. Sa loob ng isang kwarto ay gumupit siya ng bahagi sa napunit kong damit.  "Baka may mga DNA pa siya dito kaya natin ginagawa ito." sabi niya sa akin. "Mabuti at nakatakas ka sa hayop na iyon." sabi niya sa akin.  Puro luha at marahang pagtango lang ang nagawa ko. Kumuha rin siya ng swabbing kit at swinab ang leeg ko na hinalikan ni Mark pati na rin sa pisngi ko na sinampal niya. May iba pa siyang kit na ginamit sa akin para makakuha ng skin particles ng demonyo na iyon.  Matapos ang halos tatlumpong minuto ay sinabihan niya akong magpalit ng damit para hindi ko na magamit ang isinuot ko.  Paglabas ko ay naroon na rin ang mga pulis na pina deploy nila kanina. "Wala sa grocery store yung molester. Nagpaikot na kami ng mga pulis at naitimbre na rin namin sa ibang bayan. Sabi kasi ng guard na nakita nga raw niya yung biktima at isinumbong yung pangyayari. Kinukuha na rin namin yung kopya ng CCTV ng grocery store." imporma nila sa akin.  Sunod-sunod ang naging pagtango ko. Wala akong ibang gusto kung hindi ang mahuli siya at makasuhan sa ginawa niya sa akin.  "Ihahatid ka namin sa bahay mo kung taga-rito ka sa San Isidro, pwede rin namin itawag sa kamag-anak mo yung nangyari para masundo ka." sabi sa akin ng babaeng pulis.  Wala akong ibang naisip na pwede kong takbuhan. Ulila na ako at ako na lang mag-isa, pero isang tao ang pumasok sa isipan ko pero wala na siya dito sa Pilipinas.  Umiling ako nang sunod-sunod sa kanila. "W...wala po,"  "Sige ganito. May kakilala ka ba o kaibigan na pwede namin sabihan sa nangyari?" tanong ulit ng babaeng pulis.  Si Manang Tina ang naisip ko dahil siya lang ang mayroon akong numero. Pero dapat bang abalahin ko ang matanda ngayon?  Nilabas ko mula sa bag na hawak ko ang notebook kung saan nakasulat ang numero ni Manang Tina at inabot iyon sa pulis.  "Manang Tina po ang pangalan niya," sabi ko sa pulis na babae.  Tumango naman sa akin ang babae bago lumapit sa telepono at dinial iyon. Inalaayan naman ako ng isa pang pulis na babae at pinaupo sa pinanggalingan ko kanina.  Hindi ko alam kung ano ang naging takbo ng usapan basta pagbalik ng notebook sa akin ay ang sabi susunduin daw ako.  Malayo ang Trinidad sa San Isidro kaya halos dalawang oras din ako naghintay. Madilim pa nang marinig ko ang boses ni Manang Tina, umiiyak ito at hinahanap ako. "Chari?! Chari!" Tawag nito sa akin. Napalingon ako sa kanya. Balot ito ng alampay at umiiyak ang mukha pagkakita sa akin. Sa likuran nito ay ang Senyor Santiago at si Kuya Elmer.  Bumuhos agad ang luha sa mata ko pagkakita kay Manang Tina. Para akong nakakita ng Nanay na pwede kong sabihan agad ng nangyari sa akin.  Mainit at mahigpit ang yakap ni Manang Tina sa akin. "Diyos ko po. Ano ang ginawa nila sa iyo?" umiiyak na tanong nito.  Palahaw na iyak lang ang naging sagot ko sa kanya. Ang bigat-bigat sa dibdib ko nang pangyayaring ito.  "Uuwi na tayo, anak. Iuuwi na kita." sabi pa niya sa akin.  Tumango ako sa kanya. Sa ngayon ay isang bahay na alam kong ligtas ako, ang gusto kong uwian.  "Let's go, Alaina. Come with us." sabi ng Senyor Santiago.  Tumango ako at sumama sa kanila. 

Read on the App

Download by scanning the QR code to get countless free stories and daily updated books

Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD