Wala sa sarili.
Iyon siguro ang tamang salita para i-describe ako sa mga nakalipas na araw. Kinailangan ko pang palipasin ang isang linggo mula ng nilibing si Nanay para lang makapasok ako. Si Tatay naman ay mas naging abala sa trabaho. Mas madalas pang hindi siya umuuwi, paraan niya siguro upang hindi maisip lagi si Nanay.
Araw-araw sa loob ng nakaraang linggo ay wala na akong ibang ginawa kung hindi ang umiyak, tawagin si Nanay, at muling mangulila lang. Ganun kahirap para sa akin. Sobrang hirap na hindi ko alam kung paano ko haharapin ang mga darating pang araw sa buhay ko ng wala siya.
Hindi ako sanay.
Hindi ako sanay na wala siya sa tabi ko. Na wala ang Nanay ko para alagaan ako. Nabibingi ako sa sobrang katahimikan ng bahay na nadala ko na ata hanggang sa eskwelahan.
"Get one whole sheet of paper and be ready for our quiz." anunsyo ni Sir Hilario na teacher namin sa Math.
Kung hindi pa ako binigyan ng papel ni Sebastian ay hindi ako makakapag-quiz. Nilingon ko siya at tipid na nginitian. Lagi siyang nandyan para sa akin at sobrang pasasalamat ko doon.
Mas naging tahimik ako sa klase na kinapagtataka ng lahat. Hindi kasi ako ganito. Hindi ako ganitong tao. Pero ano ang magagawa ko? Nawala ang Nanay ko. Nawalan ako ng isang dahilan para maging masipag sa pag-aaral. Para saan pa ba? Wala naman nang dahilan pa para lumaban.
Tahimik na nagsagot ako ng quiz. Hindi ko rin alam kung tama ba ang mga isinusulat ko doon. Bahala na. Wala na rin naman akong pakialam kapag bumagsak ako. Kapag natanggal ako sa scholarship, magtatrabaho na lang ako kaagad. Sa ganung paraan ay makakalimutan ko si Nanay kahit papaano.
"Magtrabaho na lang kaya ako?" mahinang tanong ko kay Sebastian habang kumakain kami ng tanghalian. Siya na ang nagdadala ng tanghalian para sa akin.
Huminto sa pagkain si Basti at tinignan ako, pati sina Micaela at Olivia ay natigil din.
"Why?" tanong ni Olivia.
"Gusto kong tumulong kay Tatay. Paraan ko na rin siguro para makalimutan si Nanay muna." mahinang sabi ko ulit sa kanila.
"Do you really have to do that?" tanong ulit ni Olivia sa akin.
Tumango ako, "Hihinto na lang siguro ako sa pag-aaral--" Pero hindi ko natapos ang sasabihin ko ng binagsak ni Basti ang tinidor niya sa lunch box namin.
Napatatda ako kaya napatingin ako sa kanya. May bahid ng galit ang mga mata niya habang nakatingin sa akin. "Hindi na ikaw yan, Charlotte," seryosong sabi niya.
Hindi na nga talaga ako ito. Hindi ko na rin kilala ang sarili ko. Ano pa bang dahilan para magpatuloy? Wala na!
"Naririnig mo ba ang sinasabi mo?" tanong pa ulit niya sa akin.
Naramdaman ko na lang na nagbabagsakan ang mga luha sa mata ko habang nakatingin sa kanya. Hindi naman ako mahinang tao sa totoo lang pero iba talaga ang naging hatak ng pagkawala ni Nanay sa akin.
"Kuya Seb," tawag ni Olivia kay Sebastian.
Pero ang atensyon niya ay naka pokus sa akin lang. "Isipin mo na lang lahat ng sakripisyo na ginawa ni Tita Elena para sa'yo, Chari. Tingin mo ba na matutuwa siya sa mga naiisip mo ngayon? No!" sabi ni Sebastian.
Sunod-sunod ang pinakawalan kong hikbi habang nakatingin sa kanya. Palibhasa hindi naman niya alam ang nararamdaman ko. Wala naman siyang alam.
"Cha..." tawag naman ni Mica sa akin habang hinahagod ang likuran ko.
"Parehas naman kayong nawalan ni Tito Fred pero siya lumalaban siya para sa'yo, Chari. Hindi mo ba magagawa iyon? Pinapabayaan mo ang pag-aaral mo...alam natin na hindi ginusto o gugustuhin ito ni Tita Elena. Kaya please, Chari, you have to fight. Maraming nagmamahal sa'yo na nasasaktan kapag nakikita kang ganyan." anito tsaka galit na iniwanan kami.
Bumuhos ang luha ko pag-alis ni Sebastian. Napagod na rin siguro siya sa akin. Ang hirap-hirap ko rin naman kasing intidihin. Anong magagawa ko. Nasasaktan pa rin naman ako hanggang ngayon.
"I'm sorry..." hinging paumanhin ko sa kanila habang pinipigilan na ang sarili na umiyak.
Pero pinal na ang desisyon ko. Papasok ako ng trabaho, kahit ano muna siguro para makataulong kay Tatay...para rin makalimutan ko si Nanay.
Nang araw na iyon ay hindi ako kinausap ni Sebastian, ayos lang dahil wala rin naman ako sa sarili na makipag-usap. Pero pagsapit ng uwian ay nasa tabi ko na siya at kasabay na naglalakad. Tahimik lang ako habang siya ay ganun din.
Ilang sandali pa ay inabot niya ang kamay ko at hinawakang mahigpit iyon. Napatingin ako sa magkahugpong na kamay naming dalawa. Hindi naman niya ako kinakausap pero alam kong may gusto pa rin siyang sabihin sa akin.
"Sorry," simula ko.
Hindi siya nagsalita at diretso pa rin ang tingin sa dinaraanan naming dalawa. "Nahihirapan lang talaga ako ngayon, Seb. Hindi ko alam kung paano ako magpapatuloy," Kay Sebastian lang talaga ako nakakapag-open up ng ganito.
Hindi ko masabi kay Mica dahil marami rin naman siyang problema at ayokong makadagdag. Si Olivia naman ay may mga problema rin. Ayokong dumagdag sa kanila.
Si Sebastian...alam kong handa siyang makinig sa akin kahit anong mangyari.
Hinigit pa ako palapit ni Sebastian at inayos ang pagkakahugpong ng mga kamay naming dalawa. May mga nakakasulubong kami na napapatingin sa magkahawak naming kamay.
"Gusto ko pa ring magtrabaho kahit hindi ko alam kung paano o saan ako magsisimula. Gusto ko lang talaga na tulungan si Tatay at para makalimot din ako kahit pansamantala," nag-angat ako ng tingin sa kanya kahit hilam na ng luha ang mga mata ko. "Susuportahan mo pa rin naman ako di ba?" tanong ko sa kanya.
Huminto ako kaya napahinto rin siya sa paglalakad at hinarap ako. Nakita ko kung paano dumaan ang awa sa mukha niya habang nakatingin sa akin. Hindi niya binitawan ang kamay ko habang pinupunasan niya ang mga nagbabagsakang luha sa mata ko.
"Basti," tawag ko sa kanya.
Hindi siya nagsasalita pero kitang-kita ko ang paghihirap sa mukha niya. Sobrang laking pasasalamat ko sa kanya dahil noong mga panahon na nahihirapan ako ay naroon siya sa tabi ko. Mas lalo ko siyang minamahal sa simpleng paraan na iyon. Hindi ko man iyon focus sa ngayon pero ang pananatili lang niya sa tabi ko ay isang malaking bagay na.
"Seb..." inalog ko pa ang magkahawak naming mga kamay habang nakatingin sa kanya.
Gusto ko siyang mapilit na payagan ako dahil mula pa pagkabata namin ay nasaksihan na niya lahat sa akin. Sobrang halaga ng opinyon niya para sa akin lalo na at mahal ko siya.
Alam ko namang papayag si Tatay sa akin lalo na at hindi naman siya madalas umuwi. Hindi na rin naman siya magtataka kung bakit ko gagawin iyon.
Marahang tumango sa akin si Sebastian pagkatapos ay hinila ako para mayakap niya. Malalalim ang paghinga niya habang nakayakap sa akin. "Thank you." bulong ko na alam kong narinig naman niya.
Hinatid din ako ni Sebastian sa bahay pagkatapos nun. Tahimik na bahay ang nasumpungan ko. Sanay naman ako na mag-isa noon dahil alam kong uuwi ang mga magulang ko. Pero iba ngayon, hinahanap ko ang presensya ni Nanay.
Alam kong hindi ako dapat magpalugmok o magpaapekto sa nararanasan ko na ito. Tama rin si Sebastian kanina ng sinabi niya na kailangan kong lumaban at iyon ang gagawin ko.
Naghahanda na lang ako ng hapunan ni Tatay dahil late na talaga siya kung umuwi. Minsan kapag nakikita ko ay lasing pa at laging umiiyak at hinahanap si Nanay. Nasasaktan ako at nahihirapan sa ganun. Gusto ko siyang yakapin pero ako rin naman ay hinahanap si Nanay.
Tuwing umaga naman ay nakikita kong nakahanda na ang baon at agahan ko. Nakangiti muli ang mukha ni Tatay na parang hindi siya umiyak kagabi. Nagiging matatag si Tatay para sa amin at iyon din ang gusto kong gawin.
Sa mga sumunod na araw ay nakahanap ako ng trabaho sa isang malapit na carinderia sa school. Kilala naman ako doon kaya tuwing pagkatapos ng klase ko sa hapon ay dumidiretso na ako doon.
Taga-hugas ng mga plato at ibang kagamitan ang ginagawa ko. Arawan naman ang sahod sa halagang 250. Ayos na para may maipon ako. Mahirap nga lang pero ganun naman at kapag nagsisimula pa lamang.
Hindi alam ni Tatay ang trabaho ko. Si Sebastian kung minsan ay nakabantay sa akin sa carinderia. Kung hindi ko pa siya papaalisin ay hindi niya gagawin. Nahihiya ako na makita niya akong ganito pero hindi ko naman ito basta aalisan.
"Chari, eto iuwi mo na itong natirang inihaw na Tilapia. Pagsuluhan niyo ng Tatay mo ah?" nakangiting sabi sa akin ni Manang Nora, siya ang may-ari ng carinderia na pinapasukan ko.
"Salamat po." tsaka ko tinanggap ang plastic ng inihaw. Natapos na akong maghugas para sa araw na ito at sobrang sakit ng balakang ko pati na rin ng mga kamay ko.
"Eto rin ang sahod mo sa araw na ito. Dinagdagan ko kasi balita ko ay field trip niyo raw sa Sabado." dagdag pa ni Manang Nora.
Marahang akong tumango sa kanya. Ilang linggo o halos buwan na rin ang nakakaraan mula ng iniwan kami ni Nanay. Nasanay na rin ako pero kung minsan ay hinahanap ko pa rin siya.
Sa birthday ko ang firld trip ng school. Pinapirmahan ko kay Tatay iyon at sabi nga niya sa akin ay sumali ako. Pumayag naman na rin ako tutal may ipon naman ako kahit papaano para na rin makabili ng kaunting baon. Libre rin naman ang field trip para sa mga katulad kong scholar.
Unti-unti rin ay nakabawi ako sa mga linggo na hindi ako naging maayos sa pag-aaral. Natututunan ko na rin na ngumiti at buksan ulit ang mundo ko. Bigla na lang kasing nagsara iyon matapos mawala ni Nanay. Naiintindihan naman ng lahat iyon kaya laking pasalamat ko rin.
Nagpaalam na rin ako kay Manang Nora para makauwi. Kumain na rin naman ako ng hapunan sa tindahan niya dahil kasama iyon sa serbisyo ko. Kay Tatay na lang ang iuuwi ko.
Lumapad ang pagkakangiti ko pagkakita kay Sebastian na naghihintay sa akin sa tapat ng school.
"Seb!" malakas na tawag ko sa kanya.
Nakasuot siya ng puting t-shirt at jogging pants, umayos ang tindig niya at ngumiti sa akin.
Walang palya ang pagsundo niya sa akin. Tinutulungan niya akong ilihim kay Tatay ang ginagawa ko.
Inabot agad nito ang gamit ko at lahat ng bitbit ko. Sabi ni Manang Nora ay boyfriend ko raw si Sebastian. Hindi ko na rin tinatanggi dahil kahit hanggang doon man lang ay maging boyfriend ko siya.
Pinagsiklop niya ulit ang mga kamay naming dalawa. Wala siyang pakialam kung magaspang na ang kamay ko. "Kanina ka pa?" tanong ko sa kanya.
Umiling siya sa akin tsaka ako tinignan, "Hindi naman. Dumaan kasi ako kay Ramon, may tinanong sa akin. Kumain ka na ba?" tanong niya sa akin.
Tumango ako. "Oo. Ikaw? Mayroong inihaw na isda akong dala. Gusto mo? Magsasaing lang ako pag-uwi." sabi ko sa kanya.
Maaga lang din naman ang tapos ko kung minsan. Alas-otso o kaya ay alas-nuebe ng gabi. Maganda na kung matatapos kami ng alas-siyete, kaya lang hinihintay ko pa si Seb kung minsan dahil ang alam niyang uwi ko ay alas-otso.
"Kumain na ako. Itago mo na lang yan. Siya nga pala, hindi raw makakauwi si Tito Fred ngayon." imporma niya sa akin.
Nagsalubong ang kilay ko habang nakatingin sa kanya. Wala namang nabanggit si Tatay sa akin. "Bakit daw?"
Nagkibit-balikat si Seb sa akin, "Kasama niya sina Mommy at Daddy sa Maynila. Bukas pa ata ang uwi, malakas daw kasi ulan doon."
Marahan akong tumango sa kanya. "Ah." iyon na lang ang tanging sagot ko.
"Gusto mo bang samahan kitang matulog ngayon sa inyo? Ikaw lang mag-isa." offer pa niya sa akin.
Mahina ang naging pagtawa ko habang tinutuon ang atensyon sa nilalakaran namin. Wala na rin masyadong tao dahil madilim na rin naman.
"Ayos lang. Sanay naman na ako tsaka hindi ako matatakutin." Mas gusto ko pa nga na makita si Nanay kapag mag-isa ako. Kahit sandali lang siguro ay sobra-sobra na para sa akin.
"Hindi naman ako hahanapin sa bahay," habol pa niya.
Umiling pa rin ako. "Masyado ka namang patay na patay sa akin, Seb. Di ba best friend mo lang ako? Baka mamaya bigla ka namang magkagusto sa akin niyan." pag-iiba ko sa usapan namin. Kahit sa totoo lang ay ako ang hulog na hulog sa kanya.
"Masama ba?" tanong niya bigla sa akin.
Napalingon ako sa kanya kaya nagkasalubong ang mga mata naming dalawa. "Ikaw...kung ano-ano ang mga sinasabi mo. Mamaya bigla akong maniwala sa'yo na gusto mo nga ako. Sige ka, gawin kitang sugar daddy diyan." Alam kong wala ng tama sa mga pinagsasabi ko pero bahala na. Kailangan kong mabago ang topic ng pinag-uusapan naming dalawa.
"Gusto mo ba akong maging sugar daddy?" tanong niya sa akin.
Sinamaan ko siya ng tingin at inirapan, "Hindi bagay sa atin, Seb. Bata pa tayo. Siguro kapag tumanda na tayo. 15 at 16 pa lang tayong dalawa." sabi ko sa kanya.
"Pag nag-apply ba akong boyfriend mo, tatanggapin mo ako?" he asked to me.
"Ha? B...Boyfriend naman talaga kita di ba? Boy na friend? Best friend pa nga eh." nauutal na sagot ko sa kanya.
"You know that's not what I mean, Charlotte." dagdag niya pa sa akin.
Hinampas ko siya bigla sa balikat niya pero parang wala lang din naman sa kanya. Mas masasakit pa ang nararanasan nito physically kapag training nito sa Taekwondo.
"Hindi pa kita girlfriend, sinasaktan mo na agad ako." sabi nito sa akin.
Para namang may kabayo na nagtalunan sa dibdib ko dahil sa sinabi niya. Halos hindi ko tuloy alam kung ano ang isasagot sa sinabi niya. Ayoko naman kasing pumasok sa isang relasyon na alam kong ako lang ay may gusto. At isa pa! Alam kong hindi naman ako gusto ni Seb. Pinapagaan lang niya siguro yung hangin sa pagitan naming dalawa.
"T...tumigil ka nga. Mamaya may makarinig na iba." pagpigil ko sa kanya.
Hindi naman na siya nagsalita kaya ibinaling ko na ulit sa iba ang tingin ko. Hindi naman niya pwedeng malaman na mayroon akong gusto sa kanya. Ayoko talagang malaman pa niya.
Ilang tagpo pa ang nangyari sa amin na ganun lalo na kung sinusundo niya ako. Lagi niyang tinatanong sa akin kung pwede raw ba niya akong maging boyfriend. Hindi ko na lang din pinapatulan dahil tuwing tinatanong niya ako ng ganun ay hindi ko maiwasang hindi kiligin. Baka marinig pa niya kaagad ang t***k ng puso ko.
"O, anak, niluto kita ng baon mo. Baka malamig na yung kanin pagdating niyo sa destinasyon mo kaya ito ang pera, bumili ka ng mainit na sabaw." sabi ni Tatay sa akin sabay abot ng halagang limangdaan sa palad ko.
Nanlaki ako sa halaga na nasa kamay ko. Ibabalik ko na sana dahil may ipon naman ako mula sa pagpasok ko sa carinderia na hanggang ngayon ay hindi niya pa rin alam.
"Sobra-sobra naman po ito, Tay. May ipon naman po ako mula doon sa mga binibigay niyo sa akin." sabi ko sa kanya. Baka kasi mas higit na kailangan namin iyon pambayad sa bahay at ibang gastusin namin.
Umiling sa akin si Tatay, "Baka may mabili ka roon. Malawak ag Maynila, Chari, anak. Sa ganyan man lang ay makabawi ako sa mga araw na hindi ako nakakauwi dito.," sabi ni Tatay sa akin.
Masakit pa rin naman sa amin ang nangyari kay Nanay pero alam kong higit na mas masakit iyon kay Tatay.
Marahang tumango na lang ako sa kanya. Alas-kwatro kasi ng madaling araw ang alis namin patungong Maynila. Aabutin ng halos tatlo hanggang apat na oras ang biyahe papunta doon. Kasama na rin si Mica ngayon dahil sa pinayagan siya ng mga magulang niya.
"Akin na ang bag mo at ihahatid na kita sa eskwelahan." ani ni Tatay. Maaga talaga siyang nagising ngayon para lang dito.
Naglakad lang kami ni Tatay hanggang eskwelahan. Nagtanong lang siya sa mga nangyayari sa akin at binati na rin ako ng Happy birthday. Malungkot man dahil wala si Nanay ngayon at sa mga darating pang mga araw, iniisip ko na lang na nakabantay siya sa amin ni Tatay. Iyon na lang ang mahalaga.
"Susunduin kita mamaya anak. Anong oras ba ang uwi ninyo?" tanong ni Tatay sa akin.
Nagkibit balikat ako sa kanya habang nakatingin sa mga nagkakagulong estudyante na rin. "Hindi ko po alam, Tay. Baka gabihin na rin po kami. Sasabay na lang po kay Sebastian para hindi po kayo mag-alala." sabi ko kay Tatay.
Tumango naman siya sa akin at hinalikan ako sa noo bago yumakap. "Happy birthday, anak. Mahal na mahal kita." sabi ni Tatay sa akin.
Yumakap din ako nang mahigpit sa kanya, "Mahal na mahal din po kita, Tay." Siya na lang ang mayroon ako at dapat ay pahalagahan ko iyon ng sobra.
Sinamahan ako ni Tatay na maghintay hanggang makarating ang mga kakilala na kamag-aral pati sina Mica, Olivia, at Sebastian. Si Mica ay hinatid pa ng Tatay nito kaya sabay na raw uuwi ang Tatay niya at Tatay ko. Si Olivia naman ay hinatid ng Kuya Leon niya habang si Sebastian naman ay nakasakay lang sa kotse.
"Good morning po." bati nila Mica at Olivia kay Tatay.
"Magandang umaga rin sa inyo." ganti naman ni Tatay tapos ay kay Sebastian. "Magandang umaga po, sir."
Umiling naman si Sebastian at inabot ang bag ko para siya na ang magbuhat. "Sebastian na lang po o kay Basti, Tito. Hindi naman po kayo iba sa amin." nakangiting sabi ni Seb sa kanya.
"Pakitignan na lang po ang anak ko doon, Sir." bilin pa ni Tatay kay Sebastian.
Ngumiti naman si Sebastian, "Lagi naman po. Aalagaan at babantayan ko po si Charlotte." seryosong sabi nito.
Marahang binangga ko naman siya sa balikat. Masyado naman kasing seryoso .
"Mag-iingat kayo doon, anak. " bilin pa sa akin ni Tatay.
Tumango naman ako sa kanya. Sa totoo lang naeexcite talaga ako dahil ito ang kauna-unahang field trip na sinamahan ko. Gusto kong malaman ang itsura ng Maynila.
Nagpaakyat na rin sa bus pagdating ni Ma'am Ledesma. Kami ni Mica sana ang magkatabi kaya lang ayaw ni Olivia ang katabi niya kaya sila na lang tapos ay kami naman ni Seb.
Kumaway pa ako sa bintana habang nakatanaw kay Tatay kasama ng ibang mga magulang. Ngumiti at kumaway din naman si Tatay sa akin.
Kahit ngayong araw lang ay iiwan ko na muna ang problema at pipilitin ko na maging masaya kahit papaano.