"Anak, gusto kang makita ni Senyor Santiago bukas. Sumama ka sa amin ng Tatay mo bukas sa mansyon ah." masayang sabi ni Nanay sa akin.
Nag-angat ako ng tingin kay Nanay mula sa pagbabasa ko. Matapos kasi ng engkwentro namin nila Mica at Sebastian kanina ay ayoko na muna silang makita pansamantala. Tapos ngayong gabi ay ibinalita naman sa akin ito ni Nanay.
"Para saan daw po?" tanong ko.
Nagkibit balikat si Nanay habang nagtutupi ng damit. "Wala akong ideya, anak. Sumama ka na lang bukas. Sigurado ako na matutuwa ang Senyor at Senyora na makita ka." sabi ni Nanay.
Marahang tumango na lang ako sa kanya. Saglit lang naman siguro iyon. Hindi ko naman kailangan magtagal para lamang doon. Isa pa, marami pa rin akong gagawin bukas. Mas gugustuhin ko na manatili na lang sa bahay kaysa makita si Sebastian.
Maaga akong nagpahinga ng gabi na iyon. Para kasing nasaid ang lahat ng lakas ko sa simpleng komprontasyon namin kanina. Galit pa rin ako sa kanila at hindi ko alam kung handa ba akong makita silang magkasama ulit.
Iniisip ko nga na kung ang galit ba na natatanggap ko ay dahil sa pagtatago nila ng katotohanan sa akin o sa iba pang dahilan.
Tamad na gumising ako kinabukasan dahil sa panggigising ni Nanay sa akin. Tahimik na kumain at naligo lang ako para makaalis na kami.
"Umuwi ka na lang kaagad pag nasabi na ng Senyor ang gusto niyang sabihin sa iyo, anak." sabi pa ni Nanay sa akin habang naglalakad kami papunta sa mansyon.
"Opo, Nay." sagot ko na lang.
Wala si Tatay dahil mamaya pa naman ang alis nila ng Senyora Tamara patungong Maynila. May check up kasi palagi ang senyora sa Maynila dahil sa sakit nito. Iniwan naming natutulog pa ang Tatay.
"Tahimik ka ata, Chari. May problema ba anak?" tanong ni Nanay sa akin ng mapansin niyang tahimik ako.
Umiling ako sa kanya. Hindi naman ako sanay na mag open ng problema sa mga magulang ko. "Inaantok lang po talaga ako. Pasensya na po, Nay." sabi ko sa kanya.
Inakbayan ako ni Nanay at marahang tinapik sa balikat, "Basta kapag kailangan mong huminga, nandito lang ako anak." sabi pa niya sa akin.
Tumango ako sa kanya tapos ay tahimik na ulit kaming naglakad papunta sa mansyon. Pagkatapos ng ilang minutong lakaran ay narating na namin ang malaking gate ng mga Velasquez.
Yari sa bakal na nakukulayan ng brown ang gate, pagpasok doon ay mayayabong na puno ang sasalubong sa daanan ng sasakyan, may bahagi lang para sa daanan ng mga trabahador. Ang malaking mansyon ay kulay puti. Ang alam ko ay pinamana iyon ng lolo at lola ni Senyor Santiago sa kanya bilang siya ang paboritong apo.
Matataas ang haligi at maliwanag ang buong kabahayan. Nakapasok na ako dito noon pero laging sa likuran lamang ako dumaraan. Hindi ko pa napapasok ang silid ni Sebastian kahit sabihing napakatagal na naming magkaibigan.
"Tulungan mo muna akong maghanda ng agahan nila, anak. Maaga namang nagigising ang Senyor ngayon." sabi ni Nanay sa akin habang papasok kami sa likod bahay.
"Opo." sagot ko naman sa kanya.
Sabay kaming pumasok ni Nanay sa dirty kitchen at doon ay sinalubong kami nila Manang Tina at iba pang kasambahay.
"Narito pala ang napakagandang si Chari! Magandang umaga sa iyo, Cha-cha." masayang bati ni Manang Tina sa akin.
Tipid na ngumiti naman ako sa kanya, "Magandang umaga rin po, Manang Tina. Parang mas nagmumukha po kayong bata ah." bati ko sa kanya.
Tumawa naman si Manang Tina at napaiiling sa akin. "Kahit kailan talaga ay bolera kang bata ka. Kaya namimiss ko kapag wala ka dito." ganti naman niya.
"Busy po kasi sa school. Pasensya na po. Alam niyo naman po kailangan kong mag-aral mabuti." sagot ko.
Tumango naman si Manang Tina sa akin at nilapagan ako ng tinapay na may palaman sa mesa. "Kumain ka at magpakabusog." nakangiting sabi niya sa akin.
Lumaki naman ang ngiti ko kay Manang Tina, "Salamat po. Magpapakabusog po talaga ako."
"O siya, Elena, iwanan mo na muna si Chari dito. Alam ko ay pinalilinis ng Senyora Agatha ang balcony. May mga kaibigan ata siyang darating mamaya. Naroon na si Susan at Amy para samahan ka." utos ni Manang Tina kay Nanay.
"Sige po. Kaya lang, sino ang magluluto?" tanong ni Nanay.
"Ako na ang bahala sa agahan nila. Andito naman si Chari para mag-abot sa akin ng mga kakailanganin ko." ani pa ni Manang Tina.
Tinignan naman ako ni Nanay tsaka ako tumango at ngumiti sa kanya. Umalis na rin si Nanay matapos ng ilang bilin sa akin. Naiwan tuloy kami sa kusina ni Manang Tina. Naglapag ito sa harap ko ng ilang hihiwain at kagamitan.
"Gawin mo kapag tapos ka na kumain. Nagpapaluto kasi ng pansit ang Senyora Tamara. Alam mo naman kung paano maghiwa di ba?" tanong ni Manang Tina sa akin.
Tumango naman ako sa kanya. Binilisan ko tuloy ang pagkain para hindi na maghintay ng matagal sa akin si Manang Tina. Ayoko naman syempreng naghihintay siya sa akin.
Nagsisimula na ako sa paghihiwa ng maupo sa tapat ko si Manang Tina, "Chari, may tanong lang ako." simula niya sa akin.
Nag-angat ako ng tingin sa kanya matapos kong ilagay ang hiniwa kong repolyo sa isang malaking mangkok. "Ano po yun?" tanong ko naman sa kanya.
"Magkaaway ba kayo ng Senyorito Sebastian?" tanong naman niya sa akin.
Napatigil ako sandali sa paghihiwa bago ako marahang umiling at pinagpatuloy ang ginagawa. "Hindi naman po. Pero hindi na lang po siguro kami ganun ka-close. May girlfriend na po kasi si Sebastian. Ang hirap pong ipagpatuloy ang pagkakaibigan naming dalawa." sagot ko sa kanya.
Nanlaki ang mga mata ni Manang Tina sa sinabi ko. Halatang nagulat sa ibinalita ko, "Wala naman siyang nababanggit. Kailan pa? Nagbago na pala ang gusto niya." sunod-sunod na sabi niya.
"Si Micaela po, yung kaibigan ko po." dagdag ko.
Kumunot naman ang noo ni Manang Tina sa akin, "Parang malabo ata yang sinasabi mo, Chari. Kasi ibang pangalan ang bukang bibig lagi ng senyorito. Wala siyang nababanggit na Micaela." sabi naman ni Manang Tina sa akin.
Hindi naman ako nag-angat ng tingin kay Manang Tina dahil alam ko naman ang totoo. "Sino po bang binabanggit niya? Baka nahihiya lang po siya na sabihin yung pangalan po ni Micaela. Kilala niyo po yun, Manang Tina. Siya po yung pinakamagandang babae dito sa bayan ng Trinidad."
Umiling ulit si Manang Tina sa sinasabi ko, "Naku, Chari. Para sa akin ay ikaw ang pinakamaganda at higit sa lahat ay pinakamatalino. Kaya nga inggit na inggit sa iyo sina Senyorita Miranda dahil sa talino mo." sabi pa nito sa akin.
Inilingan ko na lang siya habang tahimik na naghihiwa. "Pero alam mo ba na noong nagkasakit ka ay alalang-alala ang senyorito sa iyo? Halos ikaw nga ang paksa nila sa hapag kainan kaya nga ang Senyor Santiago at Senyorita Tamara ang nagbayad ng pampalabas mo sa ospital." dire-diretsong sabi ni Manang Tina.
Doon ako napatigil sa ginagawa at nag-angat ng tingin kay Manang Tina. "Po? Ang Senyor at Senyora po ang nagbayad sa bills ko sa ospital?" pag-uulit ko pa.
Tumango siya sa akin. "Hindi ba nasabi ni Elena at Fred? Naku, hiyang-hiya nga ang mga magulang mo sa tulong ng Senyor at Senyora. Ang senyorito Sebastian kasi kulang na lang ay gamitin yung ipon niya para lang makalabas ka."
Umiling ako sa sinabi ni Manang Tina. Hindi ko rin naman kasi naitanong kina Nanay at Tatay kung saan nanggaling ang pera para makalabas ako sa ospital. Ang alam ko kasi ay mayroon kaming ipon at lumapit sila sa mga N.G.O, dahil iyon ang sabi ni Nanay sa akin.
"Alalang-alala sa iyo ang senyorito mula pagpasok mo sa ospital hanggang sa makalabas ka. Kulang na lang ay siya na ang magbantay sa iyo. Inaabangan niya tuwing madaling araw si Elena upang itanong kung kumusta ka. Kaya nagtataka nga ako sa sinabi mo na may girlfriend na ang senyorito. Kung alam mo lang, Chari. Kung alam mo lang talaga." mahabang sabi ni Manang Tina sa akin.
"Ano po ba yun?" tanong ko sa kanya.
Umiling siya sa akin at ngumiti, "Ituloy mo na yan at baka gumising na ang mga amo." anito.
Kahit ilang beses kong kulitin si Manang Tina ay hindi siya nagpatinag sa akin. Ayaw talaga niya sagutin yung mga tanong ko. Halos alas-sais ng umaga dumating si Tatay sa mansyon. Hinalikan muna niya ako sa ulo bago nagtimpla ng kape.
"Ang nanay mo, anak?" tanong niya sa akin habang nagkakape sa harapan ko.
"Naglilinis po ng balcony. May bisita raw po si Senyorita Agatha mamaya." sagot ko sa tanong niya.
Tumango sa akin ang tatay at nakipagkwentuhan na sa mga kasamahan na nasa kusina rin. Wala naman akong nagagawa pa dahil tulog pa ang mga amo. Iba na talaga ang mayayaman. Naglakad na lang ako papalabas at nakarating sa magandang hardin nila. Naroon si Mang Imo na nagdidilig ng mga halaman.
"Magandang umaga po, Mang Imo!" masayang bati ko sa kanya.
Napalingon naman si Mang Imo sa akin at kinawayan ako. "Cha-cha! Aba'y narito ka?" tanong niya sa akin paglapit ko.
Nilagay ko ang kamay ko sa likuran ko habang pinapanood si Mang Imo sa ginagawa nito. "Gusto raw po kasi ako makita ni Senyor Santiago kaya isinama po ako ni Nanay."
Tumango-tango naman ito sa sinabi ko. "Parang kailan lang ay ang liit mo pa. Aba'y dalagang-dalaga ka na. Sigurado ako na kung makikita ka ni Maribeth baka gawan ka niya ng napakagagandang blusa. Alam mo naman, wala kaming anak na babae." anito na ang tinutukoy ay ang asawa nito na kilalang mananahi sa bayan namin.
"Hindi ko naman po tatanggihan iyan! Sakto, maliliit na ang mga damit ko po." nakangiting sabi ko pa sa kanya.
Pinatay ni Mang Imo ang gripo mula sa hose at nilingon ako, "Basta ba ikaw ang magiging manugang ko sa hinaharap. Kahit pang kasal mo ay gagawin naming mag-asawa." biro pa nito sa akin.
Gustong-gusto kasi ako ni Mang Imo para sa anak na panganay nito na si Isaac. Kaya lang hindi ko kasi tipo si Isaac tsaka baka umiyak lang lagi sa akin iyon.
Napalabi ako sa sinabi ni Mang Imo sa akin. "Bakit naman po may ganung klase ng deal? Pwede po bang gusto lang ako ni Aling Maribeth para gawan ng damit?" ganting biro ko sa kanya.
Sinakyan naman ni Mang Imo ang mga sinasabi ko kaya tawa ako nang tawa pagkaraan. Hinayaan din niya ako na magtanggal ng mga patay na dahon sa hardin. Mabuti na lang din para may nagagawa ako. Mukhang tanghali pa kasi gigising ang Senyor Santiago. Isa pa ay ayaw kong makita si Sebastian ngayon. Nabubwisit ako sa presensya niya. Hindi ko pa rin kasi maipaliwanag yung malakas na t***k ng puso ko noong isang araw.
"Balita ko nga na nadala ka raw sa ospital. Kaya pala aligagang-aligaga ang Senyorito Sebastian noong mga nakaraang linggo." saad nito matapos kong sabihin na nadala ako sa ospital.
Napakunot naman ang noo ko sa sinabi niya. Natigil tuloy ako sa ginagawa kong pagtatanggal ng mga patay na dahon. "Paano pong aligaga?" tanong ko sa kanya.
"Kay aga nagigising nun dito. Kapag nakita niyang nandito na ang Nanay Elena mo, umaalis na rin kaagad. Tapos uuwi lang iyon kapag nakabalik na si Elena sa ospital. Hindi ba niya nasabi sa iyo?" tanong naman niya sa akin.
Marahang umiling ako sa kanya. Lagi silang sabay ni Mica kung umuwi at alam ko ay hindi naman na siya nanatili sa ospital.
"Imposible naman po ata iyon. Kasabay niya yung girlfriend niya lagi." depensa ko sa kanya.
"Anong gerlpren ang pinagsasabi mo diyan. Walang ibang gusto ang Senyorito kung hindi---"
"Chari!" malakas na tawag ni Nanay sa pangalan ko.
Naalis ang tingin ko kay Mang Imo na hindi naman natapos ang sasabihin. "Sige na pumasok ka na at baka gising na ang Senyor." anito.
"Pero hindi niyo pa po--" pero naputol ulit ang mga sasabihin ko dahil sa pagtawag ni Nanay ulit sa akin.
"Charlotte!" malakas na tawag niya at maya-maya lang ay sumulpot na siya. "Ano ba yan, anak. Inaabala mo pa si Kuya Imo diyan. Halika na at gising na ang Senyor at Senyora." sabi ni Nanay sa akin.
Tumayo naman ako at kumaway kay Mang Imo. "Sige po, Mang Imo. Next time po ulit ah." habol ko pa habang hawak ni Nanay ang kamay ko at hinihila ako papasok.
Pagdating naman sa dirty kitchen ay pinaghugas niya ako ng kamay ko. Winisikan din niya ako ng pabango na hindi ko alam na baon niya tsaka inayos ang buhok ko. "Nakakahiya sa Senyor at Senyora kung haharap ka sa kanila na ganyan. Punasan mo yang mukha mo." sabay abot nito sa akin ng bimpo.
Wala naman akong nagawa kung hindi sundin si Nanay. Maya-maya lang ay hinawakan niya ako para makalabas kami sa malawak na Dining Area ng mansyon. Nakaupo na roon si Senyor Santiago at Senyora Tamara na nagkukwentuhan pero nahinto ang tingin ko sa bagong gising na Sebastian. Nahirinan pa ito sa iniinom na tubig pagkakita sa akin.
"Careful, Theo." malumanay na sabi ni Senyora Tamara sa anak.
Kung hindi lang sana ako nabubwisit kay Sebastian ay matatawa ako sa suot niyang pantulog. Iba talaga ang mayaman, talagang terno ang pantulog na sinusuot kahit matutulog lang. Samantalang ako ay pajama lang at kahit anong t-shirt ay sapat na.
"Magandang Umaga po, Senyor Santiago at Senyora Tamara." magalang na bati ni Nanay sa mag-asawa.
Sabay na lumingon naman ang mag-asawa at lumiwanag ang mukha pagkakita sa akin. Iniwas ko naman ang tingin ko kay Sebastian at nag focus ako sa mag-asawa. "Magandang Umaga po, Senyor Santiago at Senyora Tamara." bati ko rin sa kanila.
"Chari!" Senyora Tamara opened her arms to hug me.
Nag-aalinlangan pa ako dahil tiyak amoy-pawis ako. Marahang lumapit ako sa kanya, "Mabaho po, Senyora. Tumulong po kasi kay Mang Imo sa hardin niyo po." sabi ko.
Umiling lang si Senyora Tamara, "I don't care. Come here and give me a hug." masayang sabi nito.
Ngumiti naman ako at sinunod ang sinabi nito, Mahigpit na niyakap ako nito at marahang hinagod ang likuran ko kaya nakita ko ang pagkakatingin ni Sebastian sa akin at sa Mama nito. Inirapan ko naman siya.
"I'm glad that you came here. Akala ko hindi ka makakarating." dagdag pa nito pagkabitaw ng pagkakayakap sa akin.
Maganda si Senyora Tamara, ang alam ko ay isa siyang kandidata sa mga internasyonal na patimpalak. Nagustuhan ng Senyor Santiago at ngayon ay nagsasama ng matiwasay. Isa ring alam ko ay sampung taon ang agwat sa edad nina Senyor Santiago at Senyora Tamara. Pero bakas na bakas sa kanila ang pagmamahalan.
Ang lahat ng mga anak na babae ng Velasquez ay pawang kamukha lahat ni Senyora Tamara, samantalang si Senyor Santiago naman ang kamukha ni Basti. Pinaghalong Kastila at Russian ang lahi ng Senyor Santiago kaya nanalaytay din iyon sa dugo ni Basti. Bukod pa roon ay may lahing Amerikana rin ang Senyora Tamara. Sadyang napakaganda ng lahi nila.
"Sabi po kasi ni Nanay, gusto niyo raw po ako makausap ni Senyor Santiago." nilingon ko pa si Senyor Santiago na nakangiti naman sa akin.
"Yeah. Why don't you join us for breakfast since Sebastian's also here." yaya naman ni Senyor Santiago.
"Po?" ulit ko. Nakakahiya naman na makasalo sila sa mesa. "Nakakahiya naman po. Para pong hindi magandang tignan."
Sabay na nangunot ang noo ng mag-asawa sa sinabi ko. "Why? There's nothing wrong naman kapag kumain ka with us. I hope Elena won't mind it." sabi naman ng Senyora Tamara.
"Ayos lang po, Senyora. Pero na kay Chari pa rin po ang desisyon. Baka nahihiya po talaga." nahihiyang sagot naman ni Nanay para sa akin.
Umiling ang Senyor Santiago at Senyora Tamara, "We would like to have you here. Join us, Chari, please." pamimilit pa ni Senyora sa akin.
Tumingin naman ako kay Nanay na tinanguan ako. Humarap naman ako sa Senyora at Senyor tsaka marahang tumango sa kanila. "Salamat po sa alok." sabi ko.
"Good. Now, come and sit beside your bestfriend." utos ng Senyora sa akin.
Agad naman akong tumalima kahit ayokong katabi si Sebastian. Tahimik naman kasi itong kumakain. Naglapag naman si Manang Tina ng karagdagang kubyertos sa harap ko. "Salamat po." sabi ko.
"Kain, Chari." inabot pa sa akin ni Senyora Tamara ang fried rice na niluto ni Manang Tina.
Agad ko namang tinanggap iyon at naglagay ng kaunti sa plato ko. "Salamat po, Senyora."
"Ano ka ba. You're like a family to us, Chari. We are glad na magaling ka na." nakangiting sabi ng Senyora Tamara sa akin.
"Maraming salamat po pala sa tulong ninyo, Senyora at Senyor. Kung hindi po sa inyo ay baka hindi po ako nakalabas ng ospital." sabi ko.
Sabay-sabay na napatingin naman ang tatlong kasama ko sa hapag. Halatang nagulat. "Alam mo?" narinig kong tanong ni Sebastian sa akin.
Hindi ko siya nilingon, "Nasabi po kasi ni Manang Tina sa akin kanina. Tatanawin po naming malaking utang na loob at utang na po ang ginawa ninyo para sa akin." dagdag ko pa.
Sunod-sunod na umiling si Senyora Tamara sa akin, "Chari, it was for you. Okay? Isa pa, you are one the smartest scholar we have. We can't afford to lose you tsaka small amount lang iyon kaya huwag mo ng isipin pa." sabi ng Senyora sa akin.
Kahit na pera pa rin naman iyon. Iyon sana ang gusto kong idagdag kaya lang mas minabuti ko na lang na tumahimik at marahang tumango. "How's school anyway? Hindi ka na kasi ganung nakukwento ng bunso namin. Did you guys fight?" tanong ng Senyora sa akin.
"No, Mom. We didn't. Busy lang po kami--"
"May girlfriend na po siya." pagsusumbong ko. Hindi na natapos ang sasabihin niya. Ramdam ko ang marahas na paglingon niya sa akin.
"You have?" gulat na tanong ng Senyora Tamara sa anak.
"Let me explain, Mom." agad na sagot naman ni Sebastian.
"Who? Why didn't you told us or kahit ako na lang? You're keeping secrets already?" tanong niya sa akin.
Umiling ito, sunod-sunod. "Hindi po. I will tell you about it, Mommy. It's just mahabang kwento po." sagot ulit nito.
"Tell now. Kung hindo asinabi ni Chari ay hindi ko malalaman na mayroon ka ng girlfriend." nagtatampong sabi pa nito.
I heard Sebastian's frustrated sigh, "Micaela's not my girlfriend, okay?" malakas na sabi nito.
"Sinungaling." bulong ko naman. Alam kong narinig niya iyon dahil hinawakan pa niya ang braso ko dahilan para mapalingon ako sa kanya at kumabog na naman ang dibdib ko.
"Hindi talaga. Gawa-gawa lang namin iyon kasi naman pinipilit mong may gusto ako sa kanya kahit wala." paliwanag pa nito sa akin.
Nagtaas naman ako ng kilay at bumitaw sa pagkakahawak niya. Bakit naman niya sa akin pinapaliwanag ito. Wala namang dahilan pa para magpaliwanag sa akin.
"You like someone else, Theo?" tanong ulit ni Senyora Tamara sabay tingin sa akin at tingin ulit sa anak.
"No, Mom! I'm faithful and loyal like Dad. Isa lang ang gusto ko, alam mo po yun." lumingon pa ito sa akin bago tinignan naman ang Ina.
So may crush siya na hindi ko kilala.
Nakahinga naman ang Senyora at marahang tumango bago hinawakan ang kamay ng Senyor na natatawa naman sa paliwanag ng anak nila. "I'll die early dahil sa bunso natin, honey." sabi nito sa asawa.
Tumawa naman ang Senyor Santiago at tinapik ang kamay ng Senyora. "He's a man, my love. Ganun talaga."
"Let's talk after this, Charlotte. Hear me out, please." sabi naman ni Sebastian sa akin.
Hindi ko pa rin siya nililingon pero tumango na ako. Tama nga sigurong mag-usap na kami. Ayoko na kasing naguguluhan pa at sumasama ang loob sa kanila ni Micaela.