Nakaraang linggo pa ang huling pag-uusap namin ni Sebastian at Micaela. Iyon ay noong na nominate silang magpartner ni Mica sa Mr. and Ms. Intrams namin. Pinilit kong sumama kay Seb kahit alam kong hindi naman dapat. Hindi naman kasi ako ang girlfriend niya at nahihiya ako kay Micaela. Umuwi kasi ito kaagad kaya hindi na nakasama sa panlilibre ni Seb ng ice cream.
"Last na ito ah. Dapat si Mica na ang ilibre mo. Siya ang girlfriend mo at hindi ako." Iyon ang natatandaan kong sinabi ko kay Sebastian.
Kaya mula noon ay lumayo na ako sa kanilang dalawa. Alam kong nararamdaman nila iyon. Hindi ko na rin pinagbabaon si Basti dahil nakikita ko silang sabay ni Mica na kumain. Alam ko na hindi ako dapat magselos o mainggit pero nararamdaman ko pa rin.
Katulad ngayon na P.E namin at Dodgeball ang laro namin. Nahati sa dalawang grupo ang section. Magkasama si Mica at Basti, samantalang ako naman ang nahiwalay sa kanila. Alam kong nakikita naman iyon ng mga kaklase ko na lumalayo ako sa kanila.
"Go, Cha-cha!" sigaw ng mga kaklase ko.
Ako na lang kasi ang natitira para sa team namin. Magaling ako sa larong ito pero naiirita ako ngayon na grabe protektahan ni Basti si Mica. Dapat ako yun e. Dapat ako yung pinoprotektahan niya, pero kaibigan lang naman ako.
Ako ngayon ang may hawak ng bola at babato sa kabilang grupo, sa grupo nila. Nasa harapan ni Basti si Mica at todo-tago si Micaela sa likuran nito.
Inumang ko na ang bola para tamaan kung sinuman ang tatamaan. Nang binato ko iyon ay sumakto sa braso ni Mica, lumabas kasi siya kaya nahagip ko.
"Alfonso, out!" sigaw ni Sir Dela Cruz.
Naghiwayan naman ang mga kagrupo ko. Pawis na pawis na ako pero wala akong pakialam. Samantalang natigil naman si Sebastian dahil tinignan niya si Micaela. Tumatawang tumango lang naman si Mica bago lumayo dito.
"Sorry, part of the game!" sigaw ko sa kanila.
Masama naman ang tingin na ipinukol sa akin ni Sebastian. I made a peace sign dahil nasalo ng ka grupo ko ang bola, binato naman sa akin ni Arnel iyon kaya ako ulit ang babato.
"Yes! One-on-one sa mag-ex!" pang-asar na sigaw ni Ysmael.
Nilingon ko nang masama si Ysmael, "Ex ka diyan. Lagyan ko ng malaking X kaya yang mukha mo." sabi ko sa kanya.
"Ex-bestfriend kasi!" sagot naman nito.
Inilingan ko na lang siya. Dalawang linggo na rin kasi kaming hindi nag-uusap ni Sebastian. Kinakausap sa casual na way lang naman pero ayoko kasing mang himasok sa kung anumang mayroon sila ni Mica. Afterall, they are my friends.
"Chari! Chari! Chari!" pang-cheer ng mga ka grupo ko.
Seryoso ang tingin ni Sebastian habang hinihintay niya sigurong ibato ko ang bola. Nang mapansing bahagya siyang nag relax ay binato ko ang bola sa kanya, nasalo naman nito ang bola. Biglang nagsigawan ang ka grupo naman nito.
"Sebastian! Sebastian!" sigaw naman ng mga ka grupo nito sa kanya.
Inumang naman ni Basti ang bola, alam kong masakit iyon dahil sa paraan pa lamang ng pag-angat ng kamay niya. Tiyak asintado ako doon. Agad kong tinakip ang braso ko sa mukha ko at hinintay na lang ang impact ng gagawin niya. Pero wala akong naramdaman na sakit, binaba ko ang braso ko para silipin siya, nakatingin siya sa akin. Nang makita niyang binaba ko ang braso ko ay binato niya ng mahina ang bola at tumama sa ibabaw ng paa ko lamang.
Naghiyawan naman ang mga ka grupo niya sa pagkapanalo nila laban sa grupo namin. Nagsilapitan naman ang mga ka grupo ko, nakangiti at parang wala namang kaso kung natalo kami.
"Sorry." hinging paumanhin ko sa kanila.
Umiling sila ng sunod-sunod sa akin. "Ayos lang. Nag enjoy naman tayo." sabi ni Bea.
Tinawag na ulit kami ni Sir Dela Cruz at sinabi lang na maghanda sa long quiz namin sa Lunes para sa Health. Pinaakyat na rin niya kami para magbihis ng damit namin.
Nauna na ako sa pag-akyat para makapahinga. Sa room ang mga girls nagpapalit ng pang-itaas. Lumalabas naman kasi ang mga boys pagkakuha nila ng damit nila. Nagkagulo agad sa room dahil mga init na init ang lahat. Lunch naman na rin ang next namin.
"Labas muna yung mga boys!" sigaw ko para makapagbihis kaming girls.
"Sandali, mainit!" alma naman ni Ramon.
"Ikaw lang lalaki dito, Ramon. Baka naman gusto mong lumabas na." tanong ko pa sa kanya.
Lumingon naman si Ramon at napansing siya na nga lang mag-isa ang lalaki sa room dahil halos girls na lang. Padabog itong lumabas dala ang damit nito. Sinundan ko siya para masarado ko ang pintuan. Naghihintay lang sa labas ang mga boys.
"Bye, boys." sabi ko pa sa kanila tsaka ko sinarado ang pinto. Ibinaba ko rin ang mga blinds ng room, tumulong yung ibang girls para makapagbihis na kami.
Nakita kong nagpapalit na yung iba pati si Mica, nakatalikod ito gayundin ang iba. Sa tapat naman ako ng upuan ko nagpalit ng damit. Manipis at masyadong fitted pala ang baon kong damit. Halata tuloy yung itim kong panloob. Wala pa naman akong dalang jacket, nagmamadali kasi ako.
Nilugay ko na lang ang buhok ko para takpan ang dibdib ko. Naglagay muna ng pulbo ang ilan at nagpabango kaya ganun din ang ginawa ko.
"Cha-cha, mainit na dito!" sigaw ng boys sa labas.
Nilingon ko naman ang ilang girls, ayos na rin naman sila. "Ang sexyy naman ng suot ni Madam Charlotte! Sana all blessed!" pang-aasar naman nila sa akin.
Napayuko naman ako sa dibdib ko, conscious bigla. Basa pa naman ng pawis ang damit ko kaya hindi ko maisusuot ulit iyon.
"Pahiram naman ako ng jacket diyan!" sabi ko. Nahihiya kasi ako. Kung bakit naman kasi na ito ang nadampot ko.
"Wala e." sabi ng iba.
Napabuntong hininga ako. Wala naman na akong choice kung hindi panindigan ito. Ipapatong ko na lang ang P.E shirt ko mamaya. Tumango na lang ako at lumapit sa pintuan kasi nagsisigawan na yung boys doon.
Nagmamadaling pumasok ang mga ito at kanya-kanyang pwesto sa ilalim ng aircon. Samantala napansin ko naman na dumiretso si Basti kay Mica. May sinabi si Mica dito kaya napalingon sa akin si Sebastian. Inirapan ko naman siya at dinampot ang lunch bag ko.
"May quiz sa Computer ah. After lunch diretso na sa computer lab ang lahat. Let's eat na!" anunsyo ko sa lahat.
Masayang naglabasan naman ang magkakaibigan, dumiretso naman ako sa upuan ko. Nakikita ko pa sa gilid ng mata ko si Basti at Mica na nag-uusap ng mahina. Kahit hindi ko marinig, wala akong pakialam. Hindi naman ako pumasok para makinig sa usapan ninyong mag jowa.
Dahil kaunti na lang din naman ang boys na nasa room ay tinali ko na ang buhok ko. Hindi naman na siguro nila mapapansin ang suot ko.
Nilingon ko ang mag jowa na naroon pa rin, parehas na nakatingin sa akin. Tipid na ngumiti ako sa kanilang dalawa. "Kain tayo, guys." yaya ko sa kanila.
Binuksan ko na ang lunch box ko at ang niluto kong adobo ang naroon. Ako kasi ang nagluto ng baon ko ngayon. Maaga kasing umalis ang Nanay at Tatay.
"Chari." tawag ni Mica sa akin.
Natigil naman ako sa paglalagay ng sarsa ng Adobo sa kanin ko at nilingon siya. Medyo malungkot ang mukha nito habang nakatingin sa akin. "Pwede ka bang makausap?" tanong niya sa akin.
Ibinaba ko naman ang kutsara't tinidor ko tsaka ko tinakpan ang lunch box ko. "May problema ba?" tanong ko sa kanya. Nasa likod nito ang seryosong si Sebastian.
Tumikhim si Mica bago nag-aalinlangan na nilingon si Basti, "Iimbitahan ka sana namin ni Seb na kumain sa canteen. Kung okay lang--"
Napabuntong hininga ako sa sinabi niya, "Akala ko naman kung ano."
"May sasabihin na rin sana kami--"
"Mica, kung anumang mayroon sa inyo ni Sebastian, masaya ako para doon. Di ba, umamin na rin kayo? Wala naman sa akin iyon. Ship ko nga kayo di ba?" ngumiti pa ako sa kanilang dalawa.
"Ano kasi, Chari." nilingon pa ni Mica si Basti na seryoso pa rin ang mukha. "Napapansin ko kasi na iniiwasan mo kami."
Hindi sinasadyang tumaas ang kilay ko sa sinabi ni Mica, nahalata na rin pala nila. Bumuntong hininga ako, "Which is tama naman. Alam naman natin na matalik kaming magkaibigan ni Basti...noon. Hindi naman tama na sumasama pa ako sa inyong dalawa, knowing na in a relationship na kayo. Alam ko naman ang lugar ko." pinilit ko pa ring ngumiti kahit nasasaktan ako.
Napansin ko rin na tumahimik ang mga kaklase ko na kanina lang ay maingay na kumakain. "Chari." tawag pa ulit ni Mica sa akin.
"Ayoko ng away, Mica. Mas mabuting ako na lang yung lumalayo sa inyong dalawa. Hindi ko naman kasi akalain na nawala lang ako saglit, nangyari na nga kayo talaga." kinagat ko pa ang ibabang labi ko para mapigilan ko ang pag-iyak.
"Chari, hindi kasi ganun yun. Kausapin mo muna kami ni Sebastian." pilit pa ni Mica sa akin.
Umiling ako sa kaniya, sa kanila. Wala na kaming dapat pang pag-usapan. "Lunch na tayo. Magrereview pa ako para sa quiz." Hindi ko na sila inintay na sumang-ayon sa akin. Tahimik na nagsimula na lang ako na kumain.
Naramdaman ko na lang na umalis sila kaya habang kumakain ako ay hindi ko na namalayan na umiiyak ako. Naging malakas iyon kaya napansin ng mga kaklase ko. Hindi naman ako iyakin na tao pero nasasaktan talaga ako.
Hindi ko na rin natapos ang pagkain dahil nawalan na rin ako ng gana. Inabot ko na lang ang aklat ko at nagbasa na lang kahit napakaraming pumasok sa isipan ko.
Pagdating ng next subject ay ako na ang naunang pumunta sa Computer lab, hindi ko kayang makisabay sa kanila. Mabuti na lamang at alphabetical ang arrangement namin kaya hindi ko kailangan ipilit na tumabi sa kanila.
Unti-unti na ring nagsidatingan ang mga kaklase ko, tahimik sila, lalo na yung nakakita sa akin na umiyak kanina. Hindi naman kasi talaga ako iyakin pero napuno na lang talaga ako kanina. Para kasi akong nawalan ng importante sa akin.
"Good Afternoon, class." bati ni Sir Cruz sa amin.
"Good afternoon, Sir Cruz." sabay-sabay na bati naman namin.
"Okay, so the detailed instruction for your quiz is on the file designated to your section only. Kindly look for the doc, open it, and answer. Save as the doc by putting your surname and section. " paliwanag ni Sir Cruz sa amin.
Tahimik naman na nagsagot ang lahat kahit ako. May harang naman ang bawat area namin kaya hindi nagkakakitaan ng sagot. Seryoso kong binasa at sinagutan ang mga tanong. Wala pa halos limang minuto ay tapos ko na ang 45 minutes quiz namin. Sigurado naman ako na tama iyon.
Nagtaas ako ng kamay para makita ako ni Sir Cruz. "Yes, Alaina?" tanong ni sir habang papalapit siya sa akin.
"Tapos na po ako." sabi ko. I heard my classmates gasps.
Tumango-tango naman si Sir Cruz tapos ay lumapit sa area ko. Pinasadahan niya ng basa ang mga sagot ko habang nakangiti. "As expected. You may go back to your room now, Alaina." imporma ni Sir sa akin.
"Thank you po." dinampot ko lang ang dalang ballpen at dumiretso na palabas ng Computer Lab. Hindi na ako nag-abalang lumingon pa dahil ayoko silang makita.
Mag-isa lang ako sa room ng mapansin ko ang bote ng juice sa desk ko. Hindi ko naman kilala kung sino ang naglagay nun dito kaya inilagay ko na lang sa teacher's table. Baka may humanap nun mamaya.
Nagbasa na lang din ako sa ibang subjects pa namin. Nag-computer pa muna siguro yung iba kaya hindi pa sila bumabalik. Kaya nagdesisyon akong magpunta na lang muna sa clinic. Nandoon tiyak si Nurse Joy at pwede kong makausap.
Kumatok muna ako bago ko marahang binuksan ang pintuan. Halata ang pagkagulat sa mukha ni Nurse Joy pagkakita sa akin, pero ngumiti rin naman ito kaagad pagkatapos.
"Chari! Long time no see. Kumusta ka na?" she asked.
Tipid na ngumiti ako sa kanya. Sinilip ko munang mabuti kung walang pasyente para malaya akong makakapagkwento sa kanya.
"Walang pasyente. Mabuti nga at dumating ka, mapapanis na ang laway ko. Pero, teka, may masakit ba sa iyo?" nag-aalalang tanong niya sa akin.
Umiling naman ako bago hinila ang silya sa harapan ng table niya at doon naupo. Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan ko.
"Ay may hugot. Bakit?" tanong niya sa akin.
"Malungkot lang po ako." sagot ko sa kanya.
"Bakit naman? Bihira yan ah. Anong ganap?" usisa pa niya sa akin. Mukhang nakuha na rin ang atensyon niya dahil tinigil niya ang ibang ginagawa.
Mapait na ngumiti ako sa kanya, "Si Mica tsaka si Sebastian na po." sabi ko sa kanya.
Nanlaki ang mata niya at napaawang pa ang bibig, "Totoo ba? Kailan pa?" sunod-sunod na tanong niya sa akin.
"Nung pagbalik ko po sa school." sabi ko sa kanya.
Marahan siyang tumango sa akin. "So malungkot ka kasi sila na?" tanong niya.
I pouted my lips, "Parang ganun na nga. Hindi ko kasi maintindihan, Nurse Joy. Dapat masaya ako para sa kanila kaya lang... alam mo po yun, masakit." I bite my lower lip para pigilan ulit na umiyak.
"Alam ko naman na magkaibigan lang kami ni Sebastian. Pero pag nakikita ko sila ni Micaela na magkasama, hindi ko maiwasang hindi mainis." dagdag ko pa.
"Nagseselos ka?" tanong niya ulit sa akin pagkatapos ng katahimikan na namagitan sa amin.
Agad akong nag-angat ng tingin sa kanya sabay iling ng sunod-sunod. "Hindi po! Bakit naman ako magseselos?"
Nurse Joy smiled before holding my hand, "Kasi iyon ang paliwanag sa nararamdam mo, Chari. I've been there so I know it na. Huwag mong itago yung nararamdaman mo kasi ikaw lang ang mahihirapan. Maybe, hindi mo pa narerealize talaga, pero baka lang naman... gusto mo rin si Sebastian."
Hinila ko ang kamay ko mula sa kanya tsaka umiling. "Naku. Hindi po talaga! Best friends lang kami ni Basti. Hanggang doon lang po kami tsaka sila na talaga ni Mica hanggang pagtanda namin."
Sumandal si Nurse Joy sa kinauupuan niya tsaka ngumiti, "Ganyang-ganyan din ako noon. In denial ako na gusto ko yung boyfriend ko. Pero tignan mo, College pa lang kami na. 8 years na kami ngayon. Kailangan lang na maging matapang ka na harapin yung nararamdaman mo." aniya pa.
Imposible talaga yung sinasabi niya. Never ko naman nakitang magugustuhan si Sebastian. Aminado ako na masaya ako pag kasama ko siya. Payapa ako kapag nasa paligid ko siya at alam kong hindi niya ako iiwanan. Pero lahat iyon ay noon.
"Kapag alam mo na sa sarili mo na gusto mo siya, umamin ka. Malay mo mawala rin iyon kapag umamin ka na sa kanya. Bata ka pa, Chari. Marami ka pang lalaki na paiiyakin. Sa ganda mong yan." saad pa nito sa akin.
I pouted my lips, "Mas maganda pa rin po si Micaela. Kaya nga po siya nagustuhan ni Basti."
Tumawa ng malakas si Nurse Joy, "Nagseselos ka nga! Grabe! Kapag matalino pala talaga, hindi mo nadidistinguish yung feelings mo para sa iba."
Alam kong pinamulahan na ako ng mukha sa sinasabi ni Nurse Joy, "Hindi po talaga! Hindi ko crush si Seb tsaka bagay talaga sila ni Mica." pagpipilit ko pa sa kanya.
Pero hindi ko na rin alam kung sino ang pinipilit ko. Siya ba o ako?
"Oo na. Kunwari naniniwala ako." natatawang sabi pa nito sa akin.
"Hindi nga po!" malakas na sabi ko.
Halos punasan ni Nurse Joy ang mga luha niya sa katatawa sa akin, "Bumalik ka na nga sa room niyo."
Sinamaan ko siya ng tingin bago nilingon ang chocolate jar na nasa tabi niya. "Pahingi po ah."
Tumango siya sa akin habang hindi pa rin matigil sa katatawa. Wala namang nakakatawa sa mga sinabi ko. Iba talaga siya. "Damihan mo. Sabihin mo galing sa may crush sa iyo."
Nagpasalamat na lang ako pagkakuha ng dalawang pirasong chocolate sa jar. Kinain ko ang isa habang naglalakad pabalik sa room, nakita ko kaagad sa pintuan si Sebastian. Nakasalubong ang kilay nito na nakatingin sa akin.
Nakabalik na pala sila sa room.
"Saan ka galing?" tanong niya sa akin pagkaraan ko sa tapat niya.
Nilingon ko pa ang likuran ko para siguraduhin kung ako nga ang kausap niya. Ako nga. Nag-angat ako ng tingin sa kanya at pinakita ang balat ng chocolate candy.
Sinilip ko ang room at naroon na halos lahat ng mga kaklase ko. Si Ma'am Montemayor na pala ang susunod, Araling Panlipunan na teacher namin.
"Paraan." sabi ko sa kanya dahil nakaharang siya sa daanan. Pero hindi siya umalis.
"Tignan mo nga yang suot mo, Charlotte. Halos kita na ang kaluluwa mo." galit na sabi pa niya sa akin.
Hindi ko na kailangan pang tignan ang suot ko dahil alam kong manipis nga iyon at fit na fit sa akin. Ano naman sa kanya ngayon? Ako ba girlfriend niya? Hindi naman di ba?
Nagkibit-balikat na lang ako sa kanya at hindi pinakinggan ang sermon niya. "Hindi mo ko girlfriend para sabihan ng ganyan." mataray na sabi ko sa kanya bago siya hinawakan sa braso para mahatak paalis sa pinto.
Ngayon ko napansin na sa simpleng pagkakadaiti ng balat namin ay lumakas ang t***k ng dibdib ko. Ngayon lang ito nangyari sa akin at hindi ko inaasahan. Agad akong napabitiw sa pagkakahawak sa kanya sabay angat ng tingin sa kanya.
"Umalis ka nga kasi diyan!" malakas na sabi ko bago ko siya tinulak para makapasok ako sa room. Dire-diretso ako sa upuan ko, wala ng pakialam kung pinagtitinginan ako ng lahat.
"Charlotte!" malakas na tawag niya sa akin.
Lahat ng mata ay nakatuon sa aming dalawa. Hindi ako sanay.
"Micaela, yung boyfriend mo masyadong epal." sabi ko sa kanya pagkadaan ko sa tapat niya.
Halata namang naguguluhan si Mica sa dapat gawin, "Chari kasi---"
"Ano ba?! Pwede ba? Tigilan niyo na nga akong dalawa. Huwag na lang tayo magpasinan kasi ang awkward na!" sigaw ko pa.
Tahimik ang buong section namin habang halata sa mukha nila Mica at Sebastian ang gulat sa sinabi ko. Gusto ko mang bawiin pero hindi naman pwedeng aasikasuhin ako ng boyfriend ng iba.
"Chari, hindi mo kasi naiintindihan--" naiiyak na sabi naman ni Mica sa akin.
Mapait na ngumiti ako sa kanila, "Ano bang dapat kong intindihin? Na ano? Nawala lang ako talagang nagustuhan mo na si Sebastian? Wala naman sa akin iyon, Mica. Ang sa akin nasaktan niyo kong dalawa dahil sa ibang tao ko pa nalaman na kayo na! Ilang beses niyo kong dinalaw sa ospital pero hindi niyo man lang nabanggit sa akin iyon." There! I finally said it.
"Kaya please lang. Ayokong sumama pa sa inyo kasi ayokong maging third wheel sa inyong dalawa." diretsong sabi ko pa.
Magsasalita pa sana si Sebastian kaya lang naunahan siya ng pagdating ni Ma'am Montemayor. Halatang nagulat naman ang teacher namin dahil sa umiiyak na si Micaela at tahimik na klase namin.
Galit pa rin ako pero alam kong huhupa iyon.