"Thank you talaga." Hindi maawat ang pasasalamat ko sa kanila habang napapagitnaan nila akong dalawa.
Mahal kasi talaga yung kinainan namin, alam ko iyon kahit hindi nila sabihin. Hindi pa namin kinain yung cake na kasama sa binayaran nila. Dala-dala ko pa iyon hanggang ngayon.
"Don't mention it, Chari. You deserved that." sagot naman ni Olivia sa akin.
Nagpaalam si Sebastian na may pupuntahan lang muna kaya kaming tatlo na muna ang nag-ikot-ikot. Pumunta kami sa isang clothing shop kung saan pinamili kami ni Olivia ng mga damit. Kahit ayaw namin ay siya na ang kumuha ng mga damit at kinuha ang mga sizes namin.
"Those are nice clothes! We are going to look like a triplets if we wear that next time." Tugon ni Olivia habang binabalot ang tatlong damit na nakita niya pa. Karagdagan sa mga damit na pinagbibili niya para sa amin.
"Pero sobra-sobra na ito." sabi naman ni Mica.
Umiling si Olivia dito, "That's my treat. I have my ipon naman and really, those are a lot cheaper compared to those clothes that I usually buy." ani nito sabay abot ng card sa kahera.
"Tama na ito ah. Okay na ito." awat ko sa kanya dahil gusto naman niyang pumasok kami sa isang shoe shop.
"No! I have to buy a rubber shoes, please." pagdadahilan nito.
"Sige pero dito lang kami sa labas ni Chari." sabad naman ni Micaela.
"What? No! Come with me please. Just sit there." pagpipilit pa nito sa amin.
Dahil sa masyadong inosente si Olivia ay hindi niya nahalatang nababasa namin siya ni Micaela. Alam namin na kaagad ang plano niya kaya umiling kami sa kanya. Baka sabihin ng iba na ginagamit namin siya. Isa pa, hindi kami sanay sa mamahaling mga bagay.
Wala naman siyang nagawa kaya hindi na rin siya pumasok sa loob ng store. Nakakita kami ng nagtitinda ng cotton candy na mukhang nagustuhan naman nila. Kaya nagtungo kami doon para mabilhan ko silang dalawa.
"Ako na magbabayad. Libre ko na ito." nakangiting sabi ko sa kanila. Binigyan naman ako ni Tatay ng pera kaya maililibre ko silang dalawa. At may baon pa akong extra na pera.
"Really? I can buy that for us." sabi naman ni Olivia kaagad sabay labas ng pitaka nito.
"Hindi na. Ako na. Kuya, apat po." sabi ko. Ibibigay ko kay Sebastian yung isa, tsaka ko inabot ang sampung piraso na tig-bebente.
"Chari..." tawag sa akin ni Olivia habang nakatingin sa pera na inabot ko.
"Bakit?" tanong ko.
"That's your ipon. You didn't have to spend that for us." bahagyang lumungkot ang mukha nito. Para bang nakokonsensiya ang mukha nito.
"Ano ka ba...ayos lang iyon. Minsan ko lang din naman magagawa ito. Lubusin na natin." sabi ko sa kanila.
Nagsalubong ang kilay nito tsaka tumingin kay Mica, "What's lubusin?" tanong nito.
Napailing naman si Micaela dito. Inabot ko naman sa kanila ang cotton candy na binili ko. Nag-request pa si Olivia na kunan kami ng picture nung nagtitinda para daw souvenir.
Bumalik na rin kami sa bus pagkaraan. May mangilan-ngilan na naroon pero wala pa rin si Sebastian. Mga excited na rin na magpunta sa theme park lalo na ako dahil unang beses ko doon.
Labinlimang minuto pa ang lumipas ay dumating na ang mga kaklase namin pati na rin si Sebastian. Wala naman itong ibang dala maliban sa body bag na suot nito. Tumabi ito sa akin at ngumiti.
"Kanina pa kayo?" tanong niya sa akin.
"Medyo. Saan ka galing?" balik-tanong ko.
"Diyan lang." matipid na sagot nito.
Tumango naman ako sa kanya tsaka ko inabot ang cotton candy. "Thank you, Seb." nakangiting sabi ko sa kanya.
Tinignan naman niya ang cotton candy na hugis bulaklak. Iyon kasi ang pinakamura kaya iyon lang nakayanan ko.
"Salamat." sabi naman niya.
Pero mas imbes na ito mismo ang kumain ay hinati pa niya sa akin...mas marami pa nga yung parte na nakuha ko.
Umalis na rin ang bus namin dahil kompleto na kami. Kami ang unang bus na pupunta sa theme park. Mga nag-aayos na rin yung iba kong kaklase kaya iyon din ang ginawa ko. Naglagay lang ako ng kaunting pulbo at pabango.
"Bakit nagpapaganda ka?" tanong ni Sebastian sa akin. Siya kasi kasi ang pinaghawak ko ng salamin para makita ko ang sarili ko. Mariin ang tingin niya sa akin.
"Hindi naman. Para mukhang presentable lang naman." Iyon ang sagot ko sa kanya bago ko inagaw ang gamit ko.
Mabilis lang talaga ang biyahe at nakarating na kami sa Star City ng wala pang dalawampung minuto. Naghihiyawan ang mga boys lalo na at bumaba na si Ma'am Ledesma para kunin ang ticket namin.
Ako rin, naeexcite. Minsan lang ito mangyari sa akin lalo na at puro carnival lang ang nakikita ko sa probinsya.
Pinababa na rin kami ng bus at sinabihan na mag-ingat. Kailangan namin bumalik sa bus ng alas-nuebe ng gabi dahil bibiyahe pa kami pabalik ng Trinidad.
"Where should we go first?" excited na tanong ni Olivia dahil puro mga store ang nadadaanan namin.
Sabi kasi nasa itaas pa yung mga amenities ng theme park. "Yung roller coaster!" suhestiyon ko sa kanilang dalawa.
Bigla naman parang nawalan ng kulay ang mukha nila. "I'm not a fan of extreme rides. I'm sorry." hinging paumanhin ni Olivia.
"Sorry, Cha." si Mica naman.
Lumabi naman ako habang naglalakad kami paakyat. Wala naman akong magagawa dahil ganun talaga. Si Sebastian naman ay nasa likuran ko lang din naman. Nagdesisyon kaming pasukin na muna ang horror house.
"Mag-shout, ugly." sabi ni Olivia pero siya pa ang unang sumigaw dahil sa gulat.
"Oh my! Stop! Please!" sigaw ni Olivia habang patuloy na nagugulat.
Si Micaela naman ay hindi basta natatakot sa ganitong bagay. Siya pa nga ang nauuna sa amin, may ilang mga kaklase rin kasi kaming pumasok dito na kasabay namin.
"Ano ba yan, Allen! Ang duwag mo naman!" narinig kong sigaw ni Bea.
"Nakita mo ba yung mukha nila? Sinong hindi matatakot sa ganun?!" ganting sigaw ni Allen dito.
Napailing naman ako sa kanila dahil kahit ako rin naman ay nagugulat. Mabuti na lang at nasa likuran ko si Sebastian.
"Pucha! Ano ba yan?!" sigaw ulit ni Allen.
Natawa naman ako sa kanya kahit gusto ko na ring umurong sa sobrang takot. Bakit naman kasi ito ang una naming sinabak.
"Ah!" sigaw ko dahil may biglang sumulpot sa harapan ko. Kulang na lang ay suntukin ko iyon para mawala.
Mahigpit ang pagkakahawak ko sa kamay ni Sebastian na nagtungo na sa gilid ko. Hindi rin naman ako matatakutin pero nagugulat kasi ako at nadadamay ako sa hiyawan ng mga kaklase ko.
Paglabas namin ng horror house ay masakit na ang lalamunan ko sa kakasigaw. Hingal na hingal din si Olivia pati ang pawis ang bakas na bakas sa mukha nun.
"That was scary! I won't go back there anymore!" malakas na sabi nito.
Nag-ibang rides pa kami na halos pambata lahat bago kami nagdesisyon na mag-dinner. Sa labas ng theme park kami kumain sa may parking area. Kasalo ko si Sebastian sa baon ko kahit mayroon siya ng kanya.
"Hindi na ata uubra yung sauce. Sayang naman. " medyo maasim na kasi yung amoy ng sauce ng spaghetti. Pinaghirapan pa naman iyon ni Tatay kaya nakonsensya ako kaagad.
"Meron ka pa namang chicken at noodles. Yan na lang kainin natin." anito bago inagaw sa akin ang lunch box ko at nagsimulang kumain na animo'y sarap na sarap.
Napangiti naman ako sa kanya tsaka ko siya pinagbuksan ng coke. "Mabulunan ka naman, Papa." pang-aasar ko sa kanya.
Napatigil ito sa paghigop ng noodles tsaka ako tinignan. Ang gwapo talaga niya. Iba ang mukha niya sa lahat ng lalaki na nakilala ko na. Isa pa, siya lang din ang may alam ng lahat-lahat tungkol sa akin. Sa kanya ako komportable, sa kanya ako masaya.
Kumunot naman ang noo nito bago tahimik na kumain na lang. Kung hindi ko pa sabihing nagugutom ako ay hindi rin siya titigil para bigyan ako.
Pagkatapos mag-dinner ay nagtingin-tingin kami sa mga store na naroon. Binilhan ko si Tatay ng t-shirt at panyo, pinalagyan ko pa iyon ng pangalan niya at ni Nanay. Nagkahiwa-hiwalay din naman kami pagkaraan dahil may ibang rides na gustong subukan sina Mica at Olivia samantalang si Sebastian ay gusto akong kasama sa ferris wheel.
Mabuti na lamang at mabilis ang pila. Kaming dalawa ang sumakay sa unang gondola. Mas maganda na rin ang view dahil gabi at ang maliliwanag na ilaw ng Maynila ang nakikita ko.
Ganito kaganda ang nakikita lagi ng mga tao rito. Hindi na ako nagtataka kung bakit mas maraming tao ang nagtutungo dito.
"Gusto ko kapag nagkaroon ako ng asawa at mga anak, titira kami sa isang mataas na lugar kung saan tanaw namin yung liwanag na ito." namamanghang sabi ko habang nakatanaw sa bintana ng gondola.
Nang nasa pinakataas na kami ay mas naging maganda ang tanawin. Hindi ko maihiwalay ang mata ko doon.
"Charlotte." Tawag sa akin ni Sebastian.
"Bakit?" tanong ko sa kanya pero hindi ko pa rin siya magawang lingunin. Minsan lang itong nakikita ko. Ito na rin marahil ang una at huling beses.
"Charlotte." Tawag niya ulit.
"Ano ba kasi?" saglit na nilingon ko siya.
Tumambad sa akin ang nakangiti niyang mukha at isang maliit na kahita na nakabukas. Mayroong maliit na pendant iyon na hugis puso at sa loob ng puso ay isang maliit na diyamente.
"I know na hindi mo kayang tanggapin ito pero regalo ko ito sa'yo. Happy birthday, love. I will always be here for you." seryosong sabi niya.
Halos mahigit ko naman ang hininga ko habang nakatingin doon. Hinawakan ni Sebastian ang kamay ko para mapa move forward niya ako, hindi naman kasi siya pwedeng lumipat sa tabi ko dahil mawawalan ng balanse ang sinasakyan namin.
He made me lean forward at walang seremonyang isinuot sa akin ang akala ko ay bracelet pero kwintas pala.
"Seb..." Pero hindi ko halos alam ang sasabihin ko sa kanya. Wala akong ideya. Para bang nagblangko ang utak ko dahil sa ginawa niya.
Hinarap ako ni Sebastian sa kanya. "I love you, Charlotte. Hindi bilang kaibigan...higit pa roon ang nararamdaman ko para sa 'yo. Hindi ko alam kung ito ang tamang panahon para sabihin ito, pero maghihintay ako," hinawakan niya ang kamay ko gamit ang isa niyang kamay habang ang isa ay nakahaplos sa pisngi ko.
"Kapag handa ka na. Nandito ako para hintayin ka. Hindi magbabago ang nararamdaman ko para sa'yo, Chari. Sigurado ako doon." dagdag niya.
"B...baka nabibigla ka lang, Seb. Baka naguguluhan ka lang sa nararamdaman mo." sabi ko sa kanya.
Alam ko na dapat ay masaya ako sa sinabi niya pero hindi ko mahanap sa sarili ko na magsaya. Kapag pinasok namin ang relasyon na ito ay baka mawala rin ang pagkakaibigan namin kapag nag-away kaming dalawa.
Hindi ko kayang i-sakripisyo iyon.
Isa pa, mga bata pa kaming dalawa. Kaya nga hindi ko maamin-amin sa kanya yung nararamdaman ko. Ano na lang iisipin ng ibang tao? Na malandi ako o kaming dalawa. Hindi magandang pakinggan. Ano na lang din ang iisipin ng mga ate niya. Alam kong ayaw na ayaw ng mga iyon sa akin.
Umiling si Sebastian, "No. Hindi ko alam kung kailan nagsimula yung nararamdaman ko para sa'yo, Charlotte. Pero sigurado ako na mahal kita. Mahal na mahal." seryosong sabi niya.
I bit my lower lip while looking at him. Hindi ko kayang mawala siya sa akin. Hindi ko kaya kung kahit siya ay mawawala na lang sa buhay ko.
"Hindi kita minamadali, Chari. Kaya kong maghintay kaya hindi mo kailangan sumagot agad. Gusto ko lang umamin sa iyo kasi hindi ko na siya kayang dalhin lang." dagdag pa niya.
Marahan akong tumango sa kanya. Titimbangin ko muna ang lahat bago ko siya sagutin. Pero isa lang ang sigurado ako sa lahat ng duda at takot ko. Mahal ko siya.
Mas naging clingy si Sebastian pagbaba namin ng gondola. Hindi na niya ako binitawan kahit sa ibang rides. Saktong alas-nuebe ay bumalik na kami sa loob ng bus, may ilan na naroon na rin habang hinihintay naman namin yung iba pa.
Masayang-masaya ako dahil sulit na sulit ang araw ko na ito. Sadyang hindi ko maipaliwanag yung nararamdaman ko.
Nakatulog kaming lahat sa biyahe, kahit nilalabanan ko dahil gusto kong makita ang liwanag na nadaraanan namin. Nakasandal ako sa balikat ni Sebastian habang suot ang jacket nito. Yung ulo naman niya ay nakadantay sa ulo ko tapos ay hawak pa niya ang kamay ko. Kung hindi kami siguro kilala ng mga kaklase namin ay aakalain nila na boyfriend ko siya.
Nasa alas-dos na ng madaling araw kami nakabalik ng Trinidad. Si tatay ang sumundo sa amin. Isinabay na namin si Mica dahil si Olivia ay sinundo ng Kuya Leon nito. Ihahatid pa ni Tatay si Sebastian sa mansyon bago umuwi si Tatay.
Hindi ko na rin naabutan dahil pagdating ko sa bahay ay nakatulog na agad ako.
Kinabukasan ay tanghali na ako nagising. Wala na si Tatay paggising ko pero may nakahanda ng tanghalian. Alas onse na rin kasi ng umaga, pagod na pagod kasi ako kahapon pero sobrang saya.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala sa pag-amin ni Sebastian. Parang nasa panaginip lang ako dahil doon. Tinignan ko ang sarili ko sa salamin, bagay na bagay sa leeg ko ang kwintas na binigay niya sa akin.
Nagdesisyon na lang din ako na mananghalian na at maglaba para makatapos ako ng gawain sa bahay. Wala naman akong pasok sa carinderia ngayon dahil sa Lunes pa ulit ako pinababalik ni Manang Nora.
Isinama ko na rin yung mga damit ni Tatay at mga kurtina sa bahay. Mula pa ng nawala si Nanay ay hindi na iyon napalitan. Ngayon pa lang ulit ako kikilos sa bahay para linisin ito katulad ng ginagawa namin ni Nanay.
Pinilit ko na lang na maging masaya para matapos ko lahat ng gawaing bahay. Pero hindi ko rin nakayanan dahil pagpasok ko sa loob ng kwarto nila ni Tatay ay parang naamoy ko na naman si Nanay.
Nagbagsakan na lahat ng luha ko habang tinitignan ang mga dati niyang gamit. Sabi ko kasi kay Tatay ay ako ang mag-aayos ng gamit ni Nanay. Binuksan ko ang maliit na aparador nila ni Tatay at nakita ko kaagad ang mga damit ni Nanay.
Walang tigil ang pagbagsak ng luha ko habang isa-isa kong niyayakap ang mga iyon. Inaamoy ang natitirang amoy pa niya doon. Nag-iwan ako ng tig-isang damit ni Nanay, isa para kay Tatay, at isa para sa akin. Kahit sa ganung paraan ay hindi namin siya makalimutan ni Tatay.
Natigil lang ako sa pag-aayos ng damit niya ng may bumagsak na isang papel mula sa aparador. Dinampot ko iyon at sulat-kamay ni Nanay ang naroon.
Para sa pinakamamahal kong anak.
Iyon ang nakasulat. Parang may bumundol na kaba sa akin habang nakatingin doon. Nanginginig ang mga kamay ko ng binuksan ko ang sobre at binasa ang nakasulat sa papel.
Mahal kong Chari,
Marahil kung nababasa mo ang liham na ito ay wala na ako sa tabi mo. Patawarin mo ako anak kung hindi ko na masusubaybayan ang paglaki mo at pag-abot mo sa pangarap mo. Patawarin mo rin ako kung itinago ko sa inyo ng iyong ama ang kalagayan ko. Ayoko na lang na mag-alala kayo. Ayokong mahirapan din kayo dahil lang sa akin. Sapat na iyong ako na lang.
Anak, masayang-masaya ako dahil ikaw ang naging anak namin ng iyong ama. Ikaw ang anak na hinihiling ng lahat ng magulang at napakasaya ko dahil naging akin ka.
Chari, mahal kong anak, huwag na huwag kang panghihinaan ng loob. Tandaan mo lang palagi na kahit hindi mo ako nakakasama ay palagi akong nasa puso mo. Mahal na mahal na mahal kita, Charlotte. Tuparin mo ang pangarap mo para sa akin. Lagi kitang babantayan at aalalayan.
Hindi man kita masaksihan na lumaki at maabot ang pangarap mo. Tandaan mo na sobrang proud na proud ang Nanay sa iyo. Ako ang pinakamasaya kapag unti-unti mo ng naaabot ang lahat.
Alalayan mo na lang ang iyong ama, anak. Masakit sa loob ko na iwanan kayo pero hanggang dito na lang ang buhay ko. Mukha lang malakas ang iyong ama pero ang totoo ay mahina siya. Aalagaan mo siya parati, Chari.
Anak, huli na, huwag na huwag kang makikinig sa sinasabi ng ibang tao. Manatili kang naniniwala sa katotohanan at hindi sa mga sabi-sabi.
Mahal na mahal na mahal kita, anak. Sa susunod na buhay ko ay hihilingin ko sa Maykapal na ikaw ulit ang maging anak ko. Hanggang sa muling pagkikita, Chari.
Nagmamahal,
Nanay.
Hindi ko na maaninag ang ibang nakasulat doon dahil sa sunod-sunod na pag-iyak ko. Ang sakit ng dibdib ko habang paulit-ulit kong binabasa ang laman ng huling liham ni Nanay para sa akin.
"Nay..." tawag ko sa kanya. Kung pwede niya lang ako mayakap, sana mayakap niya ako kasi sobrang sakit talaga.
Miss na miss ko na si Nanay. Kung pwede lang siguro ako humiling sa Maykapal ng isang beses na makita siya ay ginawa ko na.
May isa pa rin liham ang naroon sa aparador pero para naman kay Tatay iyon. Kinuha ko iyon at nilapag sa kama nila ni Nanay, ipinatong ko sa damit, para makita ni Tatay.
Lumabas ako ng kwarto matapos kong pilitin ang sarili ko na magligpit ng mga damit ni Nanay. Kahit naging matagal dahil sa pag-iyak ko ay natapos ko naman kahit papaano.
Naghanda na rin ako para sa hapunan ni Tatay. Hindi ko alam kung uuwi siya pero iniwanan ko pa rin siya ng pagkain sa mesa. Nauna na akong kumain dahil alas nuebe na ng gabi ay wala pa siya.
Nag-aral na lang din muna ako hanggang sa antukin ako at makatulog. Nagising na lang ako sa mahihinang hikbi na naririnig ko mula sa kabilang kwarto. Napabalikwas ako ng bangon at lalabas na sana ng kwarto ng marinig ko ang boses ni Tatay.
"Elena..." Tawag niya sa pangalan ni Nanay. Nabasa na niya siguro ang liham ni Nanay para sa kanya.
Dahan-dahan na lang akong bumalik sa higaan pero naglalandasan na ang luha sa mata ko. Masakit pa rin ang lahat para sa amin at alam kong lalo na kay Tatay. Buong buhay niya ay nakasama niya si Nanay kaya mahirap para sa kanya na mawala na lang ito ng parang bula.
Wala man lang kaming nagawa para ilaban siya sa karamdaman niya. Kung nasabi lang siguro kaagad ni Nanay sa amin yung tungkol sa kalagayan niya ay kasama pa rin namin siya hanggang ngayon. Pero ganun naman ata talaga, hindi namin mapanghahawakan ang buhay ng isang tao. Kahit gaano namin siya kagustong ilaban.