"Ginawa mo ba yung assignment mo sa Math? Hindi ko talaga naintindihan iyon. Ang bilis kasi magpaliwanag ni Ma'am Lopez, akala mo hinahabol ng kabayo." Simula ko kay Mica para sumagot din siya sa akin.
Mabilis ang bawat lakad namin para maabutan pa namin sila sa labas habang nagbababa ng gamit ang mga tauhan ng truck.
Nakapaskil ang ngiti sa labi ko habang siya naman ay hindi mapakali sa ginagawa namin. Pasimple ko siyang siniko para sumagot at magmukhang natural ang ginagawa naming dalawa. Syempre gusto ko rin makiusyoso sa mansyon na iyon at sa pamilya na titira doon.
"O...oo, nagawa ko naman na. Hindi mo pa ba nagagawa? Gusto mo bang tulungan kita?" kabadong tanong niya.
Nilingon ko siya at gusto ko halos matawa sa mukha niya. Kabadong-kabado siya!
"Hindi na. Kaya ko naman. Nagrereklamo lang talaga ako." Pero ang totoo ay kanina ko pa nagawa yung assignment na iyon.
Ako na lang ang dumaldal nang dumaldal sa amin ni Mica dahil mukhang wala naman akong mapapala sa kanya. Ilang sandali pa ay nakarating na kami sa tapat ng mga binababang gamit. Agad na napatingin si Sebastian sa amin, partikular na sa akin at ngumiti.
May sinabi ito sa mga kausap na nagpapalingon sa kanila. They were all smiling except sa lalaki na nakatingin kay Mica.
Ngayon ay pwede kong maikumpara si Sebastian doon sa kausap niya. Matangkad naman si Sebastian at bahagyang malaki na rin ang katawan dahil sa miyembro ito ng Taekwondo org ng school. Nakasuot siya ngayon ng puting t-shirt at black na shorts lamang, bagong ligo kaya ang buhok niya ay hindi pa nakaayos ng tuluyan. Malalim ang itim na mata ni Basti, ang ilong niya ay sadyang matangos pati na rin ang pagkakapula ng labi niya.
Katulad ng lalaki na nasa harapan niya, matangkad din ito ngunit mas malaki lang ang katawan. Parehas sila ng hugis ng mata ni Basti pati ng kulay. Kaya lang mas matangos na maliit ang ilong nito at mapulang-mapula ang mga labi naman. Sadya rin na maputi ito hindi katulad ni Basti na malapit pa sa kulay ng kayumanggi ang balat.
Basti waved his hands to us. Hinila ko naman kaagad si Mica na hindi makakilos sa tabi ko. "Tara na." mahina pero mariin kong sabi sa kanya. Masyado kasing mahiyain!
Nakangiti si Basti paglapit namin ni Mica, "Napadaan lang kami." sinabi ko kaagad. Mamaya kasi isipin niya na nakikitsismis ako. "Bibili kasi kami sa talipapa ni Mica, inutusan siya ni Aling Lupe."
Tumingin naman saglit si Basti kay Mica bago tumango at tinignan ulit ako. "Pakilala ko na rin kayo." Hinawakan pa ni Basti ang palapulsuhan ko para mahila lang niya at makalapit. Sumunod naman si Mica na parang robot.
"Auntie, Uncle, best friend ko po pala si Chari, tapos kaibigan po niya si Micaela." pakilala ni Basti sa amin.
Tipid na ngumiti si Micaela at kumaway sa kanila. Patuloy na nakatitig pa rin ang lalaki kay Mica. "Micaela po." pakilala niya sa sarili.
Pumagitna naman ako matapos niyang magpakilala para sa akin naman mapunta ang atensyon nila. Yung lalaki kasi ayaw ng tumingin sa akin at ang mata ay nakadikit na kay Mica.
"Charlotte po, Chari na lang in short, para cute rin." bida-bidang sabi ko bago sila kinawayan.
The older woman smiled at us. "Mukhang kasing edad niyo lang ang bunso ko." hinawakan pa nito sa balikat ang isang babae na kasingtangkad ko lang. Maputi rin ito katulad ng lalaki na nakatingin pa rin kay Mica.
Kulay abuhin ang mata nito kaiba sa lalaki o kuya nito, ngunit parehas sila ng hugis ng ilong, kulay ng balat at hugis ng mga labi. Ang tanging nagpaangat lang sa babae ay ang kulay ng buhok nito na halos kulay brown lahat.
"Olivia." matipid na sabi nito pero nakangiti naman.
"Hi!" kinawayan ko pa siya. "Kapag kailangan mo ng friends, tawagan mo lang kami. Friendly kami ni Mica. Kami ang pinaka friendly at mabait na tayo dito sa Bayan natin. Galing po ba kayong Maynila?" usisa ko pa.
Inakbayan naman ako ni Basti kaya napatingin ako sa kanya. Nakangiti naman ito sa akin pero mukhang ayaw na niyang dumaldal pa ako. Nagtatanong ang mga mata ko sa kanya kaya umiling siya. Nakuha ko naman kaagad ang gusto niyang iparating.
"Pinsan ko nga pala, si Kuya Leon at Olivia." pakilala naman ni Basti sa mga nasa harapan namin. "Tapos, uncle and auntie ko. Si Uncle Leo at Auntie Lena."
"Kung hindi kayo nagmamadaling dalawa. Gusto niyo bang pumasok muna sa bahay? Pasensya na at ngayon pa lang binababa yung gamit pero may terrace naman kami." yaya ni Auntie Lena sa amin.
Nagkatinginan naman kami ni Mica bago ako tumango. Alam kong gustong-gusto niya makapasok sa bahay kaya ako na ang pumayag para sa aming dalawa.
"Talaga po? Pwede po?" ulit ko pa.
Uncle Leo smiled before nodding. "Para naman makilala niyo rin ang bunso namin. I'm sure na matutuwa siya na makakilala ng bagong tao."
Lumabi naman ako at nagtaka sa sinabi nito. "Wala po ba siyang friends?" takang tanong ko.
Natatawa namang tinakpan ni Basti ang bibig ko. "Sorry po. Wala kasing filter din ang bunganga po nito."
Siniko ko naman si Basti kasi naman hindi ako makahinga sa ginagawa niya. Natatawang umiling naman si Auntie Lena.
"No, nag home schooling kasi siya dahil sa sakit niya noon kaya hindi siya nag-aral sa normal school na kagaya ng inyo." sagot naman ni Auntie Lena.
Marahan akong tumango at tinignan si Olivia na nakatingin din sa akin. Tahimik din siya pero mukhang hindi naman na-o-offend sa kadaldalan ko. "Huwag po kayong mag-alala, ako ang magsasabi ng mga gusto niyang malaman." Pumiksi pa ako sa pagkakahawak ni Basti para makalapit kay Olivia, sumunod naman kaagad sa akin si Micaela.
Hinawakan ko ang kamay niya na bahagya niyang kinagulat pero hindi naman niya inalis ang pagkakahawak ko. "Huwag kang mahihiyang magtanong sa akin, Olivia. Igagala ka namin ni Mica dito sa bayan na ito. Marami lang gubat pero mas maraming magagandang tanawin."
Marahang tumango naman si Olivia sa amin ni Mica. She smiled at isa na rin siguro siya sa may pinakamagandang ngiti na nakita ko.
"Sige. Payag ako." sagot niya sa akin.