"Anak! Ang dumi-dumi mo naman. Di ba sabi ko sa iyo, huwag kang pupunta sa burol? Ano ba kasing pinupunta mo roon?" sunod-sunod na reklamo ni Nanay habang nakatingin sa akin.
Ngumiti ako sa kanya at nag peace sign, "Nagyaya po kasi si Sebastian na pumunta sa burol. Maaga po kasing natapos ang klase namin kaya tumambay muna kami doon." paliwanag ko sa kanya.
Parehas kaming nasa first year high school ni Basti, same section lang din kaming dalawa. Scholar ako ng pamilya Velasquez na pamilya ni Sebastian. Matagal na kasing katulong ng pamilya si Nanay ko. Doon na sila nagkakilala ni Tatay na matapat na driver naman ng mag-asawang Senyor Sebastian at Senyora Tamara.
"Maligo ka na nga at kumain na diyan. Magpupunta lang ako sa bayan para mamalengke at didiretso na rin ako sa mansyon. Idadaan ko lang itong baon ng tatay mo. Naintindihan mo?" tanong ni Nanay sa akin.
"Opo, Nay. Ingat po kayo!" paalam ko sa kanya.
Maliit lang ang bahay namin pero yari naman sa bato ito. Naipundar kasi ito nila Nanay at Tatay noon. Isa lang naman akong anak nila at madalas na kasama sa mansyon tuwing Sabado at Linggo kaya madalas kaming magkita ni Sebastian.
Kababata ko na siya at matanda lang sa akin ng ilang buwan. Enero siya ipinanganak samantalang Setyembre naman ako. Mabait naman ang pamilya Velasquez, isa rin kasi sila sa pinakarespetadong pamilya sa probinsya namin.
Agad akong naligo katulad ng bilin ni Nanay. Sinigurado ko rin na nakasarado ang bahay bago ako kumilos. Mabilis na naligo lang ako dahil may mga kailangan pa akong tapusin na assignment. Hindi ko kasi pwedeng pabayaan ang scholarship ko. Mahal ang tuition sa paaralang pinapasukan ko kaya laking pasalamat na namin sa pamilya Velasquez para paaralin ako.
Nagtapos muna ako sa mga takdang aralin ko bago ako naglinis ng bahay. Tiyak na matatagalan pa si Nanay sa mga Velasquez. Siguradong may isasabay na trabaho siya roon kaya hanggang gabi na naman ako na mag-isa dito.
Nasa bakuran na ako at nagwawalis ng makita kong mapadaan ang kaibigan ko, si Micaela. Siya talaga ang pinakamaganda dito sa bayan namin. Katulad ng magulang ko ay naglilingkod ang pamilya nila sa mga Velasquez. Parehas na magsasaka sa malaking lupain ng mga Velasquez ang magulang niya.
Kinawayan ko siya para makita niya ako pero dire-diretso siya ng lakad kaya naman nagtaka ako. Iniwan ko ang walis ting-ting na hawak ko at sinundan siya ng palihim.
Hindi ako gumawa ng ingay hanggang sa makarating kami sa isang bagong tayong bahay. Nagtatago ako sa likod ng puno ng mangga habang ganun din siya. Maganda ang bahay na iyon at tuwing daraan kami ni Micaela ay hindi pwedeng hindi kami magandahan.
Kasinglaki ng bahay ng mga Velasquez iyon. May tatlong truck na malalaki rin ang huminto kasunod ang isang itim na sasakyan. Bumaba doon ang apat na tao, dalawang lalaki at dalawang babae. Mga magulang siguro at anak.
Hindi na ako nakatiis at nilapitan ko na si Mica. "Hoy." mahina pero mariin kong tawag sa kanya.
Napapitlag naman si Micaela kaya gulat na gulat na nilingon niya ako. Ang ganda-ganda talaga niya at katulad ko ay isang anak lang siya ni Mang Mando at Aling Lupe.
"Bakit ka naman nanggugulat?" tanong niya, kahit ang boses niya ay ang sarap pakinggan. Maraming nagkakagusto sa kanya sa eskwelahan namin. Scholar din kasi siya ng mga Velasquez kagaya ko.
"Nakita kasi kita. Sino bang sinisilip mo diyan?" kuryosong tanong ko sa kanya at nakitago na rin sa pwesto niya.
She pointed the mansion mula sa lugar namin. "Sila pala ang titira diyan. Ang ganda-ganda ng bahay na iyan, Chari."
Manghang-mangha talaga kami sa ayos at ganda ng mansion. Yari sa bato pero modernisado ang pagkakagawa dito. Alam kong hindi lang kami sa buong Bayan ng Trinidad ang namamangha sa bahay na iyon.
Nasaksihan kasi naming dalawa mula pa lang noong Grade 5 kami ang pagkakabuo ng bahay. Ngayon ay titirahan na ito.
Lumabi naman ako, tumalikod at iniwas na ang tingin sa bahay na iyon. Si Micaela kasi naman talaga ang tuwang-tuwa doon. Sabagay, kung maliit na ang bahay namin ay mas maliit ang sa kanila. Yari sa kahoy at nipa lang ang tahanan nila.
"Magkakaroon din tayo ng ganyang bahay. Kailangan lang nating mag-aral mabuti para magawa natin iyon." sabi ko sa kanya.
"Tsaka ang talino naman natin kaya hindi tayo maalis sa honor niyan. Yang ganyang bahay, sus, kayang-kaya nating dalawa yan. Tiwala lang tayo!" litanya ko pa habang hindi na nakatingin pa sa mansyon.
Bigla na lang na nagulat si Micaela at sunod-sunod ang naging pag kalabit sa akin. "Chari, si Sebastian nandito rin." sabi niya sa akin.
Nag-angat ako bigla ng tingin sa kanya at nilingon ang tinuturo niya. Si Sebastian nga! Nakasakay pa ito sa bisikleta nito at sinalubong ng yakap ang mga dumating. Kilala ba niya iyon?
"Kilala niya?" takang tanong ko.
"Mukha." sagot naman niya sa akin.
Ngiting-ngiti si Sebastian habang kausap ang binata, mas matangkad ng kaunti yung kausap niya at malaki ng bahagya ang katawan pero tingin ko ay hindi naman nagkakalayo ang mga edad namin sa isa't isa.
"Lapitan ba natin? Kunwari napadaan tayo?" tanong ko sa kanya.
Napatingin naman sa akin si Mica. Ngumiti pa ako sa kanya para lang pumayag siya. Tumango naman siya, mukhang excited sa gagawin naming dalawa. Dumaan pa kami sa gubat para lang makalayo ng kaunti at mag mukhang naglalakad papunta sa mansyon.
Humawak pa sa braso ko si Micaela habang ako naman ang daldal nang daldal. Sa aming dalawa talaga ay ako ang maingay, at siya ang tahimik.
"Kunwari nagkukwentuhan tayo tapos napadaan lang ah. Kapag tinanong tayo ni Sebastian, sabihin natin may inutos si Aling Lupe sa iyo sa palengke." sabi ko sa kanya.
Kumunot ang noo niya at tinignan ako, "Pero sa kabila ang palengke--"
I waved my hand to her, "Sa talipapa lang tayo. Ganun."
"Mas malapit ang palengke--" Pinutol ko na ang iba pa niyang sasabihin at tinignan siya ng masama.
"Gusto mo bang pumunta doon?" tanong ko sa kanya.
Marahan naman siyang tumango sa akin. "Oo." lumabi pa siya pagkaraan.
Tumango-tango ako sa kanya. "Good. Now, sundin mo na lang ang sinasabi ko." sabi ko sa kanya bago kami nagsimulang maglakad patungo sa mansyon.