Katulad ng kalangitan na nagbabagsakan ang malakas na ulan. Hindi rin matigil ang luha ko habang nakatanaw sa pinaglalakan ni Senyor Santiago.
Sampung taon akong naglingkod sa kanya. Sampung taon ko siyang inalagaan. Labing walong taong gulang pa lang ako noon ay ako na ang nag-alaga sa kanya. Napakabigat para sa akin ngayon na wala na siya. Siya ang tumayong ama ko sa napakaraming taon at hindi biro ang naging tulong niya sa amin ng Nanay ko.
"Chari, nandyan ang mga kaibigan ni Senyor Santiago. Gusto ka raw makausap." nag-angat ako ng tingin kay Manang Tina, siya ang pinakamatandang kasambahay ng mga Velasquez.
Alam ko pauwi pa lang mula sa ibang bansa ang mga anak ni Senyor Santiago. Ngayon pa lang ay natatakot na ako sa sasabihin nila sa akin lalo ni Miranda. Pero ang mas nagpapakaba sa akin ay ang muling pagkikita naming dalawa ni Sebastian. He was my best friend bago pa man ako maging caregiver ni Senyor Santiago.
Alam kong nakarating na rin sa kanya ang balita tungkol sa akin at sa tsimis tungkol kay Senyor Santiago. Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin magawang tanggapin ang mga pinakakalat nilang balita na ako na ang bagong asawa ni Senyor Santiago.
Alam ko kung ano ang totoo, maging si Manang Tina ay alam ang totoo. Pero makikinig ba sila? Malamang hindi. Malaki na ang pinagbago nila gayundin ako.
Tumayo ako mula sa pagkakaupo at binati ang mga kaibigan ni Senyor Santiago. "Magandang gabi po." tipid kong bati sa kanila.
Nagkatinginan naman ang mga matatanda at mukhang nagtataka kung bakit ako ang humarap sa kanila. "Wala pa po kasi ang mga anak ni Senyor Santiago." sagot ko na lang.
Nag tanguan naman ang mga ito at lumapit sa ataul ni Senyor Santiago. Isa-isa silang sumilip doon at nagpalitan ng magagandang alaala nila tungkol sa Senyor. Matapos nilang magkwentuhan doon ay naupo na sila sa provided na upuan. Lumapit naman ako para alukin sila ng pagkain.
"Dito na rin po kayo maghapunan. Naghahanda na po kami ng pagkain--" pero pinutol ng isang matanda ang iba ko pang sasabihin.
"Napakaganda pala talaga ng asawa ni Santiago. Ano nga ulit ang pangalan mo?" tanong nito sa akin.
Napatigil naman ako sa sinabi niya. Kahit pala sa ibang tao ay nakarating ang balitang asawa ko ang matanda. Hindi na lang ako sumagot dahil alam ko naman na hindi sila maniniwala sa mga sinasabi ko.
Kung ano ang gustong paniwalaan ng tao ay iyon lamang ang gusto nilang pakinggan. Ano pa ba ang laban ko hindi ba? They never listen anyway.
"Suplada naman ang bagong asawa ni Santiago. Hindi naman kami naabisuhan." nagtawanan pa ang mga ito.
Gusto ko na lang magtago habang nandito sila. Lahat na ata ng masasakit na salita at pang aalipusta ay narinig ko sa mga tao ng bayan na ito. Hindi pa kasama doon ang masasakit na salitang narinig ko sa mga anak ni Senyor Santiago.
Buong akala nila kasi ay nagpakasal kami ng Senyor.
Iyon ang alam nila. Dahil iyon ang nais ipaalam ng Senyor.
Pero hindi kami kinasal. Walang kasal na naganap sa amin. Ginagalang ng Senyor na hindi ko matatanggap ang alok niya kahit para sa kapakanan ko iyon. Bakit ako papayag kung ang mahal ko ay ang kaisa-isang anak na lalaki ng Senyor?
"Pumasok ka muna sa kwarto mo, hija. Ilang gabi ka ng walang tulog." sabi ni Manang Tina sa akin pagpasok ko sa kusina.
Napatingin ako sa kanya at marahang tumango. "Gusto ko po sana kaya lang may mga bisita pa po. Wala pong mag-aasikaso sa kanila."
Umingos naman si Manang Tina sa sinabi ko. "Iniintindi mo sila, e sila yang mga nagpakalat ng balita na kinasal kayo ng Senyor Santiago." galit na turan nito.
Si Manag Tina ang naglilinis ng pangalan ko. Alam naman kasi niya ang totoo.
Tinulak pa niya ako para makadaan sa isang hallway patungo sa kwarto ko. Kung alam lang talaga ng lahat ang katotohanan.
Napailing na lang ako na napahiga sa kama. Sa huling mga araw ng Senyor Santiago ay wala siyang ibang bukang bibig kung hindi ang mga anak niya. Ang mga anak niya na tiyak na mag-aaway sa kayamanan na iiwan niya. Hiniling niya sa akin na ako ang maging tagapamagitan ng mga ito.
Sa sobrang yaman ng Senyor ay tiyak na mag-aagawan ang mga ito sa lupain, ari-arian, pera, at negosyo. Ang sabi sa akin ng Senyor, gusto niyang si Sebastian ang magmana ng negosyo at lupain niya. Pero hindi ko alam kung tatanggapin iyon ng anak na lalaki. He's one of the known criminal lawyer in the country. Kahit sa ibang bansa ay nakikipaglaban ito para sa patas na batas.
Alam ko na ang pinagmulan ng matinding galit sa akin ng anak ng mga senyor ay dahil sa akin ipinangalan ng Senyor ang ari-arian at pera nito. Pinatawag kasi nito ang mga anak noong malakas pa ito at sinabi na sa akin mapupunta ang ari-arian at pera na kinagalit ng lahat.
Pero ang lahat ng iyon ay pwede ko ring ipasa sa kanila. Sa akin lamang ipinangalan ng Senyor dahil natatakot siya na dumating ang araw na magkagulo ang mga ito dahil lang sa ipapamana niya.
Lahat lang ay dahil sa kayamanan.
Lahat lang ay dahil sa pagiging gahaman ng mga anak niya.
"Chari! Chari! Bumangon ka dali! May pulis sa labas!" sigaw ni Manang Tina.
Agad akong napabalikwas sa kinahihigaan ko at nagmamadaling binuksan ang pintuan. Humahangos si Manang Tina na lumapit sa akin.
"May mga pulis. Hinahanap ka!" nag-aalalang sabi niya sa akin.
Kumunot ang noo ko sa sinabi niya. Bakit naman ako hahanapin? Ano namang dahilan para hanapin ako. Tinungo ko kaagad ang malawak na salas kung nasaan ang mga naghihintay na pulis. Naging malakas ang t***k ng puso ko dahil sa mga pamilyar na pigura sa likuran ng mga pulis.
Naniningkit ang mata ng magkakapatid na Miranda, Agatha, at Camilia na nakatingin sa akin.
"Hulihin niyo yan! Siya ang pumatay sa papa namin. He poisoned our father para mapunta sa kanya ang mana niya!" sigaw ni Miranda.
"Ano?" naguguluhan kong tanong sa kanya pero nagsilapitan na ang mga pulis sa akin para posasan ako.
"Sandali! Wala akong ginagawang masama!" depensa ko sa sarili ko.
"Liar! You used your body para maging asawa ka ng Papa namin. Tapos you poisoned him to have his money! Slut!" sigaw naman ni Agatha sa akin.
Pati si Manang Tina ay pumipigil para hulihin ako ng pulis. Nilingon ko siya at ngumiti ng tipid, "Babalik din po ako, Manang. Alam po natin kung ano ang totoo." sabi ko sa kanya.
Nilagyan naman kaagad ako ng posas ng mga pulis at payapa akong sumama sa kanila. Ngunit bago pa man ako makasakay sa kotse ay ang pamilyar na mukha ni Sebastian ang nakita ko.
Para akong nanghina at sunod-sunod na nagsipatakan ang luha sa mga mata ko. Naguguluhan din ang tingin ni Sebastian at halatang nagtataka kung bakit kasama ako ng mga pulis. Hindi na ako nakapagsalita pa ng sinakay nila ako sa loob ng sasakyan at mabilis na umalis sa mansyon ng mga Velasquez.