Pagbaba ng sasakyan ay tuloy-tuloy akong nagtungo sa classroom namin. Hindi na ako nag-abalang dumaan pa ng cafeteria na madalas kong ginagawa araw-araw pagpasok ng school upang tumambay at saka kumain na rin. Doon din kasi ako madalas hintayin ng mga kaibigan ko. Dahil sa naaalibadbaran ako at masama ang timpla ko ay minabuti ko na lang na dito pumunta. Baka doon pa ako magkalat. Ang pangit kung dadalhin ko pa ito sa cafeteria namin.
Kagaya ng inaasahan ko ay wala pa sa classroom ang mga kaibigan. Malamang ay nasa cafeteria pa sila at hinihintay ako. Wala akong planong pumunta doon para lang sunduin sila. Alam nila na I'm having a bad days oras na hindi ako sa kanila doon nagpakita. Kinapa-kapa ko ang bulsa. Hinahanap kung nasaan ang cellphone para e-text ko na lang sila upang sabihin na nasa room na ako at huwag na nilang hintayin doon. Lihim akong napamura sa isipan nang maalala na kinuha nga pala sa akin iyon ni Daddy kanina.
Lintik talaga! Sagad na sagad ang pasensiya ko ngayong umaga! Akala ko ay hindi ko kailangan ang cellphone, pero sa ganitong sitwasyon ay kakailanganin ko pala para sa kumunikasyon.
Pabagsak kong ibinaba ang bag na dala sa arm chair ng aking upuan. Ilan sa mga kaklase namin ay halos mapatalon sa gulat. Kilala nila akong pasaway pero never kong dinala iyon sa loob ng classroom, never din akong nang-bully. Sa labas ako madalas gumagawa ng mga kalokohan. Ang iba sa kanila ay tumayo pa upang lumabas ng room. Halatang sila na lang ang umiiwas sa akin, sa pagkakaroon ko ng masamang simula ng araw.
Ilang beses akong humugot ng malalim na hinga. Kailangan kong punuin ng hangin ang baga dahil baka mamaya kapag di ako makapagpigil ay dito pa ako magwala. Lakas talaga manira ng araw ng Chaeus na iyon. Sira na nga ang mood ko sa ina niya at kay Daddy tapos dadagdagan niya pa? Oo na, namanhid na ako kay Dad at Azalea pero heto siya? Mukhang magiging triple ang pagkaasar ko.
Pambihira naman kasi! Sa lahat ng panahon bakit ngayon pa siya umuwi? Dagdag pasanin ko lang!
Mainit ang ulong naupo na ako. Pasubsob na inilugmok ang mukha sa aking braso. Hindi ko na maramdaman ang gutom pero iyong inis ko ay patuloy na umaagos sa aking bawat himaymay. Badtrip na badtrip ako. Nanggigigil ako ngayon!
“Hoy Hilary? Sinasabi ko na, narito ka sa room! Masama na naman ang simula ng umaga mo ano? Bakit? Huhulaan ko. Dahil iyan sa ma-drasta mo.” padambang mahigpit na yakap sa akin ni Josefa.
Hindi ko siya pinansin. Nanatiling nakasubsob ko ang mukha sa braso. Kumukulo pa rin ang dugo ko kapag naiisip kong araw-araw ko ng makikita si Chaeus. Additional kaagaw attention ko siya.
“Kumain ka na ba? Hindi ka dumaan sa cafe. Hinihintay ka kaya namin doon.” dagdag ni Josefa, base sa tono ng boses niya alam ko na umiikot na ang kanyang mga mata sa ere. “Gusto mo bang pabilhan kita kina Shanael? Anong gusto mong kainin? Sige na, sabihin mo na. Bilisan mo.”
Siya ang best friend ko since elementary kami. Ang tawag niya na nga sa akin ay other half. Hinawakan niya ang braso ko. Inalog-alog ako. Pilit na pinapabangon upang makita ang mukha.
“Hindi ka pa ba nasanay ha? Araw-araw kaya ay ganyan ang problema mo. Hilary? Ano? Hindi ka pa rin ba magsasalita? Umayos ka nga ng upo!”
Nag-angat na ako ng tingin. Mabilis niyang hinawi ang ilang takas na hibla ng buhok sa mukha ko. Inilagay niya iyon sa likod ng tainga ko. Nagmamadali ng humila siya ng upuan upang maupo sa harapan ko at patuloy na mag-usisa.
“Sabihin mo sa akin anong nangyari? Kahit yata memorize ko na ang lahat ng ganap sa buhay mo kada umaga ay alam mo namang palagi akong narito oara pakinggan ka. Pina-umagahan ka na naman ng sermon ni Tito, ano?”
Nakanguso akong tumango. Nagpapakampi na. Dumukwang siya palapit sa akin at niyakap ako.
“Pagkatapos? Anong sunod na nangyari?” follow up question niya habang matamang nakikinig, nakahalumbaba na siya sa harapan ko. “Kilala kita, girl. Kung simpleng sermon lang iyan hindi mo naman dadamdamin. Anong nangyari?”
Umayos ako ng upo. Bilang kaibigan niya ay wala naman ako sa kanyang maitatago. Mailihim ko man ngayon, paniguradong kukulitin niya ako.
“Spill the tea, Hilary. Hindi ka pa ba nasanay sa lahat ng iyon? Para ka namang palaging bago.”
Humaba pa ang nguso ko sa ginawa niya. Oo nga, sanay na ako pero iba ang araw na ito dahil may dumagdag pa na mas magpapakulo ng dugo ko.
“Confiscated ni Daddy ang phone ko.”
Labis na gulat ang rumihistro sa hitsura ni Josefa. Ito kasi ang unang pagkakataon na ginawa iyon ni Daddy. Oo nagagalit ito, pero never na tatanggalan niya ako ng cellphone. Napamulagat ang mga mata ko nang hawakan niya ako sa magkabilang balikat. Pilit na hinuhuli ang mga mata kong kaagad na naging mailap.
“Ha? Paano iyon nangyari? Hindi ba at kahit na anong sermon ni Tito ay hindi niya kinukuha? Baka naman gawa na naman ito ng madrasta—”
“Exactly! Paniguradong sinulsulan niya si Daddy na kunin ang cellphone ko sa akin. Bwisit talaga!”
“Now we know the reason na, kanina ka pa kaya kino-contact ni Shanael. Out of reached ang number mo kahit nakailang tawag na. Hindi ka rin naman online sa any social media account mo. Hay naku, napaka-kontrabida naman ng babaeng iyon. No wonder kung bakit mainit palagi ang dugo mo sa kanya. May ugali pala talaga siya!”
Nanibugho pa akong lalo nang maisip na baka nga si Azalea ang nagsabi kay Daddy na kunin ang phone ko upang turuan ako ng lesson. Nakakagigil talaga! Ano pa bang lesson ang nais nilang matutunan ko? Sa halip kasi na amuin nila ako ay hindi nila ginagawa. Hinahayaan lang nila akong maging ganito. Sesermunan after noon ay wala na. Balik sa normal. Kaya siguro umaabuso rin ako. Lalo lang nauuhaw sa atensyon ni Dad.
“Gusto mo bang bilhan na lang kita mamaya ng new phone? Basta wag mo lang ipapakita kay Tito. Hindi naman niya malalaman iyon, Hilary. At least may magagamit kang contact sa amin.”
Pinandilatan ko siya ng mata. Anong tingin niya sa akin kawawa? Mahirap? Walang paraan para makabili ng bagong cellphone? Hindi ko gusto ang suggestion niya. Parang pinaparamdam niyang I'm so poor which is not true. May cash din ako.
“What do you think of me, Josefa? Poor?” palis ko ng dalawang kamay niyang nasa balikat ko. “Kung gugustuhin kong bumili ay kaya ko since may cash naman akong hawak bukod pa sa ilang credit card na ibinigay sa akin ni Dad in case of emergency. Pwede kong gamitin kung gusto ko!”
Aaminin kong pasaway ako pero hindi naman ako sobrang magastos o malustay pagdating sa pera. Ganito ang ugali ko, magaspang, pasaway, pero hanggang ganito lang naman ako. Hindi pa ako dumadating sa punto na nagwaldas ng perang pinaghirapang kitain ng mga magulang. Siguro dahil wala namang kulang sa akin. Iyong attention lang talaga ni Daddy ang salat ako.
“Oo na, Hilary. Sorry. Galit ka naman agad. Hindi na kita pipilitin na bumili ng bago. Saka nagbibiro lang naman ako. Huwag mo akong tingnan ng masama. Hinahanapan ko lang naman ng paraan para gumaan ang pakiramdam mo. Patola ka!”