Pagtigil pa lang ng kotse ni Chaeus ay agad na akong bumaba. Nagmamadali akong pumasok sa loob. Hindi niya ako hinabol subalit dama ko ang paninitig niya sa likod ko. Deretso ako sa kwarto. Hupa na ang galit ko kahit na anong kapa ko dito. Matapos magpalit ng damit at magtanggal ng mga kolorete sa mukha ay padapa akong nahiga. Hinarap ang cellphone na kanina pa tumutunog.
“Nasa bahay na ako, Girls.” sagot ko sa text ni Josefa, siya na ang bahalang magsabi sa dalawa na baha rin ang message sa inbox ko. “Sorry nga pala sa gulong ginawa ng tukmol kanina sa bar.”
Maya-maya pa ay naka-rehistro na ang name ni Josefa. Tumatawag na. Hindi pa yata kuntento sa naging sagot kaya need pang marinig nila ako.
“Sure ka na ayos lang? Hindi ka pinagbuhatan pa ng kamay ni Chaeus? Grabe, galit na galit siya!” bulalas ni Josefa sa kabilang linya, nai-imagine ko na ang pagtirik ng mga mata nito sa ere.
“Hindi naman. Takot lang noon kay Daddy.”
“Iyong braso mo naman kumusta?”
“Okay naman. Bukas ko pa makikita kung papasa.”
“Grabe, kung makahila akala mo papatay at may ginawa kang kabalbalan. Daig pa ang jowa, Girl!”
Pagak akong natawa. Baka nadala lang si Chaeus ng galit niya kaya ganun. Teka, bakit ko ba siya pinapagtanggol? Dapat sinisiraan ko siya ‘di ba?
“Oo nga eh, lagot siya kay Daddy kapag pumasa ito. Isusumbong ko talaga siya bukas na bukas.”
Napag-alaman ko na pag-alis namin ay umuwi na rin ang mga kaibigan ko. Malamang, nawalan na sila ng ganang pumarty pa sa pag-aalala sa akin.
“Dito na lang namin itutuloy sa apartment.” pahabol ni Josefa ng tanungin ko asan na sila.
“Sige, enjoy kayo. Pasensiya na ulit mga Girls.”
“Ayos lang, huwag mo ng alalahanin, Hilary.”
Matapos mamatay ng tawag ay ilang beses kong binalikan sa aking isipan ang mga nangyari. Muli ay bumangon ang galit ko sa tukmol na hadlang sa kasiyahan ko ngayong gabi. Ilang beses kong sinipat ang pintuan ng kwarto. Ewan ko ba kung bakit umaasa akong kakatukin niya ako at saka pipilitin na kumain. Ngunit halos kalahating oras na ang lumipas ay hindi pa rin ito kumatok doon. Walang tukmol na dumating para manghinuyo.
“Tsk, ang bilis niya namang sumuko.” bulong ko na umikot pa sa ere ang mga mata, dapat pinilit niya pa rin ako. Ganyan ba ang nag-aalala ha? Hahayaan niya lang akong magutuman? “Baliw ka na Hilary, ibinato mo kaya ang pagkain kanina.”
Nasapo ko na ang noo ng maalala ang ginawa. Dala lang naman iyon ng pagka-batrip sa kanya. Hindi ko intensyong gawin iyon doon sa pagkain. Sana huwag ng makarating pa iyon kay Daddy.
“Kahit na, mali ka pa rin.” kastigo ko sa sarili na itinaas sa ere ang dalawang paa at isinipa-sipa.
Pinili ko na lang ang matulog. Ngunit hindi ako dalawin ng antok kahit anong pilit ko sa patuloy na pagkalam ng aking sikmura. Nagugutom ako.
“Gising pa kaya siya? Nasa labas pa kaya siya? Baka makita niya ako kapag lumabas. Siguro ay hindi naman at nasa kwarto na, nagpapahinga.”
Teka nga? Bakit ba ako nag-aalangang lumabas? Bahay namin ito. Bakit ako mahihiya sa kanya? Siya iyong dapat na mahiya. Sampid lang siya ah!
Walang pakundangan akong lumabas ng kwarto. Maingay pang isinarado ang pintuan nito. Ano naman kung magdabog ako? Karapatan ko iyon!
Tuloy-tuloy akong naglakad patungo sa kusina. Wala siya doon. Wala rin sa sala. Mangilan-ngilan sa mga maid ang gising pa at tinatapos ang ilan sa trabahong kailangang gawin bago matulog.
“Kakain ka ba, Hilary? Ipaghahanda kita—”
Itinaas ko ang isang palad para patigilin siya.
“Hindi na. Kukuha na lamang ako sa fridge.”
Tumango ito at agad na ring umalis kahit pa mukhang may nais pa siyang sabihin sa akin. Pagdating sa kusina ay nakita ko sa counter ang brown paper ng take out na pagkain ni Chaeus.
Talagang ipinasok niya pa iyon dito sa bahay ah?
Habang kumukuha ng baso ay panay ang sulyap ko sa brown paper. I wonder kung nasira ba ang laman noong pagkain sa ginawa kong pagtapon.
“No, Hilary. Huwag kang ma-curious. Huwag mong titingnan kung ayaw mong ma-tempt na kainin.”
Siguro ay nang dahil sa kaluluwa kong may lahing patay-gutom kaya kahit anong pilit na pigil kong huwag iyong tingnan bandang dulo ay nabigo pa rin ako. Natagpuan ko na lamang ang sariling sinisilip na ang laman. Himalang buo pa rin ang burger. Ni hindi natanggal ang patty nito at kumalat ang sauce sa lakas ng aking pagbato.
Kainin ko na lang kaya? Para sa akin naman ito. Hindi naman siguro ako isusumpa ni Chaeus oras na makita niyang nilamon ko. Saka bukas ay di na ito masarap. Masasayang lang pati ang effort.
Binuhat ko ang brown paper patungo ng dining table. Kumuha ako ng soda sa fridge. Bumalik sa dining table at nilantakan na ang ilang piraso ng burger. Gutom na gutom talaga ang bituka ko. I wonder kung bakit hindi ako nabusog sa dami ng finger foods na in-order namin sa bar kanina.
Tahimik na iniligpit ko ang kalat ng pinagkainan nang matapos ako. Malakas na dumighay pa.
“Wala namang pasok bukas,” kausap ko sa sarili habang sinusulyapan ang cabinet ng alak ni Dad.
Hindi ko natiis ang sarili. Kumuha ako ng isang bote doon at dinala sa silid. Kumuha rin ako ng ilang chi-chirya upang gawing pulutan. Habang umiinom ay paulit-ulit kong pinapatay sa isipan si Chaeus. Hindi ko na maintindihan ang sarili. May time na hindi ako galit, pero may time na sobra na naman ang galit ko sa kanya. Sa totoo lang ay hindi naman dapat siya ang inaaway ko. Si Azalea lang. Pero dahil anak siya kaya damay.
“Sana makonsensiya siya at pagsabihan ang ina. Hindi pa naman huli ang lahat dahil pwede sila na sumailalim sa tinatawag nilang annullment.”
Dala ng kalasingan sa alak ay hindi ko na alam kung anong oras pa ako nakatulog. Ang huling natatandaan ko ay naubos ko ang alak ni Daddy kaya naman paggising ko kinabukasan ay hindi na ako nagtaka kung bakit sobrang sakit ng ulo ko. Hindi lang iyon. Maayos na akong nakahiga sa kama at wala na ‘ring mga kalat sa sahig kung saan pasalampak akong naupo at lumaklak dito.
“Pumasok siguro ang maid habang tulog ako at naglinis.” hilot ko sa sentidong panay ang sakit.
Napabangon na ako at pasandal na naupo sa kama nang marinig ang katok sa labas ng silid.
“B-Bakit? Sino iyan?”
Sa halip na sumagot ay bumukas iyon at iniluwa ang bulto ni Chaeus. Napakunot na ang noo ko.
“Anong kailangan mo—”
“Nilutuan kita ng mainit na sabaw ng chicken stew. Sa dami ng nainom mo malamang may hang over ka. Epektibo itong pangtanggal ng lasing.”
Bago pa ako makapagsalita para tanggihan iyon ay agad na siyang pumasok ng silid. Bitbit ang tray ng chicken stew na sinasabi niya. Sa halip na magreklamo ay hinayaan ko siya. Kinuha niya ang maliit na table, ipinatong sa ibabaw ng kama. Pinagmasdan ko lang siya habang ginagawa iyon. Curious kong ano ang ipinagmamalaki niyang chicken stew kuno, nang makita kong may halong papaya iyon ay gusto kong matawa.
Susme naman talaga, tinola lang pala ang sinasabi. Akala ko pa naman kung anong hitsura ng stew kuno na sobrang ipinagmamalaki.
“Hindi mo kailangang magluto.”
Umuusok pa iyon at base sa amoy ay masarap.
Magagawa ko pa ba iyong tanggihan? Hindi di ba?
Takam na takam na akong tinitigan iyon. Ang favorite ko pa talagang part ng manok iyon.
“Ayaw mo ba? Sige, ipapamigay ko na lang—”
“Sinabi ko bang hindi ko kakainin?” taas ko ng boses na hinawakan ang paa ng mesa nang akma na sana iyong bubuhatin upang ilayo sa akin.
Kumalawa ang isang masayang ngiti sa labi niya. Dinampot niya ang kamay kong nakahawak sa paa ng mesa at inilagay na doon ang kutsara.
“Okay, enjoy my chicken stew.” anitong nanatili lang nakatayo sa gilid ng aking kama, wala yata siyang planong umalis at babantayan pa ako.
“Hindi ka pa aalis? Iwan mo na ako dito. Hindi naman ako pasyente na kailangang i-assist.”
“Hindi. Baka mamaya hindi mo kainin iyan at itapon mo lang sa bathroom. Sayang naman.” aniyang humalukipkip pa, bahagyang umatras. “Dito lang ako at titingnan kung kakainin mo.”
Pahapyaw na inirapan ko siya para tarayan lang. Kumuha na ng sabaw para tikman ang luto niya. Sunod-sunod ang ginawa kong paghigop doon. Tama nga, masarap ang luto niya kumpara sa luto ng maid namin ng tinola. May iba ito sa lasa.
“Sana sinamahan mo na rin ito ng rice.” reklamo ko nang mapagtantong walang kasamang kanin.
“Gusto mo ba ng kanin?”
“Sasabihin ko ba iyon kung ayaw ko?”
Natawa lang siya sabay himas ng baba niya.
“Sige, saglit lang at kukunan kita ng kanin.”
Pinagmasdan ko ang paglabas niya. Mabuting tao rin naman pala siya. Nadala lang ako ng galit dahil kay Azalea. Pwede ko siyang gawing kakampi. Kaso nga lang, alam ko sa sarili na hindi ko siya matatanggap kahit kailan sa buhay ko.
“Malay mo bandang dulo ay maging okay kayo, Hilary.” sulsol ko sa sarili.
Dismayado ako nang muling bumukas ang pinto at ang maid namin ang pumasok dala ang kanin.
“May kausap si Chaeus kaya ako ang inutusan.” paliwanag nito dahil siguro halata sa mukha ko ang pagtatanong kung nasaan na ang lalake.
“Salamat.”
Pagkaalis ng maid ay nagdadalawang-isip pa ako kung kakainin pa iyon o tototohaning itapon. Bandang huli ay pinili ko na lang na lamunin iyon. Sayang naman ang pagkain kapag itatapon ko. Itinabi ko lang ang pinagkainan nang matapos at muli akong nahiga sa kama upang matulog ulit. Bago iyon ay nag-scroll ako sa phone at inilagay sa contacts ang number ni Chaeus na may pangalang ‘Tukmol’ para hindi ako nagugulat oras na komontak sa akin muli ang number niya.
“Salamat sa chicken stew mo, Tukmol.”