Hindi ko maiwasang mamutla. Bigla na lang nahimasmasan at parang nilubayan ako ng kalasingan nang i-angat ang aking nanlalabong paningin. Ang malabong imahe lang naman ng tukmol ang bumungad sa aking harap, nakatayo. Hinihingal sa galit. Nakahawak sa beywang ang isa niyang kamay. Sa gitna ng dilim at panaka-nakang galaw ng ilaw na tumatama sa kanyang mukha ay kita ko ang pagtiim-bagang niya. Ilang beses beses kong kinusot ang aking mga mata. Baka guni-guni ko lang naman lahat. Baka namamalikmata lang ako. Ngunit hindi, hindi siya mawala sa paningin ko. Napatunayan ko pa iyon na totoo nang pagalit na siyang magsalita.
“Kanina pa ako tumatawag sa'yo. Bakit hindi mo sinasagot? Sinadya mong e-deadma ang tawag ko ano? Narito ka lang pala sa lugar na ito!” madiin at madilim ang mga matang sambit niya.
Feeling ko kapag pumalag ako at isang maling salita ko ay bigla niya na akong kakaladkarin. Saglit na sumikdo ang labis na takot sa dibdib ko. Napalunok na ako ng laway. Kabado man sa takot ay sinubukan ko pa ‘ring hilahin ang braso kong hawak niya. Sa halip na bitawan ay humigpit pa ang lalo hawak niya. Ang ilan sa mga sumasayaw ay nakuha na ang atensyon. Ang mga kaibigang kasama ko ay nagulat na rin sa mga nangyayari. Kinailangan pa nilang aninagin ang mukh ni Chaeus upang makilala. Bahagya silang umatras.
“OMG! Ang stepbrother ni Hilary!” bulalas ni Shanael na biglang napahawak ng kamay sa bibig.
Si Josefa naman ay hindi malaman ang gagawin kung lalapit ba sa amin para hilahin ako o hindi. Makikita na rin sa matang nanlalaki ang takot.
“Bitawan mo ako!” angil ko, hindi alintana ang mapanuring mga matang nakatingin sa amin.
“Hindi. Uuwi na tayo!” matigas niyang sagot na kulang na lang ay bitbitin niya ako.
“Sabing bitawan mo ang braso ko!” mas malakas na sigaw ko, sumasabay iyon sa lakas ng tugtog.
“Sa halip na umuwi ka ng bahay after ng school dito kita makikitang dumeretso? Ganyan ka ba kasuwail kay Tito? Buhay mo ang sinisira mo!”
Pinagmasdan niyang mabuti ang suot ko.
“Bata ka pa para e-expose ang katawan—”
“Ano bang pakialam mo? Sino ka ba sa akala mo? Hindi kita kapatid. Wala kang pakialam sa akin kung anuman ang gusto kong gawin sa buhay!”
“Hilary—”
“Bibitawan mo ako ngayon o sisigaw ako dito na ginagawan mo ng masama? Mamili ka, Chaeus!”
Itinaas ko na ang isang kamay upang ipakita na hindi ako nagbibiro sa pagbabanta. Pilit kong kinuha ang atensyon ng bouncer na malapit sa aming banda, ngunit nadismaya lang ako dahil parang wala itong nakitang tumingin sa amin.
Peste!
Bulag ba ang bouncer na iyon?
Hindi niya ba talaga kami nakita?
Bago pa ako muling makapagsalita ay marahas na akong hinila ni Chaeus palabas. Hindi pa rin nakialam doon ang mga bouncer na nakakakita.
“Ano ba? Sinabi kong bitawan mo ako ‘di ba?!” malakas na muling kawala ko, hindi alintana ang mga taong panaka-naka na ang sulyap sa amin.
Umiling lang ang tukmol. Mahigpit na hawak pa rin ang isa kong braso. Hindi ko namalayan kung paano niya ako nagawang kaladkarin papunta ng kotse at sapilita niyang ipasok sa shotgun seat.
“Ano ba Zacchaeus? Nasasaktan ang braso ko!”
Naging bingi siya sa aking mga pakiusap. Hindi niya ako pinakinggan. Lagpas lang iyon sa kabila ng kanyang tainga. Siguro ay binigyan siya ni Daddy ng immunity para gawin sa akin ito kaya naman ang lakas ng loob niya. Kung hindi ay sure akong hindi niya makakayang hilahin ako basta.
“Bulag ka ba? Hindi mo ba nakikitang puma-party ako? Nagsasaya ako kasama ng mga kaibigan ko. Magalit ka kung nakikita mong napapariwara—”
“Sa ginagawa mo, doon ka na papunta.” pakli niya sa akin na agad ikinabit ang seatbelt sa akin. “Huwag mo akong paandaran niyang katwiran mong wala sa hulog at hindi makatotohanan!”
“What's wrong with clubbing, Chaeus? Masama ba na magtanggal ng stress after a week?” sagot kong hindi pa rin nagpatalo, tinaliman ang tingin habang umiikot siya patungong driver set.
Maingay na binuhay niya ang makina ng kotse. Bago tuluyan iyong paharurutin paalis ng lugar ay humahangos na dumating si Shanael. Dagnas ang pawis nito, tanggal na rin ang kalasingan.
“Teka lang, Hilary ang mga gamit mo!” anitong malakas na kinatok ang bintana sa may side ko.
Binuksan ni Chaeus ang bintana sa side niya sa halip na sa aking banda. Inilabas niya ang kamay.
“Dito mo sa akin ibigay, huwag diyan sa kanya.”
Nagmamadaling umikot si Shanael upang sundin ang gusto niya. Matapos makuha iyon at ihagis sa kandungan ko ay mabilis niyang pinatakbo ang kotse paalis. Narinig ko pa ang pagngalit ng gulong na parang mawawasak sa sobrang bilis.
“Sobrang bata mo pa, Hilary. Dapat sa mga oras na ito ay nasa bahay ka na. Hindi ako magtataka kung bakit sobrang hinihigpitan ka ng Daddy mo.” turan niyang nasa kalsada nakatingin ang pares ng mga matang madilim pa rin sa oras na ito.
Sa kanyang sinabi ay agad na umusbong ang galit ko. Hindi naman ako magiging ganito kung hindi dahil sa Mom niya. Siya ang may kasalanan nito.
“Wala ka ngang pakialam!” padyak ko ng isang paa, sobrang frustrated sa mga sinasabi niya.
“May pakialam ako dahil ibinilin ka sa akin ng Daddy mo. Kung mapahamak ka, sa tingin mo wala pa rin akong pakialam? Kargo kita, Hilary at responsibilidad.” wika niyang humigpit pa ang hawak na manibela, sa tingin ko ay pigil na pigil niya ang sariling lalong mas magalit. “Kaligtasan mo lang naman ang inaalala ko. Hindi maganda ang mundo sa labas na kagaya ng inaakala mo, Hilary. Puro pa naman kayo mga babae! Alam ba ng parents nila ang mga ginagawa niyo ha?”
Pinili kong itikom ang bibig. Malapit ng umiyak. Ilang sermon pa niya at baka humikbi na ako. Namamasa na rin sa luha ang aking mga mata. Mas matindi pa sa sama ng loob ngayon ang nararamdaman ko kumpara kapag si Daddy ang nakakahuli sa akin at pinapagalitan niya ako. Ganun pala ang pakiramdam kapag ibang tao.
“Hindi rin naman ako magkakaganito kung hindi pinakasalan ng Mommy mo ang Daddy ko...” labas ko ng sama ng loob, gusto kong malaman niya ang ugat kung bakit ako humantong sa ganito.
Unti-unting bumagal ang takbo ng kotse. Hindi ko alam kung nagulat ba siya sa rason ko o matagal na niyang alam. Ngayon niya lang narinig mula sa mismong bibig ko. Kinagat ko ang pang-ibabang labi. Kung hindi ko iyon gagawin ay baka bumuhos na lang bigla ang aking mga luha. Makita niya pa kung gaano ako ka-miserable dahil sa Mom niya.
“Mang-aagaw siya ng atensyon. Kinuha niya na ang lahat sa akin. Kinakampihan siya ni Daddy, mas pinapaburan. Mas marami pa siyang time.”
Pasimple kong pinahid ang ilang butil ng luhang kumawala. Hindi niya dapat makita ang kahinaan ko. Baka mamaya gamitin niya pa ito sa akin eh.
“Buti ikaw agad mong natanggap, paano naman ako? Nalaman ko na lang malapit na silang ikasal. Hindi man lang ako binigyan ng time mag-adjust.”
Hindi ako nagpapaawa sa kanya kung iyon ang iniisip niya. Gusto ko lang malaman niya kung gaano kalalim ng sugat na ginawa sa akin noon. Narinig ko ang pinakawalan niyang ilang malalim na paghinga. Ano? E ‘di natameme siya ngayon.
“Kumain ka na ba?” normal na ang timbre ng boses niya, hindi na gaya iyon kanina na galit. “Pwede tayong mag-take out ng kahit na anong gusto mo. Ano bang gusto mong kainin, Hilary?”
Mabilis ang ginawa kong paglingon sa kanya dahil sa tanong niya. Kung tratuhin niya ako ngayon parang hindi niya ako sinaktan kanina. Siguro ay dahil sa espirito pa rin iyon ng alak kaya ganito ang reaction ko. Hindi naman ako sobrang lasing. Nakakainom, oo. Pero medyo nahulasan na ako.
“Sa tingin mo ba, may gana pa akong kumain pagkatapos ng ginawa mo? Kinaladkad mo ako! Ipinahiya mo ako sa mga kaibigan ko, tukmol!”
“Tukmol? What is tukmol, Hilary?”
Nilinga ko siya pero hindi ko natagalan. Natutop ko ang bibig sabay bawi ng tingin. Baliw na yata ako. Kanina ay sobrang galit na galit ako sa kanya. Ngayon naman ay tawang-tawa na.
“Anong klaseng salita ang tukmol? Bina-bad mouth mo ako sa harapan ng mga kaibigan mo?”
“Huwag mo ng alamin. Hindi ko sa'yo sasabihin.”
Hindi siya nagsalita. Nakita ko na lang na lumiko kami sa isang fastfood para mag-drive thru.
“Bakit ka pa o-order? Hindi nga sabi ako kakain!”
Parang wala siyang narinig. Pi-nush niya pa rin ang pag-order ng pagkain. Habang ginagawa niya iyon ay pinagmasdan ko siya gamit ang gilid ng mata. Mukha naman siyang matino kapag iba ang kausap. At bait-baitan pa ang tukmol sa cashier.
“Ibigay mo sa maid kung hindi mo kakainin.” late na tugon niya na ipinatong pa sa kandungan ko ang brown paper ng in-order na mga pagkain.
Agad nanuot sa butas ng ilong ko ang bango ng burger. Kung hindi lang ako galit, baka kinuha ko na iyon at kinain. Kumakalam na rin ang sikmura ko na ang buong akala ko ay busog na busog na. Marami rin kaming order na finger foods kanina.
Nag-iwas ako ng tingin sa brown paper matapos na lumunok ng laway. Huwag kang bibigay Hilary. Baka isipin ni Chaeus na ito lang ang katapat ng galit mo. Huwag kang magpapadala sa suhol niya.
“You can eat them now—”
“Hindi nga sabi ako kakain!” sigaw ko sabay kuha ng brown paper at ibinato na iyon sa back seat.
Sa inasal ko ay napaawang ang bibig ni Chaeus. Hindi lang iyon. Humalukipkip pa ako para ipakita na hinding-hindi niya ako mapipilit at mauuto.